Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 11/1 p. 28-31
  • Kung Papaano Makagagawa ng Isang Teokratikong Aklatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Papaano Makagagawa ng Isang Teokratikong Aklatan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Isang Aklatan Ay Hindi Isang Luho”
  • Anong mga Aklat ang Kailangan Ko?
  • Gumawa ng Iyong Aklatan!
  • Makatutulong sa Pagpapatibay ng Espirituwalidad ang Isang Teokratikong Aklatan
  • Ang Aklatan ng Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
  • Ano ang Maitutulong sa Atin ng Library ng Kingdom Hall?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1997
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 11/1 p. 28-31

Kung Papaano Makagagawa ng Isang Teokratikong Aklatan

SI Sherezade, isang matalino at munting batang babae na taga-Espanya, ay apat na taóng gulang nang ipaalam ng kaniyang guro sa klase na kukulayan nila ang mga larawan ng “Ama ng Pasko.” Agad-agad, hiniling ni Sherezade na huwag siyang isali. Ipinaliwanag niya na tumututol ang kaniyang budhi na gawin iyon.

Palibhasa’y nabigla sa pagtutol na ito, sinabi sa kaniya ng guro na iyon ay gaya lamang ng pagkukulay sa larawan ng isang manyika at na walang anumang masama roon. Sumagot si Sherezade: “Kung iyon ay isa lamang manyika, pipiliin kong gumuhit mismo ng isang manyika kung papayag kayo.”

Sa isa pang pagkakataon sinabihan ang klase na kulayan ang pambansang bandila. Muli na namang hiniling ni Sherezade kung maaari siyang gumawa ng ibang bagay. Sa layuning magpaliwanag, inilahad niya sa guro ang kasaysayan nina Sadrac, Mesac, at Abednego.​—Daniel 3:1-28.

Hindi nagtagal pagkatapos ay tumawag ang guro sa ina ni Sherezade upang ipahayag ang kaniyang paghanga. “Maraming pagkakataon na ipinakipag-usap sa akin ng inyong anak ang tungkol sa kaniyang budhi,” aniya. “Akalain mo? Isang batang babae sa kaniyang edad ang nagpapaliwanag sa akin kung bakit binabagabag siya ng kaniyang budhi! Buweno, hindi ako sumasang-ayon sa itinuturo ninyo sa kaniya, pero tinitiyak ko sa inyo na nagtatagumpay kayo. At ibig kong malaman ninyo na saludo ako sa inyong anak.”

Papaano nakapagtatamo ang isang apat-na-taong-gulang na batang babae ng isang budhing sinanay sa Bibliya? Ipinaliliwanag ng kaniyang ina, si Marina, na si Sherezade ay may sariling teokratikong aklatan sa kaniyang silid-tulugan. Kasali sa aklatan ang kaniyang personal na mga kopya ng Ang Bantayan, na kaniyang sinasalungguhitan, ang kaniyang literatura para sa pangangaral, at ang lahat ng publikasyon ng Samahang Watchtower na inilabas na mula nang siya’y isilang. Ang paborito niya sa kaniyang aklatan ay ang audiotape na My Book of Bible Stories, na pinakikinggan niya gabi-gabi habang sinusubaybayan iyon sa kaniyang aklat. Ang mga salaysay na ito sa Bibliya ang nagpangyari sa kaniya na gumawa ng mga pasiyang kagaya ng nabanggit sa itaas.

Makatutulong kaya sa inyo at sa inyong mga anak ang isang maayos na teokratikong aklatan? Bakit kailangan ang isang aklatan sa tahanan?

“Ang Isang Aklatan Ay Hindi Isang Luho”

“Ang isang aklatan ay hindi isang luho, kundi isa sa mga kailangan sa buhay,” ang pahayag ni Henry Ward Beecher. Tiyak, halos lahat sa atin ay may isa ng ganitong “mga kailangan sa buhay,” bagaman hindi natin nababatid. Bakit gayon? Sapagkat, kahit Bibliya lamang ang taglay natin, pag-aari natin ang isang matatawag na aklatan.

