Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 9/22 p. 8-11
  • Natapong Langis—Ang Ginawa Nito sa mga Hayop

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natapong Langis—Ang Ginawa Nito sa mga Hayop
  • Gumising!—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Natapong Langis—Hindi Ito Mangyayari Rito
    Gumising!—1989
  • Natapong Langis—Ang Ginawa Nito sa mga Tao
    Gumising!—1989
  • Kung Saan Lumilipad ang mga Lawin Para sa Makakaing Isda
    Gumising!—1995
  • Magkasalungat na mga Ulat Tungkol sa Natapong Langis ng Exxon
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 9/22 p. 8-11

Natapong Langis​—Ang Ginawa Nito sa mga Hayop

ANG ibinayad ng natapong langis sa maiilap na hayop sa unang ilang buwan ay kalunus-lunos. Isang pantanging balita sa The New York Times mula sa Alaska ay nagsasabi: “Ang mga namatay ay maliwanag na buhat sa mga isla na malapit sa Valdez, kung saan libu-libong seal ang ngayo’y nanganganak ng mga tuta sa maruming mga dalampasigan, hanggang sa dulo ng Katmai National Park sa peninsula ng Alaska mga 500 kilometro timog-kanluran dito, kung saan ang mga kalbong agila, kayumangging mga oso at mga sea lion ay nakikipunyagi sa isang nakalalasong tirahan. Sa paano man kabilang sa ekolohikal na bayad ng natapong langis ang mahigit na 20,000 mga ibon ng 30 uri, 700 sea otter ng Pasipiko at 20 mga kalbong agila.” Ang aktuwal na bilang ay maaaring limang beses na mas mataas, sang-ayon sa mga biyologong gumagawa ng talaan. Karamihan ng mga biktima ay hinding-hindi nasumpungan.

Ang Katmai National Park ang may pinakamaraming kayumangging oso sa daigdig. Ang mga opisyal ay nag-aalala tungkol sa pagkalalaking mga hayop na ito, ang ilan ay tatlong metro ang taas at tumitimbang ng 540 kilo. Sila ay gumagala-gala sa mga dalampasigan na kinakain ang mga ibon at isda na naapektuhan ng natapong langis. “Ano kaya ang mangyari sa mga hayop na ito habang ang langis ay napupunta sa kanilang pagkain?” tanong ng mga opisyal. Ang mga agila na kumakain ng patay na isda at ibon ay namamatay. Inaasahan nila ang kamatayan sa gitna ng mga oso “habang ang nakalalasong langis ay dumarami sa kanilang mga sistema.”

Gayundin ang ikinababalisa sa Kenai Fjords National Park, kung saan 90 porsiyento ng 390-kilometro ng baybayin nito sa silangan ay hinampas ng langis. Isang biyologo ng estado na naatasan dito ay nagsabi: “Nakakasumpong pa rin ako ngayon ng patay na mga sea otter sa dalampasigan. Kinakain ito ng mga kalbong agila, kaya nasusumpungan ko rin ang patay na mga kalbong agila. Narito ako na isang siyentipiko na may Ph.D. at habang pinagmamasdan ko ang mga ibong ito na naapektuhan ng natapong langis na sinisikap lumipad ako’y naiiyak.”

Daan-daan pang iba ang maaaring umiyak at libu-libo pa ang naiiyak. Mga tao na nagmamalasakit na linisin ang langis mula sa mga ibon at mga otter, na marami rito ay namamatay rin. Ito’y isang nakasasakit-pusong gawain para roon sa mga may kaugnayan sa pag-iingat ng buhay ng mga maiilap na hayop.

Ang bilang ng mga sea otter sa Prince William Sound ay tinatayang mula sa 10,000 hanggang 15,000. Ikinatakot ng isang biyologo ang kanilang ganap na pagkalipol. Ang isa pa ay sumasang-ayon na ito “ay lubusang malilipol.” Ang mga tantiyang ito ay maaaring labis na pesimistiko; ang tantiya ng iba na pagkalipol ng sangkatlong bahagi ay masama na nga. Sa ibang lugar na hindi pa naaapektuhan ng langis, napakaraming otter; sa mga lugar na nadumhan ng langis, iilan-ilan ang nakikita. Ang totoo ay, walang nakakaalam kung ilang libo ang namatay. Kapag ang mga sea otter ay namamatay dahil sa natapong langis, sila’y lumulubog sa ilalim. Hindi maaaring bilangin, mga tantiya lamang batay sa nakikitang pagkaunti ng kanilang bilang.

