Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 1/22 p. 5-7
  • Pandaraya sa Siyensiya—Bakit Lumalaganap Ito

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pandaraya sa Siyensiya—Bakit Lumalaganap Ito
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ginagawang Bundok ang mga Maliliit na Bunton
  • “Peer Review,” Isang Pananggalang Laban sa Pandaraya?
  • Pandaraya sa Siyensiya—Nasa mga Ulong-Balita
    Gumising!—1990
  • Mga Panlilinlang sa mga Institusyon ng Pananaliksik sa Siyensiya
    Gumising!—1991
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1990
  • Hanggang Saan Mo Mapagtitiwalaan ang Siyensiya?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 1/22 p. 5-7

Pandaraya sa Siyensiya​—Bakit Lumalaganap Ito

“ANG kompetensiya ay malupit. Ang mga nagwawagi ay nagkakamit ng malalaking mga pabuya; ang mga natatalo ay nakakalimutan. Iyo’y isang kapaligiran kung saan ang isang bawal na shortcut ay hindi mapaglabanan kung minsan​—hindi naman dahil sa ang Establesimyento ay kadalasang alumpihit sa pagharap sa maling paggawi.” Ganito ang pagbubukas ng artikulong “Maglathala o Mawala​—o Dayain Iyon” sa U.S.News & World Report. Upang huwag mawala, maraming siyentipikong mananaliksik ang nandaraya.

Ang panggigipit sa mga siyentipiko na maglathala sa mga babasahing pansiyensiya ay napakalakas. Habang mas mahaba ang listahan ng mga dokumento na nailathala sa pangalan ng mananaliksik, mas mabuti ang mga pagkakataon niya para sa pagtatrabaho, pag-asenso, panunungkulan sa isang pamantasan, at kaloob ng pamahalaan upang tustusan ang kaniyang pananaliksik. Ang pederal na pamahalaan ang “sumusupil sa pinakamalaking pinagkukunan ng pondo para sa pananaliksik, $5.6 [libong milyon] isang taon mula sa National Institutes of Health.”

Dahil sa “hindi gaanong pinapansin ng pamayanang siyentipiko ang pagharap sa suliraning etikal nito,” “kataka-takang nag-aatubiling siyasatin nang husto ang mahihirap na datos tungkol sa etikal na paggawi nito,” at “hindi ito interesado na ituwid ang mga bagay o masdan nang malapitan ang mga paglabag,” nagdaos ang mga komiteng kongresyonal ng mga paglilitis at isinaalang-alang ang lehislasyon upang siyang gumawa ng pagsasaayos para sa kanila. (New Scientist; U.S.News & World Report) Ang pag-asang ito ay mula sa labis na panangis at pagngangalit ng mga ngipin ng mga siyentipiko. Subalit, isang babasahin sa siyensiya ang nagbabangon at sumasagot sa tanong: “Malinis at nasa ayos ba ang bahay ng siyensiya? Ang ilang ebidensiyang nakakaabot sa publiko ay nag-aanyaya ng malubhang mga pag-aalinlangan.”

Inaalis ng ilang mananaliksik ang mga datos na hindi nagtataguyod ng ibig nilang patunayan (tinatawag na cooking); nag-uulat sila ng higit na mga pagsusuri o pagsubok kaysa aktuwal na ginawa (tinatawag na trimming); naglalaan sila para sa kanilang sariling gamit ng mga datos o ideya ng ibang mananaliksik (tinatawag na pamamláhiyó); at nag-iimbento sila ng mga eksperimento o mga datos na hindi nila isinagawa o isinakatuparan (tinatawag na panghuhuwad). Isang cartoon sa isang babasahin sa siyensiya ang nagbiro sa huling taktikang ito, isang siyentipikong nakikipag-usap sa isa pa at nagsasabi tungkol sa ikatlo pa: ‘Marami na siyang nailathala mula nang kumuha siya ang kursong iyon ng malikhaing pagsulat.’

“Ano ang pangunahing produkto ng siyentipikong pananaliksik sa mga araw na ito? Ang sagot: Papel,” sabi ng U.S.News & World Report. “Daan-daang bagong mga pahayagan ang itinatatag taun-taon upang pangasiwaan ang pagbaha ng mga papeles sa pananaliksik na ginawa ng mga siyentipikong nakakaalam na ang landas tungo sa akademikong tagumpay ay isang mahabang listahan ng mga artikulong nakapangalan sa kanila.” Ang layunin ay ang dami, hindi ang uri. Ang apatnapung libong mga pahayagang inilalathala taun-taon ay gumagawa ng isang milyong mga artikulo, at bahagi ng pagbahang ito “ay isang paglitaw ng mga sintomas ng mga pangunahing sakit, lakip ang isang maglathala-o-mawalang etika sa gitna ng mga mananaliksik na mas malakas ngayon higit kailanman at nagpapasigla sa isang mahinang-klase, paulit-ulit, walang kuwenta o dinayang gawain pa nga.”

