Pagmamasid sa Daigdig
MALUNGKOT NA HINAHARAP
“Ang daigdig ay mapanganib pa ring dako,” sabi ng The Economist. “Ang wakas ng cold war at ang bagong maluwag na ugnayan sa pagitan ng Silangan at Kanluran ay nagpangyari sa iba na maniwala na ang kapayapaan ang uso. Hindi gayon. Bagaman nawalan ng isang malaking pinagmumulan ng tensiyon, ang daigdig ay marami pang maliliit na tensiyon: ang poot, hindi pagpaparaya at pagsalakay, at pati na ang pagsasalungatan ng mga ideya, ay hindi namatay noong magulung-magulong 1989. . . . Sa ilang paraan ang daigdig, o ang mga bahagi nito, ay malamang na naging mas mapanganib noong 1989.” Bakit? Sapagkat “mientras humihina ang impluwensiya ng mga superpower, lalo namang lumalakas ang di-mahulaang kapangyarihan ng mga rehiyon,” sabi ng The Economist. “At hanggang ngayon ang mga taong walang kibo ay maaaring naapektuhan na ng halimbawa niyaong nagwagi ng kanilang kalayaan noong 1989.” Marami sa mga dahilan ng away—pagtatalo tungkol sa hangganan, relihiyoso at etnikong labanan, malaon nang mga pagkakapootan, salungatan dahil sa ideolohiya at simulain—ay umiiral sa buong daigdig. Ang ilang maliliit na bansa ay nagtataglay o gumagawa ng paraan upang makakuha ng mga sandatang nuklear at kemikal, ginagawa itong “balang araw ang digmaan ay malamang na mula sa mga salita tungo sa isang bagay na mas nakakamatay.”
MAHALAGANG PASIYA NG HUKUMAN
Tatlong taon ang nakalipas isang 28-anyos na babae na nasa kaniyang ika-26 na linggo ng pagdadalang-tao ay binigyan ng pampatulog at agaw-buhay dahil sa kanser. Ang ospital, natatakot na baka papanagutin ng batas kung walang gagawing pagsisikap upang iligtas ang ipinagbubuntis na sanggol, ay humingi ng payo sa isang hukom sa kung ano ang dapat gawin. Ang hukom, na sinisikap timbangin ang kapakanan ng pasyente sa di pa isinisilang na sanggol, ay nag-utos ng dapat isagawa ang cesarean na operasyon. Iyon ay hindi tama, pasiya kamakailan ng Court of Appeals ng Distrito ng Columbia sa Estados Unidos. Ang kagustuhan ng pasyente, mula sa lahat ng makukuhang katibayan, ang tanging salik na dapat isaalang-alang. “Ang taong may kakayahan at ang walang kakayahan ay kapuwa may karapatan sa kung ano ang dapat gawin sa kanilang katawan,” sabi ng opinyon ng hukuman. “Isa pa, hindi mahalaga kung ano ang uri ng buhay ng isang pasyente; ang karapatan sa kung ano ang dapat gawin sa katawan ay hindi nawawala dahil lamang sa ang isa ay maysakit, o nasa bingit ng kamatayan.” Sinabi ng hukuman na ang hukom ay dapat “magbigay pansin sa kilalang mga pamantayan at tunguhin ng pasyenteng nawalan ng kakayahan, at dapat magsikap, kung maaari, na maghinuha mula sa mga pamantayan at mga tunguhing iyon kung ano ang magiging pasiya ng pasyente.” Ang babae at ang kaniyang sanggol ay kapuwa namatay.
ANG MATAAS NA HALAGA NG ALKOHOLISMO
Noong 1987 ang Brazil ang pandaigdig na kampeon sa pagkonsumo ng alak, na may katamtamang 13.5 litro sa bawat tao, sang-ayon sa pahayagan sa Brazil na O Globo. Subalit malaki ang kabayaran. Noong 1988 ang kabayaran ng alkoholismo sa Brazil ay tinatayang $18.9 libong milyon (U.S.). Ang pahayagang O Estado de S.Paulo ay nag-uulat: “Ang 12 milyong alkoholikong Braziliano ay pumipinsala sa bansa na nagkakahalaga ng 5.4% ng kabuuang pambansang produkto dahil sa mga bakasyong pangkalusugan, maagang pensiyon, o mga aksidenteng nauugnay-sa-trabaho.” Mangyari pa, ang kabuuang halaga ay mas mataas pa, yamang imposibleng tayahin ang halaga sa pananalapi ng pinsala sa damdamin na dulot nito hindi lamang sa mga alkoholiko kundi rin naman sa kani-kanilang mga asawa at mga anak.