Ang Bibliya ay talagang isang napakahusay na uri ng teokratikong aklatan. Noong ikaapat na siglo, inimbento ni Jerome ang pariralang Latin na Bibliotheca Divina (Banal na Aklatan) upang ilarawan ang kumpletong koleksiyon ng kinasihang mga aklat na tinatawag nating ang Bibliya. Inilaan sa atin ni Jehova ang sagradong aklatang ito upang magbigay sa atin ng praktikal na tulong, tagubilin, at patnubay. Iyon ay isang bagay na hindi natin dapat ipagwalang-bahala. Ang pagmamay-ari lamang ng buong Bibliya ay nangangahulugan na mayroon tayong isang higit na malawak na aklatan kaysa karamihan ng mga lingkod ng Diyos noong mga panahong nakalipas.

Nang ang mamahaling sulat-kamay na mga manuskrito lamang ang makukuha noon, kakaunti, kung mayroon man, ang pribadong mga tahanan na may isang kompletong Bibliya. Nang maibigan ni Pablo na pag-aralan ang Kasulatan noong kaniyang huling pagkabilanggo sa Roma, kinailangang hilingin niya kay Timoteo na dalhan siya ng ilang balumbon buhat sa Asia Minor​—malamang na mga bahagi ng Hebreong Kasulatan. (2 Timoteo 4:13) Gayunman, ang mga sinagoga ay may isang koleksiyon ng mga balumbon, at kapuwa si Jesu-Kristo at si apostol Pablo ay gumamit ng mga aklatang ito sa kanilang gawaing pangangaral. (Lucas 4:15-17; Gawa 17:1-3) Nakatutuwa naman, ang Kasulatan ay mas madali ngayong makuha kaysa noong unang siglo.

Dahil sa pagkaimbento ng palimbagan, ngayon ay makukuha ng halos lahat ng lingkod ng Diyos​—anuman ang kanilang wika​—ang buong Bibliya sa isang makatuwirang halaga. Mayroon din tayong pambihirang pagkakataon na dagdagan ang sagradong “aklatan” na ito. Sa loob ng halos isang siglo, ang “tapat at maingat na alipin” ay abala sa paglalaan ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon.​—Mateo 24:45-47.

Subalit malamang na hindi tayo makikinabang sa mahalagang impormasyong ito kung hindi tayo magsasaayos ng isang personal na teokratikong aklatan. Papaano magagawa iyan? Sabihin pa, ang unang hakbang ay ang kumuha ng mga aklat na kailangan sa gayong aklatan. Sulit naman ang pagsisikap, yamang pangyayarihin nito na agad nating makuha ang eksaktong impormasyon na kailangan natin upang lutasin ang mga problema at sagutin ang mga tanong sa Bibliya.

Anong mga Aklat ang Kailangan Ko?

Naisip mo na ba kung papaano mo malulutas ang isang suliranin tungkol sa komunikasyon sa inyong pag-aasawa o kung papaano ka makatutulong sa inyong mga anak na makapagsabi ng hindi sa droga? Papaano mo matutulungan ang isang kaibigang nanlulumo? Maipaliliwanag mo ba nang malinaw ang mga ebidensiya na umiiral ang Diyos at kung bakit niya pinahihintulutan ang kasamaan? Ano ang isinasagisag ng kulay-pulang mabangis na hayop sa Apocalipsis kabanata 17?

Ang mga ito at ang marami pang ibang tanong ay masasagot kung ikaw ay may isang sapat na teokratikong aklatan. Ang Samahang Watchtower ay naglathala ng mga aklat, brosyur, at mga artikulo sa magasin na tumatalakay sa napakaraming paksa sa Kasulatan. Bukod dito, ang literaturang ito ay tumatalakay sa mga bagay-bagay tungkol sa pamilya, pinatitibay ang ating pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya, pinangyayaring mapasulong natin ang ating kasanayan sa pangangaral, at tumutulong sa atin na maunawaan ang mga hula sa Bibliya.