Isang nakatataas na patnugot sa The Journal of the American Medical Association, si Dr. Drummond Rennie, ay nagkomento sa kakulangan ng mataas na uri: “Tila walang pag-aaral na lubhang pira-piraso, walang palagay na lubhang walang halaga, walang banggit sa literatura na masyadong may-kinikilingan o masyadong makaako, walang disenyo na masyadong pilipit, walang metodolohiyang masyadong padaskul-daskol, walang paghaharap ng mga resulta na lubhang hindi tumpak, napakalabo, at lubhang pasalungat, walang pagsisiyasat na lubhang naglilingkod lamang sa sarili, walang argumentong lubhang sirkular, walang mga konklusyong napakababaw o lubhang hindi makatuwiran, at walang balarila o palaugnayan na kasuklam-suklam upang hindi ilathala ng isang pahayagan.”

Ginagawang Bundok ang mga Maliliit na Bunton

Dahil sa sintomas na ito ng maglathala-o-mawala ang mga mananaliksik ay naging mapamaraan sa pagpapalaki ng isang mahinhing paglalabas ng inilathalang mga artikulo tungo sa pambihirang mga bilang. Sumusulat sila ng isang artikulo, at pagkatapos ay hinahati ito sa apat na maliliit na mga artikulo​—tinatawag na salami slicing sa pananalita ng propesyon. Sa ganitong paraan, sa halip ng isa lamang pagkilala ng paglalathala ng isa lamang artikulo, mayroon silang apat na mga artikulong nadagdag sa listahan nila ng mga publikasyon. Pagkatapos maaari nilang ipadala ang artikulo ring iyon sa iba’t ibang pahayagan, at tuwing ilalathala ito, muli itong binibilang. Kadalasan, ipinakikita ng isang artikulo ang ilang mga siyentipiko bilang mga autor, at idinaragdag ng bawat autor ang artikulo sa kaniyang listahan ng mga nailathalang artikulo. Ang isang dalawa- o tatlong-pahinang artikulo ay maaaring magpakita ng 6, 8, 10, 12, o higit pang mga autor.

Sa pagpapalabas ng programa ng NOVA na pinamagatang “Nandaraya ba ang mga Siyentipiko?” noong Oktubre 25, 1988, isang siyentipiko ang nagkomento tungkol sa gawaing ito: “Nagsisikap ang mga tao na ilagay ang kanilang mga pangalan sa pinakaraming publikasyon hangga’t maaari, anupa’t karaniwang makikita mo ngayon ang malalaking pangkat kung saan 16 katao ang pawang lumalagda ng kanilang pangalan sa isang partikular na publikasyon, na marahil ay hindi naman karapat-dapat na ilathala. Subalit bahagi ito ng isang uri ng magulo at nakalilitong buhay, isang pakikipagkompetensiya, isang hayagang mentalidad ng pagbibilang ng dami na lubusang pinasisigla ng kaayusan ng siyensiya sa Estados Unidos sa ngayon.” Ilang nakatala bilang mga kasamang autor ay maaaring kakaunti lamang ang naitulong sa artikulo, maaaring hindi man lamang nila nabasa ito, subalit idinaragdag nila ang artikulo sa talaan nila ng mga publikasyon. Ang gayong makapal na mga talaan ang nakakaimpluwensiya sa paggagawad ng mga kahilingan sa pananaliksik na kinasasangkutan ng daan-daang libong dolyar ng pondong publiko.

“Peer Review,” Isang Pananggalang Laban sa Pandaraya?

Ang mga patnugot ng mga pahayagan sa siyensiya ay madalas​—subalit hindi laging​—nagsusumite ng mga dokumento sa ibang mga siyentipiko para repasuhin bago ilathala ang mga ito. Ang kaugaliang ito, tinatawag na peer review, ayon sa teoriya ay inaalis ang mga mali at dinayang mga artikulo. “Ang siyensiya ay nagtutuwid-sa-sarili sa isang paraang hindi mapapantayan ng ibang larangan ng intelektuwal na pagsisikap,” sabi ni Isaac Asimov. “Ang siyensiya ay gumagawa-ng-sariling-patakaran sa paraang hindi kaya ng ibang larangan.” Siya’y namangha na “ang iskandalo ay napakadalang.”

