Mula sa Matinding Kahirapan Tungo sa Pinakamalaking Kayamanan
AYON SA SALAYSAY NI MANUEL DE JESUS ALMEIDA
Ipinanganak ako noong Oktubre 1916, bunso sa 17 magkakapatid. Siyam sa aking mga kuya at ate ang namatay na dahil sa sakit at malnutrisyon, kaya hindi ko na sila nakilala. Kaming walo na natitira ay kapisan ng aming mga magulang sa isang maliit na nayon malapit sa Porto, Portugal.
ANG aming maliit na bahay ay binubuo ng isang maliit na sala at isang silid. Umiigib kami ng inumin mula sa isang balon halos kalahating kilometro ang layo, at sinauna ang aming mga kasangkapan sa pagluluto.
Kapag kaya na ng katawan ng aking mga kuya, sila’y nagtatrabaho na sa taniman ng mais. Ang kinikita nila ay nakatutulong sa pagpapakain sa pamilya. Sa tulong nila, ako lamang ang nakapag-aral nang kaunti. Bagaman hirap ang aming buhay, kami’y tapat na tapat sa Simbahang Katoliko, na umaasang sa paanuman ay makatutulong ito sa aming buhay.
Kapag buwan ng Mayo, ang simbahan ay nagsasagawa ng tinatawag na nobena. Sa loob ng sunud-sunod na siyam na araw, naglalakad kami patungong simbahan sa madaling araw habang madilim pa. Doon ay nagdarasal kami, na naniniwalang ito’y magdudulot ng pagpapala mula sa Diyos. Inakala rin namin na ang pari ay isang taong banal, isang kinatawan ng Diyos. Subalit nang maglaon, nagbago ang aming pangmalas.
Paghahanap sa Isang Bagay na Mas Mabuti
Nang hindi namin mabayaran ang buwis ng simbahan, hindi man lamang isinaalang-alang ng pari ang aming matinding kagipitan. Nakasira ito ng aming loob. Biglang nabago ang aking impresyon sa simbahan, kaya noong ako’y 18 taon na, naipasiya kong iwan ang aming pamilya upang alamin kung wala nang bagay na mas mabuti kundi ang magtrabaho sa bukid at makipagtalo sa simbahan. Noong 1936, dumating ako sa Lisbon, ang kabiserang lunsod ng Portugal.
Doon ko nakilala si Edminia. Bagaman sa tingin ko’y dinaraya lamang ako ng relihiyon, sinunod namin ang kaugalian at nagpakasal kami sa Simbahang Katoliko. Noong 1939 naman, nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II. Sa panahon ng digmaan, ako ang nangangasiwa sa 18 bodega, at kami’y nagpapadala ng hanggang 125 trak ng mga materyales para sa digmaan sa loob ng isang araw.
Napakalaki ng naging epekto sa akin ng pagkatakot sa digmaan pati na ang matinding pagkasangkot ng Simbahang Katoliko. Inisip ko, ‘Talaga nga kayang nagmamalasakit ang Diyos sa sangkatauhan? Paano kaya namin siya dapat sambahin?’ Makalipas ang mga taon noong 1954, isang may-edad nang maginoo, isang Saksi ni Jehova, ang nakipag-usap sa akin tungkol sa mga itinatanong ko. Ang pag-uusap na ito ang nagpabago sa aking buong buhay.
Natuwa sa Pag-asa sa Bibliya
Ipinaliwanag sa akin ng mabait na lalaking ito, si Joshua, na ang Kaharian ng Diyos ang tanging lunas sa mga problema ng sanlibutan at na ang kapayapaan at katiwasayan ay matutupad lamang sa pamamagitan ng pamamahala ng Kaharian. (Mateo 6:9, 10; 24:14) Natuwa ako sa kaniyang sinabi, pero alinlangan akong sang-ayunan ang kaniyang paliwanag dahil sa aking naging karanasan sa relihiyon. Nang alukin niya akong makipag-aral ng Bibliya, tinanggap ko ito sa kondisyong hindi niya ako hihingan ng pera at hindi siya babanggit ng tungkol sa pulitika. Sumang-ayon siya, anupat tinitiyak niya sa akin na ang kaniyang iniaalok ay libre.—Apocalipsis 22:17.
