‘Maliligaya ang Lahat ng Patuloy na Naghihintay kay Jehova’
INILAHAD NI DOMENICK PICCONE
Ang aking mga magulang ay nandayuhan sa Estados Unidos buhat sa Italya noong kaagahan ng dekada ng 1920 at sa wakas ay nanirahan sa South Philadelphia, na noon ay kilala sa tawag na Munting Italya. Nang sumapit ang 1927 sila ay nakikisama na sa mga Estudyante ng Bibliya, na noong maglaon ay nakilala sa tawag na mga Saksi ni Jehova.
AKO’Y isinilang noong 1929 at sa gayo’y napahantad sa katotohanan ng Bibliya mula pa sa pagkasanggol. Naaalaala ko pa na ang mga Saksi ay nagtitipon sa aming bahay bago lumabas upang mangaral sa saradong Romano Katolikong mga bayan sa minahan ng karbon na rehiyon ng Pennsylvania, na kung saan ang mga kapatid ay maraming ulit na inaresto. Ako’y nabautismuhan noong 1941 sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa St. Louis, Missouri. At nang magkagayon ay nagsimula nang lumubha ang mga kalagayan.
Ako’y nagsimulang makisama sa maling uri ng mga kabataan sa lugar namin at nanigarilyo na at nagsugal sa mga kanto. Mabuti naman, nakita ng aking mga magulang na ako’y medyo hindi na nila masupil at nagpasiya na lumipat sa ibang lugar ng siyudad. Hindi ko ikinatuwa iyon, yamang nawala ang lahat ng aking mga kaibigan na mga kanto boy. Gayunman, sa ngayon pagka ako’y nagbabalik-tanaw sa nakalipas ako ay lubhang napasasalamat sa aking ama. Tunay na pagsasakripisyo ang ginawa niya sa pananalapi sa kaniyang pagsisikap na ako’y mapaalis sa mga kapaligirang iyon. Samantalang dati siya’y nakapaglalakad patungo sa trabaho, ngayon kailangan ay sumakay siya sa subway na isang mahabang paglalakbay. Subalit ang ganito’y malaki ang nagawa upang mapabalik ako sa isang kapaligirang teokratiko.
Inihasik ang Binhing Misyonero
Halos taun-taon, kami ay naglalakbay patungo sa South Lansing, New York, upang dumalo sa pagtatapos sa Watchtower Bible School of Gilead. Sa pagkakita sa mga misyonerong iyon na ipinadadala sa lahat ng panig ng daigdig naihasik sa aking puso ang hangarin na maglingkod bilang misyonero. Kaya naman, pagkatapos ko sa high school, ako’y nagpatala bilang isang ministrong regular pioneer, pasimula noong Mayo 1947.
Ang isa pang kabataang pioneer sa aming kongregasyon ay si Elsa Schwarz, at siya’y lubhang masigasig sa pangangaral. Ang kaniyang mga magulang sa tuwina ay humimok sa kaniya na siya’y maging isang misyonera, kaya malamang na mahuhulaan ninyo ang naging resulta. Kami’y ikinasal noong 1951. Samantalang naglilingkod na magkasama bilang mga pioneer sa Pennsylvania, kami’y nag-aplay upang makapag-aral sa paaralang misyonero ng Gilead. Noong 1953 kami’y naanyayahan upang makasama sa ika-23 klase ng Gilead. Pagkaraan ng limang buwan ng masinsinang pag-aaral at paghahanda sa Gilead, kami’y nagtapos sa isang kombensiyon sa Toronto, Canada, at tinanggap namin ang aming destino—España!
Mga Suliranin sa España
Samantalang naghahanda na lumisan para sa aming destino bilang misyonero noong 1955, kami ni Elsa ay punô ng mga katanungan. España! Ano kaya ang hitsura nito? Ang bansa ay nasa ilalim ng pamamahala ng Katolikong diktador na si Generalissimo Francisco Franco, at ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay ibinawal. Papaano kami makapagpapatuloy sa ilalim ng gayong mga kalagayan?
