Paniki—Hindi Maunawaan, Kahanga-hanga, Mahalaga, Nanganganib Malipol
‘PANIKI! Kinaiinisan ko ito! Ito’y hindi kanais-nais, hindi makakita at nagkakabuhul-buhol sa iyong buhok, nagkakalat ng rabis, sinisipsip ang iyong dugo. Ugh! Kinikilabutan ako!’ Iyan ba ang iyong nadarama?
Sa katunayan, ang mga paniki ay lubhang siniraang-puri na maliliit na nilikha. Sila ay mga biktima ng masamang balita. Totoong maselan na inaayos nila ang kanilang sarili. Ang karamihan ay may mabuting paningin; walang bulag. Hindi nila gustong masabit sa iyong buhok. Bihira sa kanila ang may rabis, at kung mayroon silang rabis, wala silang hilig na kagatin ka—di-gaya ng mga asong may rabis. “Maraming tao ang namamatay taun-taon dahil sa mga kagat ng pukyutan o sa mga pagsalakay ng alagang aso,” sabi ng isang mananaliksik. At tatlo lamang sa halos isang libong iba’t ibang uri ng paniki ang umiinom ng dugo.
Si Merlin D. Tuttle, nagtatag ng Bat Conservation International sa Austin, Texas, ay kilala sa buong daigdig bilang isang autoridad sa mga paniki.a Ipinaaalam niya sa atin: “Ang mga ito ay bumubuo ng halos sangkapat ng lahat ng mga uri ng mammal at may kahanga-hangang pagkasarisari, mula sa pinakamaliit na mammal sa daigdig—ang Bumblebee Bat ng Thailand, na wala pang ikatlo ng timbang ng isang pera—hanggang sa dambuhalang lumilipad na sora sa Java na ang lapad ng pakpak ay umaabot ng hanggang 1.8 metro. . . . Mga 70 porsiyento ng paniki ay kumakain ng mga insekto. Marami ang kumakain ng prutas o nektar, at ang ilan ay kumakain ng karne.” Nasusumpungan niya ang mga ito na kaibig-ibig, magiliw, intelihente, nasasanay, lubhang hindi maunawaan, at lubos na
Kahanga-hanga!
Ang magasing Scientific American ay sumasang-ayon: “Sa mga panahong ito ng teknolohikal na mga tagumpay makabubuting ipaalaala sa ating sarili sa pana-panahon na ang nabubuhay na mga mekanismo ay kadalasang walang kaparis sa kakayahan kaysa artipisyal na mga imitasyon nila. Walang mas mahusay na halimbawa ng tuntuning ito kaysa sistema sonar ng mga paniki. Onsa sa onsa at watt sa watt, ito ay bilyun-bilyong ulit na mas mahusay at mas sensitibo kaysa mga radar at mga sonar na inimbento ng tao.”—Hulyo 1958, pahina 40.
Yamang ang sonar ng paniki ay di-hamak na mas masalimuot kaysa tao, pinipili ng marami ang “echolocation” bilang ang mas wastong salita upang ilarawan ito. Habang naglalayag ang paniking naghahanap-insekto, ito ay naglalabas ng mga pulso ng tunog, bawat pulso ay halos 10 hanggang 15 ikasanlibo ng isang segundo ang haba. Kapag ang tunog ay humampas sa isang insekto at ang nagbabalik na alingawngaw ay tinanggap, ang paniki ay lumalapit sa pagkain nito. Pinaiikli nito ang haba ng mga pulso hanggang sa ikasanlibo ng isang segundo at pinararami ang bilis ng paglalabas nito ng tunog ng hanggang 200 pulso sa isang segundo, sa gayo’y patuloy na binabago ang larawang tinatanggap nito habang ito ay papalapit sa biktima. Sa isang silid na may nakataling pinong mga kawad, ang mga paniki na dalubhasa sa echolocation ay hindi tatama sa lahat ng ito—maaari silang umilag sa mga kawad na 1 milimetro ang diyametro!
