Isang Karera sa Pag-awit na Nagdadala ng Walang-Hanggang Kaligayahan
MAAGA sa aking buhay, inialay ko ang aking sarili sa isang karera sa pag-awit. Nang maglaon ako’y kinilala bilang isang mang-aawit ng fado sa Lisbon. Ito ang pambihira, malungkot na uri ng musika sa Portugal. Di-nagtagal ako ay umaawit na sa iba pang lungsod ng Portugal gayundin sa pangunahing istasyon ng radyo sa bansa, ang Emissora Nacional.
Pagkatapos ay isinaayos ng aking impresario ang isang paglalakbay sa Espanya, kabilang ang mga lungsod na gaya ng Madrid, Barcelona, Zaragoza, at Bilbao. Pagkatapos ng pagtatanghal sa Pransiya, gumugol ako ng dalawang taon sa Angola, Aprika. Doon ako ay umawit sa lungsod at lungsod, at noong 1972 ako’y napili bilang “Reyna ng Fado.”
Gayunman, palibhasa’y soprano, ang klasikal na musika ang talagang hilig ko. Kaya pagbalik ko sa Lisbon, sinimulan ko ang musikal na pag-aaral sa uri ng musikang ito. Gayunman, bagaman buhos na buhos ang isip ko sa aking karera sa pag-awit, hindi ako tunay na maligaya. Sa loob ko ay may espirituwal na kahungkagan. Nais kong mapalapit sa Diyos, subalit hindi ko alam kung paano siya lalapitan.
Noong 1973 ako ay nasa Brazil sa isang paglalakbay na pag-awit. Isang gabi, pagkatapos ng isang pagtatanghal sa TV, yaong mga nagtanghal ay inanyayahan sa isang salu-salo. Hindi nagtagal pinagsalita kami ng misis ng aking Brazilianong impresario tungkol sa aming mga palagay sa mahirap na mga kalagayan sa lipunan at sa mga pangyayari sa daigdig. Hangang-hanga ako sa kaniyang pagkaprangka sa pagsasabi na ang Diyos ay maaaring may kasagutan na dapat naming isaalang-alang. Ipinaaalam ko na ako’y naniniwala sa Diyos. Bago matapos ang gabing iyon, may kabaitang inalok niya ako ng isang aklat na pinamagatang Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Saka ko lamang natalos na siya pala ay isa sa mga Saksi ni Jehova.
Ang Aking Huling Plaka
Di-nagtagal mula noon, ako’y nagbalik sa Portugal upang gawin ang aking ikatlong plaka, at balak kong bumalik sa Brazil upang ipagpatuloy ang aking paglalakbay. Wala akong kamalay-malay na ito na ang aking magiging huling plaka.
Samantalang ako’y nasa Lisbon, isang dalaga ang dumalaw sa aking tahanan at nagsimulang magsalita tungkol sa mga pagpapala na dadalhin ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa lupang ito. Maingat akong nakinig habang binabasa niya sa Bibliya ang pinakakawili-wili at ninanais na mga pagbabago na ipinangako ng Diyos sa mga nananabik sa katuwiran.
Ang naririnig ko ay nagkaroon ng matinding bisa sa akin. Pinananabikan ko ang mismong mga kalagayan na inilalarawan niya buhat sa Bibliya. Nakaaaliw ito sa akin sapagkat bagaman bata pa, ako’y diborsiyada na, ang aking asawa ay sumama sa ibang babae.
Maguguniguni mo ang aking pagkagulat nang kinabukasan ay alukin ako ng babaing ito ng aklat ding iyon na tinanggap ko sa Brazil! Ang pag-uusap na sumunod ay nagpabilis sa akin na matalos na may higit pang mahalaga sa buhay kaysa katanyagan o kayamanan. Disidido akong matuto nang higit pa tungkol sa kahanga-hangang mga pangakong masusumpungan sa Bibliya.
Isang Malaking Disisyon
Ang aking lingguhang pag-aaral ng Bibliya ang pinakakasiya-siyang karanasan. Mabilis akong nagkaroon ng isang malapit na personal na kaugnayan sa aking Maylikha, ang Diyos na Jehova.