UMUUNLAD ANG ASTROLOHIYA
“Ang mga lalaki o babae, mga presidente ng korporasyon o mga manggagawa, halos isa sa bawat dalawa katao ang naniniwala sa sobrenatural. Isang relihiyon na talagang umuunlad,” sabi ng magasing Pranses na L’Express, na nag-uulat tungkol sa pagkahalina ng mga Pranses sa sobrenatural, pati na sa astrolohiya, pangkukulam, telepati, at espiritismo. Ang Pransiya ay may mahigit 40,000 propesyonal na mga astrologo, naglilingkod sa 10 hanggang 12 milyong mga kliyente. Kahit na ang malalaki, matatag na mga korporasyon ay umuupa ng mga astrologo upang “kilatisin ang personalidad” ng mga aplikante bago kunin, upang matiyak kung ang isang inaasahang patnugot o ehekutibo ay angkop sa isang puwesto at kung baga ang kaniyang “astral theme” ay kasuwato ng umiiral na mga kawani.
NILALAGYAN NG ‘MGA MATA’ ANG KANILANG TAINGA
Isang bagong sistema sa entertainment ang idinisenyo upang magkaroon ng higit na kasiyahan ang mga bulag sa sine, telebisyon, at teatro. Nag-uulat tungkol sa unang labas nito sa Europa, ang International Herald Tribune ng Paris ay nagsasabi na ginagamit ng sistema ang sining ng “pagsasalarawan sa pamamagitan ng salita.” Bukod pa sa regular na programa sa pakinig, mga pantanging bukás na headphone ang nagpapangyari sa walang paningin na marinig ang ikalawang synchronized sound track kung saan ang aksiyon ay sinasabi sa pagitan ng mga usapan. Inilalarawan din nito ang mga tauhan, ang kanilang kasuotan, kilos ng kamay, at ang kanilang mga ekspresyon, sa gayo’y tinutulungan ang mga bulag na mailarawan sa isipan kung ano ang hindi nila nakikita. Ang sistema ay maipagagamit sa mga sinehang pantanging nasasangkapan para sa gamit na ito at ibobrodkast sa pamamagitan ng FM radyo upang sabayan ang mga programa sa telebisyon.
PINAKAMAHAL NA ERUPLANO
Malapit nang gamitin ng pangulo ng Estados Unidos “ang pinakamahal na eruplanong kailanma’y nagawa,” ulat ng magasing Time. Binansagang isang “lumilipad na Taj Mahal,” ang Air Force One, na pinidido mga ilang taon na ang nakalipas, ay idinisenyo upang maging ang pinakamaluwang, pinakaligtas, at pinakamagaling, na may “higit na kasapatan-sa-sarili, layong abot (11,500 kilometro), ginhawa at kombinyente kaysa anumang ibang eruplanong kailanma’y nagawa.” Ang eruplano ay may presidensiyal na silid na may dalawang kama at isang shower-tub, anim na karagdagang lababo, 85 telepono, paglalaan para sa isang munting ospital, isang punto dos-metro cubikong kaha de yero, isang sistema ng telebisyon na nagpapalabas ng walong channel nang sabay-sabay para pagmasdang mabuti ang pulutong, dalawang kusina na may mga refrigerator-freezer na sapat para sa 23 miyembro ng tripulante at 70 pasahero sa loob ng isang linggo, gayundin ang pinakabagong antimissile na mga aparato, gamit sa komunikasyon, at marami pang ibang kaginhawahan. “Ang mga Amerikano ay gumagastos ng maraming bilyong dolyar upang isakay sa himpapawid ang kanilang Presidente, at pagkatapos ito’y magkakahalaga ng halos $6,000 isang oras upang panatilihin itong nasa himpapawid,” sabi ng Time. “Higit pa iyan sa kabuuang pambansang produkto ng Greenland.”
