Ang Kabayaran ng Pagsisikap na Gumawa Nang Labis-Labis
NAHUHUMALING SA BILIS AT KAALWANAN ANG KANLURANING DAIGDIG SA NGAYON.
NAKATITIPID ng panahon sa kusina ang mga makinang panghugas ng pinggan. Ganoon din ang nagagawa ng mga washing machine pagdating sa paglalaba. Milyun-milyong tao pa nga ang hindi na kailangang umalis pa sa bahay upang mamili at magpunta sa bangko—binubuksan na lamang nila ang kanilang computer at ginagamit ang Internet.
Oo, ang daigdig, sa isang antas, ay punung-puno ng lahat ng uri ng kagamitang nakatitipid ng panahon at trabaho. Kaya iisipin mo na ang mga tao ay magkakaroon ng maraming panahon na magugugol para sa kanilang mga pamilya at para sa paglilibang. Gayunman, napakadalas na sinasabi ng marami na sila ay mas pagod at mas maigting nang higit kailanman. Marami at masalimuot ang mga dahilan.
Ang mga panggigipit sa kabuhayan ang isa sa mga pangunahing dahilan. Sinuri ng The Australian Centre for Industrial Relations Research and Training ang bilang ng oras na ginugugol ng mga tao sa trabaho sa bansang iyon at nasumpungan na “ang malaking bilang nito ay regular na nagtatrabaho nang mahigit sa 49 na oras sa bawat linggo” at na “ang ganitong mga pagdami ng oras sa pagtatrabaho ay malamang na may malaki at negatibong epekto sa buhay na pampamilya at pangkomunidad.” Pinipili ng maraming manggagawa na manirahan sa mas luntian at mas tahimik na mga lugar sa dakong labas ng siyudad. Nangangahulugan iyan ng paggugol ng maraming oras bawat linggo—o bawat araw pa nga—sa pagsakay sa nagsisiksikang mga tren at mga bus o sa matrapik na mga kalsada. Bilang resulta, dinaragdagan nito ang haba ng araw ng trabaho at ang mga tensiyon na kaakibat nito.
Ikaw ba ay Kulang sa Tulog?
Dahil sa naging lubhang palasak ang mga problema sa pagtulog nitong kalilipas na mga taon, maraming mga klinika hinggil sa pagtulog ang nagbukas sa maraming bahagi ng daigdig. Natuklasan ng mga mananaliksik na kapag ang mga tao ay palaging hindi nakakakuha ng sapat na tulog, naiipon nila ang kakulangan sa tulog. Sabihin pa, nais ng kanilang katawan na masapatan ang kakulangan na ito at sinisikap na matamo ito sa pamamagitan ng pagpapadama sa kanila na sila ay pagod. Ngunit dahil sa istilo ng pamumuhay sa ngayon na kulang sa tulog, namamalagi ang pagkapagod ng maraming tao.
Sa isang Kanluraning lupain, bumaba ang oras ng pagtulog nang 20 porsiyento sa nakalipas na siglo, mula sa pangkalahatan na siyam na oras bawat gabi tungo sa pito na lamang. Nakapagtipon ng ebidensiya ang mga mananaliksik na ang kakulangan sa tulog ay nagdudulot ng mga problema sa pagkatuto at memorya, pinsala sa kakayahang kumilos, at ng isang huminang pandepensa sa sakit. Natuklasan mismo ng karamihan sa atin na ang isang pagod na isip ay madali ring magkamali. Nakalulungkot, ang mga pagkakamaling ito ay maaaring magkaroon ng kapuwa malubha at malaking epekto.
Ang Malaking Kabayaran ng Pagkahapo
Ang pagkahapo na bunga ng mahahabang oras ng pagtatrabaho at pagbabawas sa mga tauhan ay sinasabing naging dahilan ng ilan sa pinakamalulubhang sakuna ng huling bahagi ng ika-20 siglo. Ang ilan sa mga ito ay ang nuklear na sakuna sa Chernobyl, Ukraine; ang pagsabog ng space shuttle na Challenger; at ang pagkatapon ng langis nang ang barkong Exxon Valdez ay bumangga sa isang bahura (reef) sa Prince William Sound, Alaska.
Ang pagsabog sa Chernobyl ay naganap habang may pantanging pagsubok na isinasagawa sa planta ng kuryente. Sa kaniyang aklat na The 24-Hour Society, sinabi ni Martin Moore-Ede na ang pagsubok “ay isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng isang pangkat ng mga pagod na mga electrical engineer na nagtrabaho sa planta nang di-kukulangin sa labintatlong oras, at malamang na mas matagal pa rito dahil sa sampung oras na pagkaantala sa pagkuha ng permiso na magsimula.” Anuman ang nangyari, ayon sa isang pagsusuri kamakailan, ang isang namamalaging epekto ng di-sinasadyang pagtapon ng radyasyon ay ang sampung beses na pagdami ng may kanser sa thyroid sa mga batang Ukrainiano mula noong 1986.