Ang sistema ng echolocation ng paniki ay pinahuhusay pa ng nagbabagong tono ng bawat pulso, mula sa halos 50,000 hanggang 25,000 siklo sa bawat segundo. Habang nagbabago ang tono, tumataas naman ang haba ng alon (wavelength), nagsisimula sa halos anim na milimetro at umaabot ng labindalawang milimetro. Ito ay tumutulong sa paniki na matagpuan ang mga target na sarisari ang laki, yamang ang sarisaring haba ng alon nito ay sumasaklaw sa laki ng karamihan ng mga insekto na kinakain nito. Masasabi rin ng paniki mula sa alingawngaw kung ang bagay ay isang nakakaing insekto o hindi. Kung ito’y matigas na bato, ang paniki ay iiwas sa huling sandali.
Lubhang kahanga-hanga ang kakayahan ng paniki na kilalanin at piliin ang sarili nitong alingawngaw sa kabila ng ingay ng libu-libong iba pang paniki. Angaw-angaw na mga paniking humahapon sa mga kuweba ang lumilipad na halos ay pinupuno ang himpapawid ng mga sigaw at mga alingawngaw, gayunman nakikilala ng bawat paniki ang sarili nitong sigaw at sa gayo’y naiiwasan ang mabunggo sa iba pang paniki. Nakadaragdag pa sa problema at pinalalaki ang kahanga-hangang echolocation ng paniki, dapat matanto “na ang mga alingawngaw ay mas mahina kaysa mga tunog na kanilang inilalabas—sa katunayan, mas mahina sa isang salik ng 2,000. At dapat nilang piliin ang alingawngaw na ito sa isang larangan na kasinlakas ng kanilang inilabas na tunog. . . . Gayunman nakikilala at ginagamit ng paniki ang mga hudyat na ito, ang ilan ay 2,000 ulit na mas mahina kaysa ingay sa paligid!” Ang gayong masalimuot na sistema sonar ay higit pa sa pang-unawa natin.
Ang mahahaba-taingang paniki, ang sabi sa amin, “ay malinaw na malinaw na maririnig ang kanilang alingawngaw kung ito ay bubulong.” Ang ilang uri ay may napakatalas na pandinig anupa’t kanilang maririnig ang isang uwang na lumalakad sa buhangin na tatlong metro ang layo. Gayunman, hindi nila naririnig ang kanilang sariling sigaw kapag naghahanap ng biktima. “Tuwing ang isang tunog ay binibigkas isang kalamnan sa tainga ang kusang lumiliit, sa gayo’y pansamantalang pinipigil ang tunog mismo upang ang alingawngaw lamang ang marinig. Posible na ang bawat hayop ay may kani-kaniyang huwaran ng tunog at pinapatnubayan ng sarili nitong alingawngaw.”
Ang mga inang paniki ay kapuri-puri. Karaniwang may iisa lamang tuta sa isang taon, kinakarga ng ilan ang mga ito kapag sila ay lumilipad upang kumain. Iniiwan naman ng iba ito sa isang nursery sa kuweba, nakabalot sa isang bunton, 4,000 sa isang metro kuwadrado. Pagbabalik ng ina, tinatawag niya ang kaniyang anak at sumasagot naman ang anak, at sa magulong pook ng angaw-angaw na nagsisigawang batang paniki at tumatawag na mga ina, nasusumpungan niya ang kaniyang tuta at pinasususo ito. Ang ibang mga babaing paniki ay napakamapagbigay. Nagbabalik mula sa pagkain, ibabahagi niya ang kaniyang pagkain sa ibang babaing paniki na hindi nakasumpong ng pagkain sa pamamagitan ng pagluwa ng kaniyang kinain.
