Ang Pangmalas ng Bibliya
Homoseksuwalidad—Ano ang Tungkulin ng Klero?
NASUSUMPUNGAN ng mga homoseksuwal na taimtim na nagnanais maglingkod sa Diyos ang kanilang mga sarili na nasa alanganin. Gaya ng sabi ng isa: “Kung ikaw ay nakapangako na sa simbahan at natuklasan mo na ikaw rin ay isang bakla, anong tunay na mga mapagpipilian mayroon ka?”
Upang malaman kung ano ang kahilingan upang makalugod sa Diyos, maraming homoseksuwal ang makatuwirang bumaling sa kanilang mga klerigo. Ang mga “tao bang ito na nakasutana” ay nagbibigay ng tamang patnubay? Ano ang kanilang tungkulin sa pamayanang homoseksuwal? Ano ang kanilang pangunahing tungkulin sa lahat ng tao?
Ang mga Saserdote ay Inuubligang Itaguyod ang mga Pamantayan ng Diyos
Maliwanag ang pagkakasabi ng Bibliya nang sabihin nito ang tungkol sa sinaunang mga saserdote na sila’y “hinirang alang-alang sa mga tao tungkol sa mga bagay na nauukol sa Diyos.” (Hebreo 5:1) Nang si Abraham noong unang panahon ay naglingkod sa kaniyang pamilya sa ganitong paraan, tinulungan niya silang “ingatan ang daan ni Jehova.”—Genesis 18:19.
Sa gayunding paraan, ang pagkasaserdote sa sinaunang Israel ay gumanap ng mahalagang bahagi sa pagtataguyod ng mga pamantayan ng Diyos. Tungkulin ng mga saserdote na tulungan ang bansa na “patuloy na maging bayan ni Jehova.” (2 Cronica 23:16) Ngayon, gaya noon, ang mga kinatawan ng Diyos ay obligadong tulungan ang kani-kanilang kawan upang ‘magpatuloy na maging bayan ng Diyos’ at ‘ingatan ang daan ng Diyos.’
Upang gawin ito, kailangang ituro nila sa kawan ang Salita ng Diyos. (Malakias 2:7) Ang mga klero ba ay napatunayang ‘mga mensahero ng Diyos,’ na tinutulungan ang mga tao na ‘ingatan ang daan ng Diyos’? Karaniwan nang hindi. At ito’y lalo nang makikita sa isyu ng homoseksuwalidad.
Huwad na mga Mensahero, Mapanganib na Patnubay
Tapatan, hinahatulan ng Bibliya ang homoseksuwalidad. Gaano man karaming hocus-pocus ang sabihin ay hindi makapagpapaalis sa mga kasulatan na gaya ng Levitico 18:22 at Roma 1:26, 27. (Tingnan ang kahon.) Subalit palibhasa’y pumapanig sa kasalukuyang kausuhan laban sa Bibliya, ganito ang sabi ng isang paring Jesuita tungkol sa homoseksuwal na mga kaugnayan: “Ito lamang ang tanging posibleng lunas para sa maraming tao na mamuhay ng isang maligaya at makabuluhang buhay.” Kasuwato ng pag-iisip na ito, tinatawag ng isang obispong Episcopal ang homoseksuwalidad na “isang bagay na hindi masupil [ng mga homoseksuwal].” Subalit binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa ilang dating mga homoseksuwal noong unang siglo: “At ganiyan ang ilan sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis.”—1 Corinto 6:9-11.
Idinadahilan ng iba ang pagsalungat nila sa mga pamantayan ng Bibliya salig sa pag-ibig. Sabi ng isang pari: “Ang pag-ibig, lalo na ang pag-ibig sa tagalabas at sa itinakwil, ang mahalagang pagsubok sa ating espirituwal na buhay.” Pagkatapos siya’y naghinuha, “Ang homoseksuwalidad ay hindi magiging isang isyu kay Kristo. Ang magiging isyu sa kaniya ay: Anuman sila, ang mga tao bang ito ay namumuhay sa isang tunay na maibiging paraan?”