Ang karamihan ng mga tao ay nahahabag sa kamatayan ng libu-libong mga ibon at mga hayop na naapektuhan ng natapong langis subalit bihira nilang naiisip ang maliliit at ang ubod ng liit na mga biktima na milyun-milyon ang bilang, milyun-milyon ng milyun-milyon pa nga. Ang mga ito man ay mahalaga at hindi kinalilimutan ng kanilang Maylikha. “Anong pagkasarisari ng iyong mga gawa, Oh Jehova! Ginawa mo itong lahat sa iyong karunungan. Ang lupa ay punô ng iyong kayamanan. Kung tungkol sa dagat na ito na napakalaki at maluwang, nandoon ang di mabilang na gumagalaw na mga bagay, buháy na mga nilalang, ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.”​—Awit 104:24, 25.

Ang mga latak ng langis na naghihiwa-hiwalay sa tubig ay sa wakas lumulubog sa ilalim. Doon ay nilalason nito ang pagkaliliit na mga organismo, mga halamang-dagat, ang pasimula ng kawing ng pagkain para sa sarisaring uri ng maiilap na hayop. Sa gayon ang nakalalasong mga kemikal ay umaakyat sa hagdan ng buhay, hanggang sa wakas ay umabot ito sa tao mismo.

Ang tao ay hindi nasa ibabaw ng lahat ng ito. Siya ay bahagi nito, at siya ang may pananagutan dito. Ito’y isang pananagutan ng ibinigay sa kaniya ng Diyos, ang kaniyang Maylikha. “Inilalagay kitang tagapamahala ng mga isda, ng mga ibon, at ng lahat ng maiilap na hayop,” sabi ni Jehova sa unang tao. Ang tao ay ginawa sa larawan ng Diyos, taglay ang mga katangian ng Diyos​—karunungan, kapangyarihan, katarungan, pag-ibig. Ang mga katangiang ito ay inilagay sa kaniya upang maibiging pamahalaan niya ang lupa at ang mga halaman at hayop nito. Ang lupa at ang kapunuan nito ay inilagay sa kaniyang pamamahala, hindi upang pagsamantalahan at ipahamak, kundi upang pangalagaan at bantayan. (Genesis 1:26-28; 2:15, Today’s English Version) Ang Diyos na Jehova ay may malasakit sa kaniyang mga nilikha. Tayo ba ay nagmamalasakit din? Dapat, sapagkat sinabi niya na kaniyang “ipapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

Pagmamalasakit ng Diyos sa mga Hayop

Ang Diyos ay nababahala:

“Ang mga maya . . . kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.”​—Mateo 10:29.

Siya’y humihiling ng konsiderasyon:

‘Anim na araw na gawin mo ang iyong gawain, sa ikapitong araw ay magpapahinga ka, upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga.’​—Exodo 23:12.

“Huwag mong bubusalán ang baka pagka gumigiik.”​—Deuteronomio 25:4.

“Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno na magkatuwang.”​—Deuteronomio 22:10.

“Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo na nakalugmok sa ilalim ng kaniyang pasan, . . . ay walang pagsalang iyong pakakawalan.”​—Exodo 23:5.

“Sino kaya sa inyo, na kung . . . ang kaniyang baka ay mahulog sa balon, ang pagdaka’y hindi kukunin kahit araw ng sabbath?”​—Lucas 14:5.

Siya’y naglalaan para sa kaligtasan ng mga uri ng buhay:

“Kung ang isang pugad ng ibon ay magkataong masumpungan mo . . . , huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay.”​—Deuteronomio 22:6.

Siya’y nagbibigay ng pagkain:

“Ang bunga sa sabbath ng lupain ay magiging pagkain sa inyo, . . . at sa mga hayop na nasa iyong lupain.”​—Levitico 25:6, 7.

“Iyong binubuksan ang iyong kamay​—sila’y nabubusog ng mabubuting bagay.”​—Awit 104:28.

“Masdan ninyong mabuti ang mga ibon sa langit, . . . sila’y pinakakain ng inyong makalangit na Ama.”​—Mateo 6:26.

Binibigyan niya sila ng karunungang kailangan para sa kaligtasan:

“Sila ay mga pantas: . . . Nag-iimbak sila ng pagkain sa tag-init.”​—Kawikaan 30:24, 25.

Siya’y humihiling ng pagpapakita ng angkop na paggalang:

“Huwag mong lulutuin ang batang kambing sa gatas ng kaniyang ina.”​—Exodo 23:19.

[Credit Line]

Anchorage Times photo/Al Grillo

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Dulong kaliwa: Batang harbor seal, tatlong araw na gulang

Kaliwa: Dilaw-tuka na loon

[Credit Line]

Anchorage Times photo/Al Grillo

Ibaba: Sea lions

Prince William Sound

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share