Pagkatapos ng isang masusing imbestigasyon sa pagsabog ng space shuttle na Challenger, isang ulat mula sa lupon na inatasan ng presidente ang nagsabi na ang isang grupo ng kinontratang mga manggagawa ay lumampas ng 480 beses sa 20-oras na hangganan sa overtime at lumampas naman ng 2,512 beses ang isa pang grupo. Idinagdag ng ulat na ang pagkahapo niyaong mga nasa pangasiwaan, bunga ng “ilang araw na di-pare-parehong oras ng pagtatrabaho at kakulangan sa tulog,” ay isa ring malaking dahilan sa maling pag-aaproba na paliparin ang shuttle. Sinabi ng ulat na “kapag sumobra ang pag-o-overtime, bumababa ang pagiging mabisa ng manggagawa at lumalaki ang posibilidad ng pagkakamali ng tao.”
Ayon sa mga opisyal ng unyon, ang mga pagbabawas sa manggagawa, malamang na dahil sa pagbabawas sa gastusin sa pagpapatakbo ng kompanya, ay nangahulugan na ang mga marinero ng Exxon Valdez ay kinailangang magtrabaho nang mas maraming oras at magsagawa ng karagdagang mga tungkulin. Ipinaliwanag ng isang ulat hinggil sa sakunang ito na ang third mate, na nangangasiwa sa barko nang sumadsad ito sa pampang pagkalipas lamang ng hatinggabi, ay nagtatrabaho na nang madaling araw pa ng araw na iyon. Ang halos 42 milyong litro ng langis—ang pinakamalaking pagkatapon ng langis sa kasaysayan ng Estados Unidos—ay nagdulot ng kahindik-hindik na pinsala sa mga baybayin at buhay-iláng at nakagugol ng mahigit na $2 bilyon para sa paglilinis.
Ang Higit Pang Di-Napupunang mga Kabayaran ng Pagkahapo
Ayon sa isang pagtantiya, gumagastos ang daigdig ng di-kukulangin sa $377 bilyon bawat taon dahil sa pagkapagod at pagkahapo! Ngunit walang halaga ng pera ang makatutumbas sa halaga ng buhay at kalusugan ng tao, na napakadalas ding maapektuhan. Kuning halimbawa ang mga aksidente sa daan. Ayon sa isang klinika para sa mga may problema sa pagtulog sa Sydney, Australia, ang 20 hanggang 30 porsiyento ng mga aksidente sa daan sa bansang iyon ay dahil sa mga drayber na nakatulog habang nagmamaneho. Tinataya na sa Estados Unidos, pag-aantok ang siyang dahilan ng di-kukulangin sa 100,000 aksidente sa daan taun-taon.
Gayunman, maaaring hindi nagtatapos doon ang mga bunga ng pagkahapo. Ang biktima ng aksidente na itinakbo sa ospital upang maoperahan ay umaasa na ang kaniyang doktor ay gising na gising at alisto. Ngunit dahil sa abalang iskedyul at maraming oras ng pagtatrabaho, baka hindi na gising na gising at alisto ang doktor! Isiniwalat ng isang report ng Australian Institute of Health and Welfare na humigit-kumulang sa 10 porsiyento ng mga doktor ang nagtatrabaho nang mahigit sa 65 oras sa isang linggo, 17 porsiyento ng lahat ng espesyalista ang lumampas pa sa gayong mga oras, at 5 porsiyento ng “nakababatang mga doktor” ang nagtatrabaho nang mahigit sa 80 oras sa isang linggo!
“Ang mga makina ay protektado ng mga operation manual, mga etiketa na may mga babala, at mga kurso sa pagsasanay,” sabi ni Martin Moore-Ede. “Dumating ang mga tao sa daigdig na ito na walang gayong proteksiyon. . . . Ang nakatatakot na katotohanan ay na mas kakaunti ang nalalaman natin hinggil sa disenyo ng tao kung ihahambing sa nalalaman natin hinggil sa kagamitan at programa na kaniyang pinaaandar.”
