Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/22 p. 15-18
  • Kung Saan Lumilipad ang mga Lawin Para sa Makakaing Isda

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Saan Lumilipad ang mga Lawin Para sa Makakaing Isda
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakatutuwang Ligawan, Nagtatagal na mga “Pag-aasawa”
  • Pumapailanlang na May mga Pakpak Tulad ng Agila
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Mga Agila o mga Buwitre?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Agila
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ang Mata ng Agila
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/22 p. 15-18

Kung Saan Lumilipad ang mga Lawin Para sa Makakaing Isda

ANG mga ito’y dumarating nang libu-libo, nakadamit nang magara para sa pagkain, lumilipad galing sa buong Alaska, British Columbia, at kasinlayo ng malayong estado ng Washington. Kahanga-hangang mga ibon, mukhang maginoong-maginoo dahil sa kanilang mapuputing ulo at mapasikat na puting mga balahibo sa buntot na lumaladlad na pinaka-preno habang ang mga ito’y lumalapag. Matingkad na kayumangging mga katawan, tumitimbang ng katamtamang 6 na kilo, ang mga babae ay bahagyang mas malaki kaysa mga lalaki, naglalakbay sa bilis na 50 kilometro isang oras, na ang pakpak ay sumusukat ng 1.8 hanggang 2.4 na metro​—subalit kapag nakita ng kanilang matalas na mata ang isang isda na isang milya ang layo, ang mga ito ay maaaring bumulusok dito sa bilis na 160 kilometro isang oras at dagitin ito!

Gayunman, para sa kanilang kainan sa Ilog Chilkat, ang gayong kagila-gilalas na palabas sa himpapawid ay hindi na kailangan. Ang kanilang pagkaing salmon ay hindi umaalis. Ang mga salmon ay saganang nakalatag sa harap nila, naghihintay lamang na dagitin. Ang lahat ng kapistahang ito ay inilaan para sa kanila ng Alaska Chilkat Bald Eagle Preserve, nilikha noong 1982 ng estado ng Alaska “upang pangalagaan at panatilihin ang pinakamalaking kawan ng mga Bald Eagle sa daigdig at ang kanilang nanganganib na tirahan.”

Ang reserbadong dako ay sumasaklaw ng 19,000 ektarya ng mababang lupa sa kahabaan ng ilog ng mga ilog Chilkat, Klehini, at Tsirku, at inilakip ang mga lugar lamang na mahalaga sa tirahan ng lawin. Ang pantanging dako kung saan nagtitipun-tipon ang libu-libong lawin at dumadagsa ang mga bisita upang makita ang mga ito ay walong kilometro sa kahabaan ng Ilog Chilkat sa gilid ng Haines Highway, sa pagitan ng Haines at Klukwan.

Isang pulyeto ng pamahalaan na pinamagatang “Alaska Chilkat Bald Eagle Preserve” ay bumabanggit kung bakit kayang pakanin ng limang-milyang sukat ng ilog na ito ng katakam-takam na nangingitlog na mga salmon ang mga lawin.

“Ang likas na pangyayaring siyang dahilan ng limang milyang hindi nagyeyelong tubig sa Ilog Chilkat kung mga buwan na nagyeyelo ay tinatawag na ‘alluvial fan reservoir.’ Ang Tsirku fan, na isang hugis-abanikong tipunang dako ng graba, bato, buhangin, at mga labí mula sa malalaking lumulutang na yelo, na kung saan nagtatagpo ang mga Ilog Tsirku, Klehini, at Chilkat ay nagsisilbing isang malaking imbakan ng tubig.”

Karaniwan na, ang ilog ay bumabagal malapit sa pagpasok nito sa isa pang kalipunan ng tubig na nag-iiwan ng latak, na gumagawa ng isang wawa, subalit walang imbakan ng tubig ang naiiwan. Subalit, sa lugar kung saan ang Ilog Tsirku ay pumapasok sa Ilog Chilkat, ang mga bitak sa lupa at ang kilos ng malalaking yelo ay nagbunga ng isang malaking lunas na dinukit sa kalaliman na mahigit pang 230 metro sa ilalim ng antas ng dagat. Kapag umuurong ang malalaking yelo, naiiwan ang mga basura, at ang mga ilog ay nagdaragdag ng mga depositong buhangin at graba hanggang sa wakas ang lunas ay may hiwa-hiwalay, butas-butas na mga deposito ng mahigit na 230 metro ang kapal na nasa pinaka-sapin nito.

