Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal—Bahagi 2
NOONG Digmaang Pandaigdig II, ang hebilya ng sinturon ng aking uniporme ng sundalong Nazi ay may nakasulat na “Sumasaatin ang Diyos.” Para sa akin ito ay isa lamang halimbawa ng pagsangkot ng mga relihiyon sa digmaan at pagbububo ng dugo. Iyon ay itinuring kong kasuklam-suklam. Kaya nang dalawa sa mga Saksi ni Jehova ang makipag-usap sa akin sa Limbach-Oberfrohna, Silangang Alemanya, ako’y suyang-suya na sa relihiyon at naging isang ateista at isang ebolusyonista.
“Huwag ninyong isiping ako’y magiging isang Kristiyano,” ang sabi ko sa mga Saksi na dumalaw. Subalit ang kanilang mga pangangatuwiran ay humila sa akin na maniwalang may isang Diyos. Palibhasa’y nasabik ako, bumili ako ng isang Bibliya at nang dumating ang panahon ay pinasimulan kong pag-aralan iyon sa tulong nila. Iyan ay noong tagsibol ng 1953, nang ang mga gawain ng mga Saksi sa Silangang Alemanya ay ipagbawal na ng mga Komunista sa loob ng halos tatlong taon.
Sa Ang Bantayan ng Agosto 15, 1953, ay inilarawan ang kalagayan ng mga Saksi ni Jehova noon, na nagsasabi: “Bagaman laging tinitiktikan at pinagbabantaan, bagaman hindi nakapagdadalawan nang hindi muna tinitiyak na sila’y hindi sinusundan, bagaman matuklasan na sila’y lihim na nagdadala ng literatura ng Watchtower na maghahatid sa kanila ng dalawa o tatlong taon na pagkabilanggo dahil sa ‘pamamahagi ng sumusulsol na literatura’, at bagaman daan-daan sa lalong maygulang na mga kapatid na lalaki, yaong mga nangunguna, ay nakakulong sa bilangguan, gayunman ang mga lingkod ni Jehova sa Silangang Alemanya ay patuloy na nangangaral.”
Noong 1955 ang aking maybahay, si Regina, at ako ay dumalo sa internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Nuremberg, Kanlurang Alemanya, at nang sumunod na taon kami ay kapuwa nabautismuhan sa Kanlurang Berlin. Mangyari pa, iyan ay bago itinayo ang Pader ng Berlin noong 1961, na naghiwalay sa Silangang Alemanya buhat sa Kanlurang Berlin. Subalit kahit na bago pa ako bautismuhan, ang aking katapatan sa Diyos na Jehova ay napalagay sa pagsubok.
Pagkuha ng Pananagutan
Ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na sinimulang ugnayan namin sa Limbach-Oberfrohna ay nangangailangan ng isang kukuha sa literatura sa Kanlurang Berlin. Kami’y may maliit na negosyo at dalawang anak na bata pa, subalit sa paglilingkod kay Jehova nakatutok ang aming buhay. Aming binago ang matandang kotse namin, kaya posible na magtago roon ng 60 aklat. Ang pagiging isang mensahero ay isang gawaing mapanganib, ngunit tinuruan ako niyaon na umasa kay Jehova.
Hindi madali na bumagtas sakay ng kotse buhat sa Silangang Berlin hanggang bahaging Kanluran, at malimit na binubulay-bulay ko kung papaano nga kami nakaraos. Minsang naroon na sa panig na malaya, aming kinukulekta ang literatura at ikinukubli ang mga aklat sa kotse bago tumawid sa hangganan pabalik sa Silangang Alemanya.
Minsan, katatapus-tapos lamang naming ikubli ang mga aklat nang isang taong hindi namin kilala ang lumabas sa isang apartment. “Kayo riyan,” ang sigaw niya. Halos huminto nang pagtibok ang aking puso. Pinagmamasdan kaya niya kami? “Humanap na kayo ng malilipatan sa susunod. Ang patrolya ng pulisya ng Silangang Alemanya ay doon sa kanto roon pumaparada, at baka kayo mahuli.” Nakahinga ako ng maluwag. Nakaraos naman kami sa pagtawid sa hangganan, at kaming apat na nasa kotse ay umawit nang umawit habang daan pauwi.