Ang ating katawan ay walang mga ilaw na nagbababala at nag-aalarma sa atin na huminto o magmabagal. Gayunman, ang totoo ay nagbibigay ito sa atin ng nagbababalang mga senyales. Kalakip sa mga ito ang namamalaging pagkapagod, pagiging sumpungin, panlulumo, at ang madaling pagkahawa sa lumalaganap na mga virus. Kung taglay mo ang mga sintomas na ito—siyempre pa, kung ipapalagay na wala ka namang ibang suliranin sa pisikal o sa kalusugan—baka panahon na upang muling suriin ang iyong istilo ng pamumuhay.
Ang mga Kabayaran sa Ugnayang Panlipunan ng Pagiging Napakaabala
Ang maigting at kulang-sa-tulog na istilo ng pamumuhay ay may malaki ring epekto sa ugnayan ng mga tao. Isaalang-alang ang kaso ng bagong kasal na sina John at Maria.a Nais nilang matamo ang mga bagay na hinahangad ng karamihan sa mga bagong kasal—isang komportableng tahanan at kasiguruhan sa pananalapi. Kaya pareho silang nagtrabaho nang buong-panahon. Ngunit dahil sa paiba-iba ang oras ng kanilang pagtatrabaho, wala silang gaanong panahon para sa isa’t isa. Di-nagtagal, ang kanilang kaugnayan ay nagsimulang maapektuhan. Gayunman, ipinagwalang-bahala nila ang mga sintomas at nagpatuloy sa kanilang abalang mga iskedyul hanggang sa ang kanilang pag-aasawa, na kasisimula pa lamang, ay nasira.
“Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang bilang ng diborsiyo sa mga pamilyang may iba’t ibang oras ng pagtatrabaho ay mas mataas nang 60 porsiyento kaysa sa mga manggagawang regular na nagtatrabaho sa araw,” sabi ng aklat na The 24-Hour Society. Subalit, nagtatrabaho man sila ng magkakaibang oras o hindi, maraming mag-asawa ang nagsisikap na gumawa ng napakaraming bagay sa kanilang buhay, anupat sinisira naman nito ang kanilang pag-aasawa. Para sa iba, ang kaigtingan at pagkahapo ay maaaring magbunga ng siklo ng pag-aabuso sa droga at alkohol at ng di-sapat na pagkain—mga salik na hindi lamang nagpapalala sa pagkahapo kundi maaari ring magdulot ng marami pang ibang problema, maging ng pag-abuso sa mga bata.
Upang matulungan ang mga magulang na maharap ang abalang mga iskedyul, dumarami ang mga child-care center, anupat ang ilan sa mga ito ay nag-aalok pa nga ng 24-na-oras na serbisyo. Gayunman, para sa maraming bata, ang TV ang aktuwal na tagapag-alaga na nila. Siyempre pa, upang ang mga bata ay lumaki bilang mga adulto na responsable at may-gulang sa emosyon, kailangan nila ng napakaraming de-kalidad na panahon sa piling ng kanilang mga magulang. Kaya, ang mga magulang na masyadong pagod para sa kanilang mga anak dahil sa pagsisikap na panatilihin ang isang di-makatuwirang mataas na istilo ng pamumuhay ay matalino na suriin ang kapalit na hihingin nito—sa kanilang mga anak at sa kanilang mga sarili.
Sa mabilis na takbo ng teknolohiya sa lipunan sa ngayon, ang mga may-edad ay madalas na biktima rin. Ang mabilis na pagbabago at patuloy na pagdagsa ng mga bagong kagamitan na mabibili ay nagpapangyari upang ang karamihan ay makadama ng kalituhan, kawalang-katiwasayan, takot, o maging ng kawalan ng silbi. Kaya anong kinabukasan ang naghihintay para sa kanila?
Tayo bang lahat—bata at matanda—ay lubos na nasusupil ng isang daigdig na tila determinadong tumakbo pa nang mas mabilis? O may magagawa ba tayo na tutulong sa atin upang magtagumpay at mapabuti ang kalidad ng ating buhay? Nakatutuwa naman na mayroon tayong magagawa, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Binago ang mga pangalan.
[Mga larawan sa pahina 6]
Ang pagkahapo ang maaaring naging sanhi ng nuklear na sakuna sa Chernobyl, ng pagsabog ng space shuttle na “Challenger,” at ng pagkatapon ng langis mula sa “Exxon Valdez”
[Credit Lines]
Courtesy U.S. Department of Energy’s International Nuclear Safety Program
NASA photo
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang mabilis na takbo ng buhay ay maaaring umakay sa maiigting na pag-aasawa
[Larawan sa pahina 8]
Sa kanilang pagsisikap na maharap ang mabilis na takbo ng buhay, ang ilan ay nag-aabuso sa alkohol