Totoo, may mahihirap na sandali pagkatapos kong magpasiya na iwan ang aking kapaki-pakinabang na karera bilang isang propesyonal na mang-aawit. Maraming panggigipit sa akin upang ako’y bumalik sa Brazil. Pagkatapos ako’y inalok ng isang kontratang magtanghal sa Porto sa gawing hilaga ng Portugal. Ang ideya ay na kung mailalayo ako sa Lisbon, baka magbago pa ang aking isip at ipagpatuloy ko ang aking karera sa pag-awit.
Gayunman, nakapagpasiya na ako. Nagpasiya akong magtungo sa Pransiya upang makitira sa aking kapatid na babae na may asawa upang makalaya ako sa mga pang-akit sa akin na bumalik sa daigdig ng paglilibang. Subalit gaya ng nangyari, mahigpit na sinalansang niya at ng kaniyang mister ang aking bagong tuklas na pananampalataya. Ayaw nila akong payagan sa aking lingguhang pag-aaral ng Bibliya sa kanilang tahanan. Walang takot, naglalakbay ako ng 30 kilometrong balikang biyahe upang hindi ko malagtawan ang aking pag-aaral. Sa wakas, pinalayas nila ako sa kanilang tahanan.
Nagsosolo na ngayon, nakasumpong ako ng trabaho sa isang mayamang babae. Siya ay nagbabalak ng tatlong-buwang bakasyon sa kaniyang sariling pag-aaring Griegong isla, at ako’y inanyayahang sumama sa kaniya. Subalit nakita ko ang potensiyal na panganib na mahiwalay sa bayan ni Jehova, kaya nagpasiya akong huwag sumama sa biyahe.
Sa halip, nang tag-araw na iyon dinaluhan ko ang Portuges na mga sesyon ng 1974 na pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Toulouse, Pransiya. Mahigit na 12,000 ang naroroon. Doon, ako ay nabautismuhan bilang sagisag ng aking pag-aalay sa Diyos na Jehova. Iyon ang kauna-unahan kong kombensiyon, at kawili-wili, ito ang huling kombensiyon na ang mga Saksing Portuges ay kailangang dumalo sa ibang bansa sapagkat ang malalaking kombensiyon ay bawal sa Portugal. Pagkatapos ng taóng iyon sila ay pinayagan nang magdaos ng kanilang mga kombensiyon sa Portugal.
Isang Bagong Karera
Ang isang buwang gawain bago ang kombensiyon sa Toulouse ay nagkaroon ng matinding epekto sa akin. Anong laking pribilehiyo na makasama araw-araw ang matatatag na Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae na iningatan ang kanilang katapatan sa loob ng mga taon sa ilalim ng diktadura ni Salazar sa Portugal!
Ang resulta ng malapit na pakikisama ko doon sa mga buong-panahon sa ministeryo ay lumikha sa akin ng malakas na pagnanais na maging isang buong-panahong ministro na gaya nila. Kaya, pagkalipas ng anim na buwan pagkatapos na ako’y mabautismuhan, sinimulan ko ang ministeryong iyon sa Portugal. Di-nagtagal mula noon, ako’y inanyayahang maglingkod sa isang espesyal na atas. At sino ang aking magiging kapareha? Si Maria Eulalia da Luz, ang Saksing nag-alok sa akin ng aklat na Katotohanan sa Lisbon!
Mapanghimagsik na Teritoryo
Ang gawing timog ng Portugal ang aming unang pantanging atas. Ito’y isang rehiyon na dominado ng Partido Komunista pagkatapos ng 1974 na rebolusyon. Lumaganap ang histerikal na diwa sa maliliit na bayan na pinangaralan namin sa Lalawigan ng Baixo Alentejo. Di-nagtagal kami ang target ng malupit na pag-uusig.