Karamihan sa mga publikasyong inilimbag ng Samahan sa nakalipas na 20 taon ay makukuha pa rin. Kung napunta ka sa katotohanan kamakailan lamang, kapaki-pakinabang para sa iyo na kumuha ng gayong mga literatura na mayroon sa inyong wika. Maaaring ang pinabalatang mga tomo ng Ang Bantayan ng nakalipas na mga taon ay makukuha na sa inyong wika. Ang mahahalagang mga reperensiya, tulad ng Insight on the Scriptures at ang Comprehensive Concordance, ay nailathala na rin sa iba’t ibang wika. Gayunman, unang hakbang lamang ang pagkakaroon ng mga aklat na ito.

Gumawa ng Iyong Aklatan!

Ang pagkasumpong sa isang aklat na kailangan ay higit na mahalaga kaysa sa pagkaalam lamang na mayroon ka nito. Kung uubos tayo ng malaking panahon sa paghahanap ng reperensiyang kailangan natin, malamang na mawalan tayo ng interes sa bagay na iyon. Sa kabilang dako, kung maayos ang ating mga aklat, na nasa isang kombeniyenteng lugar, mas mahihilig tayong personal na magsaliksik.

Kung maaari, makatutulong na ilagay sa isang dako ang karamihan sa teokratikong mga aklat. Maaaring gumawa ng mga istante ng aklat, at kadalasan sa napakaliit na halaga, kung hindi natin makakayang bumili ng yari na, at hindi naman malaking espasyo ang kakailanganin ng mga ito. Mahalaga rin na madaling magamit ang aklatan. Ang mga aklat na itinatago sa mga attic ay inaalikabukan lamang.

Ang susunod na hakbang ay ang ayusin ang mga aklat. Ang kaunting panahon na ginugol sa pag-aayos ng mga aklat sa isang mahusay na paraan ay nagdudulot ng mga kapakinabangan.

Papaano kung hindi Saksi ni Jehova ang karamihan sa iyong pamilya? Bagaman hindi mo maisaayos ang isang aklatan ayon sa ibig mo, maaaring magkaroon ka sa iyong sariling silid ng isang istante ng mga aklat na sa papaano man ay may ilang maka-Kasulatang publikasyon.

Makatutulong sa Pagpapatibay ng Espirituwalidad ang Isang Teokratikong Aklatan

Minsang maayos na natin ang mga aklat, kailangan natin ang isang sistema na tutulong sa atin sa paghanap ng impormasyon. Maaaring mahina ang ating memorya, at maaaring hindi tayo personal na pamilyar sa mga nilalaman ng bawat aklat sa ating teokratikong aklatan. Gayunpaman, lahat ng impormasyon sa aklatan ay talagang magagamit. Kung makukuha na iyon sa inyong wika, ang The Watch Tower Publication Index ay tutulong sa atin na hanapin sa maikling panahon ang espesipikong impormasyon sa halos lahat ng paksa.

Si Julián, na naglilingkod sa loob ng maraming taon bilang isang special pioneer at isang matanda, ay nagpapaliwanag na ang Index ay napakahalaga sa pagtuturo sa kaniyang bunsong anak na lalaki upang personal na mag-aral. “Si Jairo, na pitong taóng gulang, ay umuwi buhat sa paaralan noong isang araw at nagtanong sa akin, ‘Daddy, ano ba ang sinasabi ng Samahan tungkol sa mga dinosaur?’ Kinuha namin ang Index at hinanap ang salitang ‘dinosaurs.’ Halos kaagad ay nasumpungan namin ang isang pabalat na serye sa Gumising! tungkol sa paksang iyon. Nang araw ding iyon, sinimulang basahin iyon ni Jairo. Alam na niya na ang aming teokratikong aklatan ay may kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa halos lahat ng paksa. Kung para sa akin, kumbinsido ako na kapag natututo ang aming mga anak na gamiting mainam ang isang teokratikong aklatan, tumutulong iyon sa kanila upang sumulong sa espirituwal na paraan. Natututo silang mangatuwiran, at isa pa, natutuklasan nila na maaaring maging kasiya-siya ang personal na pag-aaral.”

