Bagong Kaayusan Para sa mga Aklatan ng Kingdom Hall
Sa loob ng maraming taon na ngayon, nakinabang ang mga kongregasyon sa buong daigdig mula sa paggamit sa aklatan ng kanilang Kingdom Hall, na dating tinatawag na aklatan ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Noon, itinuturing na mahalagang magkaroon ng sariling aklatan ang bawat kongregasyon. Gayunman, dahil sa maraming Kingdom Hall ngayon ang ginagamit ng mahigit sa isang kongregasyon, na ang ilan ay mga kongregasyon na banyaga ang wika, mas makabubuting magkaroon na lamang ng isang aklatan ng Kingdom Hall na may kumpleto at pinakabagong mga publikasyon para sa bawat grupo ng wika sa bawat Kingdom Hall. Sa mga Kingdom Hall na mahigit sa isa ang bulwagan, bawat bulwagan ay dapat magkaroon ng aklatan para sa bawat grupo ng wika na nagpupulong doon.
Inaasahan na ang kaayusang ito ay makatutulong upang makatipid ng espasyo at gastusin. Karagdagan pa, kung pagsasamahin ang mga aklatan ng dalawa o higit pang kongregasyon, malamang na magkaroon ng mas maiinam na aklatan. Kapag pinagsama ang mga aklatang ito, ang ekstrang mga kopya ng mga aklat ay maaaring itago at gamitin sa dakong huli kapag nagtayo ng bagong mga Kingdom Hall. Kung ang Kingdom Hall ay may computer na may Watchtower Library sa CD-ROM, maaaring masumpungan ng ilan na lubhang kapaki-pakinabang ang kasangkapang ito.
Para sa bawat aklatan ng Kingdom Hall, isang kapatid na lalaki, na kung maaari ay isa sa mga tagapangasiwa ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, ang magsisilbing laybraryan. Dapat na patuloy niyang dagdagan ng angkop na mga publikasyon ang koleksiyon, anupat malinis na minamarkahan ang panloob na pabalat ng bawat aklat upang ipakita na ito ay pag-aari ng aklatan ng Kingdom Hall. Kahit man lamang minsan sa isang taon, dapat niyang suriin kung kumpleto ang mga publikasyon sa aklatan at tiyakin na ang mga publikasyon ay nasa mabuting kondisyon. Ang mga publikasyon sa mga aklatang ito ay hindi dapat ilabas sa Kingdom Hall.
Ang aklatan ng Kingdom Hall ay patuloy na lubos na pinahahalagahan ng lahat ng mga kaugnay sa kongregasyon. Atin nawang ipakita na personal nating pinahahalagahan ang paglalaang ito sa pamamagitan ng pangangalaga rito at ng paggamit dito upang saliksikin ang “mismong kaalaman sa Diyos.”—Kaw. 2:5.