Sinisikap na panghinain ang loob namin, madalas na binabato ng mga lalaki ang aming inuupahang bahay, anupa’t hindi kami mapagkatulog sa gabi. Pagkatapos, isang bomba ang sumabog, sinisira ang kandado sa harap na pinto. Hindi kapani-paniwala, isang lalaki na salansang sa aming gawain ang nagpaupa sa amin ng mas mahusay na bahay, kinikilala na mapanganib para sa amin na nakabukod. Isang araw ang mga mang-uusig ay kumatok sa aming pinto sa harap nang kami ay wala. Gunigunihin ang aming pagkagulat nang sa pag-uwi namin ay makita namin ang may-ari ng aming bahay na nagbabantay sa bahay! Pinasalamatan namin si Jehova sa Kaniyang proteksiyon.—Awit 145:18, 19.
Sa kabila ng gayong pagsalansang, ang aming gawain ay napakamabunga. Nang kami’y umalis sa lugar na iyon, maligaya kaming makita ang dalawang bagong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na natatag, ang bawat isa’y may magandang Kingdom Hall.
Isang Tunay na Hamon
Noong 1977 ang aming atas ay binago tungo sa Madeira Islands. Bagaman ang tanawin ay makapigil-hininga sa semitropikal na lupaing ito, nasumpungan namin ang aming sarili na nakaharap sa bulubunduking lupa na nakapapagod sa katawan.
Sa atas na ito ay nakakatagpo namin ang mga tao na lubhang kabaligtaran niyaong sa aming dating atas. Ang relihiyosong debosyon ay nakasentro sa “mga santo.” Maraming tao ang hindi marunong bumasa’t sumulat, at ang pamahiin ay may malakas na impluwensiya sa buhay ng mga tao. Aktuwal na nakikita namin ang mga epekto ng espirituwal na “mabibigat na pasan” na iniaatang ng mga lider ng huwad na relihiyon sa balikat ng mga tao. Lumikha ito sa amin ng malakas na pangganyak upang dalhin ang espirituwal na ginhawa, anumang ang mangyari, sa mga kaluluwang ito na “nangagpapagal at nabibigatang lubha.”—Mateo 11:28, 29; 23:4.
Madalas naming marinig ang mga taong nagsasabi na bilang mga Katoliko, wala silang kailangan sa amin. Tinatanong ko kung dinadasal pa rin nila ang kahanga-hangang panalangin na “Ama Namin.” Kapag sila’y sumagot na oo, binabanggit ko kung paanong lahat tayo ay nagnanais na ang kalooban ng Diyos ay mangyari sa lupa, yamang walang gaanong nagagawang mabuti ang mga tao sa mga panahong ito. Kapag sila’y sumasang-ayon, tinatanong ko sila kung naitanong na ba nila kung ano ba ang kalooban sa atin ng Diyos. Kadalasan, ang paraang ito ay nakakakuha ng isang tagapakinig, at isang palakaibigang pag-uusap ang nangyayari.
Isang araw nakikipag-usap ako sa isang babaing nagpakita ng interes sa mensahe ng Kaharian nang bigla akong alugin ng mga rebentador na sumabog sa paligid ko. Ang lalaking sumasalakay sa akin ay isang magagaliting anak na lalaki ng babaing interesado. Galit na galit, binato niya ako ng isang aklat, at tinamaan ang aking paa. Iwinawasiwas ang isang karit na ginagamit sa pag-aani ng saging, binantaan niyang patayin ako, itinataas ang karit sa aking ulo. Walang anu-ano, mula sa sagingan ay dumating ang isang lalaki, ang tanging tao na iginagalang at kinatatakutan niya. Sumigaw siya sa autoritibong tinig: “Ano ang ginagawa mo?” at nahadlangan ang lalaking ito sa pagsalakay sa akin.
Sa dalawa pang okasyon sa atas na ito, ang aking buhay ay pinagbantaan, at sa tuwina’y nakita ko ang protektibong kamay ni Jehova sa akin. (Awit 68:19, 20) Sa katunayan, ang teritoryong ito ay lubhang tumatanggap sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at nang kami’y umalis, marami pa ang dumadalo sa aming mga pulong.