Ipinakikita ng ulat na sa panahon ng mainit-init na tagsibol, tag-araw, at maagang taglagas, ang tubig mula sa niyebe at sa natunaw na malalaki’t lumulutang na mga yelo ay umaagos tungo sa alluvial fan. Ang fan ay tumatanggap ng tubig na mas mabilis kaysa kaya nitong paagusin palabas, na lumilikha ng isang pagkalaki-laking imbakan ng tubig. Ang pulyeto tungkol sa reserbadong dako para sa lawin ay nagpapatuloy: “Pagdating ng taglamig, lumalamig ang panahon at nagyeyelo ang mga tubig sa paligid. Gayunman, ang tubig sa malaking imbakan na ito ng tubig ay nananatiling mula 5 hanggang 10 digri Celsius na mataas sa temperatura ng nakapaligid na tubig. Ang mas mainit na tubig na ito ay ‘tumatagos’ tungo sa Ilog Chilkat at hinahadlangan itong magyelo.

“Limang uri ng salmon ang nangingitlog dito at sa iba pang kalapit na sapa at mga ilog na pasanga. Ang pangingitlog ng salmon ay nagsisimula sa tag-araw at nagpapatuloy hanggang sa dakong huli ng taglagas o maagang taglamig. Ang salmon ay namamatay sandaling panahon pagkatapos mangitlog at ang mga patay na salmon ang siyang naglalaan ng saganang pagkain para sa mga lawin.”

Ang kapistahan ng mga salmon ay nagsisimula sa Oktubre at natatapos sa Pebrero, at sandaling panahon pagkatapos niyan ang libu-libong lawin ay nagsisimulang mangalat sa kalapit na lalawigan. Subalit, ang reserbadong dako ay tahanan sa buong-taon sa pagitan ng 200 at 400 lawin. Bukod pa sa isdang nahuhuli nito, idinaragdag nila sa kanilang pagkain ang mga manok sa tubig, maliliit na mamal, at bulok na hayop.

Nakatutuwang Ligawan, Nagtatagal na mga “Pag-aasawa”

Ang mga ito ay nagsasama bilang mag-asawa habang-buhay​—na maaaring umabot sa gulang na 40​—subalit karaniwang nananatiling magkasama lamang kung panahon ng pangingitlog. Ang pagligaw ay nagsisimula sa Abril at “maaaring kakitaan ng kagila-gilalas na pagtatanghal ng ligawan ng bumubulusok na mga lawin na pinagkakawing ang mga kuko at nagpapasirku-sirko sa himpapawid,” ayon sa pulyetong Eagles​—The Alaska Chilkat Bald Eagle Preserve. Lahat ng iyan at hawakan din ng kamay? Romantiko ang dating!

Siyamnapu’t apat na mga pugad ang namataan sa reserbadong dako. Mula sa isa hanggang tatlong itlog ang karaniwang napipisa sa pagitan ng dakong huli ng Mayo at maaga sa Hunyo, pagkaraan ng panahon ng pagpisa ng itlog na 34 o 35 araw. Ang mga inakay ay umaalis ng pugad pagdating ng Setyembre, ngunit kailangang masiyahan sila sa batik-batik na kayumanggi at puting balahibo. Magkakaroon lamang sila ng magandang mapuputing ulo at buntot pagsapit nila sa gulang na apat o limang taon!

Ang pulyeto ay nagbibigay rin ng ilang impormasyon tungkol sa pagpupunyagi ng mga lawin upang mabuhay at nagpapayo sa mga bisita kung paano ligtas na masisiyahan sa reserbadong dako:

“Ang Alaska Chilkat Bald Eagle Preserve ay naglalaman ng 19,000 ektarya na inilaan para sa pangangalaga sa mga lawin. Subalit ang mga lawin ay hindi laging napangangalagaan; ang mga ito’y dating pinababaril sa mga mangangaso bilang pabuya. Batay sa mga ulat tungkol sa matinding gana ng mga lawin sa buháy na mga salmon at maliliit na hayop, ang Alaska Territorial Legislature noong 1917 ay lumikha ng isang pabuya o kagandahang-loob para sa pagpatay sa mga lawin. Ang mga beterano ng Ft. William H. Seward sa Haines ay nagkukuwento tungkol sa pagdaragdag sa kanilang maliit na sahod sa Army ng $1 (nang maglao’y itinaas sa $2) na ibinabayad sa bawat pares ng mga kuko ng lawin.