Mabilis na lumaki ang aking pagtitiwala kay Joshua. Kaya humiling ako sa kaniya ng isang bagay na gustung-gusto kong magkaroon mula pa sa aking pagkabata. “Posible kayang magkaroon ako ng sarili kong kopya ng Bibliya?” Nang matanggap ko ito, tuwang-tuwa kong binasa sa kauna-unahang pagkakataon mula sa sariling Salita ng ating Maylalang ang mga pangakong gaya ng: “Ang Diyos mismo ay sasakanila [sangkatauhan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na”!—Apocalipsis 21:3, 4.
Sa partikular, ang mga pangako sa Bibliya na aalisin ang karalitaan at karamdaman ay nakaaaliw sa akin. Ganito ang sabi ng tapat na si Elihu tungkol sa Diyos: “Nagbibigay siya ng saganang pagkain.” (Job 36:31) At sa ilalim ng matuwid na pamamahala ng Kaharian ng Diyos, sinasabi ng Bibliya, “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako ay may-sakit.’ ” (Isaias 33:24) Tunay na isang maibiging pagmamalasakit ang taglay ng Diyos na Jehova sa sangkatauhan! Sumidhi nang gayon na lamang ang aking interes sa kaniyang mga pangako!
Naganap ang una kong pagdalo sa pulong ng mga Saksi ni Jehova noong Abril 17, 1954. Iyon ay isang pantanging pulong—ang pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo. Mula noon ay naging regular na ako sa mga pulong. Di-nagtagal at ibinabahagi ko na sa iba ang mabubuting bagay na aking natututuhan. Noong mga panahong iyon sa Portugal, kami’y nagpipiknik buwan-buwan malapit sa dalampasigan, at pagkatapos ay nagbabautismo kami. Pitong buwan matapos ang unang pakikipag-usap sa akin ni Joshua, inialay ko ang aking sarili sa Diyos na Jehova at sinagisagan iyon ng bautismo sa tubig sa karagatan.
Noong kaagahan ng 1954, mayroon lamang mga isandaang Saksi sa buong Portugal. Kaya naman, nagkaroon ng pangangailangan para sa mga lalaki na manguna sa pangangaral. Naging mabilis ang aking pagsulong sa espirituwal, at di-nagtagal ay nabigyan ako ng mga pananagutan sa loob ng kongregasyon. Noong 1956, naatasan akong maging lingkod ng kongregasyon, gaya ng tawag noon sa punong tagapangasiwa, sa ikalawang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Lisbon. Sa ngayon, mayroon nang mahigit sa isandaang kongregasyon sa lunsod na ito at sa mga karatig-pook nito.
Pakinabang sa Pagiging Mapagpatuloy
Bagaman kapos kami ni Edminia sa pinansiyal, ang aming pinto ay laging bukás sa aming mga kapatid na Kristiyano. Noong 1955, isang payunir, gaya ng tawag sa mga buong-panahong ebanghelisador ng mga Saksi ni Jehova, ang dumaan muna sa Portugal sa kaniyang pagbibiyahe mula sa kaniyang tahanan sa Brazil patungo sa internasyonal na “Matagumpay na Kaharian” na Asamblea sa Alemanya. Dahil sa nagkaproblema sa transportasyon, isang buwan siyang nanatili sa aming tahanan, at gayon na lamang ang aming naging espirituwal na pakinabang dahil sa kaniyang pagdalaw!
Kabilang sa mga naging panauhin namin sa aming tahanan ay mga miyembro ng pamilya ng mga Saksi ni Jehova sa punong tanggapan sa Brooklyn, New York, gaya nina Hugo Riemer at ang kaniyang kakuwarto na si Charles Eicher. Sa amin sila naghapunan at nagpahayag sa mga kapatid na Portuges. Gaya ng mga bagong-pisang sisiw na nakabuka ang mga tuka, nakaabang kami sa espirituwal na maliliit ngunit magagandang balita na binabanggit nila.
