Isang Malinis na Lupa—Kailangan Natin Ito
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya
ALAM mo ba na ang mga tsuper ng taksi sa London ay hinihiling ng batas na panatilihing malinis ang kanilang mga taksi? Ang hindi pagsunod dito ay maaaring magbunga ng pagbabawal sa kanila sa mga lansangan sa lungsod sa loob ng isang yugto ng panahon. Kahit na kung ang mga kalagayan sa daan at ang karamihan ng mga kotse ay nananatiling marumi ng ilang araw, ang mga taksi sa London ay napakalinis. Ang kintab ng sasakyan ay nagbibigay ng kapurihan at kasiyahan sa tsuper at sa kaniyang pasahero.
Sa gayunding paraan, kapag ang ating tahanan, mga pananamit, at ang ating mga pag-aari ay malinis, pinauunlad niyan sa atin ang damdamin ng kagalingan. Sa aba niyaong batang lalaking mag-aaral na ang ina ay nakita siyang pumasok sa bahay at nag-iwan ng putik mula sa kaniyang maruming bota sa alpombra!
Sa katunayan, ang mabuting kalusugan ay lubhang depende sa personal na kalinisan. Ang ating katawan ay nangangailangan ng regular na pangangalaga at paglilinis upang alisin ang dumi na maaaring kapitan ng sakit. Ang komersiyal na mga kompaniya ay kumikita nang malaki sa pagtitinda ng mga klenser, detergent, pampakintab, sabon, shampoo, at mga disimpektante na ginagamit natin upang panatilihing malinis ang ating sarili at ang ating paligid. Tiyak, karamihan ng mga tao ay palaisip sa pangangailangan ng kalinisan. Subalit kung ikaw ay nakatira sa isang lungsod, alam mo na hindi ito ang buong kuwento.
Panganib—Polusyon
Alam na alam ng mga maninirahan sa lungsod ang polusyon at ang maruming kapaligiran. Nakikita nila ito sa hindi nakokolektang basura, sa kalat na walang-ingat na iniiwan sa daan, at sa pangit na mga sulat sa mga gusaling pampubliko. Naaamoy nila ito sa nakaiinis na mga usok mula sa siksikang trapiko at sa maaskad na ulap ng usok na sumasalot sa ilang lungsod.
Marahil iyan ang dahilan kung bakit ang marami sa mga nakatira sa mga lungsod ay nagbabakasyon kung minsan sa lalawigan. Nasisiyahan silang punuin ang kanilang mga bagà ng malinis na hangin, marahil ay umiinom pa nga sa kristal-linis na tubig sa isang daloy mula sa bundok. Ang iba ay nagtutungo sa tabing-dagat at nagpapahingalay sa buhangin o nagpapalamig sa pamamagitan ng paliligo sa karagatan.
Gayunman, sandali lang! Ang dumi at polusyon ay nagkukubli rin doon. ‘Paano nangyari iyon?’ tanong mo. ‘Mukhang napakalinis naman nito.’ Bueno, masdan natin nang mas malapit ang “malinis” na hangin at “malinis” na tubig na iyon.