Sa isa pang dako sa Madeira Islands, sinimulan ko ang pag-aaral ng Bibliya sa isang babae na ang asawa ay hindi pabor sa amin. Subalit siya ay may malaking paggalang sa Bibliya. Siya’y isang panadero na nagtatrabaho sa gabi, at lingid sa kaalaman namin, pagkagising niya, makikinig siya sa aming lingguhang pag-aaral. Ang kaniyang interes ay lumalaki sa bawat pag-aaral, subalit siya’y nalito tungkol sa pangalan ng Diyos na Jehova.
Ipinasiya niyang suriin sa ganang sarili ang bagay na ito sa kaniya mismong Bibliya subalit hindi niya makita ang Bibliya. Nais niyang matuklasan ang katotohanan tungkol sa pangalan ng Diyos at nais niyang makita ang kaniyang “matanda, tunay na Bibliya” upang lutasin ang bagay na ito. Hindi nagtagal, noong nililinis niya ang panaderia, nasumpungan niya ang kaniyang mahalagang Bibliya. Buong pananabik na tiningnan niya ang ilang mga reperensiya, at naroon ito. Walang pagkakamali, ang personal na pangalan ng Diyos ay Jehova nga! (Awit 83:18) Hindi nagtagal, siya ay gumawa ng pambihirang pagsulong at nabautismuhan. Ngayon siya ay matapat na naglilingkod sa kongregasyon.
Ang Pinakahuling Atas
Sa kasalukuyan, ako’y naglilingkod sa gawing hilaga ng Portugal sa lungsod ng Braga. Sa loob ng mga taon ito ang relihiyosong sentro na may prominenteng dambana at pamantasang Katoliko. Subalit sino ang mag-aakala na darating ang araw na masusumpungan ng maraming simbahan na umuunti ang kanilang miyembro? Gayunman, ito ang nangyayari ngayon.
Natatagpuan namin ang maraming tao na naniniwala sa ebolusyon at na handang magsabing sila’y agnostiko. Ang publikasyong Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? taglay ang mga katotohanan nito na sumusuporta sa paglalang ay isang makapangyarihang instrumento upang “gibain ang mga pangangatuwiran at bawat matayog na bagay na ipinagmamataas laban sa kaalaman ng Diyos.”—2 Corinto 10:5.
Ang Pinakamagaling na Karera
Nililingon ang nakalipas na 15 taon, hindi ako nag-aalinlangan na pinili ko ang pinakamagaling na karera, ang paggamit ng aking tinig hindi sa pag-aliw kundi sa pagsasabi sa iba tungkol sa kahanga-hangang mga pangako ng Diyos. Ang masiglang paanyaya na gamitin ang tinig ng isa sa paghahayag ng “mabuting balita” ay galing mismo kay Jehova at bukás sa lahat ng tatanggap nito.—Mateo 24:14; Roma 10:13-15.
Anong laking pagkakataon ang ibinigay sa atin na sikaping abutin ang mga puso niyaong nagpapagal at nabibigatang lubha, pinasisigla sila na ‘lumapit at kumuha ng walang bayad na tubig ng buhay’! (Apocalipsis 22:17) Ito mismo ang mensahe buhat sa Salita ng Diyos na pumupukaw ng pagtugon sa puso ng mapagpakumbabang mga tao. Ang aking kapareha sa buong-panahong ministeryo at ako ay nakadarama ng pribilehiyo na patuloy na gamitin ang aming mga tinig, hindi para sa katanyagan o kayamanan, kundi para sa pagpuri sa Diyos at magdala ng walang-hanggang pagpapala sa iba.
Inaakala kong ang karera sa “pag-awit” na taglay ko ngayon ay mas nakahihigit sa aking dating karera sa pag-awit, sapagkat ginagawa ko ang sinabi ng salmista: “Magsiawit kayo kay Jehova, purihin ninyo ang pangalan niya. Ihayag ninyo ang kaniyang pagliligtas sa araw-araw.” (Awit 96:2)—Gaya ng inilahad ni Madalena Ferraz Martins.
[Larawan sa pahina 24]
Si Madalena Ferraz Martins at ang kaniyang kapareha sa buong-panahong ministeryo, si Maria Eulalia da Luz