Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 5/22 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • RADYASYON SA MGA MADALAS SUMAKAY NG ERUPLANO
  • ANO ANG MAHALAGA SA MGA KABATAAN?
  • “LOOB-BAHAY NA DIBORSIYO”
  • NAKAMAMATAY NA KALAKALÁN NG MGA IBON
  • PANGGLOBONG KASUNDUAN SA KLIMA
  • NASISIRANG MGA REKORD
  • MGA TALÂ SA KALUSUGAN
  • NAKAKAKITA BA NG KULAY ANG MGA ASO?
  • NAGBAGO NG PALAGAY TUNGKOL SA PAGSASALIN NG DUGO
  • MAPAIT NA MGA RESULTA
  • MASUSTANSIYANG MGA SANDWICH
  • Pagsasalin ng Dugo—Isang Mahabang Kasaysayan ng Kontrobersiya
    Gumising!—2000
  • Pagsasalin ng Dugo—Gaano Kaligtas?
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Kaloob ng Buhay o Halik ng Kamatayan?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 5/22 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

RADYASYON SA MGA MADALAS SUMAKAY NG ERUPLANO

Ang mga nagbibiyahe sa himpapawid ay nalalantad sa mas maraming radyasyong kosmiko mula sa mga bituin at araw kaysa mga taong nasa lupa, gaya ng ipinakikita ng bagong pag-aaral mula sa Kagawaran ng Transportasyon ng E.U. Ang mga tripulante sa eruplano, na napakadalas sumakay ng eruplano sa mahahabang biyahe, at ang mga nagdadalang-tao ay mas nanganganib, sabi ng report. Mientras mas mataas ang lipad ng eruplano at mas malapit sa mga polo, lalo na kung panahon ng mga bagyo ng araw, mas mataas ang dosis ng radyasyon. Gayunman, si Dr. A. B. Wolbarst ng U.S. Environmental Protection Agency ay nagsabi sa The New York Times na ang panganib sa kanser mula sa radyasyon kapag lumilipad sa pagitan ng New York at Atenas “ay kaunti lamang kung ihahambing sa panganib na nakakaharap ng isa sa daigdig.”

ANO ANG MAHALAGA SA MGA KABATAAN?

Tinanong ng isang surbey ang mahigit na 2,000 kabataang taga-Kanlurang Australia na ang edad ay mula 12 hanggang 24 anyos upang tantiyahin ang paksang pinakamahalaga sa kanila. Ipinakikita ng mga resulta na ang buhay pampamilya ang pinakamahalagang isyu sa mga kabataan, hinigitan ang lahat ng iba pa. Ang mga kabataan ay nagpahayag din ng pagkabahala sa kanilang personal na kinabukasan at sa kinabukasan ng lipunan, ayon sa pahayagang The West Australian. Ang iba pang pangunahing isyu ay edukasyon at pagsasanay, kapayapaan, sahod, at kalusugan. Subalit ang mga usapin tungkol sa pulitika at relihiyon ay nasa dulo ng listahan.

“LOOB-BAHAY NA DIBORSIYO”

Sa Hapón ang diborsiyo sa gitna ng mga mag-asawang nasa katanghaliang-gulang ay mahigit na doble sa nakalipas na 20 taon. Ayon sa kasangguni sa diborsiyo na si Yoriko Madoka, ang asawang babae ay biglang naghahangad ng diborsiyo pagkaraan ng 30 taon ng pag-aasawa, at inaakala naman ng asawang lalaki na “ang kaniyang kamay ay kinagat ng kaniya mismong alagang aso.” Maraming babae, sa halip na harapin ang mga kahirapan ng isang diborsiyo, ay pinipili ang isang “loob-bahay na diborsiyo,” ayon sa The Daily Yomiuri. Ang asawang lalaki ay nakatira sa itaas at ang asawang babae ay nakatira sa ibaba na kasama ng mga bata. Ang asawang babae ay walang ginagawa para sa asawang lalaki at iniiwasang makatagpo siya. Kaya, ang katayuan sa lipunan, katatagan sa kabuhayan, at ang tingin na mag-asawa ay napananatili. Subalit gaano katagal? Ang mga diborsiyo na ipinagkakaloob ng hukuman sa mga taong mahigit na 60 taóng gulang ay tumaas ng 42.3 porsiyento sa pagitan ng 1983 at 1988, na may magkaparehong bilang ng mga lalaki at babae na naghahangad ng diborsiyo.

