Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 9/22 p. 15-17
  • Kuwago—Idinisenyo Para sa Buhay sa Gabi

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kuwago—Idinisenyo Para sa Buhay sa Gabi
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapag Naging Mata ang mga Tainga
  • Mga Pakpak na Idinisenyong Walang Ingay
  • Ang Tahimik na Mandaragit
    Gumising!—1993
  • Kuwago
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Balahibo ng Kuwago
    Gumising!—2009
  • Ang Kayumangging Kuwago Sa Pader ng Hadrian
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 9/22 p. 15-17

Kuwago​—Idinisenyo Para sa Buhay sa Gabi

ANG mga kuwago ay halos nasa lahat ng dako. Ito ay masusumpungan sa bawat kontinente maliban sa Antartica. Iba-iba ang laki nito mula sa laki ng isang maya hanggang sa laki ng isang agila. Ang pinakamaliit ay ang kuwagong elf at pygmy; ang mas malaki ay ang mga kuwagong agila ng Eurasia, ang malalaking kuwagong kulay abo, ang great horned owls, at ang napakagandang snowy owls sa mga rehiyon sa Artiko. Ang 140 uri ng kuwago ay lubhang nakakalat sa iba’t ibang tirahan na gaya ng mga damuhan, parang, disyerto, latian, kakahuyan, kagubatan, at mga kapatagan sa artiko. Ang kanilang pagkain ay sarisari na gaya ng kanilang mga tirahan: mga bulati, insekto, palaka, daga, maliliit na ibon, at isda.

Palibhasa’y may malaking ulo, malaki’t bilog na kulay dalandan o dilaw na mga mata, na parehong nakatingin sa unahan at nakatitig mula sa hugis-platitong paikot na mga balahibo, si G. Kuwago ay mukhang matalino. Hindi kataka-taka siya ay tinatawag na ang pantas na matandang kuwago. Bahagi ng impresyon ng karunungan ay mula sa malalaking mata na nakatitig na walang kakurap-kurap. Gayunman, ang walang kakurap-kurap na titig na iyon ay hindi dahil sa anumang malalim na kapangyarihang magbulaybulay​—ang kaniyang mga mata ay nakalagay sa mga saket na humahadlang sa pag-ikid o pag-ikot nito. Gayunman, mula sa sinaunang panahon ang kuwago ay pinapupurihan dahil sa karunungan​—ito ang sagradong ibon ni Pallas Athene, ang Griegong diyosa ng karunungan.

Hindi lahat ng kuwago ay nagpapakita ng karunungan. Ang munting kuwagong elf ay walang kahanga-hangang kilos na gaya ng great horned owl, ni ang kuwagong lungga. Ang mga kuwagong elf ay nakatira sa disyerto at tumitira sa mga butas na ginawa ng mga batuktok (woodpecker) sa pagkalalaking saguaros (isang uri ng cactus). Napakalakas ng boses nila para sa gayong kaliliit na mga ibon, at kapag nagdueto ang lalaki’t babae​—kung matatawag mo itong pag-awit—​ay parang ingit at alik-ik ng mga tuta.

Ang mga kuwagong lungga ay nakatira sa mga lungga ng asong parang o mga ground squirrel at madalas makitang labas-masok sa mga bunton o nakadapo sa mga poste ng bakod. Ang mga inakay na pinagbabantaan sa kanilang mga lungga ay naglalabas ng balisang higing na ginagaya ang nagbababalang hudyat ng ahas na rattlesnake. Hinahadlangan nito ang pagpasok ng inaayawang mga bisita.

Marami ang may akala na ang mga kuwago ay hindi gaanong nakakakita sa araw. Inaakala rin nilang ang mga kuwago ay matalas ang paningin sa dilim. Subalit mali sila sa dalawang punto. Ang mga kuwago ay may nakapatalas na paningin. Sa araw ang kanilang paningin ay ekselente. Sa gabi mahusay rin ang kanilang paningin. Ang mga kuwagong panggabi​—at ang karamihan ay gayon—​ay may mga retina na siksik na siksik ng mga rod upang makakita sila sa pinakamalamlam na liwanag. Sa gayong mga kapaligiran tinitipon ng kanilang mga mata ang malamlam na liwanag na isang daang ulit na mas mahusay kaysa nagagawa ng ating mga mata. Subalit sa pusikit na kadiliman, para silang bulag. Ikinalat ng isang mananaliksik ang patay na mga daga sa sahig sa isang pusikit sa dilim na silid at inilagay dito ang mga kuwago. Isa mang daga ay walang nakita ang mga kuwago.

