Mga Agila o mga Buwitre?
The Sign
“SAANMAN naroroon ang bangkay, doon magtitipong sama-sama ang mga agila.” (Mateo 24:28) Sa halip na matuto sa ilustrasyong ito, humahanap ang iba ng maisisira rito. Kanilang sinasabi na ang mga agila ay nagsosolong mga ibon na humahanap ng makakain na mga buháy na biktima, hindi yaong mga namatay na. Kaya naman, ang ginagamit ng ilang mga Bibliya ay ang salitang “buwitre.” Subalit ang salitang Griego na tinutukoy, a·e·tosʹ, ay tama ang pagkasalin na “agila.”
Ang isang uri nito na natagpuan sa Israel ay ang agilang kayumanggi. “Tulad ng maraming ibong naninila,” ayon sa obserbasyon ni John Sinclair at John Mendelsohn, “ang agilang kayumanggi ay hindi umaayaw sa bulok na hayop at malimit na isa ito sa mga unang dumarating sa bagong kamamatay na biktima.” Isa pang tagapagmasid ang nag-ulat tungkol sa pagtitipon ng 60 bateleurs at mga agilang kayumanggi sa Kalahari ng Aprika. Kaniyang isinusog: “Ang Agilang Kayumanggi ay dominante pagka sila’y nagtipon-tipon sa bulok na hayop. Sa mga ilang kaso dalawang ibon, marahil isang pares, ang nakitang nagsasalo sa isang biktimang napatay.”
Ang mga agilang-dagat ay karaniwan din sa mga lupain ng Mediteranyo. Noong nakalipas na mga siglo, ang mga agilang-dagat at mga agilang-katihan ay nanginginain sa mga bangkay ng mga kabayong napaslang sa digmaan. “Kilalang-kilala . . . na sila’y sumusunod sa mga hukbo para sa layuning iyan,” ang sabi ng McClintock and Strong’s Cyclopædia.
Palibhasa’y mabibilis at matatalas ang pananaw sa malayo, ang mga agila ang kung minsan ay nauunang ibon na darating sa isang bagong kamamatay na hayop. Alam na alam noon ni Jesus ang paglalarawan na ginamit ng Diyos na Jehova nang tanungin niya si Job ng ganitong katanungan na umaakay sa pagpapakumbaba: “Sa iyo bang utos kung kaya napaiilanlang ang isang agila at gumagawa ito ng kaniyang pugad sa itaas, . . . sa gilid ng malaking bato at isang liblib na dako? Mula roon naghahanap ito ng makakain; doon sa malayo patuloy na nakatanaw ang mata nito . . . . Kung saan naroroon ang bangkay, naroroon ito.”—Job 39:27-30.
Sa gayon, mahusay ang paghahalimbawang ginawa ni Jesus na yaon lamang may makasagisag na matang agila ang makikinabang sa tanda.