Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 4/22 p. 18-20
  • Mayroon bang Nagmamasid sa Iyo?—Ang “Elektronikong Amo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mayroon bang Nagmamasid sa Iyo?—Ang “Elektronikong Amo”
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Magagawa Nito
  • Kung Bakit Itinataguyod Ito ng Ilan
  • Isang Walang-Pusong “Amo”
  • Pamumuhay na Kasama ng Gayong “Amo”
  • Pagpapanatili ng Timbang na Pangmalas sa Teknolohiya ng Computer
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1996
  • Kailangan ba ni Junior ang Computer Ngayon?
    Gumising!—1989
  • Artipisyal na Katalinuhan—Matalino Nga Ba?
    Gumising!—1988
  • Isang Kapaki-pakinabang na Pantulong sa Pagsasaling-Wika
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2005
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 4/22 p. 18-20

Mayroon bang Nagmamasid sa Iyo?​—Ang “Elektronikong Amo”

“ANG pagsubaybay sa mga empleado ay higit at higit na ginagawa sa pamamagitan ng mga makina,” ulat ng Technology Review. “Higit pa ang sinusubaybayan, at ang pagsubaybay ay lumawak pa mula sa pagawaan tungo sa opisina.”

Isinisiwalat ng isang pag-aaral noong 1987 ng kongresyonal na Office of Technology Assessment na may apat hanggang anim na milyong Amerikanong manggagawang eskribyente na gumagawa ng kanilang mga trabaho na may nagmamasid na computer na patuloy na sumusubaybay sa kanila sa pamamagitan ng isang video display terminal.

Ang mga sistema ng pagsubaybay sa pamamagitan ng computer ay malawakang ginagamit ng mga kompaniya ng seguro, bangko, paglilingkod-bayan, mga kompaniya ng telepono, at sa mga industriya ng mga eruplano at otel. Sa gayong mga dako ang mga empleado ay nagtatrabaho sa ilalim ng mapagmasid na mata ng isang “elektronikong amo”​—isang sistemang nagmamanman na idinisenyo upang bantayan kung ano ang ginagawa nila sa trabaho at kung gaano kabilis nila ito ginagawa.

Ang isang “elektronikong amo” ay hindi pumipikit. Sa pamamagitan ng kaniyang network ng mga kable ng computer, sumusubaybay na video, at nakakubling mga aparato sa pakikinig na nakakabit sa telepono, mamamasdan niya ang mahigit na daan-daang manggagawa nang sabay-sabay at ipinaaalam nito sa pangasiwaan kung ano ang ginagawa ng bawat isa sa bawat minuto ng paggawa. Palibhasa’y dumami ang paggamit ng computer sa pagsubaybay, parami nang paraming empleado ang may dahilang magtanong kung mayroon bang sinuman​—o isang bagay—​na nagmamasid sa kanila.

Ano ang nadarama ng mga empleado at mga manedyer tungkol sa bagong “amo”? At paano naapektuhan ng paggamit ng computer sa pagsubaybay ang dako ng trabaho?

Kung Ano ang Magagawa Nito

Maaaring kusang masukat ng mga sistema sa computer ang panahong ginugugol ng isang manggagawa sa opisina sa pagtawag sa telepono o sa pagpapasok ng benta sa cash register. Sa pagpindot lamang sa isang buton, malalaman ng isang manedyer sa malayong lugar ang bilis ng pagmamakinilya ng isang empleado o itala ang bilang ng mga pagkakamali na nagagawa ng isang eskribyente sa isang araw.

Ang ibang sistema sa pagsubaybay ay nagpapahintulot sa mga maypatrabaho na sukatin ang “unplugged time,” yaon ay, ang dami ng panahon na ang mga manggagawa ay wala sa kanilang mga mesa upang magtungo sa palikuran o magmerienda. Ipinaririnig naman ng ibang sistema sa manedyer ang mga usapan sa mga istasyon ng trabaho ng empleado. Maaari nilang marinig ang lahat ng sinasabi mo at ng iyong kapuwa.