Kami’y pinatalastasan ng mga kapatid sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn na si Frederick Franz, noo’y pangalawang pangulo ng Watch Tower Society, at si Alvaro Berecochea, isang misyonero na taga-Argentina, ay naaresto, kasama ang marami pang ibang mga kapatid. Isang lihim na asamblea ang inorganisa sa gubat malapit sa Barcelona. Gayunman, nabalitaan ng pulisya ang lihim na pagtitipong ito at inaresto ang karamihan ng mga naroon.a
Kami’y pinagsabihan na marahil walang sinuman ang makasasalubong sa amin pagdating namin sa Barcelona. Ang tagubilin sa amin ay: “Humanap kayo ng matutuluyan sa isang otel, saka ninyo ipatalastas sa Samahan sa New York ang direksiyon ng otel.” Aming isinaisip ang mga salita ni Isaias: “Maligaya ang lahat ng patuloy na naghihintay kay [Jehova]. At ang iyong sariling mga pakinig ay makaririnig ng mga salita sa likuran mo na nagsasabi: ‘Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayo bayan.’ ” (Isaias 30:18, 21) Kami’y kailangang patuloy na maghintay kay Jehova at sumunod sa tagubilin ng kaniyang organisasyon.
Kami’y nagpaalam sa aming mga magulang at mga kaibigan na dumating sa New York para sa huling pagkikita, at hindi nagtagal ang aming barko, ang Saturnia, ay naglalayag na sa Ilog Hudson patungo sa Karagatang Atlantiko. Iyan ang huling pagkakataon na nakita ko ang aking ama. Makalipas ang dalawang taon, samantalang ako’y nasa ibayong dagat, siya’y namatay pagkatapos ng isang matagal na pagkakasakit.
Sa wakas narating din namin ang aming destino, ang puertong siyudad ng Barcelona. Noon ay isang matamlay, maulang araw, ngunit samantalang kami’y dumaraan sa adwana, aming nakita ang “sumisikat na araw” ng mga mukhang nakangiti sa kagalakan. Si Alvaro Berecochea, kasama ang mga ilang Kastilang kapatid na lalaki, ay naroroon upang sumalubong sa amin. Tunay na naligayahan kami nang malaman na ang ating mga kapatid ay pinalaya na.
Ngayon ay kinailangang kami’y matuto ng Kastila. Noong mga kaarawang iyon ang mga misyonero ay kinakailangang matuto ng mga wika sa mahirap na paraan—walang mga aklat-aralin o mga guro. Noon ay wala pang mga kurso sa pag-aaral ng wika. Kailangang matugunan namin ang kahilingang bilang ng oras sa pangangaral at matuto pa rin ng wika—sa pangangaral, akalain mo.
Pangangaral sa Ilalim ng Isang Katolikong Diktadura
Ang organisasyon ni Jehova noon ay nasa kamusmusan pa sa España. Noong 1955 ay mayroong pinakamataas na bilang na 366 mamamahayag sa isang bansa na may mga 28 milyong katao. Mayroon lamang sampung kongregasyon sa buong bansa. Ito kaya’y mananatiling ganiyan nang mahabang panahon? Minsang kaming mag-asawa ay magsimulang nangaral sa bahay-bahay, aming natuklasan na ang España pala ay mistulang isang paraiso para sa nagpapalaganap ng mabuting balita. Oo, ang mga tao ay gutom sa katotohanan.
Ngunit papaano ginagawa ang pangangaral, yamang ito ay ipinagbawal? Karaniwan hindi namin dinadalaw ang bawat bahay sa isang kalye, ni ang lahat ng apartment sa isang gusali. Ang Barcelona ay binubuo ng maraming lima- at anim-na-palapag na mga gusaling apartment, at kami’y binilinan na magsimula sa pinakamataas na palapag at gumawa pababa hanggang sa pinakamababang palapag. Malamang na kami ay dadalaw sa isa lamang apartment sa bawat palapag o lalampasan namin ang maraming mga palapag. Sa ganitong paraan ay nagiging lalong mahirap sa pulisya na mahuli kami kung ipagsumbong kami ng isang panatikong maybahay.
Ang mga pulong ng kongregasyon ay sa pribadong mga tahanan idinaraos, yamang ang mga kongregasyon ay binubuo ng mula sa tatlo hanggang apat na grupo ng pag-aaral sa aklat. Dahil dito ang lingkod ng kongregasyon ay nakadadalaw sa bawat isa sa mga pag-aaral na ito sa aklat minsan isang buwan. Ang konduktor ng pag-aaral sa aklat ay may pananagutan na manguna sa lahat ng mga pulong, na idinaraos sa dalawang magkaibang gabi ng sanlinggo para sa maliliit na mga grupo mula 10 hanggang 20 katao.
