‘Kung Mamamatay ang Karagatan’
KUNG ang mga karagatan sa lupa ay mamamatay—yaon ay, kung ang buhay sa mga karagatan ay bigla, sa paano man ay magwakas—ito ang magiging wakas gayundin ang pinakamalaking kapahamakan sa magulong kasaysayan ng tao at ng iba pang mga hayop at mga halaman na kasama ng tao sa planetang ito.” Gayon ang sulat ni Jacques Cousteau sa introduksiyon sa Tomo I ng kaniyang aklat na The Ocean World of Jacques Cousteau.
Ipinagpatuloy niya ang tanawin: “Palibhasa’y walang buhay sa mga dagat ang nilalamang carbon dioxide ng atmospera ay lubhang darami. Kapag ang antas na ito ng CO2 ay lumampas sa isang punto aandar ang ‘greenhouse effect’: ang init na pataas mula sa lupa tungo sa kalawakan ay masisilo sa ilalim ng stratosphere, patataasing lubha ang temperatura sa pantay-dagat. Matutunaw ang mga niyebe sa Hilaga at Timog Polo. Ang karagatan ay tataas ng marahil ay 30 metro sa loob ng ilang taon. Ang lahat ng malalaking lungsod ng daigdig ay aapawan ng tubig. Upang huwag malunod ang sangkatlong bahagi ng populasyon ng daigdig ay mapipilitang tumakas sa mga burol at mga bundok, mga burol at mga bundok na hindi handang tanggapin ang mga taong ito, hindi kayang gumawa ng sapat na pagkain para sa kanila.”
Si Cousteau ay saka nagpatuloy sa kalagim-lagim na wakas: “Siksikan sa iba’t ibang matataas na dako, nagugutom, dumaranas ng matinding mga bagyo at mga sakit, na ang mga pamilya at lipunan ay ganap na nagulo, ang natitira pa sa mga tao ay nagsisimulang dumanas ng anoxia—kakulangan ng oksiheno—dahil sa pagkalipol ng mga halamang dagat at sa pag-unti ng mga pananim sa lupa. Naiipit sa pagitan ng patay na mga dagat at kalbong mga dalisdis ng bundok iniuubo ng tao ang kaniyang huling mga sandali sa di-mabigkas na paghihirap. Marahil tatlumpo hanggang limampung taon pagkamatay ng karagatan ang kahuli-hulihang tao sa lupa ay papanaw. Ang organikong buhay sa planeta ay mauuwi sa baktirya at ilang insektong kumakain ng bulok na bagay.”
Gayunman, hindi susundin ng tao gaya ng kung ano siya, ang babalang ito at ang iba pang kahawig na mga babala ngayon habang ang hibang-sa-salaping mga tao ay nagpapatuloy sa kanilang pagtakbo tungo sa kapahamakan. Gaya ng sinabi ni Jehova noon: “Hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid kahit ng kaniyang hakbang,” at si Jehova mismo ang kikilos at pahihintuin “yaong mga nagpapahamak sa lupa.”—Jeremias 10:23; Apocalipsis 11:18.