Iniulat ng Technology Review ang tungkol sa isang kompaniya na naglagay ng mga computer sa mga pangkat ng mga trak nito upang masubaybayan ang tulin ng tsuper, ang pagkambiyo, at hindi pagtrabaho. Iniuulat pa nga ng computer kung gaano katagal humihinto ang isang tsuper sa pagkain o merienda!

Kung Bakit Itinataguyod Ito ng Ilan

Itinataguyod ng ilan ang pagsubaybay sa pamamagitan ng computer. Sinabi nilang ang gawaing ito ay nagpapangyari sa mga amo na tasahin ang paggawa ng isang manggagawa nang mas tama at makatuwiran kaysa isang manedyer na tao, na maaaring pailalim sa kaniyang sariling masamang mga palagay.

“Ang computer ay walang kinikilingan,” sulat ni Vico E. Henriques, presidente ng Computer and Business Equipment Manufacturers Association. “Tinatrato nito ang lahat nang pantay-pantay anuman ang kasarian, lahi, relihiyon, pinsala sa katawan, dating karanasan sa trabaho o iba pang salik na maaaring maging saligan para sa isang demanda laban sa pangasiwaan dahil sa pagtatangi.”

Sinasabing dahil sa pagsubaybay sa paggawa ng bawat indibiduwal sa pamamagitan ng computer, ang mga empleadong may natatanging kasanayan sa trabaho ay malamang na mapansin ng kanilang mga amo. “Halimbawa, maipahihintulot ng isang panukat sa pamamagitan ng computer ang isang organisayon na mas madaling makilala ang magagaling na mga empleado at gantimpalaan sila nang wasto,” sulat ni Henriques sa Management World.

Bagaman ang pagsubaybay sa pamamagitan ng computer ay maaaring isang mabisang kagamitan ng pangasiwaan, tinatanggap ni Henriques na maaari rin itong gamitin sa isang “walang pagtingin, iresponsableng paraan pa nga.” Papaano?

Isang Walang-Pusong “Amo”

“Ang pagsubaybay sa pamamagitan ng computer ay nagdaragdag sa kaigtingan ng manggagawa, binabawasan ang kasiyahan sa trabaho, at sa wakas ay sumisira sa mismong tunguhin ng pangasiwaan na mas maraming trabahong nagagawa,” sabi nina Karen Nussbaum at Virginia duRivage sa magasing Business and Society Review. Oo, maraming empleado ang nagreklamo na ang pagsubaybay sa pamamagitan ng computer ay naglalagay ng labis na pabigat sa kanila. Ang “elektronikong amo” ay nagbubunga ng mga manggagawang hirap na hirap, sabi nila.

Ginamit ng ibang kompaniya ang teknolohiya ng computer upang pasulungin ang bilis ng produksiyon, pinupuwersa ang mga empleado na pumaspas upang makasabay sa kanilang mga makina. Ang iba naman ay lubhang sinubaybayan ang mga empleado anupa’t ito ay lumikha ng isang mapaghinalang kapaligiran. Iniulat ng magasing Time ang tungkol sa isang kompaniya ng eruplano sa West Coast na gumagamit ng computer upang subaybayan nang husto kung ilang segundo ang ginugugol ng 400 mga empleado sa reservation sa bawat tawag sa telepono at ilang oras ang lumilipas sa pagitan ng mga tawag. Ang mga empleado ay nagkakaroon ng demeritong mga puntos kung ang kanilang mga tawag sa telepono ay lalagpas ng 109 segundo o kung sila ay gugugol ng mahigit na 12 minuto sa bawat araw sa pagpunta sa palikuran bukod sa oras na inilalaan para sa tanghalian at mga mirienda. Ang pagkakaroon ng 37 demeritong punto sa isang taon ay nangangahulugan ng pagkasesante.

Ang mga sistemang gaya niyan ay lumilikha ng masamang ugnayan sa pagitan ng mga manggagawa at ng pangasiwaan, sabi ng mga kritiko, at ipinadarama sa mga manggagawa na para bang ang mga manedyer ay nakapuwesto sa kanilang balikat, handang sumalakay sa kaunting pagbabago sa bilis ng trabaho.

