Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g89 9/22 p. 11-13
  • Natapong Langis—Ang Ginawa Nito sa mga Tao

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Natapong Langis—Ang Ginawa Nito sa mga Tao
  • Gumising!—1989
  • Kaparehong Materyal
  • Magkasalungat na mga Ulat Tungkol sa Natapong Langis ng Exxon
    Gumising!—1994
  • Natapong Langis—Hindi Ito Mangyayari Rito
    Gumising!—1989
  • Hindi Karaniwang Basura!
    Gumising!—1992
  • Ang Kabayaran ng Pagsisikap na Gumawa Nang Labis-Labis
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1989
g89 9/22 p. 11-13

Natapong Langis​—Ang Ginawa Nito sa mga Tao

ANG Valdez ay nakaranas ng biglang pagdami ng populasyon sapol nang matapon ang langis noong Marso 24, 1989. Ang populasyon ng bayan ay dumami mula sa 2,800 hanggang sa mahigit 10,000. Ang Exxon ay umupa ng libu-libong manggagawa na may mataas na pasahod upang linisin ang pinsala sa kapaligiran dahil sa natapong langis. Ang pagdagsa ng libu-libo ay nagdala ng kaguluhan sa lipunan at kabuhayan na hindi madaling matanggap ng permanenteng mga residente ng dating tahimik na munting bayan na ito.

Itinatampok ni Pete Wuerpel, direktor ng emergency communications for Alaska, ang ilan sa mga pagbabago na dala ng pagdagsa ng tao na naghahanap ng trabahong may malaking kita. Ganito ang sabi ni Wuerpel sa isang panayam:

“Ang pangmatagalang epekto sa Valdez ay malamang na mas grabe kaysa maaaring tantiyahin ngayon. Ang biglang pagdagsa ng mga tao sa Valdez ay lubhang nagpahirap sa mga pasilidad nito. Sa loob ng pitong linggo pagkatapos matapon ang langis, ang kompaniya ng telepono ay nagdagdag ng mula 60 hanggang sa mahigit na 170 linya. Ang mga imburnal, kuryente, daungan ng maliliit-na-bapor, basurahan ng lungsod, sistema ng kalsada sa lungsod​—walang isa man ang idinisenyo upang matugunan ang kasalukuyang pangangailangan. Noong Abril, ang mga sasakyan ay dumami mula sa 3,000 tungo sa 9,600. Ang dami ng umaalis at dumarating na eruplano sa paliparan, karaniwan nang 20 sa isang araw, ay umabot ng pinakamataas na bilang na mahigit 680. Ang epekto ay tiyak na hindi kapani-paniwala sa kakayahan ng bayan na sustinihan ito.

“Ang krisis na dala ng pagputok ng populasyon ay natabunan ng pagdiriin sa natapong langis at nadumhang mga dalampasigan, patay na mga ibon at mga sea otter, nanganganib na mga pisaan ng itlog at kalugihan sa talabahan. Ang kabuhayan ay nagulo, ang mga timbangan ng pasuweldo ay nawalan ng timbang, ang mga negosyo ay nakikipagpunyagi upang makasumpong ng maaasahang tulong. Ang tumataas na halaga ng bilihin ay nagpahirap sa bulsa niyaong may takdang kita.

“Isa man dito ay walang layong pasamain ang mga kalamidad ng natapong langis kundi upang ilagay sa mas mabuting hinaharap ang buong kalunus-lunos na pangyayari at ang epekto nito sa mga tao. Sa palagay ko ang kaguluhan sa buhay ng mga residente ng Valdez ay natabunan ng mas madulang publisidad na ibinigay sa pagkalipol ng libu-libong mga ibon at mga hayop.”

Ang ilang matagal nang mga residente sa Valdez ay kinapanayam. Paano ba sila naapektuhan ng pagdaming ito ng tao sa kanilang bayan?

