‘Ang Pinakamalaganap na Uri ng Pag-abuso sa Bata’
Unti-unting iniipit ng mga kamay ng babae ang lalamunan ng sanggol. Pagkatapos kaniya itong idiniriin—dahan-dahang sinasakal ang sanggol. Nakikipagpunyagi ang hindi makalabang sanggol. Tamang-tamang binibitiwan ng babae ang kaniyang pagkakahawak. Ang sanggol ay kinakapos ng hininga subalit nakaligtas sa pandadahas na iyon. Hindi nagtagal, muling dinadaklot ng babae ang maliit na lalamunan, at muling pinasisimulan ang pagpapahirap. Pagkatapos muli siyang bumibitiw at ang sanggol ay naiiwang sisinghap-singhap . . .
ANG katatapos mong basahin ay naglalarawan ng pagdurusa na gaya niyaong nararanasan ng isang hindi pa naisisilang na sanggol kapag inabuso ng kaniyang inang naninigarilyo.
Panghabambuhay na Pinsala
Isa bang sobrang pangungusap? Hindi. Isang artikulo sa New York Times ang nag-uulat na ipinakikita ng lumalaking bilang ng mga siyentipikong pag-aaral na ang isang ina na regular na naninigarilyo ay maaaring magdulot sa kaniyang anak ng panghabambuhay na mga kapansanan sa katawan at isip. Ang ilan sa mga pinsalang ito, sabi ng artikulo, “ay kaagad na mahahalata samantalang ang iba ay mabagal ang paglitaw.”
Sa paanong paraan naaapektuhan ng paninigarilyo ng isang ina ang hindi pa naisisilang na sanggol? Si Dr. William G. Cahan, isang nag-aasikasong siruhano sa Memorial Sloan-Kettering Cancer Center sa Estados Unidos at autor ng artikulo sa Times, ay nagpapaliwanag: “Sa loob ng ilang minuto ang bawat hitit ng sigarilyo ay nagpapasok ng carbon monoxide at nikotina sa dugo ng ina.” Habang binabawasan ng carbon monoxide ang kakayahan ng dugo na magdala ng oksiheno at sinasakal naman ng nikotina ang mga ugat na dinadaluyan ng dugo sa placenta, “ang hindi pa naisisilang na sanggol ay pansamantalang pinagkakaitan ng kaniyang normal na dami ng oksiheno. Kung ang pagkakait na ito ay madalas na inuulit,” sabi ni siruhano Cahan, “lubusang pipinsalain nito ang utak ng sanggol, isang sangkap na may pambihirang pagkasensitibo dahil sa kakulangan ng oksiheno.”
Bilang halimbawa, isang pag-aaral ang nagsiwalat na limang minuto matapos ang mga babaeng buntis ay manigarilyo ng dalawang sigarilyo lamang, ang kanilang ipinagbubuntis na mga sanggol ay nakitaan ng mga tanda ng pagkabagabag—pinabilis na tibok ng puso lakip ang abnormal na tulad-humihingang mga paggalaw.
Isang-Kaha-Maghapon na mga Naninigarilyo
Ano, kung gayon, ang mga implikasyon para sa isang hindi pa naisisilang na sanggol kung ang ina nito ay naninigarilyo ng 20 sigarilyo, o isang kaha, sa isang araw? Tinataya ni Dr. Cahan na ang isang katamtamang naninigarilyo ay lumalanghap ng usok sa limang paghitit bawat sigarilyo. Kung gayon, ang bisyong isang-kaha-isang araw ay umaabot sa isandaang paghitit sa isang araw. Yamang ang pagdadalantao ay tumatagal ng halos 270 mga araw, isinasailalim ng ina ang ipinagbubuntis na sanggol “sa di-kukulangin sa 27,000 mga insultong pisikal-kemikal.”
Ang gayong mga inabusong sanggol ang magbabayad ng isang panghabambuhay na halaga para sa bisyo sa tabako ng kani-kanilang mga ina. Bukod sa mga problemang pisikal, sabi ni Dr. Cahan, ang mga bata ay maaaring magkaroon ng “mga problema sa pag-uugali, mahinang pagbabasa, hyperactivity at pinsala sa isip.” Hindi kataka-taka, kaniyang itinatanong: “Sinong responsableng babae ang magpapatuloy sa isang bisyo na nagbabanta ng panganib sa kaniyang sanggol?”
Bilang karagdagan, ang mga magulang na naninigarilyo ay banta rin sa lumalaking mga bata. Bakit? Ang pulyetong Facts and Figures on Smoking, na inilathala ng American Cancer Society, ay tumutugon: “Ang mga anak ng mga naninigarilyo ay mas maraming sakit sa sangkap palahingahan kaysa roon sa mga hindi naninigarilyo, mas malimit nagkakasakit ng brongkitis at pulmonya maaga sa kanilang buhay.”
Ipinapalagay kung gayon ni Dr. Cahan na “ang anyong ito ng pag-abuso sa bata ang marahil pinakamalaganap sa lahat.” Ang tanong ay, Iniiwasan mo ba ito?