NAKAMAMATAY NA KALAKALÁN NG MGA IBON

Ang kalakalán ng maiilap-na-ibon ang siyang sinisisi sa kamatayan ng angaw-angaw na ibon taun-taon​—na ang mga pagtaya ay umaabot ng isang daang milyong patay na ibon. “Hindi kukulanging limang nahuling-maiilap na ibon ang namamatay sa bawat isang ipinagbibiling buháy,” sabi ng babasahin sa Timog Aprika na Personality. Upang mahuli ang eksotikong mga ibon, pinuputol ng ibang mangangalakal ang mga puno na pinagpupugaran ng mga ibon ay sinusunggaban ang mga inakay na nakaligtas sa pagbagsak ng puno. Ang isa pang paraan ay barilin ang kawan ng mga ibon ng mga imitasyong bala at sunggaban yaong mga bumabagsak sa lupa na may bahagyang sugat sa pakpak. Pagkatapos nito ay ang atas na pagpapatiling buháy sa mga ibon at pagkakarga sa mga ito sakay ng eruplano tungo sa malalayong lupain, kung saan sila ay kadalasang dumarating na patay. Ano ba ang pakinabang dito? Ang Personality ay nagpapaliwanag: “Ang bilang ng mga ibon na ikinakalakal ay tinatayang halos 5 milyon sa isang taon. Subalit hindi kabilang dito ang napakaraming ipinuslit na mga ibon . . . Ang mga mahilig at kolektor ng mga ibon ay handang magbayad ng hanggang $250,000 para sa pinakahahangad subalit iniingatang uri.”

PANGGLOBONG KASUNDUAN SA KLIMA

Pagkatapos ng mahirap na mga negosasyon, lahat ng 159 na kasaping bansa sa UN ay lubos na nagkakaisang sumang-ayon na gumawa ng isang kasunduan na gawing timbang ang klima ng daigdig. Sila’y magtitipon sa Brazil sa 1992 upang talakayin ang mga paraan upang iwasan ang pag-init ng atmospera at bawasan ang epekto ng pag-unlad ng ekonomiya sa kapaligiran. Subalit doon nagtatapos ang kasunduan, at maraming maseselang usapin ang kailangan pang lutasin. Sang-ayon sa peryudistang si Paul Lewis, nakikita ng nagpapaunlad na mga bansa ang pagkabahala ng industrialisadong daigdig sa kapaligiran bilang isang pagkakataon upang igiit ang mga konsesyon sa ekonomiya. Kapalit ng kanilang pakikipagtulungan, nais nilang mapasok ang bago’t ligtas na pamamaraan sa kapaligiran, gayundin ang ginhawa sa pagkakautang at mas mataas na presyo para sa kanilang iniluluwas na kalakal. Ang United Nations ay nagbabala na isang libong angaw na mga tao​—halos sangkalima ng populasyon ng daigdig​—ay maaaring maging mga takas sa dumarating na siglo kung patataasin ng “greenhouse effect ang mga antas ng dagat.

NASISIRANG MGA REKORD

Halos 70 porsiyento ng State Archives ng North Rhine-Westphalia, Pederal na Republika ng Alemanya, ay nanganganib na masira. Ang pagkasira, sang-ayon sa isang ministro ng estado, ay mula sa papel. Sapol noong ika-19 na siglo, ang papel na gawa sa industriyal na paraan ay naglalaman ng nakapagpapaasidong mga elemento na siyang dahilan ng pagkasira. Ang Frankfurter Allgemeine Zeitung ay nag-uulat na 26 porsiyento ng mga bagay na naroon ay nanilaw sa iba’t ibang antas. Ang tradisyunal na paraan ng pag-iingat at pagsasauli ay nag-aalok ng bahagya lamang na lunas.

MGA TALÂ SA KALUSUGAN

◻ Ang pagkain nang madalas ay maaaring maging kapaki-pakinabang, sabi ng mga mananaliksik sa University of Toronto. Pinakain ng magkasindami at iyon ding uri ng pagkain subalit sa 17 parte na isang oras ang pagitan sa halip na tatlong beses na pagkain sa isang araw, ang grupo ng mga lalaking sinubok ay nagpakita ng katamtamang pagbaba sa LDL (“masamang”) kolesterol ng 13.5 porsiyento, kabuuang kolesterol sa dugo ng 8.5 porsiyento, at insulin sa dugo ng 29 porsiyento. Ang pagkain ng isang malaking pagkain isang beses sa isang araw ay siyang pinakamasamang huwaran ng pagkain. Ang disbentaha ay na ang pagmimiryenda’y karaniwang humahantong sa mas maraming kalori.

◻ Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa The Journal of the American Medical Association ang mga babaing umiinom ng mga multivitamin na naglalaman ng folic acid samantalang sinisikap na maglihi at hanggang anim na linggo ng pagdadalang-tao ay lubhang nababawasan ang tsansa ng pagkakaroon ng mga sanggol na ipinanganganak na may mga depekto sa neural tube. Ang mga depekto sa neural-tube ay maaaring pagmulan ng paralisis, pag-antala ng isip, at kamatayan.

