Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Kuwago”
  • Kuwago

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kuwago
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Balahibo ng Kuwago
    Gumising!—2009
  • Ang Tahimik na Mandaragit
    Gumising!—1993
  • Kuwago—Idinisenyo Para sa Buhay sa Gabi
    Gumising!—1990
  • Ang Kayumangging Kuwago Sa Pader ng Hadrian
    Gumising!—1995
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Kuwago”

KUWAGO

[sa Heb., tach·masʹ; kohs (munting kuwago); yan·shuphʹ (kuwagong may mahahabang tainga); ʼoʹach (kuwagong agila)].

Isang ibong maninila na aktibo sa gabi at ilang ulit na binanggit sa ulat ng Bibliya. Bagaman dating ipinapalagay na ang mga kuwago ay kamag-anak ng pamilya ng mga lawin, sa ngayo’y karaniwan silang iniuugnay sa ibang mga ibon na sa gabi kumakain, gaya ng whippoorwill at kandarapa.

Tulad ng lawin, ang kuwago ay may maikli at hugis-kalawit na tuka at malalakas na kukong mahigpit kumapit, ngunit naiiba ito sa lawin dahil malapad ang ulo nito, malalaki ang mata at tainga, at mayroon itong naibabaligtad na daliri sa bawat paa anupat, habang ang ibang mga daliri ay nakaturo sa unahan, ang nakahiwalay na daliring ito ay maaari namang ituro nang papalabas o patalikod pa nga, kung kaya mahigpit na nakakakapit ang ibong ito sa sari-saring bagay. Dahil sa malalaking mata nito na may lumalaking iris, napapakinabangan nito nang husto ang kaunting liwanag sa gabi, at di-tulad ng karamihan sa ibang mga ibon, ang mga mata ng kuwago ay parehong nakaharap sa unahan, anupat maaaring magkasabay na tumingin sa isang bagay. Ang malalambot na balahibo nito ay batik-batik na kulay kayumanggi, abuhin, itim, at puti, anupat masinsin at pinagtitinging malaki ang katawan ng ibong ito. Ayon sa isang artikulo sa Scientific American (Abril 1962, p. 78), napakahina ng tunog ng mga pakpak ng kuwago anupat hindi ito maririnig ng tao. Maliwanag na ang malalambot na balahibo sa ibabaw at ang mabalahibong mga gilid sa unahan at hulihan ng mga pakpak nito ay nakatutulong para mabawasan ang pagkabulabog ng daloy ng hangin. Kaya naman, ang kuwago ay nakasasalimbay nang walang ingay sa kadiliman at nakadadapo nang tahimik sa walang kamalay-malay na biktima nito, pangunahin na ang mga rodent, bagaman may mga kuwago ring kumakain ng mas maliliit na ibon at mga insekto. Iba’t iba ang mga iyak ng kuwago, mula sa matinis na tili hanggang sa humuhugong na huni.

Ang Hebreong tach·masʹ ay tumutukoy sa isang uri ng kuwago at kasama ito sa talaan ng ‘maruruming’ ibon. (Lev 11:13, 16; Deu 14:15) Ang salitang Hebreong ito, na kaugnay ng pandiwang nangangahulugang “mandahas,” ay tamang-tama sa kuwago, na nabubuhay sa paninila ng maliliit na rodent at ibon. Ang uring ito ng kuwago ay iniuugnay sa striated scops owl (Otus brucei).

Kasama rin sa ‘maruruming’ ibon ang Hebreong kohs, na isinalin ng ilan bilang “munting kuwago” at tinatawag na Athene noctua. (Deu 14:16, KJ, NW, RS; tingnan din ang Lexicon in Veteris Testamenti Libros, nina L. Koehler at W. Baumgartner, Leiden, 1958, p. 428) Ang munting kuwago, na may haba na mga 25 sentimetro (10 pulgada), ang isa sa pinakapalasak na kuwago sa Palestina, anupat matatagpuan sa mga palumpungan, mga taniman ng olibo, at mga tiwangwang na kaguhuan. Noong namimighati ang salmista, pakiramdam niya’y tulad siya ng “munting kuwago sa mga tiwangwang na dako.” (Aw 102:6) Bagay na bagay ang pangalang Arabe para sa uring ito ng kuwago, na nangangahulugang “ina ng mga guho.”

Ang isa pang ibon na nakatalang ‘marumi’ sa Kautusang Mosaiko ay ang Hebreong yan·shuphʹ. Ipinapalagay ng ilan na ang pangalang ito’y nagpapahiwatig ng tunog ng “pagsingasing” o “magaralgal na paghihip” (ang salitang Heb. para sa “humihip” ay na·shaphʹ). Iniuugnay naman ito ng iba sa “takipsilim” (sa Heb., neʹsheph) at sa gayo’y nagpapahiwatig lamang ng isang ibong aktibo sa gabi. (Lev 11:17; Deu 14:16) Tinutukoy ng Lexicon in Veteris Testamenti Libros (p. 386) ang ibong ito bilang ang “kuwagong may mahahabang tainga” (Asio otus). Ang kuwagong may mahahabang tainga ay may haba na mga 38 sentimetro (15 pulgada) at tinatawag nang ganito dahil sa mga balahibong mukhang-tainga na nakatayo sa magkabilang gilid ng malapad na ulo nito. Naglalagi ito sa makahoy at tiwangwang na mga lugar at isa ito sa mga nilalang na sinasabing tatahan sa mga guho ng Edom.​—Isa 34:11.

Ang abandonadong mga bahay sa mga guho ng Babilonya ay inihulang “mapupuno ng mga kuwagong agila [anyong pangmaramihan ng ʼoʹach].” (Isa 13:21) Ang ganitong mga kalagayan at ang pangalang Hebreo, na ipinapalagay na tumutukoy sa isang nilalang na “nagpapalahaw” nang may malungkot na iyak, ay tumutugma sa kuwagong agila. Iniuugnay naman ng ilan ang ʼoʹach sa Bubo bubo aharonii, isang uri ng kuwagong agila na nakatira sa mga disyerto ng Palestina. Gayunman, ang pagtukoy rito bilang Egyptian (o dark desert) eagle owl (Bubo bubo ascalaphus), na matatagpuan mula sa Morocco hanggang sa Iraq, ay katugma ng lokasyon ng hulang nakaulat sa Isaias 13. Ang kuwagong agila ang pinakamalaki at pinakamalakas sa mga kuwagong nasa mga rehiyong ito. Ang iyak nito ay malakas, mahaba at mapuwersa. Tulad ng ibang mga kuwago, ang malalaking mata nito ay kumikinang at kulay dilaw na mamula-mula kapag tinamaan ng liwanag sa gabi. Ang katangiang ito, pati na ang mapanglaw na iyak nito, ay tiyak na isang dahilan kung bakit ito naging sagisag ng masamang palatandaan sa mapamahiing mga taong pagano.

Naniniwala ang ilang iskolar na ang terminong li·lithʹ, na ginamit sa Isaias 34:14 bilang isa sa mga hayop na namamalagi sa mga guho ng Edom, ay tumutukoy sa isang uri ng kuwago. Ang pangalang ito ay sinasabing ginagamit sa ngayon “para sa Strix, ang tawny owl.” (The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 2, p. 252) Gayunman, tingnan ang artikulong KANDARAPA.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share