Mahalaga
Ang isang paniki na kumakain-insekto, sabi ni Tuttle, ‘ay makahuhuli ng hanggang 600 lamok sa isang oras, kumakain ng 3,000 mga insekto sa isang gabi.’ Ang isang kawan ng mga paniki sa Arizona ay nasumpungang “kumakain ng hanggang 160,000 kilo ng mga insekto, o halos katumbas ng timbang ng 34 na elepante, gabi-gabi!”
Ang ibang mga paniki ay kumakain ng nektar, nag-uukol ng mahalagang paglilingkod bilang mga pollinator. Umaaligid sa mga bulaklak na gaya ng mga hummingbird, pinapahid ng kanilang mahahabang dila, na ang dulo’y may tulad-eskobang mga balahibo, ang nektar at polen. Ang mga ito ay mga hayop sa tropiko at nandarayuhan sa pagitan ng Mexico at timog-kanluran ng Estados Unidos. Yaong kumakain ng prutas ay ikinakalat ang mga buto sa malawak na dako. Sabi ni Tuttle: “Ang mga paniking kumakain ng prutas at nektar na nagkakalat ng mga buto at nagpu-pollinate sa mga bulaklak na mahalaga sa kaligtasan ng mga kagubatan at sa produksiyon ng nauugnay na mga ani na nagkakahalaga ng milyun-milyong dolyar taun-taon.”
Ang magasing New Scientist, ng Setyembre 1988, ay nagsasabi: “Ang mga magsasaka na pumapatay ng mga paniking kumakain ng prutas sapagkat itinuturing nila ang mga ito na mga peste ay maaaring dumanas ng mas malaking kalugihan sa produksiyon sapagkat ang mga paniki ang nagku-cross-pollinate ng kanilang mga punungkahoy na namumunga.” Ang mga prutas na inilululan ay inaani mga lima o pitong araw bago mahinog, para sa lokal na gamit mga dalawa o apat na araw na mas maaga, subalit kinakain lamang ng mga paniki ang hindi naaning hinog na prutas—walang halaga sa mga magsasaka. Ang ginagawa ng paniki na polinasyon at pagkakalat ng mga buto ay mahalaga sa mahigit na 500 uri ng mga halaman at punungkahoy. Siyanga pala, ang mga paniking kumakain ng prutas ay hindi lumilipad sa pamamagitan ng sonar—sila ay may malinaw na paningin. Kadalasan ang mga magsasaka, hindi ang mga paniki, ang siyang bulag.
Nanganganib Malipol
Gayumpaman, ang napakahalagang mga paniki ay nanganganib. Ang kawalan ng tirahan, mga pestisidyo, at walang pinipiling pagpatay nang maramihan ay inuubos ang kanilang bilang mula sa angaw-angaw tungo sa libu-libo at ang ilan ay nalilipol. Ang di-matuwid na opinyon, maling pagkaunawa, at basta kawalang-alam ang karaniwang dahilan. Sa Latin Amerika ang karaniwang paniking bampira ay nangangailangan ng pangangasiwa upang mapangalagaan ang hayupan ng modernong tao, subalit “karaniwang walang pinipiling napapatay ng hindi mahusay ang pagkakasanay na mga ahente na sasawata sa bampira ang lahat ng mga paniki, hindi nalalaman na ang karamihan ng 250 ibang uri ng paniki sa dakong iyon ay lubhang kapaki-pakinabang.”
Sa Australia, libu-libong lumilipad na sora, paniking kumakain ng prutas, ang nalipol, “sa kabila ng katotohanan na ang ilan sa mga punungkahoy na mahalaga sa ekolohiya at ekonomiya ay umaasa sa mga ito” at na “ayon sa mga tuklas ng imbestigasyon ng pamahalaan na ang pinsala sa ani ng mga paniki ay hindi humihiling ng pagkontrol.” Sa Israel, “ang mga kuwebang pinaghihinalaang tirahan ng mga paniking kumakain ng prutas ay nilason—pati na ang mga lugar na nag-iingat sa likas-yaman—hindi sinasadyang nililipol ang mga 90 porsiyento ng mga paniking kumakain ng insekto ng bansa.”