Sa amin din tumutuloy ang mga naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova kapag sila’y dumadalaw. Isang di-malilimot na panauhin noong 1957 si Álvaro Berecochea, tagapangasiwa ng sangay sa Morocco, na inatasang dumalaw sa Portugal upang patibayin ang mga kapatid. Dumalo siya sa pag-aaral sa aklat sa aming tahanan, at pinilit namin siyang tumuloy sa amin habang nasa Portugal siya. Tunay na kami’y matinding pinagpala at pinataba sa espirituwal sa loob ng isang buwan niyang pagdalaw, samantalang tumaba naman sa pisikal si Álvaro dahil sa masarap na pagluluto ng mahal kong si Edminia.
Ang matinding paghihirap, gaya ng aking naranasan noong ako’y bata pa, ay nakapag-iiwan ng isang malalim na tatak sa isang tao. Gayunman, napagtanto ko na habang nagbibigay tayo kay Jehova at sa kaniyang tapat na mga lingkod, lalo naman niya tayong pinagpapala. Madalas na napapatatak sa akin ang katotohanang ito habang nagpapakita kami ng pagkamapagpatuloy sa lahat ng makakayanan namin.
Sa aming kombensiyon sa Porto noong 1955, ipinatalastas ang tungkol sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na gaganapin sa Yankee Stadium sa New York City sa 1958. Naglagay ng isang kahong abuluyan sa bawat Kingdom Hall sa bansa—na noon ay kakaunti lamang—upang itustos sa ipadadalang mga delegadong Portuges sa kombensiyon. Mailalarawan mo kaya ang aming kagalakan nang mapabilang kaming mag-asawa sa mga delegadong ito? Tunay na isang kagalakan iyon na madalaw ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn habang kami’y nasa Estados Unidos para sa kombensiyon!
Pagbabata ng Pag-uusig
Noong 1962, ipinagbawal ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa Portugal, at ang mga misyonero—kabilang sina Eric Britten, Domenick Piccone, Eric Beveridge, at ang kani-kanilang asawa—ay pinaalis. Pagkaraan, hindi na kami pinahintulutang magdaos ng mga pulong sa mga Kingdom Hall, kaya palihim naming idinaos iyon sa mga pribadong tahanan; naging imposible nang magdaos ng malalaking kombensiyon sa Portugal. Kaya naging pananagutan kong magsaayos ng transportasyon para makadalo ang aming mga kapatid na Kristiyano sa gayong mga kombensiyon sa ibang bansa.
Ang pagsasaayos ng malalaking bilang ng mga Saksi upang maglakbay sa ibang bansa ay hindi madali. Ngunit sulit naman ang pagsisikap, kung isasaalang-alang ang kahanga-hangang espirituwal na pakinabang na tinanggap ng mga kapatid na Portuges. Tunay na isang nakapagpapatibay na karanasan para sa kanila na makadalo sa mga kombensiyon sa Switzerland, Inglatera, Italya, at Pransiya! Nagbigay rin ng pagkakataon sa kanila ang mga kombensiyong ito na makapag-uwi ng mga literatura sa bansa. Noong mga taóng iyon, gumawa kami ng maraming kahilingan na maparehistro bilang isang relihiyosong organisasyon sa Portugal, subalit tinanggihang lahat ang mga kahilingang ito.
Matapos mapaalis ang mga misyonero sa kaagahan ng 1962, pinag-ibayo ng mga sekreta ang kampanya nito na mapahinto ang gawaing pangangaral. Marami sa ating mga kapatid ang inaresto at dinala sa hukuman. Ang mga dokumentadong ulat tungkol sa maraming pangyayaring ito ay inilathala sa babasahing ito at sa kasamang magasin nito na, Gumising!a
Kabilang sa mga nabilanggo dahil sa pangangaral ay isang payunir na pinabatiran ko ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Palibhasa’y nakita ng pulis ang tirahan ko sa kaniyang mga dala-dalahan, ako’y ipinatawag at pinagtatanong.
Nang maglaon, dalawang pulis ang nagpunta sa aming tahanan. Sinamsam nila ang mga pantulong ko sa pag-aaral ng Bibliya at ang 13 kopya ng Bibliya. Nagpatuloy sila sa panliligalig, anupat sa kabuuan ay nagpabalik-balik nang pitong ulit sa iba’t ibang pagkakataon upang magmanman sa aming looban. Sa bawat pagkakataon, inuulan nila kami ng mga tanong.