“Nasumpungan ng mga pagsusuri noong dakong huli na ang pinsala ng mga lawin sa pangingitlog ng mga salmon ay pinalabisan, at ang pabuya ay inalis noong 1953. Noong panahong iyon, mahigit na 128,000 lawin ang binaril para sa pabuya. Ang populasyon ng lawin sa Timog-silangan ng Alaska noong dekada ng 1940, nang ipinatutupad pa ang pabuya, ay tinatayang kalahati ng populasyon ng lawin noong dekada ng 1970.

“Nang ang Alaska ay maging isang estado noong 1959, ang bald eagle sa Alaska ay napailalim sa proteksiyon ng pederal na pamahalaan ng Bald Eagle Act of 1940. Ang pagpatay ng isang lawin ay isang kasalanang pederal, at ang pagtataglay ng buháy o patay na mga lawin o anumang bahagi (pati mga balahibo!), maliban sa ilalim ng ilang espesipikong mga kalagayan, ay labag din sa batas.

“Noong 1972 itinatag ng Alaska State Legislature ang Chilkat River Critical Habitat Area, na pinangangasiwaan ng Alaska Department of Fish and Game, upang matiyak ang pangangalaga sa malaking kawan ng mga lawin. Ang malawak na lupain para tirahan ng lawin ay nananatiling hindi protektado, at isang matagal at kadalasang mapait na laban ang nagngangalit sa pagitan ng mga nagmamalasakit sa kapaligiran at mga puwersang panig naman sa pag-unlad tungkol sa mga usapin sa paggamit ng lupa sa Chilkat Valley. Pagkatapos ng masusing pag-aaral ng National Audubon Society at ng pinondohan ng estado na Haines/Klukwan Resource Study, ang mga magtotroso, mangingisda, mga nababahala sa kapaligiran, mga negosyante at lokal na mga pulitiko ay sa wakas nakarating sa isang kompromiso. Noong 1982 isinabatas ng batasan ng estado ang kompromisong iyon sa isang batas na gumagawa sa 19,000 ektaryang Alaska Chilkat Bald Eagle Preserve.

“Walang pagtotroso o pagmimina ang ipinahihintulot sa Preserve, subalit ang dating gamit ng lupa, gaya ng pamimitas ng berry, pangingisda at pangangaso, ay maaaring magpatuloy. Ang Preserve ay pinangangasiwaan ng Alaska Division of Parks sa tulong ng isang 12-miyembrong lupon ng tagapayo na binubuo ng lokal na mga residente, mga opisyal ng estado, at isang biyologo.

“Kung paano gagamitin ang likas na yaman ng libis nang hindi pinipinsala ang kapaligiran ay isang nagpapatuloy na katanungan, at ang mga usapin tungkol sa paggamit sa lupa ay pumupukaw pa rin ng pagtatalo sa Chilkat Valley. Subalit ipinagmamalaki ng lokal na mga residente na isang lokal na lunas ang nasumpungan para sa pangangalaga ng mga lawin.”

Ang pangunahing dako na doo’y maaaring panoorin ng mga bisita ang mga lawin ay sa kahabaan ng Haines Highway, na kahilera ng Ilog Chilkat, at doon ay may inilaang turnout areas para sa layuning ito.

[Mapa sa pahina 15]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ilog Chilkat Ilog Chilkoot

Ilog Klehini KLUKWAN

Dakong Panooran ng Lawin

(alluvial fan)

▴

▴

Haines Highway

Ilog Tsirku ▾ Lawa ng Chilkoot

Lawa ng Chilkat ▾

Ilog Chilkat ▾ Ilog na pasukan ng Lutak

Ilog Takhin ▾

HAINES

[Credit Line]

Mountain High Maps™ copyright © 1993 Digital Wisdom, Inc.

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Mga bald eagle sa mga pahina 15-18: Alaska Division of Tourism

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share