Mula sa Aming mga Mambabasa
Hika Ang aking taos-pusong pasasalamat sa artikulo tungkol sa hika. (Marso 22, 1990) Talagang nagtagumpay kayo sa paglalarawan sa masalimuot na karamdamang ito sa payak, mauunawaang mga termino. Ako ngayon ay kasama ng aking anak na lalaki sa isang klinika kung saan siya ay napasasailalim ng mga pagsubok para sa kaniyang hika. Ang kaniyang kaso ay waring nauugnay sa mga alerdyi sa pagkain, alabok, at pulgas. Ang lahat ng aming natututuhan ay sumasang-ayon sa artikulo.
M. S., Pederal na Republika ng Alemanya
Bautismo Maraming-maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Pabautismo?” (Marso 22, 1990) Noong gabi bago ko tinanggap ang labas na iyon, nanalangin ako na ako’y tulungan upang malaman ko kung ako’y handa na upang pabautismo. Ipinahayag ng artikulo kung ano nga ang aking nadarama. Inaasam-asam ko ang aking bautismo.
A. S., Estados Unidos
Sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Handa Na ba Akong Pabautismo?” (Abril 8, 1990), sinabi ninyo na ‘marahil ang pinakamahalagang tanong ay nagsasangkot sa iyong kaugnayan sa Diyos.’ Anong pagkatotoo nito! Nang ako’y mabautismuhan sa gulang na 14, wala akong malapit na personal na kaugnayan kay Jehova. Ngayon alam ko na kung ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos. Iyan talaga ang susi.
J. R., Estados Unidos
Ang artikulo ay isang malaking tulong sa akin; anupa’t ako’y mababautismuhan sa susunod na pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova. Talagang kahanga-hanga kung paano ninyo ipinakikita ang panig ng mga kabataan.
K. M., Pederal na Republika ng Alemanya
Lupus Hindi ako isa sa mga Saksi ni Jehova, subalit nais ko kayong batiin sa inyong labas ng Mayo 8,1990 taglay ang mga artikulo nito tungkol sa polusyon at sa napakagandang kuwento tungkol sa sakit na lupus. Ako’y nagkasakit din ng lupus sa loob ng 14 na taon. Ang pagbasa sa kuwento ni Robin ay nagpagunita sa akin ng aking buhay. Kinuha niya ang napakapositibong paraan, isang bagay na dapat subuking gawin ng lahat ng may sakit na lupus.
Y. M. B., Inglatera
Ako’y lubhang napatibay sa pagbabasa tungkol sa maraming mga kapatid na Kristiyano na, sa araw-araw, ay nagtitiwala kay Jehova upang matiis ang kanilang karamdaman. Kamakailan lamang, nagkaroon ako ng kirot sa aking paa (osteoarthritis sa balakang) at hindi ako makatayo ng mahigit sa isang oras. Subalit dahil sa awa ni Jehova, ako’y patuloy na nakapaglilingkod bilang isang buong-panahong ministro. Ang kuwento ni Robin ay nagpapakita kung paano pinangangalagaan ni Jehova ang pangangailangan ng bawat isa sa atin.
H. A., Hapón
Nag-aaway na mga Magulang Sa inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Dapat Kong Gawin Kung Mag-away ang Aking mga Magulang?” (Disyembre 8, 1989), iminungkahi ninyo na ang isang kabataan ay basta umalis at magtungo sa kaniyang silid kapag nag-aaway ang kaniyang mga magulang. Nasumpungan ko na ito ay peligroso at mapanganib. Kung aalis ako sa eksena ng away, baka mapatay ng agresibo kong ama ang aking nanay! Kaya nasumpungan kong mahalaga na laging naroroon upang awatin sila kapag sila’y nag-aaway.
P. M. E., Nigeria
Sabi ng isang talababa sa artikulo: “Hindi namin tinutukoy ang mga kalagayan kung saan pinagbabantaan ng karahasan ng isang nananakit na ama ang mga miyembro ng pamilya.” Iba-iba ang kalagayan, at ang isang kabataan ay maaaring may dahilang mabahala sa kaligtasan ng isa sa kaniyang mga magulang. Kaya sabi pa ng talababa: “Sa gayong mga kaso, ang mga miyembro ng pamilya ay baka mapilitang humingi ng tulong sa labas upang pangalagaan ang kanilang sarili mula sa pisikal na pinsala.”—ED.