Subalit hindi ipinagkakamali ng Bibliya ang pag-ibig sa pagiging sentimental. Ang maka-Diyos na pag-ibig ay tinitimbangan ng katarungan at kasama rito ang pagkapoot sa kasamaan. Mapuwersang ipinapayo ng Bibliya, “Oh kayong nagsisiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama.” (Awit 97:10) Kasali rin sa tunay na pag-ibig ang disiplina, sapagkat “ang iniibig ni Jehova ay kaniyang dinidisiplina.” (Hebreo 12:6) Kaya nga, ang mga ministro ay inuubligang “kapuwa makapagpayo sa pamamagitan ng magaling na aral at masaway niya ang mga sumasalungat.” (Tito 1:9) At tandaan ito: Kapag matapat na isinasagawa ng sinaunang saserdote ang kaniyang mga tungkulin, “marami ang nailayo niya sa kasamaan.”—Malakias 2:5, 6.
Sinisiraan ang mga Pamantayan ng Bibliya
Ngunit sa pangkalahatan, ang mga klero sa ngayon ay parang mapagpalayaw na mga magulang: natatakot paluin ang kanilang mga anak sapagkat ‘iyan ay hindi maibigin.’ Kaya sa loob ng maraming taon siniraan ng mga klero ang mga pamantayan ng Bibliya. Ang resulta? “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya’t ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nagagalak sa paggawa ng kasamaan.” (Eclesiastes 8:11) Halimbawa, kahit na ang opisyal na paninindigan ng Iglesya Katolika ay laban sa homoseksuwal na mga kaugnayan, ipinakikita ng isang surbey na 55 porsiyento ng lahat ng Katoliko sa E.U. ay naniniwala na ang isa na nagsasagawa ng homoseksuwal na mga kaugnayan ay maaari pa ring maging isang mabuting Katoliko.
Ganiyan din ang nangyari sa sinaunang mga Israelita nang hindi itaguyod ng mga saserdote ang mga pamantayan ng Diyos. Sabi niya sa kanila: “Sila’y nagsilayo sa akin . . . Hindi man nila sinabi, ‘Nasaan si Jehova?’” At bakit? Sapagkat “ang mga saserdote mismo ay hindi nagsabi, ‘Nasaan si Jehova?’ At silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin.” (Jeremias 2:5-8) Ang propeta Zefanias ay nagsabi: “Ang di-matuwid ay hindi nakakaalam ng kahihiyan” sapagkat “nilapastangan ng mga saserdote mismo kung ano ang banal; sila’y nagsigawa ng karahasan sa kautusan.”—Zefanias 3:1-5.
“Itakwil ang Kalikuan”
Ang mga homoseksuwal na nais maglingkod sa Diyos ay dapat maglingkod sa Diyos ayon sa kaniyang mga kahilingan—mga kahilingan na malinaw na isinasaad sa Bibliya. Ngayon, gaya noong unang siglo, may mga homoseksuwal na natulungang ‘patayin ang kanilang mga sangkap ng katawan kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, at pagkagahaman sa sekso.’ (Colosas 3:5) Ipagpalagay na, ito ay hindi naging madali para sa ilan, subalit natutuhan nilang patayin ang kanilang imoral na mga pita kung paanong pinatay rin ng maraming heteroseksuwal ang kanilang maling mga pita sa hindi kasekso. Ang dalawang grupong ito ay natulungan ng regular na pakikisama sa tunay na kongregasyong Kristiyano, na maaaring sumuporta sa kanila sa kanilang tunguhin na ‘itakwil ang kalikuan at makasanlibutang mga pita at mamuhay na may katuwiran at maka-Diyos na debosyon.’—Tito 2:12.
Ang mga klerigo na binabantuan ang mga pamantayan ng Bibliya at kinukunsinti ang kasalanan ay hindi nakatutulong sa mga homoseksuwal. Maaaring sila’y ‘nakakakiliti ng tainga,’ subalit sila’y hindi namumuhay ayon sa kanilang obligasyon na “ipangaral ang salita.” Ito ang kanilang tungkulin sa mga homoseksuwal—at sa lahat ng tao.—2 Timoteo 4:1-5.
[Kahon sa pahina 13]
“Huwag kang sisiping sa lalaki na gaya sa babae. Ito ay karumal-dumal na bagay.”—Levitico 18:22
“Dahil dito’y ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita ng sekso, sapagkat binago kapuwa ng kanilang mga babae ang likas na kagamitan nila tungo sa isang laban sa kalikasan; at gayundin iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapat-dapat sa kanilang kamalian.”—Roma 1:26, 27