Si Fausto, ang ama ni Sherezade na binanggit sa pasimula, ay naniniwala na dapat kayong magsimula nang maaga sa pagsasanay sa mga anak na gumamit ng isang teokratikong aklatan. “Ipinakikita na namin kay Sherezade, na ngayon ay anim na taóng gulang na, kung papaano gagamitin ang Index,” ang paliwanag niya. “Palibhasa’y nawiwili siya sa pag-asa tungkol sa makalupang Paraiso, kami’y nagsimula sa pamamagitan ng pagpapakita sa kaniya ng salitang “paraiso” sa Index at pagkatapos ay tinitingnan ang mga binanggit na artikulo sa Bantayan. Kadalasan ay ipinakikita lamang namin sa kaniya ang mga larawan. Gayunpaman, natutuhan niya sa ganitong paraan na ang Index ang siyang susi sa paghanap ng impormasyon sa aming aklatan sa tahanan. Alam namin na naunawaan niya ang punto nang isang araw ay umuwi siya buhat sa paaralan taglay ang isang tanong tungkol sa mga pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. ‘Bakit hindi natin tingnan ang Index?’ ang tanong niya sa kaniyang nanay.”

Anuman ang ating edad, hinihimok tayo ng Bibliya na ‘tiyakin ang lahat ng mga bagay; manghawakang mahigpit sa kung ano ang mainam.’ (1 Tesalonica 5:21) Hinihiling nito na suriin natin kung ano ang sinasabi ng Kasulatan. (Gawa 17:11) Kung tayo ay may isang maayos na teokratikong aklatan, isang kaluguran ang gayong pagsasaliksik. Tuwing matagumpay nating gagamitin ang ating aklatan upang maghanda ng isang pahayag, humanap ng praktikal na payo sa paglutas ng isang suliranin, o humanap ng kawili-wiling impormasyon, makikintal sa atin ang praktikal na halaga ng ating aklatan.

Ganito ang ipinahayag ng mga magulang ni Sherezade: “Sa isang sambahayang Kristiyano, talagang hindi isang luho ang isang teokratikong aklatan!”

[Kahon sa pahina 30]

PAPAANO MO AAYUSIN ANG IYONG MGA AKLAT?

Walang mahihigpit na alituntunin kung papaano aayusin ang iyong mga aklat. Gayunpaman, ang sumusunod na mahusay na mga dibisyon ay naglalarawan ng isang paraan na maaari mong ayusin ang iyong mga aklat ayon sa mga nilalaman.

1. Mga aklat na naglalaman ng talata-por-talatang pagsusuri ng ilang bahagi ng Bibliya

(Halimbawa: Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, Apocalipsis​—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, “The Nations Shall Know That I Am Jehovah”​—How?, “Gawin Nawa ang Iyong Kalooban sa Lupa”)

2. Mga aklat na may kaugnayan sa buhay pampamilya

(Halimbawa: Pinaliligaya ang Inyong Buhay Pampamilya, Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya)

3. Mga Bibliya at mga reperensiya

(Halimbawa: New World Translation of the Holy Scriptures​—With References, iba pang mga Bibliya, mga Watch Tower Publications Index, Comprehensive Concordance, Insight on the Scriptures, The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, isang mahusay na diksiyunaryo)

4. Mga aklat na kasalukuyang ginagamit para sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro

5. Mga audiocassette at mga video

6. Pinabalatang mga Tomo ng Ang Bantayan at Gumising!

7. Kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova

(Halimbawa: mga Yearbook of Jehovah’s Witnesses, Mga Saksi ni Jehova​—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos)

8. Mga aklat at mga brosyur na regular nating ginagamit sa ating ministeryo

(Halimbawa: Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, Life​—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, Nagkakaisa sa Pagsamba ng Tanging Tunay na Diyos)

[Larawan sa pahina 31]

Si Sherezade ay isa nang mahusay na estudyante ng Bibliya

[Larawan sa pahina 31]

Bagaman nasa kabataan, ang batang lalaking ito ay gumagamit ng isang teokratikong aklatan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share