Ang mga dating takot may kinalaman sa mga paniki bilang mga tagapagdala ng rabis at ng iba pang sakit ay lubhang pinalabis: “Ang kalamangan na ang isang tao ay mamamatay dahil sa sakit na dala ng paniki ay malayong mangyari, mas malayong mangyari kaysa roon sa namamatay dahil sa aso, o sa kagat ng pukyutan, o pagkalason sa pagkain sa isang piknik ng simbahan.”
Binubuod ng Science Year para sa 1985 ang artikulo nito tungkol sa mga paniki na gaya ng sumusunod: “Sa kasamaang-palad, habang ang listahan ng kapaki-pakinabang na tulong ng mga paniki ay nagpapatuloy, nagpapatuloy rin ang mga banta sa pag-iral ng mga nilikhang ito. Sa buong daigdig, ang populasyon ng paniki ay mabilis na umuunti. Taun-taon, maraming kawan ng paniki ang naglalaho sapagkat ang kanilang mga tirahan ay ginugulo o sinisira. Sa Aprika at Asia, ang mga paniki ay hinahanap sa dumaraming bilang para sa pagkain ng tao at para sa gamit sa gamot at inumin. Ang mga paniking kumakain ng prutas, na ang tanging kinakain ay mga prutas sa katutubong kagubatan, ay kadalasang pinapatay ng mga magsasaka na may kamaliang naniniwala na lubhang pipinsalain ng mga paniki ang kanilang mga ani. At ang mga alamat tungkol sa mga paniki ay nananatili anupa’t angaw-angaw na mga hayop ang pinapatay sa bawat taon dahil lamang sa ang mga tao ay natatakot sa mga ito. Ang ilang uri ng mga paniki ay lipol na, at marami pa ang nanganganib malipol. Hangga’t hindi nakikilala ng mas maraming tao ang halaga ng mga paniki at ang pangangailangan na pangalagaan ang mga ito, ang hinaharap ng mahalagang mga hayop na ito ay nananatiling di-tiyak.”
Pagkatapos itala ang ilan sa mga pakinabang na ginawa ng Bat Conservation International, si Merlin Tuttle ay naghihinuha: “Ang ibabaw pa lamang ang ating nagagalaw kung tungkol sa kung ano ang dapat gawin upang makaligtas ang malusog na populasyon ng mga paniki. Para sa ilan, huli na ang lahat at para naman sa iba, paubos na ang panahon. Ang pagkawala ng mga populasyon ng paniki ay naghaharap ng malubha, potensiyal na di-mababaligtad, na mga resulta para sa kapaligiran na dapat nating pagsaluhang lahat.”
Dito minsan pa, ang mensahe ay malinaw: Ipinakikita kapuwa ng sinauna at ng modernong kasaysayan na hindi kayang ituwid ng tao ang kaniyang mga hakbang. (Jeremias 10:23) Ang pag-ibig niya sa salapi, ang kawalan niya ng kabatiran sa hinaharap, at ang kaniyang pagkamakasarili ay nagbunga ng pagkasira ng kapaligiran—hangin, tubig, lupa, at buhay halaman at hayop—at pati na ang tao. Tanging ang Diyos na Jehova lamang ang magpapahinto rito. Siya lamang ang “magpapahamak sa mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
[Talababa]
a Lahat ng larawan sa artikulong ito ay inilaan ni Merlin D. Tuttle, ng Bat Conservation International.
[Larawan sa pahina 16]
Mga paniking kumakain ng prutas sa Gambia, ina at anak
[Larawan sa pahina 17]
Paniking kumakain ng nektar
[Larawan sa pahina 17]
Lumilipad na sora ng Lyle
[Mga larawan sa pahina 18]
Mula sa itaas pababa:
Karaniwang mahaba-taingang paniki
Lumilipad na sora
Paniking may hugis-pusong-ilong na nanghuhuli ng uwang
Katuwaan sa pagkain!