Kinailangang matuto kami ng isang bagong paraan ng pamumuhay. Nang panahong iyon ay wala namang mga kaayusan ng tahanang misyonero sa España. Kailanma’t maaari, kami’y nakikitira sa mga kapatid sa kani-kanilang tahanan. Ang pagkatutong magluto sa isang kalang de-uling ay isang tunay na karanasan para kay Elsa! Nang bandang huli kami ay nakabili ng isang pugon de-gas, na maigi-igi kaysa nauna.
Pag-uusig at Pagpapaalis
Pagkaraan ng sandali kami ay nakabalita na sunud-sunod na pag-uusig ang nagsisimula sa Andalusia, na kung saan isang special pioneer ang inaresto. Sa di-inaasahang pangyayari, siya’y may dalang isang kuwaderno na kung saan nakasulat ang mga pangalan at mga direksiyon ng mga kapatid sa lahat ng panig ng bansa. Kami’y patuloy na tumanggap ng mga ulat na ang ating mga kapatid ay inaaresto sa maraming siyudad. Ang biglang pagsalakay ng mga maykapangyarihan ay palapit nang palapit sa Barcelona. Sa wakas, ang pag-uusig ay dumating din sa Barcelona.
Mga ilang buwan pa ang aga, ako’y dinala ng pulisya sa kanilang punong-tanggapan para pagtatanungin. Pagkaraan ng mga ilang oras ako ay pinalaya, at ang akala ko ay tapos na ang bagay na iyon. Sumunod na nakipag-alam sa akin ang American Embassy at nagmungkahi na upang maiwasan ang kahihiyan ng pagkadeporta, ako’y dapat kusangloob na umalis sa bansa. Hindi nagtagal pagkatapos, ipinaalam sa amin ng pulisya na mayroon pa kaming sampung araw upang makaalis. Dahilan sa wala kaming panahon na sumulat sa Watch Tower Society, ano ba ang dapat naming gawin? Ang mga pangyayari ay waring nagpapakita na kami’y dapat tumungo sa pinakamalapit na larangang misyonero sa labas ng España—sa Portugal, sa gawing kanluran.
Isa Pang Atas, Isa Pang Wika
Minsang kami’y dumating sa Lisbon, Portugal, noong Hulyo 1957, kami’y naatasang maging mga misyonero sa Porto, isang siyudad na nasa gawing hilaga ng Lisbon. Ito’y itinuturing na pangalawang kabisera ng bansa at nasa rehiyon na bantog sa kaniyang mga tinto. Isang maunlad na kongregasyon ang nagdaraos ng mga pulong sa basement ng isang gusali sa kabayanan. Ang pangangaral ay ibinawal din sa Portugal, palibhasa ang bansa ay nasa ilalim ng diktadura ni Salazar. Gayunman, ang mga kalagayan ay ibang-iba kaysa nasa España. Ang mga pulong ay ginaganap sa mga tahanan ng mga kapatid, at grupu-grupo mula sa 40 hanggang 60 ang nagsisidalo. Walang pagkakakilanlan na ang mga tahanan ay mga dakong pinagtitipunan ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman ako’y hindi nagsasalita ng Portuges, ako’y naatasang maging lingkod ng kongregasyon. Minsan pa, kami’y natuto ng isang bagong wika sa mahirap na paraan.
Mga isang taon ang nakalipas, kami’y naatasang maglingkod sa Lisbon. Dito, sa unang-unang pagkakataon, nagkaroon kami ng isang tirahan na aming sarili, isang apartment na nakapanunghay sa siyudad ng Lisbon. Kami’y naatasan na mag-asikaso ng isang sirkito—ang buong Republika ng Portugal. Nang kami’y dumating sa Portugal, mayroon lamang 305 mga mamamahayag at limang kongregasyon.
Nagsimula ang Panahon ng Kabagabagan
Sa ilan sa mga mapa ng Portugal at ng mga koloniya nito, naroon ang kasabihan: “Ang araw ay hindi kailanman lumulubog sa teritoryong Portuges.” Ito ay totoo, yamang ang Portugal ay mayroong mga koloniya sa maraming panig ng daigdig, dalawa sa pinakamalalaki ay ang Mozambique at Angola sa Aprika. Noong 1961 waring may mga suliranin na namumuo sa mga koloniyang ito, at nakita ng Portugal ang pangangailangan na palawakin pa ang kaniyang hukbong militar.
