Berlin—Isang Salamin ng Ating Daigdig?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Alemanya
NOONG Nobyembre 9, 1989, ay nakita ang masayang pulutong na umaakyat sa Berlin Wall at di-mabilang na mga taga-Silangang Berlin ay tumatawid sa mga checkpoint—hindi kapani-paniwala para sa karamihan ng mga Aleman at mga manonood ng TV sa buong daigdig.
Mula noong 1945 ipinabanaag ng Berlin, sa ilang paraan, ang labanan sa pagitan ng dalawang superpower, na inilalarawan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog.” (Daniel 11:36-45) Paano nangyari ang labanang ito sa Berlin, at bakit nabuksan ang mga hangganan ngayon? Magbabago rin kaya ang ating nababahaging daigdig?
Noong Digmaang Pandaigdig II, ang Unyong Sobyet, ang Estados Unidos, at ang Britaniya ay nagkaisa sa paglaban sa Alemanyang Nazi. Ang mga alyadong ito ay nag-akala na ang pagtutulungang ito ay magpapatuloy pagkatapos ng digmaan. Kaya, sila’y sumang-ayon na hatiin ang natalong Alemanya sa kani-kaniyang sakop na mga sona at pagsaluhan ang kabisera nito, ang Berlin, na magtatamasa ng pantanging katayuan. Kaya noong 1945 ang Alemanya at ang Berlin ay hinati upang pangasiwaan ng militar na mga administrasyong Sobyet, Amerikano, Britano, at Pranses.
Di-nagtagal naging maliwanag na iba naman ang nakita at ginawa ng mga kapangyarihan. Nais ng Unyong Sobyet ang isang Komunistang administrasyon para sa buong Berlin, ngunit itinaguyod naman ng mga kapangyarihan sa Kanluran ang isang pluralistikong sistema sa kanilang mga sakop. Sa eleksiyon noong Oktubre 1946, apat sa bawat limang taga-Berlin ang bumoto laban sa Komunista.
Noong 1948, nang ang mga kapangyarihan sa Kanluran ay magpasiya pabor sa muling pagtatayo ng ekonomiya at sa pagkakaroon ng isahang demokratikong estado sa kani-kanilang sakop na sona sa Kanlurang Alemanya, ang mga Sobyet ay umalis sa Allied Control Council. Sa gayon nagwakas ang sama-samang apat-na-kapangyarihang administrasyon. Ang pag-asa na nagkakaisang pamahalaan ang Alemanya mula sa Berlin ay naging panandalian lamang.
Nagsimula Na ang “Cold War”
Ang Berlin, na sakop ng sonang Sobyet, ay pinanatili ang apat-na-kapangyarihang katayuan nito. Para sa mga Sobyet, na namamahala sa gawing silangan ng lungsod, ang teritoryo ng Kanluran ay isang mapanganib na “elementong dayuhan.” Noong Hunyo 1948 inilunsad nila ang isang ganap na pagharang sa lupain ng mga Kanluraning sektor upang putulin ang mga linyang panustos ng Kanlurang Berlin at pilitin ang Kanluran na iwan ang mga karapatan nito sa Berlin. Ano ang magiging reaksiyon ng Kanluran?
Noong Hunyo 26, 1948, nagsimula ang pinakamalaking pagbuhat ng mga karga sa himpapawid (airlift) sa kasaysayan. Sa loob ng halos isang taon, ang Estados Unidos at Britaniya ay nagsaayos ng 279,114 mga paglipad ng eruplano, nagdadala ng 2.3 milyong toneladang pagkain, karbón, at iba pang paninda sa lungsod. “Ang pagharang sa Berlin ang pasimula ng ‘Cold War,’ ” komento ni Norman Gelb sa kaniyang aklat na The Berlin Wall. “Kasabay nito, ang pagtugon sa pagharang ay nagpatunay lamang sa liderato ng Amerika sa Kanluran.”