Isang empleado sa kompaniya ng telepono ay nagsabi ng kaniyang palagay, gaya ng sumusunod:

“Dalawang buwan na ngayon pagkaraang matapon ang langis, at ganap ang kaguluhan sa Valdez. Libu-libo pa rin ang nagdadagsaan upang makakuha ng malalaking-kita na mga trabaho. Lahat ng uri ng tao. Ang ilan ay pinaghahanap ng batas, at sila’y nahuhuli. Ang mga patutot ay nagdatingan upang isagawa ang kanilang kalakal. Hindi na malayang nagagawa ng mga bata ang dating nagagawa nila noon sa bayan. Sila’y maingat na binabantayan ng kanilang mga magulang, at dapat lang na sila’y bantayan. Ang ilang mga bata ay napababayaan, ang ama’t ina ay nagtatrabaho ng mahabang oras sa Exxon. Ang pagkahibang sa pera ay nakaapekto sa marami.

“Ang mga presyo ay nagtaasan. Ito’y dumoble sa magdamag, at sa loob lamang ng isang linggo, ito’y dumoble muli. Naghahanap ka ba ng bahay na mauupahan? Makakakuha ka ng $500 isang gabi. Ang ilang mga kuwarto ay halos gayon kamahal. Maaari ka pa ngang umupa ng lugar para sa isang higaan. Ang mga upa sa bahay ay $5,000 o $6,000 isang buwan​—binanggit pa nga ng isang report ang $13,000 para sa isang bahay. Ang mga kotse ay maaaring arkilahin ng $250 isang araw.

“Ang mga sahod na ibinabayad ng Exxon ay tumaas na lubha. Ang mga negosyo ay hindi makakompitensiya. Ang kanilang mga empleado ay nagbitiw upang magtrabaho sa Exxon. Ang mga bagong manggagawa ay nananatiling sandali, pagkatapos sila man ay nagtatrabaho sa natapong langis. Napakahirap nito sa mga restauran. Bukás sila sa loob ng 24 oras isang araw, naglilingkod sa libu-libo, at ang ilan ay kailangang magpalit ng mga manggagawa apat o limang beses sa nakaraang dalawang buwan​—nawawala nila ang kanilang mga manggagawa sa napakataas na orasang sahod ng Exxon. Kalahati ng mga empleado sa ospital ay nagbitiw.”

Ang pang-akit ng lahat ng salaping ito​—napakadaling unawain ang tukso para sa isa na kapos sa pera at maraming utang! Napakadaling mangatuwiran, ‘Bueno, maaari akong magtrabaho kung Linggo at kumita ng $30 o $50 isang oras, magtrabaho ako ng 12 oras, at dobleng sahod pa sapagkat Linggo. Mababayaran ko na ang kotse, mababayaran ko na ang lahat ng aking utang’! Subalit napababayaan mo rin ang iyong pamilya, at ang espirituwal na mga pamantayan ay maaari ring maglaho. ‘Subalit sa sandaling panahon lang naman ito, pansamantala lang, upang makatayo ako sa aking sariling paa!’ sasabihin mo sa iyong sarili. Marahil nga, marahil hindi.

Mas nagbabanta pa ng masama ang ilang mga damdaming inilalabas dahil sa kabiguan. Isang tao ang nagsabi:

“Itinuon ng marami ang kanilang galit sa Exxon, at lumilitaw ang sukdulang mga ugali. Nasisira ang sistema ng pagpapahalaga, isang pagpilipit nito. May mga tao na dahil sa kanilang kabiguan at galit ay gumagawi sa paraan na normal na kasuklam-suklam sa kanila. Galit sila sa kung ano ang ginawa ng natapong langis sa magandang Prince William Sound at sa libu-libong mga ibon, otter, seal, at iba pang maiilap na hayop na malaon na nilang ipinagmamalaki.

“Ang gayong galit ay umakay sa iba na itaboy ang mga kotse ng Alyeska sa daan. Nagkaroon ng mga pagbabanta na magpapasabog ng bomba. Nagkaroon pa nga ng pagbabanta sa Valdez laban sa buhay ng presidente ng Exxon. Daan-daang karagdagang pulis panseguridad ay inupahan.”