◻ “Mayroon na ngayong saganang ebidensiya na ang pagkain ng maraming prutas at gulay ay nakatutulong upang bawasan ang panganib ng kanser,” sabi ng magasing New Scientist. Kaya ang mga bitaminang nakukuha rito “ay ginagamit sa paglaban sa nakapipinsalang reaksiyon sa mga selula ng katawan.” Sabi ng mga mananaliksik na mientras mas maraming gulay ang kinakain, mas kaunti ang tsansa na ang isang iyon ay maging biktima ng kanser sa bagà. At kung walang sapat na bitamina C, ang mga reaksiyon ng oksiheno sa daluyan ng dugo ay maaaring humantong sa mga sakit na gaya ng atake selebral, sakit sa puso, at katarata.

NAKAKAKITA BA NG KULAY ANG MGA ASO?

Ang mga aso ay may limitadong paningin sa kulay, hinuha ng mga mananaliksik sa University of California sa Santa Barbara. Pagkatapos ng mahabang taon ng pag-aaral, natuklasan ng mga siyentipiko na maaari lamang makilala ng mga aso ang mga kulay sa magkabilang dulo ng color spectrum, ang pula at asul, subalit hindi nito makikilala ang dilaw, berde, at kulay dalandan.

NAGBAGO NG PALAGAY TUNGKOL SA PAGSASALIN NG DUGO

Ang mga pagsasalin ng dugo ay madalas na ginagamit sa nagpapaunlad na mga bansa upang gamutin ang mga batang pasyenteng may malaria na nagkaroon ng nagbabanta-buhay na sakit na anemia. Noong 1986, halimbawa, 16,352 mga pagsasalin ng dugo ang ibinigay sa Mama Yemo Hospital, Kinshasa, Zaire. Gayunman, noong 1987 ang bilang ng mga pagsasalin ng dugo ay umunti. Bakit? Ang base-London na magasing Panoscope ay nag-uulat na pagkatapos matuklasan ng mga doktor sa Mama Yemo na 13 porsiyento sa mga pangkat ng mga bata na sinalinan ng dugo dahil sa malaria ay nahawaan ng HIV, ang virus na nagdadala ng AIDS, binago ng medikal na mga kawani sa ospital ang patakaran nito ng “automatikong pagsasalin ng dugo para sa mga batang anemik.” Sa halip, ang ilang mga pasyenteng bata sa ospital sa Kinshasa ay binigyan ng mga suplementong iron na tumutulong upang paramihin ang kanilang dugo. Sabi ng Panoscope, “ang bilang ng mga pagsasalin ng dugo ay bumaba ng 73% tungo sa 4,531​—at wala ni isang bata ang namatay.”

MAPAIT NA MGA RESULTA

Noong 1970’s pinili ng maraming lalaking Aleman ang pagpapabaog (sterilization). Sila’y nabighani, ulat ng pahayagang Main Post, sa “daluyong ng seksuwal na kalayaan.” Si Propesor W. Schulze, ng Hamburg-Eppendorf University Hospital, ay may palagay na kusang pinili ng marami ang gayong operasyon. Marami sa mga lalaking baog ang nagnanais ngayon na baligtarin ang epekto ng operasyon. Sa 10 porsiyento ng mga kaso, ang pagsasauli ng kakayahang mag-anak ay hindi na posible. Isa pa, ang mga tsansa na matagumpay na baligtarin ang pagpapabaog ay lumiliit sa paglipas ng panahon.

MASUSTANSIYANG MGA SANDWICH

Ang mga magulang ay hindi dapat mabahala nang husto kung ang pananghalian ng kanilang mga anak sa eskuwela ay peanut butter at tinapay lamang. Si Eleanor Brownridge, isang nutrisyunista sa London, Ontario, Canada, ay nagsasabi na hindi kayo magkakamali “sa mga sandwich na peanut butter sapagkat ang palaman at ang tinapay ay magaling na tambalan ng protina.” Sabi pa niya na isang payak na bagay na “pasarapin ang lasa at dagdagan ang sustansiya ng peanut butter ng mga sangkap na ihahalo . . . gaya ng tinadtad na mansanas, pasas, apricots, dates, hiniwang saging, at coleslaw pa nga.” Waring ang mga nakababatang mga estudyante ay napapanatag sa iyu’t iyunding pamilyar na pananghalian. Subalit, ulat ng The Vancouver Sun, “maganda ring samahan ng ilang sorpresa gaya ng pagputol sa tinapay sa pamamagitan ng pamputol ng cookie o paglalagay ng isang maikling sulat sa baunan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share