Kapag Naging Mata ang mga Tainga

Gayunman, nang isang kuwagong kamalig (pahina 15) ay inilagay sa isang pusikit sa dilim na silid na may mga dahon sa sahig at ang buháy na mga daga ay kumaluskos dito, nahuli nitong lahat ang mga daga. Magagawa rin iyon ng iba pang kuwagong panggabi, ngunit tiyak na ang kuwagong kamalig ay isang espesyalista. Sa pusikit na kadiliman ang mga tainga nito ay nagiging mata nito. Ang mga kuwagong kamalig ay matalas ang pandinig kung tungkol sa mga direksiyon na mas matalas kaysa anumang iba pang hayop sa lupa na pinag-aralan.

Kung nais nating marinig ang napakahinang tunog, ikinikiling natin ang ating tainga sa pinagmumulan ng tunog at maaaring ilagay pa natin ang isang kamay sa likod ng ating tainga upang masagap ang mga alon ng tunog at ituon ito sa bukasan ng ating mga tainga. Ang mukha ng kuwagong kamalig ay idinisenyo upang gawin ito nang kusa, at ang napakahinang mga tunog na hindi natin naririnig ay madali nilang naririnig. Ang Science Year 1983 ng World Book ay nagsasabi: “Ang matalas na pakinig ng kuwagong kamalig ay dahil sa mga balahibo nito sa mukha na sumasagap-tunog​—ang matigas, siksik na mga balahibo na hugis-puso sa palibot ng mukha. . . . Tulad ng isang kamay na nakasapo sa likod ng tainga, ang mga balahibo ay sumasagap ng tunog at itinutuon ito sa mga bukasan ng tainga.”

Ang disenyo sa pakinig ay hindi humihinto sa balahibo ng kuwagong kamalig. Isa pang ‘nakasapong kamay’ ay magagamit para ituon ang tunog sa bukasan ng tainga. Inilalarawan ito ng Science Year 1983: “Ang kulay rosas na payagpag na nasa bukasan ng tainga ng kuwagong kamalig ay kahawig ng panlabas na tainga ng tao. Ang mga balahibo sa labas ng payagpag ng tainga (earflap) at ang balahibo sa likod ng tainga ay kumikilos na parang nakasapong kamay upang ituon ang tunog sa bukasan.”

Gayunman, ang payagpag na ito sa tainga ay hindi basta isa pang ‘nakasapong kamay’ upang palakasin ang balahibo sa mukha sa pagsagap ng tunog. Ito, pati na ang balahibo, ay pantanging idinisenyo upang magdagdag ng lubhang naiibang dimensiyon sa kakayahan ng kuwagong kamalig sa direksiyon ng tunog. Ang mga bukasan ng tainga sa bungo ng kuwagong kamalig ay timbang, ibig sabihin, ang kanan at kaliwang bukasan ng tainga ay eksaktong nasa magkabilang dako sa bungo. Gayunman, ang panlabas na mga kayarian ng tainga ay hindi timbang. Kapuwa ang kanang payagpag ng tainga at ang panlabas na bukasan ng tainga ay mas mababa at nakatuon pataas, samantalang ang kaliwang payagpag ng tainga at ang panlabas na bukasan ng tainga ay mas mataas at nakatuon pababa. Kaya, ang kanang tainga, na ang payagpag at ang bukasan ay nakasapo pataas, ay mas sensitibo sa mga tunog na nanggagaling sa itaas, samantalang ang kaliwang tainga, na ang payagpag at ang bukasan ay nakasapo pababa, ay mas sensitibo sa mga tunog na galing sa ibaba. Kung ang tunog ay mas matindi sa kanang tainga, alam ng kuwago na ito ay galing sa itaas; kung mas matindi sa kaliwang tainga, ito ay galing sa ibaba.

Gayundin, kung ang pinagmumulan ng tunog ay mas pahalang kaysa patayo at ito’y naririnig ng kanang tainga bago marinig ng kaliwang tainga, agad itong nalalaman na ito ay galing sa kanan; kung una itong narinig ng kaliwang tainga, ito ay galing sa kaliwa. Ang ulo ng kuwago ay maliit, kaya ang agwat sa panahon ng pagdating ng tunog sa isang tainga kung ihahambing sa isa ay kaunti lamang, sinusukat sa microseconds (ang isang microsecond ay isang kaisangmilyon ng isang segundo). Ang direksiyonal na pagtugon ng kuwago sa tunog ay kagyat​—sa loob ng ikaisandaan ng isang segundo, ang mukha ng kuwago ay bumabaling sa pinagmumulan ng tunog. Ang kakayahan nitong kilalanin agad ang wala pang isang segundong mga himatong ito ay mahalaga upang alamin ang pinagmumulan ng tunog.