Subalit maraming iba pa ang may kakaibang pangmalas. Ang peer review ay “isang walang-kuwentang paraan ng paghahanap ng pandaraya,” sabi ng sinipi kanina na si Dr. Drummond Rennie. Sabi ng American Medical News: “Ang mga pahayagang peer-reviewed, na dati’y itinuring na halos walang mali, ay napilitang umamin na hindi nila kayang alisin ang pandaraya.” “Naibenta na ang peer review,” sabi ng isang manunulat sa medisina at kolumnista para sa The New York Times.

Nag-uulat ang pahayagang Science na ang isang mananaliksik na inatasahang repasuhin ang dokumento ng isa pang mananaliksik ay inihabla ng pamamláhiyó. Siya’y “nanguha ng datos mula sa dokumento na kaniyang nirepaso para sa isang kasamahan at ginamit iyon para sa kaniyang sariling gawa,” ayon sa NIH (National Institutes of Health). Ang gayong paggawi ay isang “paglabag sa pagtitiwalang dapat sanang nasa puso ng sistema ng peer-review,” at sa kasong ito, ang tagarepaso ay inihayag na “hindi na karapat-dapat tumanggap ng pederal na pondo sa hinaharap.”

“Sa mga pinakayayamutan dahil sa paghahayag sa sariling kalinisan sa etika, matagal nang nagwagi ang pamayanang siyentipiko,” sabi ng magasing New Scientist. Ang labis na ipinagyayabang na sistema ng peer-review na teoretikong nag-aalis ng lahat ng mga pandaraya ay nadarama ng karamihan na isang katatawanan. “Ang katunayan,” sabi ng New Scientist, “ay na kakaunting tampalasang siyentipiko ang nahuhuli, subalit, kung mahuli nga, kadalasa’y masusumpungang matagal na silang di-masupil, at naglalathala ng huwad na datos sa kagalang-galang na mga babasahin, nang walang tanung-tanong.”

Noon, isang opisyal ng NIH ang nagsabi, gaya ng ulat sa The New York Times: “Sa palagay ko’y nagwakas na ang panahon ng kawalang-malay. Dati inakala ng mga tao na hindi ito ginagawa ng mga siyentipiko. Subalit natatanto na ng mga tao na walang kahigitan sa moral kaninuman ang mga siyentipiko.” Ang ulat ng Times ay sumusog: “Bagaman bihira noong nakaraang ilang taon para sa National Institutes of Health na tumanggap ng isang reklamo ng pandaraya sa isang taon, sinabi niya, sa ngayon mayroong di-kukulanging dalawang seryosong paninindigan sa isang buwan.” Napuna ng magasing Science: “Paulit-ulit na tiniyak ng mga siyentipiko sa madla na ang pandaraya at maling paggawi sa pananaliksik ay bihira . . . Subalit, ang mahahalagang kaso ay tila patuloy na nagsusulputan.”

Ang chairman ng isa sa kongresyonal na mga komiteng nagsisiyasat, si John Dingell, minsa’y nagsabi sa mga siyentipiko: “Sasabihin ko sa inyo na nasumpungan kong walang pag-asang makasapat ang inyong mga karagdagang mekanismo at na tila ang pagkatampalasan ay nananagumpay sa kabutihan sa maraming mga pangyayari sa isang kausuhang nasumpungan kong lubusang hindi maaaring tanggapin. Umaasa akong gayon din kayo.”

Ang programa ng NOVA sa “Nandaraya ba ang mga Siyentipiko?” ay nagwakas sa pag-aming ito ng isang siyentipikong naroroon: “Ang itinatagong mga bagay ay kailangang ihayag, sirain ang mga karera ng mga bureaucrat kung kinakailangan, at kung wala nang mapagpipilian. Ito’y hinihiling ng etika, hinihiling ng batas, at tiyak na isang kahilingang moral.”

[Blurb sa pahina 6]

“Labing-anim katao ang pawang lumalagda ng kanilang pangalan sa isang partikular na publikasyon”

[Blurb sa pahina 7]

“Ito’y hinihiling ng etika, hinihiling ng batas, at tiyak na isang kahilingang moral”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share