Ngayon, ano ang gagawin ng mga kabataang kapatid pagka sila ay kinalap para sa serbisyo sa hukbo? Ang iba ay nakakuha ng karapatang sila’y mapapuwera dahilan sa pagkamasasakitin, ngunit karamihan ay nanindigang matatag sa panig ng pagkaneutral ng Kristiyano. Hindi nagtagal at nagsimula ang sunud-sunod na pag-uusig. Ang sangay ay tumanggap ng mga ulat na nagsasabing inaaresto noon ang mga special pioneer at ginugulpi nang buong bagsik ng mga sekreta, ang ubod-lupit na P.I.D.E. (Polícia Internacional e Defesa do Estado). Ang iba sa mga misyonero ay tinawag sa mga punong-tanggapan ng pulisya upang pagtatanungin. Pagkatapos, tatlong mag-asawa ang binigyan ng 30 araw upang lisanin ang bansa. Lahat kami ay umapela.
Isa-isa ang mga mag-asawang misyonero ay tinawag sa headquarters ng pulisya para kapanayamin ng direktor ng P.I.D.E. Una, ang lingkod ng sangay, si Eric Britten, at ang kaniyang maybahay, si Christina, ang pinagtatanong. Pagkatapos, si Eric Beveridge at ang kaniyang maybahay, si Hazel, at sa katapus-tapusan si Elsa at ako ang pinagtatanong. Kami’y maling inakusahan ng hepe ng pulisya na ginagamit daw kami ng mga Komunista upang sirain ang Kanlurang daigdig ng aming itinuturo sa pagkaneutral. Ang aming mga pakiusap ay niwalang kabuluhan.
Anong lungkot na iwanan ang 1,200 mga kapatid na dumaraan sa kagipitan dahilan sa malupit na pamamahala ng isang diktador na walang katuwiran! Samantala ang mga Beveridge ay naparoon sa España at ang mga Britten ay bumalik naman sa Inglatera, ano kaya ang susunod na pagdidestinuhan sa amin? Ang bansang Muslim ng Morocco!
Ang Pangangaral sa Islamikong Morocco
Minsan pa, kami’y patuloy na naghihintay kay Jehova. Isang bagong atas, mga bagong ugali, at mga bagong wika! Arabiko, Pranses, at Kastila ang opisyal na mga wika sa Kaharian ng Morocco, na kung saan mayroong 234 na mga Saksi sa walong kongregasyon. Ang opisyal na relihiyon ng bansa ay Islam, at labag sa batas na gumawa ng mga alagad sa mga Muslim. Kaya ang maaari naming pangaralan lamang ay ang populasyong karamihan ay mga Europeong di-Muslim.
Minsang magsimulang magdatingan ang mga misyonero noong may dulo ng dekada ng 1950, may nakitang mga pagsulong. Ngunit ang pamahalaan ng Morocco ay nagsimulang manggipit sa populasyong Europeo, at nagkaroon ng lansakang pag-aalisan ng mga banyaga, kasali na ang maraming mga kapatid.
Samantalang ang aming populasyong di-Muslim ay umuunti ang bilang, kami’y naubligahan na humanap ng mataktikang mga paraan ng pakikipag-uusap sa mga Muslim, at ito’y umakay sa mga pagrereklamo sa pulisya. Habang ang mga reklamo ay nagiging lalong malimit sa Tangier at sa iba pang mga siyudad, sa wakas ay pinagsabihan kami na kami’y mayroon lamang 30 araw upang lumisan sa bansa. Noong Mayo 1969, si Elsa at ako ay pinaalis buhat sa isa pang atas.
Isang Atas Para sa Maikling Panahon?
Kami’y sinabihan na bumalik sa Brooklyn, at ako ay inanyayahan na dumalo sa isang pulong para sa mga lingkod ng sangay na ginanap ng tag-araw na iyon. Samantalang ako’y naroon, ipinatalastas sa akin na ang aming bagong atas ay El Salvador, Central America, at na ako’y maglilingkod doon bilang lingkod ng sangay. Napag-alaman ko na ito ay malamang na tumagal ng mga limang taon, ang pinakamatagal na pinapayagan ang mga misyonero na manatili sa bansa, yamang ang aming gawain ay hindi legal na kinikilala.