PAUPAHANG MGA UNGGOY
Dahil sa malubhang kakulangan ng mga manggagawa, isang magsasakang Koreano sa labas lamang ng Seoul ang gumagamit ng mga unggoy upang mamulot ng mga nuwes ng punong pino sa kaniyang bukid. Iniulat ng Mainichi Daily News ng Hapón na ang 20 unggoy na pinagtrabaho “ay nasumpungang napakasipag magtrabaho sa bukid pagkatapos ng maikling panahon ng pagsasanay anupa’t ang bawat unggoy ay nagtatrabaho na katumbas ng trabaho ng limang manggagawa sa isang araw.” Ang mga opisyal ng gobyerno roon ay nagsabi na sila’y mag-aangkat ng higit pang mga unggoy sa taóng ito mula sa Thailand upang pagtrabahuin sa ibang bukid. Bagaman ang dayuhang mga manggagawa ay ipinagbabawal sa Republika ng Korea, maliwanag na ang dayuhang mga unggoy ay hindi bawal.
TINUTUTULANG OPERASYON
Ang radial keratotomy, isang operasyon na ginawa sa Hapón at sa Unyong Sobyet upang ituwid ang nearsightedness, ay pinintasan ng maraming optalmologo na “pabagu-bago ang mga epekto at maaaring nakapipinsala sa malusog, bagaman myopic, na mga mata,” ulat ng The New York Times. Ang pamamaraan, na nagkakahalaga na mula $1,500 hanggang $3,000 ang bawat mata ay maaaring gawin sa ilalim ng lokal na anestisya sa tanggapan ng doktor nang wala pang kalahating oras, ay nagsasangkot ng pagpapalit sa hugis ng cornea sa pamamagitan ng paggupit ng mababaw na punit na parang mga rayos ng gulong. Kung matagumpay ang operasyon, ang mga sinag ng liwanag ay mapopokus nang wasto sa retina at lilikha ng maliwanag na larawan. Subalit ipinakikita ng isang matagalang pag-aaral na “nagkaroon ng malaking problema sa paningin sa 45 porsiyento ng mga matang inoperahan. At sa maraming minoridad ng mga pasyente, ang mga pagbabago ay nangyari sa sumunod na mga taon at ang problema ay mas mahirap iwasto kaysa dati.” Karagdagan pa sa di-mahulaang mga resulta, maraming pasyente ang nagreklamo ng pagkasilaw na “lubhang nakasira sa kanilang kakayahang magmaneho sa gabi.”
MGA KODIGO NG PANANAMIT SA KLASE
“Ang mga estudyante ay binugbog, binaril at ninakawan ng kanilang mga coat na yari sa balat at punô ng balahibo ng gansa, makakapal na kuwintas na ginto, mamahaling sapatos at iba pang bagay,” ulat ng The Wall Street Journal. “Isang estudyante sa high-school sa New York ay pinatay dahil sa kaniyang bomber jacket. Ang isa pa, sa Detroit, ay nasumpungang patay na ang kaniyang coat at sapatos ay nawawala.” Dahil sa paglago ng karahasan at nakawan, ang mga opisyal sa malalaking lungsod sa ibayo ng Estados Unidos ay nananawagan para sa kodigo ng pananamit na nagbabawal ng usong pananamit o humihiling ng pagsusuot ng uniporme sa paaralan. Hiniling ng iba ang mga estudyante na magdala ng see-through na mga bag upang masawata ang pagdadala ng nakatagong mga sandata sa paaralan. “Gayunman maraming estudyante, na nagtitiwala na kung may karahasang mangyari ito’y mangyayari sa iba, ay tumatanggi sa kodigo ng pananamit bilang isang hampas sa kanilang kultura at sa kanilang kalayaan na ipahayag ang sarili sa kausuhan,” sabi ng Journal. Sa paliwanag, isang opisyal ng paaralan ang nagsabi: “Ang ating buong lipunan ay naging lubhang materyalistiko. Ang kasakiman ay nababanaag mula sa pinakamataas na tanggapang pampubliko hanggang sa mga lansangan.”