Tinulungan Ako ng Pananampalataya na Harapin ang Operasyon sa Utak
“IKAW ay may tumor sa likuran ng iyong kaliwang mata.” Ang mga salitang ito, na binanggit ni Dr. Stewart, isang neurologo, ay nagpangyari sa akin na madamang para bang ako’y nasa gitna ng isang masamang panaginip. Ang susunod niyang mga salita ay gumawa sa panaginip na maging isang bangungot: “Kailangan makausap ko ang iyong pamilya upang maipasok ka namin agad sa ospital.”
Ako’y natigilan. Hindi totoo ito. Mabuti ang pakiramdam ko! Paano nga magkakaroon ng tumor sa utak ang isang malusog na 22-anyos na babae? Ang aking isipan ay naghimagsik sa mga salita ng doktor na nagtaboy sa akin mula sa landasin ng buhay na itinakda ko para sa aking sarili. Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova, at noon lamang nakalipas na umaga, ako’y tumanggap ng tawag sa telepono na nag-aanyaya sa akin na magtrabaho sa punong tanggapan ng Samahang Watchtower sa Brooklyn sa loob ng tatlong buwan. Ito ang inaasam-asam at ipinananalangin ko. Nang umalis ako ng bahay noong umagang iyon upang makipagkita sa optalmologo, pakiwari ko ba’y nasa tuktok ako ng mundo.
Ngayon, pagkalipas ng 29 na oras, ang damdaming iyon ay sumabog sa aking isipan. Walang alinlangan tungkol sa tumor. Gumugol ako ng 50 minuto sa isang MRI (Magnetic Resonance Imagery) na makina, parang isang torpedo sa loob ng isang kanyunan, naghihintay na ilunsad. Wari bang ako’y takot sa kulong at makipot na lugar, at mientras mas matagal ako sa loob, lalo akong ninerbiyos. Nanalangin ako upang huminahon, humuni ako ng mga awiting pangkaharian, at inulit-ulit ko ang mga teksto sa Bibliya. Ako’y nagrelaks. Di-nagtagal ako’y pabalik na sa tanggapan ng neurologo na taglay ang film ng X-ray. Ipinakikita nito ang isang tumor na kasinlaki ng isang malaking dalandan, at inihulog niya ang bomba—ako’y ipapasok kaagad sa ospital. Lumabas siya ng silid upang tawagan ang aking mga magulang.
Hindi Na Maaaring Baguhin ang Aking Pasiya
“Paparito na ang iyong mga magulang,” sabi niya nang siya’y magbalik. “Hindi mo sinabi sa akin na isa ka pala sa mga Saksi ni Jehova. Kailangang mag-usap tayo. Ang operasyon ay tiyak na mangangailangan ng pagsasalin ng dugo.”
“Wala na po tayong dapat pag-usapan,” sabi ko. “Yari na po ang aking pasiya. Walang pagsasalin ng dugo.”
“Bueno, mapag-uusapan natin iyan pagdating dito ng iyong mga magulang.”
“Hindi po,” sabi ko, na umiiling, “hindi na po magbabago ang aking pasiya.”
Nang dumating ang aking mga magulang, pinagtibay nila ang aking paninindigan tungkol sa dugo. Tinanggap ng neurologo ang pasiya at sinabi niya na mayroon siyang naiisip na seruhano na malamang ay igagalang ang aking pasiya. Kaya nakipagkita kami sa neuroseruhano, si Dr. H. Dale Richardson.
Nakilala namin siya sa kaniyang tanggapan noong Huwebes ng gabi, Setyembre 29, 1988, ang lalaking ito na magiging isang mahalaga at iginagalang na bahagi ng aming buhay sa susunod na ilang buwan. Nakausap niya si Dr. Stewart at nalaman niya ang aming paninindigan tungkol sa dugo.
“Ooperahin namin ang maugat na dako,” aniya. “Pinaligiran ng tumor ang sagittal sinus (isang malaking daluyan ng dugo sa utak), sa anong lawak ay hindi namin alam hanggang sa marating namin ito.”
“Kahit na kung sumapit ito sa krisis,” sabi ko, “at nauunawaan ko na maaaring magkagayon, ayaw ko pa ring magpasalin ng dugo.” Pinagtibay ng aking ina at ng aking ama ang aking paninindigan na siya ring paninindigan nila. Nakita namin na ang kaniyang mga mata ay napuno ng luha, at nang maglaon aming napag-alaman na siya ay may dalawang anak na lalaki at isang anak na babae.
“Maaaring hindi ako sang-ayon sa inyong mga paniwala,” wika niya, “subalit igagalang ko ang inyong kahilingan. Kung walang pagsasalin ng dugo, mayroon kaming 70 porsiyentong tsansang magtagumpay. Dapat ninyong maunawaan na maaaring hindi namin makuhang lahat ang tumor sa unang pagkakataon. Karaniwan nang ang tumor na ganito kalaki ay dalawa o tatlong beses inoopera.”