Paghahanda Para sa Pagbubukod
Noong dekada ng 1950 ang mga kapatid sa Silangang Alemanya ay doon umaasa sa mga nasa Kanluran para sa kanilang literatura at patnubay. Subalit noong 1960 gumawa ng mga pagbabago na tumulong sa bawat Saksi sa Silangang Alemanya na patuloy na madaling makipagtalastasan sa mga kapuwa Saksi sa dakong kanilang tinitirhan. At noong Hunyo 1961 ang unang klase ng Kingdom Ministry School para sa matatanda ay ginanap sa Berlin. Dumalo ako sa unang apat-na-linggong kurso. Halos makalipas lamang ang anim na linggo, biglang naputol ang aming pakikipag-ugnayan sa Kanluran nang itayo ang Pader ng Berlin. Ang aming gawain ngayon ay hindi lamang palihim kundi nakabukod din naman.
Ang iba’y nangangamba na ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa Silangang Alemanya ay babagal at tuluyang hihinto. Gayunman, ang mga pagbabago sa organisasyon na pinasimulan wala pang isang taon ang nakalilipas ang tumulong sa amin na manatiling may pagkakaisa at lakas sa espirituwal. Bukod dito, ang pagsasanay sa mga matatanda na nag-aral sa unang klase ng Kingdom Ministry School ang nagsangkap sa kanila na ipasa sa ibang matatanda ang kanilang napag-aralang ito. Kaya inihanda kami ni Jehova sa aming pagbukod, gaya rin ng pagkakahanda niya sa amin para sa pagbabawal noong 1950 sa 1949 mga kombensiyong pandistrito.
Yamang kami’y naputol nga sa pakikipag-ugnayan sa Kanluran, maliwanag na kailangang magkusa kami ng pagpapatuloy ng pagpapakilos sa organisasyon. Kami’y sumulat sa ating mga kapatid na Kristiyano sa Kanlurang Berlin at nagmungkahi ng pakikipagpulong sa kanila sa isang pangunahing lansangan sa Silangan na mararating ng mga manlalakbay buhat sa Kanluran. Kami’y nagkunwaring nasiraan ng kotse sa pinagkasunduang lugar. Makalipas ang ilang minuto dumating naman ang sinasakyan ng mga kapatid, na may dalang literatura sa Bibliya para sa amin. Nakatutuwa naman, dala rin nila ang aking aklat-aralan sa Kingdom Ministry School, ang mga nota na aking kinuha, at ang Bibliya na naiwan ko sa Berlin para masigurong ligtas. Anong laking kagalakan nang mapasauli ang mga ito! Bahagya man ay hindi ko naisip na kakailanganin ko ang mga bagay na ito sa susunod na ilang mga taon.
Isang Lihim na Paaralan
Mga ilang araw ang nakalipas, itinagubilin sa amin na magsaayos ng mga klase ng Kingdom Ministry School sa lahat ng panig ng Silangang Alemanya. Apat na instruktor ang inatasan, kasali na ako. Ngunit sa akin ay waring isang imposibleng gawin na sanayin ang lahat ng mga matatanda samantalang bawal pa ang aming gawain. Upang mailihim namin ang aming mga ginagawa, minabuti kong isaayos ang mga klase na kunwari’y nagka-camping.
Bawat klase ay binubuo ng apat na estudyante at ako ang instruktor, kasali ang ikaanim na kapatid na lalaking nagsilbing kusinero. Ang mga asawang babae at mga anak ay naroroon din. Kaya karaniwan nang kami’y may grupo mula 15 hanggang 20 katao. Ang isang karaniwang lugar na bakasyunan sa camping ay waring imposible, kaya ang aking pamilya at ako ay humayo upang humanap ng nababagay na mga lugar.
Minsan, samantalang naglalakbay sa isang nayon, napansin namin ang isang daan na patungo sa isang tabi-tabing mga punungkahoy at malayo sa malalaking kalye. Waring iyon ay mabuti na, kaya lumapit ako sa mayor. “Kami po’y humahanap ng isang lugar para sa aming camping sa loob ng dalawang linggo kasama ng iba pang mga pamilya,” ang paliwanag ko. “Ibig naming kami-kami lamang upang ang mga bata ay libreng makagala. Magagamit po ba namin ang kakahuyan doon sa bandang iyon?” Siya’y pumayag, kaya gumawa kami ng mga kaayusan.