Ilang ulit akong ipinatawag upang tumestigo para sa kapuwa Saksi sa mga kaso sa hukuman. Bagaman hindi ako gaanong nakapag-aral binigyan ako ni Jehova ng ‘karunungan, na hindi kayang labanan o tutulan ng lahat ng mga mananalansang.’ (Lucas 21:15) Minsan ay gayon na lamang ang paghanga ng hukom sa aking patotoo anupat itinanong niya kung ano ang natapos ko. Lahat ng nasa silid-hukuman ay nagtawanan nang sabihin kong hanggang ikaapat na baytang lamang ako.
Habang dumarami ang pag-uusig, dumarami rin ang bilang niyaong tumutugon sa mensahe ng Kaharian. Kaya naman, ang wala pang 1,300 Saksi sa Portugal noong 1962 ay dumami hanggang sa mahigit na 13,000 noong 1974! Samantala, noong Mayo 1967, naanyayahan akong maglingkod bilang naglalakbay na tagapangasiwa. Sa gawaing ito ay dinadalaw ko ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova upang patibayin sila sa espirituwal.
Pagtatamasa ng Pinakamalaking Kayamanan
Noong Disyembre 1974, nagkapribilehiyo akong maging abala sa pagpaparehistro na nagpaging legal sa gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Portugal. Nang sumunod na taon, kaming mag-asawa ay naging miyembro ng pamilyang Bethel ng mga Saksi ni Jehova sa Estoril. Naatasan din akong maglingkod bilang miyembro ng Branch Committee sa Portugal.
Tunay na isang kagalakang makita na sumusulong ang gawaing pangangaral sa Portugal at sa mga teritoryong pinangangasiwaan ng aming sangay! Kabilang dito ang Angola, ang Azores, Cape Verde, Madeira, at São Tomé at Príncipe. Sa lumipas na mga taon, nakatutuwang makita ang mga misyonero mula sa Portugal na ipinadadala upang maglingkod sa mga lupaing ito, kung saan nakikita ang pambihirang interes sa mensahe ng Kaharian. Gunigunihin ang aming kagalakan ngayon na mayroon nang mahigit sa 88,000 tagapaghayag ng Kaharian sa mga lugar na ito, pati na ang mahigit sa 47,000 sa Portugal! Ang dumalo sa Memoryal sa mga bansang ito noong 1998 ay umabot sa pinakamataas na bilang na 245,000, kung ihahambing sa wala pang 200 nang ako’y maging Saksi noong 1954.
Kami ni Edminia ay buong-pusong nakikiisa sa salmista sa Bibliya na nagsabing “ang isang araw sa mga looban [ni Jehova] ay mas mabuti kaysa sa isang libo sa ibang dako.” (Awit 84:10) Kapag binabalikan ko ang aking mababang pinagmulan at inihahambing ang mga ito sa espirituwal na kayamanang taglay ko mula noon, nadama ko ang nadama rin ng propetang si Isaias: “O Jehova, ikaw ang aking Diyos. Dinadakila kita, pinupuri ko ang iyong pangalan, sapagkat gumawa ka ng mga kamangha-manghang bagay . . . Sapagkat ikaw ay naging moog sa maralita, moog sa dukha.”—Isaias 25:1,4.
[Talababa]
a Tingnan ang Awake! ng Mayo 22, 1964, pahina 8-16, at ang The Watchtower ng Oktubre 1, 1966, pahina 581-92.
[Mga larawan sa pahina 24]
Itaas: Si Brother Almeida sa Lisbon habang ipinatatalastas ang kaayusan ng pagpapadala ng mga delegado sa 1958 na kombensiyon sa New York
Gitna: Pangangasiwa sa isang huwarang pulong ng mga lingkod sa “Kapayapaan sa Lupa” na Internasyonal na Asamblea sa Paris
Ibaba: Inarkilang mga bus habang inihahanda sa pandistritong kombensiyon sa Pransiya
[Larawan sa pahina 25]
Pangangasiwa sa pang-umagang pagsamba sa sangay sa Portugal
[Larawan sa pahina 25]
Sangay sa Portugal, inialay noong 1988
[Larawan sa pahina 26]
Pinatibay kami ng pahayag ni Brother Hugo Reimer nang dumalaw siya mula sa Brooklyn Bethel
[Larawan sa pahina 26]
Kasama ang aking asawa