Isang substitute na guro ang nagsabi:

“Maraming bata ang nagtutungo sa paaralan sa ganang sarili. May alam akong limang-taóng-gulang sa kindergarten na bumabangon at inaasikaso ang kaniyang sarili sa umaga sapagkat ang kaniyang nanay at tatay ay umalis na mas maaga upang magtrabaho sa natapong langis. Siya’y nag-aalmusal, pumapasok sa paaralan, umuuwi ng bahay, naghahapunan, at siya lamang sa bahay hanggang sa umuwi ang kaniyang mga magulang ng alas nuwebe o alas diyes ng gabi. Ano ang ginagawa nito sa kaniya, ano ang sinasabi nito sa kaniya? Binulag ng salapi ang ilang mga magulang, at ang kanilang mga anak ang nagdurusa. Ang mga bata sa paaralan ay napakaigting upang mag-aral. Hindi sila pinipilit ng mga guro kundi binabasahan sila ng mga kuwento, pinaglalaro sila.”

Nasusumpungan naman ng isang maybahay ang kawalang-galang at galit:

“Ang pagsisiksikan ay nakadaragdag ng kaigtingan at kabiguan, na nagbubukas ng pinto sa galit at silakbo ng galit. Kapag ang suplay ay limitado, ang ilang mga babaing namimili ng kanilang groseri ay inaagawan ng kanilang tinapay o gatas. Sa mga restauran ang mga dumating ng huli ay nakikipagtulakan at inaagaw ang mesa ng iba na naghintay ng isang oras.”

Ipinahahayag ng taong ito ang kaniyang pagkabalisa sa kung ano ang nangyayari sa mga tao:

“Ang epekto sa dakong iyon ay lubhang grabe sa bagay na ang populasyon ay halos triple ang idinami. Dumami ito mula sa isang bayan ng halos 2,800 katao tungo sa mahigit na 9,000 katao. May problema sa pagkuha ng mga panustos at sa basta pagparoo’t parito sa bayan. Ang trapiko sa maliit na bayang ito ay nakaragdag pa sa pagsisiksikan na gumagawa sa basta pagkilus-kilos na isang pinagmumulan ng kabiguan at kaigtingan.

“Ang mga pagkakataon sa trabaho ay biglang nagbago. Mahirap panatilihing timbang ang iyong mga prayoridad dahil sa mga alok ng trabaho na nagbabayad mula $20 hanggang $50 isang oras. Isang hamon na huwag hayaang mangibabaw ang materyalismo sa mga pananagutan sa pamilya at sa espirituwal na mga pagpapahalaga. Kami ng misis ko ay tumanggap ng maraming tawag sa telepono mula sa mga kaibigan sa states na kasinlayo ng Florida at New York hanggang sa Texas at sa Oregon. Itinawag nila ang tungkol sa mga pagkakataon para sa trabaho rito.

“Alam naming mahirap ang kabuhayan saanman sa panahong ito, subalit inirekomenda namin na huwag silang pumarito. Sila’y mga Saksi ni Jehova, gaya namin, at sinikap naming panatilihing pangunahin sa aming buhay ang espirituwal na bagay, pagdalo sa mga pulong at pagsasabi sa iba tungkol sa Kaharian ng Diyos. Inaakala naming iyan din ang pinakamabuti sa kanila, at hindi madaling gawin ito sa ilalim ng kasalukuyang maigting na mga kalagayan sa Valdez. Sinusugpô ng materyalismo ang espirituwalidad, at palasak ito rito.

“Anong pagkatotoo nga ng mga salita sa Bibliya sa 1 Timoteo 6:10: ‘Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba ay naihiwalay sa pananampalataya at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.’”

Ang mga panayam na ito ay ginawa dalawang buwan pagkatapos matapon ang langis. Inihula na ang paglilinis sa kapaligiran ay matatapos sa panahong ito​—Setyembre 15 ang inaasahang petsa. Kapag natapos ang gawaing paglilinis sa natapong langis at kapag ang libu-libong trabaho ay tapos na at kapag ang pagbaha ng mga dolyar ay matuyo na, ang malaon nang mga residente na iningatan ang kanilang espirituwal na pagpapahalaga sa buong panahong ito ay makagagawa ng kinakailangang mga pagbabago.

Ngunit malamang na mga taon pa bago ang Valdez ay hindi na muling maging isang tahimik na munting nayon na gaya nang dati.

[Blurb sa pahina 12]

“Ganap ang kaguluhan sa Valdez”

[Blurb sa pahina 12]

Mga banta ng karahasan

[Blurb sa pahina 13]

‘Pag-ibig sa salapi, ugat ng kasamaan’

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share