Sabi pa niya: “Para sa Moscow, ang kakayahan ng Allied na tanggihan ang mga pagsisikap ng Sobyet na paalisin sila sa kanilang teritoryo sa gitna ng teritoryo ng Komunista ay nagpapatunay sa di-matinag na paniniwala na ang Kanluran ay determinadong sirain ang sistemang Sobyet. Wala nang alinlangan sa Kremlin na, upang magtagumpay, ang Unyong Sobyet ay kailangang maging isang militar na superpower. Ang labanan sa Berlin ay nag-umpisa ng alitan sa pagitan ng superpower na Russia at Amerika na naging isang kilalang katangian sa internasyonal na mga pangyayari noong ikalawang hati ng ikadalawampung siglo.”
Nang huminto ang pagharang, ang mga kapangyarihan sa Kanluran ay disididong manatili sa Berlin, iniingatan ang katayuan nito. Ang agwat sa pagitan ng Silangan at Kanluran ay waring lumaki nang husto anupa’t, noong 1949, ang dalawang estado ng Alemanya ay itinatag: ang Pederal na Republika ng Alemanya (Kanluran) at ang Demokratikong Republikang Aleman (Silangan). Ang Berlin ngayon ay may dalawang sibilyang mga administrasyon at dalawang kuwarta. Noong 1952 at 1953, pinutol ng estado ng Silangang Alemanya ang mga ugnayan sa telepono at ang mga ugnayan sa kalye at mga ruta ng bus sa pagitan ng Silangan at Kanlurang Berlin.
Samantalang ang mga mamamayan sa Kanluran ay dumaranas ng Wirtschaftswunder, biglang paglakas ng negosyo na nag-aalok sa mga mamimili ng maraming mapagpipiliang paninda, marami sa Silangan ang naiwang di nasisiyahan. Kitang-kita ito noong Hunyo 1953, nang ang mga taga-Silangang Berlin ay magwelga, ang mga demonstrasyon ay kumalat sa lahat ng bahagi ng Silangang Alemanya. Ang pagtindi ay humantong sa marahas na paghihimagsik laban sa sistemang Komunista. Ang gobyerno ng Silangang Alemanya ay humingi ng tulong sa mga hukbong Sobyet. Sinawata ng mga tangke ang kaguluhan.
Ang mga kapangyarihan sa Kanluran ay walang ginawa kundi manood, binibigyan ng garantiya ang kani-kanilang sektor lamang sa Berlin. Ang pag-asa na ang pagkakabahagi ng Alemanya ay pansamantala lamang ay gumuho. Ang hangganan sa pagitan ng dating mga sonang Sobyet at Kanluran ay naging isang humahating guhit sa pagitan ng Silangan at Kanluran.
Ang Pader ng “Kapayapaan” at ng “Kahihiyan”
Ginawa ng “hari ng timog” ang Kanlurang Berlin na isang kaakit-akit na “kanluraning tindahan,” at nakikita ng mga tao mula sa Silangan, na madaling nakadadalaw sa mga kaibigan at mga kamag-anak sa Kanlurang Berlin, kung paanong ibang-iba ang buhay roon. Noong 1960 halos 200,000 Aleman ang tumakas mula sa Silangan tungo sa Kanluran, ang karamihan ay galing sa Kanlurang Berlin. Paano pipigilin ng “hari ng hilaga” ang dagsang mga pagtakas? Noong umaga ng Agosto 13, 1961, ay nakita ang mga armadong bantay at mga manggagawa sa Silangang Alemanya na nagtatayo ng “kung ano ang agad na tinawag na ‘Pader ng Kahihiyan’ o ‘Pader ng Kapayapaan’—depende sa kung saang panig ang iyong pinaniniwalaan,” gaya ng sabi rito ni Norman Gelb. Ganito ang paliwanag ng isang Komunista sa Silangang Alemanya: “Wala kaming magawa. Nawawala namin ang napakarami sa aming pinakamagagaling na tao.”