Gaya ng nabanggit kanina, ang mga mata ng kuwago ay talagang hindi kumikilos. Gayunman, ito ay hindi pagkakamali sa disenyo. Ang leeg ng kuwago ay napakalambot anupa’t naiikot ng ilang kuwago ang ulo nito hanggang 270 digris, pinangyayari itong makita kung ano mismo ang nasa likuran nito. Isa pa, isang bentaha ang mga mata nitong di-nakikilos. Nangangahulugan ito na kailanma’t nakaririnig ng tunog ang isang kuwago at ibabaling nito ang ulo sa pinagmumulan ng tunog, ang mga mata nito ay kusang nakatutok sa direksiyong iyon. Nakikita nito ang pinagmumulan ng tunog isang ikasandaan ng isang segundo pagkarinig nito.

Mga Pakpak na Idinisenyong Walang Ingay

Ang balahibo ng karamihang mga ibon ay tumutunog habang ang mga ito ay pumapagaspas sa hangin. Hindi gayon sa mga balahibo ng kuwago; ang mga ito ay pantanging idinisenyo na walang ingay. Ito ay malambot at mahimulmol, parang pelus, kaya walang ingay kapag ito’y dinadaanan ng hangin. Ang mga balahibo sa paglipad ay hindi tuwid, matigas ang gilid na gaya ng karamihan sa mga ibon, na tumutunog habang pumapagaspas sila sa paglipad. Ang mga barb sa balahibo ng kuwago ay di-pantay ang haba, na nag-iiwan ng malambot ng mga dulo na walang ingay habang ito ay sumasalimbay sa hangin.

Gayunman, ang katahimikang ito ay nawawala kapag ang mga kuwago ay nag-uusap​—humuhuni, umaawit, pumipito, pinatutunog ang mga tuka, at ipinapakpak ang mga pakpak sa paglipad. Tinutukoy ng ilang mananaliksik ang mga ingay na ito na mga awit ng kuwago, at sa pandinig ng kuwago ang ibang ingay ay maaaring pumasa bilang pag-awit, yamang ito ay gumaganap ng bahagi sa pagliligawan sa pagitan ng magpares na kuwago.

Bagaman ito ay hindi orihinal na nilikha sa layuning ito, ang mga kuwago ngayon ay mahalaga sa pagsawata sa mga insekto at mga daga. Ang kuwagong kamalig lalo na ay itinuturing na kaibigan ng magsasaka, inaalisan ang kaniyang bukid ng mga daga at iba pang peste na kumakain ng kaniyang ani. Sa ibang lugar ang mga kuwago ay hinihimok ng pantanging “mga pintuan para sa kuwago” upang madaling makapasok sa mga gusali sa bukid. Sa Malaysia, ang mga nagtatanim ng palmang pinagkukunan ng langis ay naglalagay ng mga kahong pamugaran para sa mga kuwagong kamalig​—at iyan ay hindi libre. Ang pares na titira roon ay umuupa, taun-taon ay inaalisan nito ang magsasaka ng hanggang 3,000 daga na maaaring kumain sa kaniyang pananim. At ang mga kuwagong kamalig ay nakadaragdag pa ng kagandahan. Kabilang sila sa pinakamagandang ibon, na nakakalat sa buong lupa, at taglay nila ang isa sa nakatatawag-pansing hugis-pusong mukha sa kalikasan.

Kapag iniisip mo ang malalaking dilaw na mata na nakakikita sa malamlam na liwanag, mga taingang nakasasagap ng mahinang tunog mula sa anumang direksiyon, at ang mga balahibo sa paglipad na walang ingay na sumasalimbay sa himpapawid, magtataka ka sa mga kuwagong panggabi na iyon na napakahusay ng pagkakalikha na idinisenyo para sa buhay sa gabi.

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

Kaliwa at itaas: Great horned owl at inakay

[Credit Line]

page 16 left, Robert Campbell; page 16 right, John N. Dean

Kanan: Kuwagong lungga

[Credit Line]

Paul A. Berquist

Dulong kanan: Kuwagong elf

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Photos: page 15, Paul A. Berquist

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share