Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 3/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PINAKAHULING BALITA SA CHERNOBYL
  • “ANG HULING MALAKING ILÁNG NG DAIGDIG”
  • HABANG SUMISIKAT ANG ARAW
  • ANG KAPANGYARIHAN NG MGA AMOY
  • MGA SIMBAHANG WALANG LAMAN
  • ANG PANIKI AT ANG TAO
  • MGA BATANG DUKHA
  • NAGLALAKBAY NA MALARIA
  • BATANG MGA MANGGAGAHASA
  • HUWAD NA BUBUYOG
  • DUMARAMING PAGPAPATIWAKAL
  • PAGMAMALUPIT LABAN SA DISIPLINA
  • Paniki—Hindi Maunawaan, Kahanga-hanga, Mahalaga, Nanganganib Malipol
    Gumising!—1989
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Lumilipad na mga Hardinero sa Tropikal na Kagubatan
    Gumising!—2014
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 3/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

PINAKAHULING BALITA SA CHERNOBYL

Tatlo at kalahating taon pagkaraan ng nuklear na sakuna sa Chernobyl, U.S.S.R., ang mga residente roon, “lalo na ang mga bata, ay pinahihirapan ng namamagang thyroid glands, pananamlay, mga katarata at ang mabilis na pagdami ng kanser,” sang-ayon sa Manchester Guardian Weekly. Sa isang dako, hinuhulaan ng mga dalubhasa sa medisina na sampu-sampung libo pa ang mamamatay dahil sa kanser na dala ng radyasyon. Iniuulat ng mga namamahala sa bukid ang dumaraming depekto sa pagsilang sa mga hayop sa bukid: “mga guyang walang ulo, mga kamay, tadyang o mata; mga baboy na may di-normal na mga bungo.” Iniuulat na ang mga tala ng radyasyon ay 30 ulit na mas mataas kaysa normal sa dakong iyon. Si Zoya Tkachova, isang direktor sa ospital sa Mogilev sa rehiyon ng Belorussia, ay nagsabi: “Hindi kami makabibigay ng garantiya ng malusog na buhay sa mga naninirahan sa nadumhang mga dako.”

“ANG HULING MALAKING ILÁNG NG DAIGDIG”

Habang ang nakukuhang suplay ng likas na yaman ay patuloy na umuunti, ang kontinenteng binubuo halos ng isang ikasampung bahagi ng sukat ng lupa, ang Antarctica, ay pinag-aaralan bilang isang potensiyal na bagong mapagkukunan ng likas na yaman. Ang kontinenteng nababalot-sa-yelo ay nasa ilalim ng pangangalaga ng 1959 Antarctic Treaty at isang boluntaryong pagtigil sa pagmimina. Gayumpaman, isang bagong kasunduan ang iminungkahi na magbubukas dito sa panggagalugad at pagmimina ng langis. Iniuulat ng International Herald Tribune na dalawa sa mga miyembrong bansa ng kasunduan, ang Australia at Pransiya, ay ayaw pumirma sa kasunduan. Binabanggit ang natapong langis sa Alaska at Antarctica bilang malagim na mga tagapagpaalaala ng mga panganib sa kapaligiran ng panggagalugad ng mineral, ang punong ministro ng Australia, si Bob Hawke, ay nanawagan para sa “mas malakas na proteksiyon sa kung ano ang natitira sa huling malaking iláng ng daigdig.”

HABANG SUMISIKAT ANG ARAW

Isang arkitekto sa Pederal na Republika ng Alemanya ang nakadisenyo at nakagawa ng isang lubhang mahusay, kakatuwang-tingnan, pinatatakbo-ng-araw na kotse. Ayon sa pahayagang Die Zeit, sa bayan ng arkitekto, ang kotse ay nagtatamo ng mga sigaw ng kagalakan ng mga bata, samantalang pinag-uusapan naman ng mga adulto kung ito ay mukhang mesa ng Ping-Pong o isang lapad na isda. Subalit kung hindi mo papansinin ang hitsura nito, ang kotse ay isang tagumpay. Nanalo ito ng pandaigdig na mga kampeonato para sa mga sasakyang pinatatakbo ng araw at naaabot nito ang tulin na 130 kilometro sa bawat oras. Ngunit iyan ay kung gargado ang mga batirya nito. Kapag tumatakbo nang tuwiran sa liwanag ng araw, ang kotse ay hindi na bibilis pa sa 30 kilometro isang oras​—at iyan ay kung sumisikat ang araw.