Hindi lamang pinahinto ng Berlin Wall ang daloy ng mga takas kundi pinaghiwalay rin nito ang mga magkamag-anak at mga magkaibigan. Dalawampu’t walong buwan pagkatapos ng pagtatayo nito, ang mga taga-Kanlurang Alemanya ay binigyan ng pahintulot na makita ang mga kamag-anak sa Silangang Berlin nang isang-araw lamang. Sinusunod ang apat-na-kapangyarihang kasunduan, nakita pa ang higit na pagluluwag noong 1970’s, pinapayagan ang mga tawag sa telepono at mga pagdalaw sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Gayumpaman, halos 80 katao ang namatay sa pagsisikap na tawirin ang Berlin Wall.
Bago sinira ang Pader, si Chancellor Kohl ay nagsabi: “Ang patakaran ng Kalihim Panlahat na si Gorbachev tungkol sa muling pagtatayo ay nagdadala, sa kauna-unahang pagkakataon mula noong wakas ng Digmaang Pandaigdig II, ng isang makatuwirang pag-asa na madaig ang labanang Silangan-Kanluran.” Paano ito nakita mismo sa Berlin?
Ang mga pagbabago sa loob mismo ng kaharian ng “hari ng hilaga” ay nagpahintulot sa libu-libong mga Aleman sa Silangan na tumakas sa mga embahada ng Kanlurang Alemanya sa ilang bansa sa Silangang Europa noong kalagitnaan ng 1989. Ang mga embahada ay naging siksikan, ang kalagayan ay mahirap tiisin. Noong Setyembre 1989 ay nakita ang tanawin ng pagdaloy ng pagod na mga takas na pinalalaya sa Silangan at sinabitan ng kuwintas na bulaklak pagdating sa Kanluran. Ang kasiglahan ay walang takda, ang damdamin ay walang hangganan.
Ang pag-aalisang ito ang gumatong sa mga debate sa Silangang Alemanya. Ano ang sanhi ng pag-aalisan? Ang radikal na mga pagbabago ay tinanggihan, at noong Oktubre at Nobyembre ng 1989, mahigit na isang milyong taga-Silangang Alemanya ang mapayapang nagdemonstrasyon sa Leipzig, Silangang Berlin, at sa iba pang mga lunsod, na sumisigaw: “Kami ang bayan.” Ang gobyerno ng Silangang Alemanya ay sumuko at, pagkaraan ng 28 taon, binuksan ang Berlin Wall at ang mga pinto sa pagbabago sa pulitika at ekonomiya. Gaya ng komento ng pahayagang Aleman na Die Zeit: “Noong 1989 ang kasaysayan ng daigdig ay nayanig sa mismong pundasyon nito, niyanig ng mga tao sa halip ng mga kapangyarihan.”
Mula nang mabuksan ang mga hangganan, ang mga taga-Berlin ay “hindi na namumuhay sa isang isla,” sabi ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Ang paggiba sa Pader ay sinimulan noong 1990.
Malapit Na ang Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan
Sa loob ng mahabang panahon, waring ipinababanaag ng Kanluran at Silangang Berlin hindi lamang ang ating nababahaging daigdig kundi ang mga problema rin nito. Halimbawa, bagaman maraming taga-Silangang Alemanya ang nagtatamasa ng ilang pakinabang sa lipunan, ang Silangan ay dumanas ng mga kakapusan sa kabuhayan at malaganap na polusyon. Nakaharap ng Kanlurang Alemanya ang sarili nitong problema, gaya ng paghihimagsik ng mga estudyante, terorismo, at iskandalo sa pulitika. Kaya, ang Kanluran o ang Silangan man ay walang ideolohiya na makalulutas sa pangglobong mga suliranin ng tao.—Kawikaan 14:12.
Anuman ang maaaring gawin ng mga bansa, hindi maaalis ng mga pagsisikap ng tao na pag-isahin ang ating nababahaging daigdig ang kasakiman o gawing paraiso ang lupa. Tanging isang lakas lamang na nakahihigit sa tao ang makapagdadala ng tunay na pagkakaisa at makapag-aalis maging ng sakit at kamatayan. Gagawin ng Kaharian ng Diyos ang pagkalaki-laking atas na ito.—Mateo 6:10; Apocalipsis 21:1-5.