Pagmamasid sa Daigdig
ISKANDALO SA SEKSO SA SIMBAHAN
“Kung mga ilang taon na, mga paring Romano Katoliko at iba pang mga manggagawa ng simbahan sa mga parokya ng Newfoundland ang paulit-ulit na nang-abuso ng maraming mga bata, karamihan sa kanila’y mga batang lalaki, marami sa kanila’y mga ulila na nasa pag-aaruga ng kanilang mga mang-aabuso,” ayon sa ulat ng magasin-balita na Maclean’s ng Canada. “Ang iskandalo ay hindi lamang sa Newfoundland nagaganap: di-kukulangin sa anim pang mga kaso ng panghahalay sa mga bata ng mga klerigong Katoliko ang natuklasan sa mga ibang lugar sa Canada, at mahigit na 20 sa Estados Unidos.” Yamang ang iniulat na panghahalay ay patuloy na dumarami buwan-buwan—may kabuuang 17 pari at iba pang kaugnay ng simbahan ang iniharap na ng sumbong—ang pananampalataya at pagtitiwala ng mga Katoliko sa kanilang mga pari ay nasa alanganin. Lubhang nakababahala hindi lamang ang matagal nang pag-iral sa simbahan ng gayong panghahalay kundi karaniwan nang pinagtatakpan iyon at ang nagkasalang pari ay basta inililipat sa ibang parokya na kung saan gumagawa naman siya ng mga panibagong mga panghahalay. Ang mga magulang ay naapektuhan sa pamamagitan ng pagtangging payagan ang kanilang mga anak na lalaki na maging mga sakristan o dili kaya’y hindi nila pinapayagan ang kanilang mga anak na pumasok sa isang kompisyunaryo. “Ang abito ng paring Romano, na dati’y ipinagmamalaki, ay ikinahihiya na at pinaghihinalaan,” ang sabi ni Paul Stapleton, pangalawang-tagapangulo ng St. John’s Catholic school board. “Ang mga pangyayari kamakailan ay naglagay sa lahat ng pari sa ilalim ng lambong ng paghihinala, hayag man o hindi. Waring ang mensahe ay: Wala kang ibang mapagkakatiwalaan kundi ang iyong sarili at ang Diyos.”
“NAGMAMADALI TUNGO SA PAGKALIPOL”
“Ang elepante sa Aprika ay nagmamadali tungo sa pagkalipol, biktima ng isang masakim na pangglobong kalakalan ng garing,” ang sabi ng magasing Science. Ang bilang ng mga elepante sa Aprika ay umunti ng mga 40 porsiyento sa nakaraang sampung taon—bumaba ng hanggang 750,000 mula sa 1.3 milyon. Sa kasalukuyang bilis ng pagpatay, ang lubos na pagkalipol ng mga elepante ay mangyayari hindi lalampas ang 50 taon. Subalit higit pa ang kasangkot. “Ang paghahangad sa garing ay nagkaroon ng masamang epekto sa demographics at panlipunang kaayusan may kaugnayan sa mga hayop na ito,” ang sabi ng Science. Sa mga ilang lugar wala pang 5 porsiyento ng mga elepante ay mga barako, kung kaya’t ang mga babae ay hindi maaaring kastahin sa panahon ng sila’y maaaring maglihi, anupa’t isa pang dahilan ito ng pag-unti ng bilang nila. At ngayon na wala na ang karamihan ng malalaking mga barako, lalong maraming elepante ang kailangang patayin upang makakuha ng ganoon ding dami ng garing. Mahigit na sangkapat ng mga elepante na nangamamatay ang naiiwanang mga ulilang sanggol na namamatay ng gutom pagkatapos na patayin ang kanilang ina. Bagaman ang lubos na pagbabawal ng pangangalakal ng garing ang iminumungkahi, ikinatatakot na ang balita tungkol sa napipintong pagbabawal ay hahantong sa isang panatikong ultimong pagsisikap na patayin ng mga ilegal na mga mangangalakal ang natitira pang mga elepante.
