Ang Pangmalas ng Bibliya
Panalangin sa Isports—Nakikinig ba ang Diyos?
ANG paligid ay nag-uumapaw sa kagalakan habang libu-libong mga tagahanga ang nagdagsaan sa istadyum, ipinaghihiyawan ang suporta sa kanilang paboritong koponan o team. Katatapos lamang ng mga manlalaro sa kanilang warm-up na mga ehersisyo, at ang pito upang simulan ang laro ay hihipan na. Sa isang panig ng larangan, ang mga manlalaro ay sama-samang nakayukyok, at nakaluhod sa gitna ang kapitan, na nananalangin: “Diyos ko, pakisuyong basbasan mo po ang aming team, ipagkaloob mo po sa amin ang tagumpay sa aming kalaban, at ingatan mo po kami sa kapinsalaan. Amen.” Ang umpukan ay naghiwa-hiwalay na may malakas na sigaw, ang mga manlalaro ay pumuwesto na sa larangang pinaglalaruan, humuni ang silbato, at nagsimula na ang organisadong pagbabalian ng katawan na laro ng American football.
Ang panalangin ng indibiduwal at ng team bago, sa panahon, at pagkatapos ng pakikibahagi sa sarisaring isports ay naging karaniwang tanawin. Subalit nakikinig ba ang Diyos? O sa paano man, kinukutya ba nito ang panalangin?
“Durugin Mo ang Kapuwa Mo”
Sa buong daigdig, halos ang bawat isport ay pinapapangit ng karahasan—sa larangan at sa mga upuan ng mga manonood. Isang dating propesyonal na manlalaro ng football sa Estados Unidos ang sumulat: “Maaaring patunayan na ang pagdurog sa katawan ang siya mismong layunin ng football, kung paanong ang pagpatay at paglumpo naman ang layunin ng digmaan.” Sabi pa niya: “Ang may kompetisyon, organisadong pagpinsala ay mahalaga sa aming paraan ng buhay, at ang football ay isa sa mas maliwanag na salamin . . . na nagpapakita sa amin kung gaano kapana-panabik at kasiya-siya na Durugin Mo ang Kapuwa Mo.”
Durugin mo ang kapuwa mo? Sinabi ni Jesus na ibigin mo ang iyong kapuwa. (Mateo 22:39) Imposibleng isipin na ang Diyos ng pag-ibig ay presente at binabasbasan ang isa sa laro ng isports ngayon, taglay ang pagdiriin nito sa manalo-sa-anumang-paraan.—1 Juan 4:16.
Dinadaluhan ba ng Diyos ang mga Laro sa Isports?
Ang isang salik na humihimok sa panalangin sa isports ay ang relihiyosong turo na ang Diyos ay nasa lahat ng dako, na ang Diyos, sa lahat ng panahon, ay aktuwal na naroroon sa lahat ng umiiral na dako at bagay. Halimbawa, sa aklat na God Goes to Football Games, ang klerigo at dating isports team na kapilyan na si L. H. Hollingsworth ay nagsabi: “Kabilang sa bawat pormal na paniwala natin tungkol sa Diyos ang ideya tungkol sa Kaniyang pagkapasalahat ng dako; ang ideya, kung inyong mamarapatin, na Siya ay tiyak na presente sa kung ano ang tinatawag nating sekular na karanasan . . . Ang ibig sabihin, ang Diyos ay nagtutungo sa simbahan, at ang Diyos ay nagtutungo sa mga laro ng football.”
Gayunman, hindi itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay nasa lahat ng dako. Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay sumulat: “Si Kristo ay pumasok . . . sa talagang langit, upang humarap ngayon sa Diyos mismo alang-alang sa atin.” (Hebreo 9:24) May dalawang mahalagang punto sa tekstong ito na tutulong sa atin na magpahalaga: na ang Diyos ay isang espiritung persona at na mayroon siyang isang tatag na dakong tirahan, ang langit. (1 Hari 8:49; Juan 4:24) Kaya hindi siya maaaring nasa alinmang dako sa iisang panahon.
