Ang Aklatan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro
1 Hinimok ni apostol Pablo si Timoteo na ‘magsikap siya sa pagbasa, sa pangangaral, at pagtuturo, at sa pagbubulay-bulay sa mga bagay na kaniyang natutuhan, at magsipag sa mga yaon, upang ang kaniyang pagsulong ay mahayag sa lahat.’ (1 Tim. 4:13, 15) Ang isang paraan upang maikapit natin ang payong ito ay sa pamamagitan ng personal na pag-aaral at pagsasaliksik. Ang isang mabuting teokratikong aklatan sa Kingdom Hall ay malaki ang maitutulong sa bagay na ito. Makabubuting magkaroon at gamitin ang sariling aklatan sa bahay. Subali’t ang aklatan ng Paaralang Teokratiko na nasa Kingdom Hall ay maaaring may mga karagdagang reperensiya, lalo na para sa mga baguhan na walang personal na kopya ng mga matatandang publikasyon. Kaya pinasisigla namin ang lahat ng kongregasyon na magkaroon ng isang aklatan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro sa Kingdom Hall.
ANO ANG ILALAKIP
2 Anong mga publikasyon ang dapat na isama sa aklatan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro? Yamang ang layunin nito ay upang tulungan tayo sa pag-aaral ng Bibliya, dapat na taglay nito ang kasalukuyang mga publikasyon ng Samahan at ang iba’t ibang salin ng Bibliya. Gayundin, maaaring maglaan ng isang mabuting talatinigan. Ang Watch Tower Publications Index 1930-1985, na dinisenyo para sa pagsasaliksik at pag-aaral, ay isang mahalagang bagay sa isang mabuting teokratikong aklatan. Gayumpaman, maraming mga Kingdom Hall ang hindi nagtataglay ng lahat ng mga publikasyong binabanggit sa Index. Upang magkaroon ng maraming magagamit na materyal, ang Samahan ay nagpaplanong muling maglimbag ng mga tomo ng The Watchtower para sa mga taon ng 1960 hanggang 1979, sa Ingles lamang. Ito ay magsisilbing isang mainam na karagdagan sa mga aklatan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro na walang mga reperensiyang ito.
3 Ang tagapangasiwa ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ang may pananagutan sa aklatan. Isang ministeryal na lingkod ang maaaring atasan upang tumulong sa kaniya sa pangangalaga nito. Ang tagapangasiwa sa paaralan ay dapat na maging alisto na ang angkop na mga bagong publikasyon ay naidaragdag at na ang mga aklat ay malinaw na minamarkahan upang ipakita na ang mga ito ay pag-aari ng kongregasyon. Ang lahat ay dapat na makipagtulungan sa tagapangasiwa sa paaralan sa pag-iingat na ang aklatan ay masinop at nasa mabuting kaayusan. Kung mayroon kayong mga publikasyong nais na ibigay sa aklatan, kung gayon ay pahiwatigan ang tagapangasiwa ng paaralan sa bagay na ito.
PANATILIHING NASA MABUTING KALAGAYAN
4 Magsasaayos ang tagapangasiwa sa paaralan ng pagsusuri sa pana-panahon upang makita kung ang aklatan ay nasa mabuting kalagayan at kung may anumang pagkukumpuni at pagpapalit na kinakailangang isagawa. Maging malaya sa paggamit sa aklatan bago o pagkatapos ng pulong. Gayumpaman, walang aklat ang dapat na alisin sa Kingdom Hall.
5 Ang aklatan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay nagsisilbi sa isang kapakipakinabang na layunin. Habang sinasamantala natin ang paglalaang ito upang gumawa ng pagsasaliksik, magkakaroon tayo ng kagalakan na masumpungan ang ‘natatagong kayamanan’ ng Salita ng Diyos na nagbibigay ng kaalaman, karunungan, at kaunawaan.—Kaw. 2:4-6.