Paghahanda Para sa Operasyon
Pumasok ako sa ospital noong Linggo, Oktubre 2. Noong Lunes at Martes ay abala ako sa dalawang pamamaraan bago ang operasyon, ang una’y upang alamin at pagkatapos ay bawasan ang panustos na dugo na nagpapakain sa tumor. Noong maghapon ng Martes tinawagan ako sa telepono ng mga kaibigan, at nang gabing iyon ilan sa kanila ang dumalaw sa akin. Alam ng lahat kung ano ang mangyayari kinabukasan, subalit ang kalagayan ay masaya at maligaya.
Nakatulog ako agad nang gabing iyon subalit nagising ako noong bandang hatinggabi at ako’y nag-alala. Hindi mabuti iyon. Pinatugtog ko ang mga cassette tape ng ilang artikulo sa magasing Watchtower. Noong 5:30 ng umaga, dumating ang nars at nagulat siyang makita akong mahinahon at may pananalig. Dalawang matalik na kaibigan ang dumating pagkaraan ng ilang sandali, kasama si Itay sa likuran nila. “Walang iyakan,” sabi ko, habang hinahalikan nila ako ng pamamaalam.
Sa ibaba ay sinimulan nilang ihanda ako para sa operasyon, ipinapasok ang mga karayom, inahitan ang aking ulo. Habang nakahiga ako roon, nanalangin ako kay Jehova: “Salamat po sa pagtulong mo sa akin na patunayan kay Satanas na hindi siya laging nagtatagumpay. Alam ko pong ako’y magigising, ito man po ay ngayon o sa inyong bagong sanlibutan. Pakisuyo po, sanay sa malapit na panahon.” Habang dinadala nila ako sa silid ng operasyon, nakita kong sinusuri ni Dr. Richardson ang aking film ng X-ray.
“Magandang umaga, Bethel,” sabi niya. “Kumusta ang pagtulog mo?”
“Mabuti po naman,” tugon ko, “pero mas nag-aalala ho ako kung nakatulog ba kayo.”
Pagkatapos inilagay ni Dr. Ronald Pace, ang anestesiologo, ang isang maskara sa aking mukha at sinabi sa akin na huminga ako nang malalim at bumilang nang paatras. Tapos na ang aking paghihintay.
Paggaling Pagkatapos ng Operasyon
Ang susunod na bagay na nalaman ko, giniginaw ako. Unti-unting nawala ang bisa ng pampatulog. Alas 10:10 n.g. noon. Miyerkules, pagkalipas ng mga 15 oras. Si Itay ay nasa intensive care unit, pinalalakas-loob ako. Nag-aalala ako kung baga ang lahat ng aking pakultad ng isipan ay buo pa. “Subukin mo ako, Itay,” sabi ko, at sinimulan kong magtuos: “Dalawa at dalawa ay apat, apat at apat ay walo, . . . ” Pagdating ko sa 512, sinabi ni Itay, “Whoa! Napakabilis mo para sa akin!” Niyakap ako ni inay nang buong higpit, at ibinalita sa akin ng aking kapatid, si Jonathan, ang pinakahuling balita sa mga play-off sa baseball.
Iniulat sa akin ni Dr. Richardson na nakuha niya ang 80 porsiyento ng tumor. Mukhang patang-pata siya—hindi kataka-taka, pagkatapos ng 13 1⁄2 oras ng gayong mahirap na pangangailangan sa kaniyang kadalubhasaan! Nang dakong huli’y nalaman ko na sinabi niya sa aking tatay: “Muntik na namin siyang mawala. Pagdating namin sa sagittal sinus, dinugo siya nang husto. Mabuti na lamang ay napahinto namin ito.” Sa paano man, kailangang operahin itong muli, marahil higit pa sa minsan. “Ang ilang pasyenteng may meningioma [ang uri ng tumor na taglay ko] ay kailangang operahin tuwing ikatlo hanggang ikalimang taon,” sabi niya. “Maaaring hindi rin namin maalis ang lahat ng ito.”
Nanlumo ako sa balitang ito! Nakita ko ang aking mga pag-asa sa isang buhay ng buong-panahong paglilingkurang Kristiyano ay naglaho. Nag-iiyak ako, sa punto na halos mag-istirya ako. Iniakbay ni Itay ang kaniyang kamay kay Inay at sa akin at nagsimulang manalangin. Para bang isang balabal ng ganap na katahimikan ang bumalot sa akin. “Ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip” ang humalili. (Filipos 4:7) Nabasa ko ang tungkol sa iba na nakadama ng kapayapaang ito ng Diyos na sumakanila at nagtataka ako kung ano talaga ang nadarama nila. Ngayon alam ko na. Ayaw ko nang maranasang muli ang gabing iyon, subalit ang natutuhan ko mula sa karanasang iyon ay isang bagay na lagi kong itatangi.