ANG KAPANGYARIHAN NG MGA AMOY

Ang mga kompaniyang Hapones ay nag-eeksperimento sa mga amoy na bumabago-ng-paggawi. Sang-ayon sa isang dalubhasang Hapones, ang gayong mga amoy, na ipinadaraan sa air conditioning ducts, ay “nasumpungang nakapagpapahinahon sa di-mapakaling mga pasyente sa nursing-home at napahuhusay ang kakayahan sa trabaho at nababawasan ang kaigtingan ng mga manggagawa sa pabrika at sa opisina. Labintatlong keypunch operators ay sinubaybayan sa loob ng 30 araw, at ipinakikita ng mga eksperimento na ang katamtamang bilang ng pagkakamali sa bawat oras ay bumaba ng 54 na porsiyento nang ang hangin sa opisina ay pinabanguhan ng amoy lemon. Iniuulat ng magasin na ngayon isang sikologo “ang inupahan upang gumawa ng amoy na maaaring iisprey sa mga subwey sa New York City upang bawasan ang pananalakay ng commuter at maging higit na palakaibigan.”

MGA SIMBAHANG WALANG LAMAN

Sang-ayon sa isang surbey kamakailan sa Pederal na Republika ng Alemanya, 70 porsiyento ng mga Aleman ay naniniwala sa Diyos, at 13 porsiyento lamang ang umaanim na sila’y mga ateista, ulat ng Schweinfurter Tagblatt, isang pahayagang Aleman. Gayunman, ipinakikita ng mga resulta ng isang surbey ng Allensback Opinion Research Institute na 5 porsiyento lamang ng mga Lutherano at 25 porsiyento ng mga Katoliko sa Pederal na Republika ng Alemanya ang regular na nagsisimba. Sa mga ito, 50 porsiyento ay mahigit ng 60 taóng gulang.

ANG PANIKI AT ANG TAO

Sa Europa, ang mga paniking ulol ay higit at higit na nagiging panganib sa mga tao, ulat ng Manchester Guardian Weekly. Daan-daang kaso ng mga impeksiyon mula sa mga kagat ng paniki ang naiulat sa Europa nitong nakalipas na mga taon. Ang suliranin ay hindi lamang sa Europa. Gaya ng iniulat, mula noong 1983 dalawa katao ang namatay sa Unyong Sobyet at isa sa Finland dahil sa nakagat ng nahawaang mga paniki. “Sa Timog at Sentral Amerika, kasalukuyang may epidemya ng mga rabis sa gitna ng mga paniking bampira na sumisipsip-ng-dugo,” sabi ng Weekly. Karagdagan pa, ang mga pagsalakay ng paniki sa mga tao sa Pransiya ay umakay sa pagkatuklas ng isang bagong uri ng virus na nakakaapekto sa mga paniki. Ang bagong virus, kahawig niyaong sa rabis, ay tinatawag na European bat virus.

MGA BATANG DUKHA

Ang Estados Unidos ay isang bansang kilala sa kariwasaan at kasaganaan nito, gayunman nasumpungan ng mga pag-aaral na isinagawa ng mga ahensiya ng pamahalaan ang milyun-milyong di-malulusog at walang pinag-aralang mga bata sa bansang iyon. Sang-ayon sa surbey ng Census Bureau, 1 sa bawat 5 bata sa Estados Unidos​—12.6 milyong wala pang 18 anyos​—ay namumuhay sa karukhaan. Sinisisi ng ekonomistang si D. Lee Bawden ang dumaraming batang dukha, sa bahagi, sa dumaraming pamilya ng nagsosolong-magulang. Tinatayang mahigit sa 17 milyong bata sa Estados Unidos ang namumuhay na kasama ng isa lamang magulang.

NAGLALAKBAY NA MALARIA

Ilang kaso ng malaria ang iniulat na nakuha malapit sa mga paliparan o sa paliparan mismo sa Britaniya, Pransiya, Netherlands, at Switzerland. Pagkatapos banggitin na ang ilan sa mga taong nagkasakit nito ay hindi naglakbay sa ibang bansa sa loob ng isang taon, idinagdag pa ng magasing Machine Design na ang gayong mga kalagayan ay nagpapahiwatig na “ang malaria ay dala ng mga lamok na dumarating sa paliparan mula sa isang malayong-distansiyang paglalakbay.”

BATANG MGA MANGGAGAHASA

Isinisiwalat ng isang pag-aaral kamakailan na sa 1.5 milyong seksuwal na pagsalakay at tangkang panggagahasa sa Estados Unidos, halos kalahati ay kinasangkutan ng isang tin-edyer na manggagahasa, sang-ayon sa magasing Medical Aspects of Human Sexuality. Sa isa pang pag-aaral sa E.U., nasumpungan ng mga mananaliksik na “72% ng mga manggagahasang tin-edyer ay iniulat na gumagamit ng isang droga o mga droga noong maganap ang pangyayari; 54% ang gumamit ng alak, 44% ng marijuana, at 25% ng ibang droga . . . Apatnapu’t tatlong porsiyento ay lango noong panahon ng panggagahasa.” Sang-ayon sa report ng magasing ito, ang pag-inom ng alak ay maaaring madalas na siyang dahilan ng mga pagsalakay kung saan ang mga manggagahasa ay gumagamit ng sobrang karahasan o lakas.