Doon sa lugar na kakahuyan, inilagay namin ang mga tolda at ang aking trailer upang makagawa ng isang natatabingang lugar sa gitna na hindi makikita sa labas. Ang trailer ay nagsilbing aming silid-aralan. Doon kami nagtitipon para sa puspusang pag-aaral 8 oras maghapon sa loob ng 14 na araw. Sa nakukulong na lugar ay naroon ang mga silya at isang mesa, nakaayos na kung sakaling may hindi inaasahang mga bisitang darating. At nagkaroon nga kami ng mga bisita! Sa gayong mga sandali ay talagang pinasasalamatan namin ang maibiging pagsuporta ng aming mga pami-pamilya.
Samantalang kami’y nagkaklase, ang aming mga pamilya ay nakabantay. Sa natatanging okasyong ito, ang mayor, na siya ring lokal na kalihim ng Partido Komunista, ay nakitang nasa daan na patungo sa aming lugar. Ang guwardiya ay pumindot ng isang switch na konektado ng kable sa isang alarma sa trailer. Kapagdaka kami’y naglabasan sa trailer at naupo sa kani-kaniyang lugar na patiunang isinaayos na sa palibot ng mesa at kami’y nagsimulang maglaro ng baraha. Mayroon pa ngang isang bote ng alak upang magtinging tunay ang eksena. Ang mayor ay dumalaw sa amin bilang isang kaibigan at umuwi nang walang anumang hinala sa kung ano talaga ang nagaganap doon.
Mga klase ng Kingdom Ministry School ang ginanap sa buong bansa mula sa tagsibol ng 1962 hanggang sa katapusan ng 1965. Ang puspusang pagsasanay na tinanggap doon, kasali na ang impormasyon sa kung papaano haharapin ang aming kalagayan sa Silangang Alemanya, ay naghanda sa matatanda para sa pangangasiwa sa gawaing pangangaral. Upang makadalo sa mga klase, ang matatanda ay hindi lamang nagparaya ng kanilang bakasyon kundi nalagay pa sa panganib na mabilanggo.
Mga Pakinabang sa Paaralan
Ang mga autoridad ay maingat na nagmamasid sa aming mga gawain, at sa dulo ng 1965, pagkatapos na karamihan ng matatanda ay makapag-aral na sa paaralan, sila’y nagtangkang tapusin ang aming organisasyon. Kanilang inaresto ang 15 Saksi na itinuturing na siyang mga nangunguna sa gawain. Iyon ay isang handang-handang pagkilos, na saklaw ang buong lupain. Muli, marami ang nag-akalang mahihinto na ang mga Saksi. Subalit sa tulong ni Jehova kami’y bumagay sa kalagayan at ipinagpatuloy ang aming gawain gaya ng dati.
Ang lalung-lalo nang tumulong upang ito’y magawa ay ang pagsasanay na tinanggap ng matatanda sa Kingdom Ministry School at ang buklod ng pagtitiwala na nabuo nang walang pagkasira sa pamamagitan ng kanilang pagsasamahan sa panahon ng mga klaseng ito. Sa gayon, ang organisasyon ay nagpakita ng kaniyang katapangan. Anong pagkahala-halaga nga na kami’y tumalima at maingat na sumunod sa mga tagubilin ng organisasyon!—Isaias 48:17.
Nahayag noong sumunod na mga buwan na ang matinding paghihigpit ng mga autoridad ng pamahalaan ay walang gaanong epekto sa aming gawain. Hindi nagtagal, naipagpatuloy namin ang mga klase ng Kingdom Ministry School. Minsang napansin ng mga autoridad na kami’y madaling bumagay sa mga kalagayan, sila’y napilitang baguhin ang kanilang mga pamamaraan. Anong laking tagumpay para kay Jehova!
Masigasig sa Ministeryo
Nang panahong iyon ang aming mga grupo sa Pag-aaral sa Aklat sa Kngregasyon ay binubuo ng mga lima katao. Bawat isa sa amin ay tumanggap ng aming literatura sa Bibliya sa pamamagitan ng kaayusang ito ng pag-aaral sa aklat, at ang pangangaral ay pinagtutugma-tugma buhat sa maliliit na grupong ito sa pag-aaral. Sa pasimula pa lamang kami ni Regina ay pinagpala na ni Jehova sa pagkakaroon ng maraming taong nagnanais mag-aral ng Bibliya.
Ang paglilingkod sa bahay-bahay ay medyo ibinagay sa kalagayan upang kami’y huwag mahalata at maaresto. Kami’y dumadalaw sa isang tirahan, pagkatapos ay lalaktawan ang ilang mga tahanan bago tumuktok sa iba namang pintuan. Sa isang bahay isang ginang ang nag-anyaya sa amin ni Regina na pumasok. Kami’y nakikipag-usap sa kaniya sa isang tema sa Kasulatan nang ang kaniyang anak na lalaki ay pumasok. Siya’y napakaderetsong magsalita.