Isa pa, ang ‘remote-control na amo’ ay maaaring gawing di-makatao ang ugnayan sa pagitan ng mga manggagawa at pangasiwaan. Ang mga empleado ay nakadarama na sila ay nagtatrabaho upang palugdan ang isang makina​—hindi kalugud-lugod na karanasan. Sa halip na pabilisin ang produksiyon, maaaring pabagalin ito ng pagsubaybay sa pamamagitan ng computer dahil sa pag-alis sa pagkukusa at sigla ng empleado.

“Hindi mapasisigla ng mga makina ang mga manggagawa, hindi nila nauunawaan ang mga problema ng empleado, at hindi nila mapagyayaman ang katapatan sa kompaniya,” paliwanag nina Nussbaum at duRivage.

Pamumuhay na Kasama ng Gayong “Amo”

Yamang ang daigdig ay kumikilos hindi sa simulain ng pag-ibig, kaya wala sa puso ng mga empleado o ng mga maypatrabaho ang pinakamagaling na kapakanan ng isa. Kaya, ang “elektronikong amo” ay naging isang katotohanan. Gayunman, kapuwa ang manggagawa at pangasiwaan ay sumasang-ayon na marami ang magagawa upang gawing mas mabisa at hindi gaanong maigting ang pagsubaybay sa pamamagitan ng computer.

Halimbawa, maaaring bigyan ng mga manedyer ang mga empleado ng patiunang patalastas ng pagsubaybay upang hindi nila madama na may nagmamanman sa kanila nang walang babala. Inirerekomenda ng ilang manedyer na hayaang makita ng mga empleado ang anumang impormasyon na natipon tungkol sa kanila.

Iminumungkahi ni Henriques na “ang panahon ng pagsubaybay sa mga empleado ay dapat na makatuwiran, at dapat na may mga palugit para sa normal na mabuti-at-masamang mga siglo ng lakas.” Kasuwato nito, nasumpungan ng ilang maypatrabaho na matalinong subaybayan ang gawain ng isang manggagawa sa loob ng mas mahabang yugto ng panahon, pinahihintulutan ang mabubuting araw at ang masasamang araw na maging katamtaman sa loob ng ilang linggo o buwan.

Ang kaigtingan ay nababawasan pa kapag ang mga manggagawa ay pinahihintulutang magtakda ng makatotohanang mga pamantayan para sa paggawa, sa halip na hayaan diktahan sila ng computer kung gaano kabilis dapat gawin ang isang trabaho. “Hinihiling ng ilang kompaniya ang mga empleado na tumulong sa paggawa ng mga pamantayan sa paggawi sa trabaho at sa gayo’y bawasan ang pangangailangan para sa pagsubaybay,” sabi ng Technology Review.

Kawili-wili, sinasabi ng Bibliya na ang trabaho “ay kaloob ng Diyos” at na “ang bawat tao ay dapat kumain at uminom at magalak sa kabutihan ng lahat niyang pagpapagal.” At sabi pa nito: “Walang bagay na mas maigi kaysa ang tao ay magalak sa kaniyang mga gawa, sapagkat siyang kaniyang bahagi.” (Eclesiastes 3:​13, 22) Kaya, makaaasa tayo na sa bagong sanlibutan ng Diyos, walang lugar para sa gayong nagnanakaw-kagalakang mga aparatong sumusubaybay bilang “mga elektronikong amo.”

Gayumpaman, hanggang sa pagsisimula ng bagong araw na iyon, ang pagharap sa isang “elektronikong amo” sa araw-araw ay maaaring maging nakatatakot. Subalit ang positibong saloobin ay tutulong sa iyo na makayanan ito. Isang opereytor ng telepono ang nagsabi na pinakikitunguhan niya ang mga pahirap ng pagtatrabaho sa ilalim ng elektronikong pagmamanman sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “kakayahang makibagay at ugaling mapagpatawa.” Kaya kung ikaw ay obligadong magtrabaho sa ilalim ng gayong walang-pusong “amo,” maging positibo at makibagay. Sikapin mong makisamang mabuti sa “amo” na hindi tumitigil sa pagmamasid sa iyo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share