GUTOM SA GITNA NG KASAGANAAN
Di-kukulangin sa kalahating bilyon katao ang nagugutom, ang inihayag sa mga may bahagi sa ika-15 taunang komperensiya ng World Food Council, isang ahensiya ng UN. Bagaman ang daigdig ay may produksiyon na mga 10 porsiyentong higit pang pagkain kaysa kinakailangan nito, angaw-angaw ang nagugutom dahilan sa pagkakampante, pagpapabaya, at kawalan ng mahusay na pamamalakad. Sang-ayon sa tagapangulo ng konseho, si Eduardo Pesqueira ng Mexico, “ang kapayapaan ay isang mahalagang unang pangangailangan” upang mawakasan na ang pambuong daigdig na gutom; marami sa mga bansa na nasa digmaan ang “nagbubuhos ng kanilang dahop na mga panustos ay matugno pa sa pagbili ng mga armas imbis na gamitin sa mga kaayusan para sa produksiyon ng pagkain.” Karamihan ng mga malnuris ay dito matatagpuan sa Asya at Aprika. Mga 14 milyong mga bata na wala pang limang taóng gulang ang nangangamatay sa taun-taon dahilan sa malnutrisyon na sinasapian ng diarrhea at mga sakit na nakakahawa, ang sabi ng konseho.
“DAGAT” SA ILALIM NG LUPA ANG NATUKLASAN
Isa sa mga pangunahing suliranin ng Australia sa kaniyang mga outback (nabubukod na mga kaparangan) ay ang pagkuha ng tubig-tabang. Kaya nagsilbing mabuting balita nang isang malaking “dagat” ng tubig-tabang sa ilalim ng lupa ang natagpuan kamakailan sa ibaba ng timugang rehiyon na ito ng Kanlurang Australia. Ang tubig ay nakapaloob sa isang malaking sapin ng tinatagos ng tubig na batong buhanginan, na ayon sa sabi ay 250 metro ang kapal at may laki na di-kukulangin sa 3,000 kilometro kuwadrado. Ang may tubig na saping ito ng buhanginang-bato ay tinatayang nakapagkakarga ng makasampung beses na dami ng tubig kung ihahalintulad sa anumang sinlaking imbakan ng tubig na natuklasan. Ito’y isang natural na deposito ng tubig para sa “dagat” at naroon sa lalim na 200 metro hanggang 1,500 metro mula sa ibabaw.
HINAMON ANG LIDERATO NG PAPA
“Habang ang mga pagkakabaha-bahagi sa loob ng Iglesya Katolika Romana ay waring lumalala, ang salungat na mga teologo sa kalaparan ng Kanlurang Europa ay nagsimulang lantarang humamon sa konserbatibong mga turo at lubhang sentralisadong liderato ni Papa John Paul II,” ayon sa pag-uulat ng The New York Times. Noong Enero, 163 mga teologo na buhat sa Austria, Netherlands, Switzerland, at Kanlurang Alemanya ang nagpalabas ng isang pahayag na ang papa ay dapat umasang siya’y sasalungatin imbis na susundin kung siya’y “gagawa ng hindi sakop ng kaniyang tungkulin.” Ang isa pang punto ay ang kinaugalian ng papa na kaniyang nakakaligtaan ang mga rekomendasyon ng lokal na mga lider Katoliko pagka siya’y humihirang ng mga obispo, ang pinipili sa halip ay mga konserbatibo. Ito, kasama na ang madalas na paglalakbay ng papa sa mga ibang bansa, ay itinuring na isang paraan ng pagpapatupad ng autoridad ng Vaticano sa simbahan. Sa mga 3,000 obispo sa buong daigdig, humigit-kumulang 1,400 ang pinili ni Papa John Paul II.
HIGIT ANG PAKINABANG KUNG HINDI PUPUTULIN
“Mahigit na 11 milyong ektarya ng kagubatan at iba pang mga kakahuyan ang napapariwara taun-taon sa buong daigdig,” ang banggit ng The New York Times. “At sa kasalukuyang bilis ng pagkalbo ng mga gubat nakikini-kinita na maraming bansa, kasali na ang El Salvador, Costa Rica, Nigeria, at Ivory Coast, ang mapapariwara ang lahat ng kanilang mga gubat sa loob ng 30 taon.” Ang mga environmentalist ay nababahala dahilan sa laganap na pagkakalbo ng mga gubat na isa sa mga sanhi ng pag-init ng atmospera at pinalalala pa ang epektong greenhouse, at isa sa dahilan din ng laganap na pagbaha, gaya ng nangyayari sa Bangladesh, India, Sudan, at Thailand. Sa gayon, natuwa ang mga environmentalist sa isang pag-aaral kamakailan ng mga siyentipiko na nagpapakitang ang palanas na mga gubat ay mas malaki ang kapakinabangan idudulot kung hahayaan na lamang na hindi ginagalaw. Sang-ayon sa pag-aaral, ang kita buhat sa inaaning mga bungangkahoy na kinakain, cocoa, langis, at goma sa gubat ay halos doble kaysa nakukuha sa pamamagitan ng pagbibili ng tabla at paggamit sa lupain para pasabsaban ng mga baka. Inaasahan na ang pakinabang na idinudulot sa kabuhayan ay magiging higit na pampasigla para sa mas maralitang mga bansa na iligtas ang kanilang mga gubat.