Samantalang nasa ospital, ako’y nakipag-usap sa mga tao tungkol sa aking pag-asa sa Kaharian ng Diyos at sa buhay na walang-hanggan sa isang lupang paraiso. Ako’y nakapagpasakamay ng 20 pulyetong Jehovah’s Witnesses and the Question of Blood at limang pinabalatang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Noong ako’y umalis ng ospital, ako’y tumanggap ng mahigit 330 mga card at maraming tawag sa telepono, at mga bulaklak at makulay na mga lobo. Gayon na lamang ang aking kaaliwan at pinangyari nitong pahalagahan ko ng lalong higit ang ating pambuong-daigdig na kapatiran!
Ako’y pinalabas ng ospital noong Oktubre 16, 1988. Ang magandang araw ay waring lalo pang gumanda ngayon ako’y muling nasa labas at nagtatamasa ng sikat ng araw at sariwang hangin. Ang langit ay waring mas bughaw, ang damo ay mas luntian. Pinag-isip ako nito kung magiging gaano kaganda ang lupang Paraiso: walang digmaan, walang gutom, walang polusyon—at walang mga tumor sa utak! Isang nilinis na lupa, sa wakas!
Isinaayos ang Serbisyo sa Libing
Noong Disyembre, nakipagkita akong muli kay Dr. Richardson. Ang tumor ay lumalaki. Ang operasyon ang tanging magagawang paggamot at habang mas maaga ay mas mabuti. Itinuring ko ang pangalawang operasyong ito na halos isang pisikal na pader, isang dambuhalang hadlang na humaharang sa landas na itinakda ko sa aking buhay. Madalas kong isipin ang Awit 119:165: “Saganang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig sa kautusan [ng Diyos], at sila’y walang kadahilanang ikatitisod.” Ito ang nagpahinahon sa akin, at unti-unti, sa halip na maging isang pader, ang dumarating na operasyon ay naging isang sagabal na lamang. Subalit sakaling hindi magtagumpay ang operasyon, sumulat ako sa isang mahal na kaibigan sa punong tanggapan ng Watchtower na hinihiling sa kaniya na pangasiwaan ang serbisyo sa libing para sa akin kung kinakailangan. (Nang maglaon nalaman ko na siya rin ang hiniling ni Itay.)
Noong Enero 31, 1989, pumasok akong muli sa ospital. Sa ilang paraan ito ay mas madali, gayunma’y waring mas delikado. Maalis kaya nila ngayon ang natirang tumor, o magkakaroon pa kaya ng ilang sesyon ng operasyon sa dakong huli? Ang mga doktor ay totoong mapang-aliw.
Nang ako’y pumasok sa ospital, hinanap ako ni Dr. Pace, ang aking anestesiologo noon, dumoon siyang kasama ko sa loob ng isang oras samantalang ginagawa ang lahat ng mga papeles, at pagkatapos ay dinala niya ang aking maleta hanggang sa kuwarto. Tiniyak sa akin ni Dr. Richardson: “Ituturing kitang parang isang miyembro ng aking pamilya, sa paraang nais kong ako’y tratuhin.” Walang malamig, pawang-negosyong pakikitungo rito. Mayroon akong masiglang damdamin ng pagtitiwala habang inilalagay ko ang aking sarili sa kanilang mapagmahal na pangangalaga.
Minsan pa, ang mga tawag sa telepono at mga card ay dumating upang aliwin ako, at ang mahal na mga kaibigan ding iyon na naging malapit at matulungin noong aking unang mahigpit na pagsubok ay naritong muli upang palakasin ang aking loob at pangitiin ako. Ginugol namin ang mga gabi sa kuwentuhan at tawanan at paglalaro ng board game.
Balik Na Ngayon sa Landasin ang Aking Buhay
Kinaumagahan ang nars ay maaga upang bigyan ako ng iniksiyon. Matapang ito, at waring hindi natagalan ay naroon na ako muli sa recovery room. Ang operasyon ay hindi kasintagal noong una—sampung oras ngayon—at ang pagbating tinanggap ko at ng aking pamilya nang ako’y magising ang napakahusay na gamot na pampalakas. Sinabi sa amin ng nangingiting si Dr. Richardson na naalis niya ang lahat ng tumor, at makaaasa kami ng ganap na paggaling. Nang maglaon, nang pinapalitan niya ang aking benda, pinatawa niya ako sa pagsasabing: “Bethel, kailangan ihinto na natin ang pagkikita na gaya nito.” Anong laki ng pasasalamat namin kay Jehova at sa mahuhusay na mga doktor!