“Nakita na ba ninyo kailanman ang inyong Diyos?” ang tanong niya. “Para malaman ninyo, ang nakikita ko lamang ang aking pinaniniwalaan. Maliban diyan ay bale wala ang lahat.”
“Ako’y hindi naniniwala riyan,” ang tugon ko. “Nakita mo ba kailanman ang iyong utak? Lahat ng ginagawa mo ay nagpapakitang ikaw ay may utak.”
Kami ni Regina ay nagbigay ng mga halimbawa ng iba pang mga bagay na aming tinatanggap bagaman hindi nakikita ang mga iyon, tulad ng koryente. Ang binata ay nakinig na mainam, at isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya ang idinaos sa kaniya at sa kaniyang ina. Kapuwa sila naging mga Saksi. Ang totoo, 14 katao na aming inaralan ng aking asawa ang naging mga Saksi. Kalahati ng bilang na iyan ay aming natagpuan sa aming pagbabahay-bahay, at iyon namang isa pang kalahati ay unang nakausap namin sa pamamagitan ng impormal na pagpapatotoo.
Kung palagian nang ginaganap ang isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya at itinuturing naming ang taong inaaralan ay mapagkakatiwalaan, siya’y inaanyayahan namin sa aming mga pulong. Gayunman, ang pangunahing isinasaalang-alang ay kung baka isapanganib ng inaaralan ang kaligtasan ng bayan ng Diyos. Kaya nga, kung minsan ay mga isang taon o higit pa bago namin anyayahan ang isang estudyante ng Bibliya sa isang pulong, at kung minsan ay mas matagal pa. Naaalaala ko pa ang isang lalaki na medyo tanyag; tinatawag lang niya sa kanilang unang pangalan ang mga pangunahing opisyales sa Partido Komunista. Siya’y nakipag-aral sa Bibliya nang may siyam na taon bago siya pinayagang dumalo sa mga pulong! Sa ngayon ang taong ito ay ating kapatid na Kristiyano.
Tinutugis Pa Rin Kami ng mga Autoridad
Pagkaraan ng 1965 kami’y hindi na nakaranas pa ng maramihang pag-aresto, ngunit hindi rin naman kami pinabayaang mamuhay sa katahimikan. Ang mga autoridad ay patuloy pa rin na nagmatiyag sa amin nang buong ingat. Halos nang panahong ito ako’y lubhang napasangkot sa pagkilos ng aming organisasyon, kaya ako’y binigyan ng pantanging pansin ng mga opisyales. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong dinakip para pagtatanungin, dinala nila ako sa istasyon ng pulisya at pinagtatanong. “Puwede ka nang magpaalam sa iyong kalayaan ngayon,” anila. “Sulong sa bilangguan.” Ngunit sa tuwina’y pinakakawalan nila ako sa bandang huli.
Noong 1972 dalawang opisyales ang dumalaw sa akin at sa di-sinasadya ay pinuring mainam ang aming organisasyon. Sila’y nakikinig noon sa aming Pag-aaral ng Bantayan sa kongregasyon. “Pakiwari namin ay totoong nakasusugat ng damdamin ang artikulo,” anila. Marahil sila’y nag-aalala tungkol sa kung ano ang maaaring isipin ng iba sa ideolohiyang Komunista kung kanilang babasahin ang artikulong tinatalakay. “Sa papaano man,” anila, “Ang Bantayan ay may sirkulasyon na lima o anim na milyon, at iyan ay binabasa sa nagpapaunlad na mga bansa. Iyan ay hindi lamang isang mumurahing tabloid.” Nasabi ko sa aking sarili, ‘Tamang-tama kayo!’
Sa pagsapit ng 1972 kami’y 22 taon nang ipinagbabawal, at kami’y inakay ni Jehova nang buong pag-ibig at karunungan. Aming sinunod ang kaniyang mga tagubilin nang maingat, ngunit kakailanganin ang isa pang 18 taon bago ang mga Saksi sa Silangang Alemanya ay kilalaning legal. Anong laki ng aming pasasalamat para sa kahanga-hangang mga kalayaan na amin ngayong tinatamasa sa pagsamba sa ating Diyos, si Jehova!—Inilahad ni Helmut Martin.