NAAAGNAS NA MGA PALATANDAAN SA DAIGDIG
“Ang pag-ulan ng asido at ng tigang na polusyon ng hangin na tinatawag na acid gas ang nagwawasak ng pinaka-mukha ng ilan sa lubhang kinagigiliwang palatandaan sa daigdig,” ayon sa pag-uulat ng The Toronto Star. “Hanggang sa 3 centimetro ng bato ang naagnas buhat sa panlabas ng bahagi ng St. Paul’s Cathedral sa London . . . Westminster Abbey [ng London] at sa The Parthenon sa Atenas ay pawang naaagnas dahil sa pag-ulan ng mga tagapagparuming ito.” Subalit ang lunas ay hindi simple na gaya ng pagpapahinto sa pagbagsak ng mga singaw ng asido. Ipinalalagay ngayon na ang mga tagapagparumi na nakasingit na sa mga butas ng malalaking bato ay magpapatuloy sa kanilang pagwawasak kahit na mabawasan ang pagsingaw, at kahit na kung zero ang polusyon, ang pagkaagnas ay magpapatuloy nang kaunting panahon.
PAGPAPATIWAKAL NG MGA MATATANDA NA
Ang dami ng nagpapatiwakal na matatanda na sa Estados Unidos ay dumami ng mga 25 porsiyento sa pagitan ng 1981 at 1986. Ang pangkalahatang pambansang promedyo ay 12.8 pagpapatiwakal sa bawat 100,000 katao. Subalit ang dami para sa mga taong mahigit na 65 taong gulang ay 21.6 bawat 100,000. Ayon sa mga eksperto ang masisisi sa ganitong hindi inaasahang pagdami ay ang nagbabagong mga saloobin, lalo na sa nag-iibayong pagtanggap sa pagpapatiwakal bilang isang maihahalili sa paghihirap buhat sa pagkakatagal at magastos na mga sakit. Binanggit ng The New York Times, na “ang mga ibang dalubhasa ay may haka-haka na ang pagsulong sa teknolohiya na nagpapahaba ng higit pa sa buhay ng matatanda na ay nagdadala kung minsan ng isang uri ng buhay na hindi nila matanggap.” Isang dalubhasa tungkol sa pagpapatiwakal ang nagbabagsak ng sisi sa mga anak na hindi tumututol pagka ang isang maysakit na magulang ay nagsasabing siya’y isang pabigat sa pamilya.
ANG “CRACK” SA EUROPA
Ang “crack,” na galing sa cocaine at siyang sanhi ng napakaraming krimen sa Britaniya at sa Estados Unidos, ay nagsimulang makita sa Kanlurang Europa. Mahigit na isang libo katao ang idinagdag sa pulisya ng Britaniya at sa mga opisyal ng aduana sa pagtatangkang masugpo ang suliranin doon. Bagaman ang paglaganap ng paggamit ng crack ay hindi pa natatagpuan ang sanhi, ikinatatakot ng mga may kapangyarihan na hindi magtatagal at matatagpuan iyon, yamang ang ginagamit na cocaine sa Europa ay malaki ang isinulong kamakailan kung sa dami samantalang bumaba ang halaga niyaon. “Isang tagapagbukas-mata ang pagkaalam mo na nagkaroon ng 15 pag-aresto ng dahil sa crack sa New York City noong 1985 at nagkaroon ng mahigit na 18,000 pag-aresto noong unang anim na buwan ng 1988,” ayon sa isang banyagang dalubhasa sa narkotiko.