Ako’y nakapagpasakamay ng higit na mga aklat at mga pulyeto tungkol sa Kaharian ng Diyos sa marami na nakausap ko. Ang isa sa mga aklat, ang Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, ay ibinigay ko kay Dr. Richardson. Isinulat ko sa flyleaf:
“May iilang okasyon kung kailan kailangang pasalamatan natin ang isa sa pagliligtas sa ating buhay. Yamang kayo ay walang alinlangang madalas na tumatanggap ng gayong pasasalamat, nais ko pong matiyak na alam ninyo kung gaano kahalaga sa aking pamilya at sa akin ang lahat ng ginawa ninyo para sa amin. Bagaman talos ko pong ang inyong panahon ng pagbabasa ay lubhang limitado, kung sa hinaharap ay may pagkakataon kayong operahin ang mga Saksi ni Jehova, inaasahan ko pong ang aklat na ito ay makatutulong sa inyo upang maunawaan kung bakit ako naniniwala na gaya ng paniniwala ko. Sumainyo ang maraming pagmamahal at maraming pasasalamat, Bethel Leibensperger.”
Ako’y pinalabas ng ospital walong araw pagkatapos ng ikalawang operasyon at nagtungo ako sa Kingdom Hall nang gabing iyon. Pagkalipas ng dalawang buwan minamaneho ko na ang aking kotse. Sinimulan kong muli ang aking buong-panahong ministeryo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Nadaluhan ko pa nga ang makasaysayang mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Poland noong Agosto 1989.
Balik na ngayon sa landasin ang aking buhay.
[Kahon sa pahina 22]
Pagbubulaybulay ng Isang Ina
Nang gabing iyon si Bethel at ang kaniyang ama ay dumalo sa isang pag-aaral sa Bibliya. Lumbay na lumbay ako; hindi ko makayanan ito. Nalugmok ako at nakatulog. Kinaumagahan mas masahol pa. Hindi ko mapigil ang aking sarili at ako’y nag-iiyak. Matatag na sinabi ng aking asawa: “Kailangang maging malakas tayo at masaya alang-alang kay Bethel.” Pagkatapos ay inakbayan niya ako at nanalangin, lubusang inilalagay ang aming mga sarili at ang aming kinabukasan sa mga kamay ni Jehova at humihiling ng lakas upang makayanan namin ang dumarating na mga araw. Para itong isang iniksiyon sa braso na nagbago sa akin mula sa isang manikang basahan tungo sa isang mapagtangkilik na ina.—Judith Leibensperger.
[Kahon sa pahina 23]
Pagbubulaybulay ng Isang Ama
Ang aking anak, si Bethel, ay isang kaloob buhat sa Diyos sa aming katandaan. Mayroon kaming isang uri ng kaugnayan na parang aklat ng kuwento. Mula sa pagkasanggol ni Bethel, ginawa namin ang lahat ng bagay na magkasama. Yumukyuk kami sa bukid upang pag-aralan ang masining na talino ng Diyos na Jehova habang pinagmamasdan namin ang mga ligaw na bulaklak. Gumawa kami ng taong-yelo. Pinag-usapan namin ang malalalim na bagay at ang katawa-tawang mga bagay. Lumuluhod kami sa panalangin bago matulog na kasama niya na siya’y nakasuot ng komportableng padyama na nakayapos sa pagitan namin ng kaniyang ina. Dinadalaw naming magkasama ang matatanda na at nangangailangan. Niyayakap namin ang kapuwa mga Saksi na nakatira sa malalayong lupain. Iniistima namin sa aming tahanan ang mga misyonero at ang karamihan ng mga nag-alay na mga lalaki’t babae na naglilingkod sa Diyos na sinusunod ang mga yapak ni Jesu-Kristo. Mayroon kaming iisang pananampalataya, at iisa ang aming pangarap tungkol sa Paraiso. Lumaki siyang maibigin sa mga tao at nangangailangang ibigin din naman nila. Ang aming buhay bilang isang pamilya ay tahimik at mapayapa—hanggan sa ngayon. Ang ‘panahon at di inasahang pagkakataon’ na sinasabi ng Eclesiastes na nararanasan ng lahat ng tao ay naranasan namin. Isang araw inihagis ng pagkalaki-laking medikal na problemang ito ang kaniyang madilim na anino. Walang babala, ang anino ng kamatayan—ang pinakamahigpit na kaaway ng tao—ay nanganinag sa amin.—Charles Leibensperger.
[Larawan sa pahina 24]
Si Bethel at ang kaniyang mga magulang bago ang ikalawang operasyon