HUWAD NA BUBUYOG

Noong 1945 ipinakita ng zoologong si Karl von Frisch na ang sayaw ng bubuyog na humahanap ng pagkain ay talagang isang masalimuot na kodigo, binibigyan ng direksiyon ang kapuwa mga bubuyog sa bagong tuklas na pinagmumulan ng nektar. Nang maglaon siya ay tumanggap ng isang gantimpalang Nobel para sa kaniyang tuklas. Mula noon, sinikap ng mga siyentipiko na gumawa ng isang robot na bubuyog na makagagawa rin ng gayon. Subalit ang mga resulta ay nakapanghihinang-loob. Ang mga impostor, kahit na ano pang sayaw nila, ay hindi pinansin ng tunay na mga bubuyog. Subalit sang-ayon sa pahayagang Aleman na Hannoversche Allgemeine, ang mga siyentipiko ay nakagawa na ng isang robot na bubuyog na may maliliit na pakpak na nakakabit sa diyamanteng mga bearing. Ang pakpak ay gumagawa ng pambihirang tunog na mahalaga sa sayaw. Sinubok sa Denmark, nakuha ng robot na ito ang pansin ng iba pang mga bubuyog. Naglapitan sila rito at sinubok nilang kagatin ito hanggang mamatay. Gayunman, tinanggap naman ng mga bubuyog sa ibang bayan ang huwad na sayaw, at nagsimulang hanapin ang nektar.

DUMARAMING PAGPAPATIWAKAL

◻ Ang mga taóng 1980 ay nakagawa ng pinakamaraming pagpapatiwakal sa kasaysayan ng Canada sa gitna ng mga lalaking matatanda na, ulat ng The Toronto Star. Ipinakikita ng estadistika na 80 porsiyento ng mga biktima ng pagpapatiwakal ay mga lalaki. Itinala ng pansamantalang hepe ng psychiatry sa Baycrest Centre for Geriatric Care, si Dr. David Conn, na posibleng mga dahilan ang kombinasyon ng pisikal na karamdaman, tagóng alkoholismo, at ganap na pagkakabukod pagkatapos magretiro o ng mga kamatayan ng pamilya. “Ang panlulumo at pag-inom ay maaaring maglagay sa isipan ng pagpapatiwakal,” ulat ng Star. Ano pa ang ibang mga tanda? Si Barbara Debuk, isang kasangguni ng kalusugang pangkaisipan para sa Health and Welfare Canada, ay nagsabi na ang mga ito ay: pag-iipon ng maraming medikasyon, pagpaplano ng libing, pagpapalit ng isang testamento ng huling habilin, pagsasaayos na ang katawan ay ipagkaloob sa medisina, at ang pagpapakita ng panlahat na pagkaabala sa kamatayan.

◻ Itinala ng Saturday Star, isang pahayagan ng Johannesburg, Timog Aprika, kabilang sa ibang bagay, “ang bagay na inilalarawan ng mga relihiyon ang kabilang buhay na kaakit-akit” bilang isang posibleng salik sa pagpapatiwakal sa bansang iyon. Binanggit nito na “isang pagkabighani sa misteryo ng kabilang buhay” ay umakay sa pagpapatiwakal. Binanggit ng pahayagan bilang isang halimbawa ang kaso ng isang 16-anyos na lalaki na nagpatiwakal. Sa isang maikling sulat, “sinabi niya sa kaniyang pamilya na ipinasiya niyang wakasan ang kaniyang buhay sa isang kadahilanan lamang​—upang alamin ang tungkol sa kabilang buhay,” ulat ng pahayagan.

PAGMAMALUPIT LABAN SA DISIPLINA

Sinuri ng isang pag-aaral sa 237 mga bilanggo sa Estados Unidos kung ano ang nagpapangyari sa mga bata na lumaking mga mararahas na adulto. Nasumpungan nito na “87 porsiyento ng mga bilanggo na nagsabing sinipa at sinuntok sila ng kanilang mga magulang noong sila’y mga bata ay naging marahas na mga kriminal,” ulat ng Enero 1990 na labas ng Science Digest. Gayundin ang epekto sa mga bata na makitang binubugbog ng isang magulang ang isa. Subalit ang pagpalo sa mga bata sa ganang sarili ay waring hindi nagpangyari sa kanila na maging mararahas na adulto.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share