El Salvador—anong gandang atas! Mayroon doong 1,290 mamamahayag, kasali na ang 114 na mga pioneer na nag-uulat sa katamtaman bawat buwan. Ang mga tao’y may takot sa Diyos, maibigin sa Bibliya, at mapagpatulóy. Sa halos bawat pinto, kanilang inaanyayahan kami na makipag-usap sa kanila. Sa loob ng maikling panahon, kami ay nagkaroon ng maraming mga pag-aaral sa Bibliya na higit kaysa aming nakakaya.
Samantalang kami’y nagmamasid sa pagsulong at sa malaking pangangailangan doon, kami’y nakadama ng kalungkutan sapagkat kailangang lisanin namin ang atas na ito pagkatapos ng limang taon lamang. Kaya ipinasya namin na kami’y dapat magsikap na ang gawain ng mga Saksi ni Jehova ay maging legal. Aming isinubmite ang mga papeles sa gobyerno noong Disyembre 1971, at noong Abril 26, 1972, ganiyan na lamang ang aming kagalakan nang mabasa namin sa peryodiko ng gobyerno, ang Diario Oficial, na ang aming petisyon ay tinanggap. Ang mga misyonero ay hindi na kailangang umalis pagkaraan ng limang taon kundi maaaring makakuha ng permanenteng karapatang manirahan sa bansa.
Mga Pagsubok at mga Pagpapala
Sa paglakad ng mga taon sa aming sari-saring atas, kami’y nagkaroon ng maraming mabubuting kaibigan at nakita namin ang pamumunga ng aming ministeryo. Si Elsa ay nagkaroon ng isang mainam na karanasan sa San Salvador sa isang guro sa paaralan at sa kaniyang asawang sundalo. Isa sa mga kaibigan ng guro sa paaralan ay naging interasado rin sa katotohanan. Sa simula ang asawang lalaki ay hindi interesado sa Bibliya; subalit, siya’y aming dinalaw nang siya’y mapaospital, at siya’y naging aming kaibigan. Sa bandang huli siya’y nag-aral ng Bibliya, nagbitiw siya sa kaniyang pagkasundalo, at nagsimula nang mangaral kasama namin.
Samantala, isang babae ang dumating sa Kingdom Hall at tinanong si Elsa kung siya ang nakikipag-aral sa dating sundalo. Napag-alaman na ito (ang babae) ay naging kerida niya! Ito ay nakipag-aral din ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sa pandistritong kombensiyon, ang dating sundalo, ang kaniyang maybahay, ang kaibigan nito, at ang dating kerida ay pawang nangabautismuhan!
Pagpapalawak sa El Salvador
Dahilan sa malaking pagsulong, maraming mga Kingdom Hall ang itinayo, at ang bansa ngayon ay mayroong mahigit na 18,000 aktibong mga Saksi. Gayunman, ang pagsulong na ito ay may kasabay na mga pagsubok at mga kahirapan. Sa loob ng sampung taon, ang kalooban ni Jehova ay ginagawa ng mga kapatid samantalang may giyera sibil. Subalit sila’y nagpatuloy sa kanilang pagkaneutral at nanatiling tapat sa Kaharian ni Jehova.
Kung pagsasamahin ang ipinaglingkod naming dalawa, si Elsa at ako ay nakapaglingkod ng buong-panahon nang may 85 taon. Aming nasumpungan na pagka kami ay patuloy na naghihintay kay Jehova at nakikinig ‘sa salita sa likuran na nagsasabi, “Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayo bayan,” ’ kami ay hindi kailanman nabibigo. Kami ay nagtamasa nga ng isang kasiya-siya at kapaki-pakinabang na buhay bilang buong-panahong mga lingkod ni Jehova.
[Talababa]
a Para sa buong detalye, tingnan ang 1978 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 177-9.
[Larawan sa pahina 24]
Asamblea sa isang gubat sa España, 1956
[Larawan sa pahina 25]
Kami’y nangangaral sa mga di-Muslim sa Morocco
[Larawan sa pahina 26]
Sangay sa El Salvador, ang aming kasalukuyang atas