Dinirinig ng Diyos ang mga Kaibigan Niya
Bueno, kung ang Diyos ay hindi dumadalo sa mga laro ng isports, pinakikinggan ba niya ang mga panalangin? Upang ang mga panalangin ay makarating sa pandinig ng Diyos sa langit, kung saan humarap si Jesus, ang isa na nananalangin ay dapat na mayroong kaalaman, kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos, sa kaniyang personalidad, mga katangian niya, mga daan niya, at sa kaniyang pangalan. (Santiago 4:3) Idiniriin ang pangangailangang makilala ang Diyos, si Jesus ay nanalangin: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos.”—Juan 17:3.
Upang makilala ang isa ay nangangailangan ng komunikasyon. Ang Diyos ay nakikipagtalastasan sa tao sa pamamagitan ng Bibliya, at ang Bibliya ang paraan kung paano makikilala natin ang Diyos ng langit. Sinasabi nito sa atin ang kaniyang pangalan, Jehova. (Awit 83:18) Sinasabi rin sa atin ng Bibliya na gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t isinugo niya ang kaniyang bugtong na Anak, si Jesus, dito sa lupa upang ang tao ay magkaroon ng pagkakataon para sa buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16) Habang binabasa at pinag-aaralan natin ang Bibliya, si Jehova ay nagiging tunay sa atin, at tayo’y napapalapit sa kaniya sa pamamagitan ni Jesus. (Juan 6:44, 65; Santiago 4:8) Sapagkat si Jehova ay tunay, maaari tayong magkaroon ng malapit na personal na kaugnayan sa kaniya.
Gayunman, ang pakikipagkaibigan sa Diyos ay nagsasangkot ng dalawang-daang komunikasyon. Ito’y humihiling ng pakikipag-usap kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin. Sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ay isa na “Dumirinig ng panalangin” at na “siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin.” (Awit 65:2; Gawa 17:27) Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang Diyos ay nakikinig sa lahat ng mga panalangin. (Isaias 1:15-17) Kaninong mga panalangin ang dinirinig ng Diyos?
Ang salmistang si David ay nagsabi: “Ang pakikipagkaibigan ni Jehova ay nasa nangatatakot sa kaniya.” (Awit 25:14) Sa orihinal na Hebreo, ang ugat na “pakikipagkaibigan” (sohd) ay nangangahulugang “higpitan.” Kaya, ito’y naghahatid ng ideya ng pagtanggap sa isa sa malapit na mga kasama ni Jehova o sa isang tipan ng pakikipagkaibigan sa kaniya. Yaon lamang mga mananambang nagpapakita ng wastong paggalang ang tinatanggap. Kaya, ang ating malapit na pakikipagkaibigan sa Diyos ay nagpapangyari sa ating matakot na sirain ang kaugnayang iyon sa paggawa ng anumang bagay na hindi makalulugod sa kaniya, gaya ng pagtrato sa panalangin na parang isang suwerteng agimat upang matiyak ang tagumpay sa isports.
Si Jehova ay nakikinig sa mga panalangin ng tapat-pusong mga tao na nagnanais makipagkaibigan sa kaniya, at siya ay hindi nagtatangi. Wala siyang paborito o pinararangalan ang isang pambansang grupo, lahi, o isang team sa isports pa nga, sa iba. (Awit 65:2; Gawa 10:34, 35) Kung dinirinig ng Diyos ang mga panalangin ng mga kalahok sa isports at ang dalawang team ay nanalangin sa kaniya para sa tagumpay, alin ang pagpapalain niya? O kung ang isang manlalaro ay malubhang napinsala sa panahon ng laro, dapat bang sisihin ang Diyos?
Samakatuwid, dapat tayong manalangin sa tamang mga bagay. Ganito ang paliwanag dito ni apostol Juan: “Anuman ang hingin natin sa kaniya ayon sa kaniyang kalooban, kaniyang dinirinig tayo.” (1 Juan 5:14) Si Jehova ay nakikinig sa mga panalangin na ayon sa kaniyang kalooban. Kailangang alamin natin ang kaniyang kalooban at mga layunin upang ang ating mga panalangin ay maging kasuwato nito.
Ang kalooban at mga layunin ng Diyos at ang kaniyang maluwalhating pangalan ay hindi makikita sa may kompetisyon at marahas na mga laro ng isports ngayon. Ang Diyos ay hindi nagtatangi. Kaya, kapag ang mga panalangin ay sinasambit sa mga larong ito, nakikinig ba ang Diyos? Tiyak na hindi!