Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal—Bahagi 1
Sa loob ng maraming dekada ang mga Saksi ni Jehova ay nananabik na makabalita tungkol sa kanilang mga kapatid sa mga lupain na kung saan hinigpitan ang gawain ng mga Kristiyano. Kami’y nalulugod na ilathala ang una sa tatlong artikulo na nagsisiwalat ng ilang mga pangyayari. Ito ay personal na pag-uulat ng tapat na mga Kristiyano sa dakong doon ay tinatawag na Silangang Alemanya.
NOONG 1944, ako ay isang Alemang preso ng digmaan, nagtatrabaho bilang isang attendant sa ospital sa Cumnock Camp, malapit sa Ayr, Scotland. Ako’y pinapayagang lumabas sa kampo, bagaman hinigpitan ako sa pakikihalubilo sa mga tao roon. Samantalang ako’y namamasyal isang araw ng Linggo, nakasalubong ako ng isang lalaking may taimtim na pagsisikap na magpaliwanag sa akin buhat sa Bibliya. Pagkatapos ay malimit na kami’y namamasyal-masyal na magkasama.
Dumating ang panahon na ako’y inanyayahan niya sa isang pagtitipon sa isang bahay. Ito’y mapanganib para sa kaniya, yamang ako’y isang miyembro ng isang kaaway na bansa. Noon ay hindi ko pa natatalos na siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova—ang pagpupulong ay maliwanag na isa sa kanilang maliliit na grupo sa pag-aaral sa Bibliya. Bagaman hindi ko gaanong maintindihan, malinaw na sariwa pa sa aking alaala ang larawan ng isang batang nakasuot ng isang mahabang puting damit, kasama ang isang leon at isang kordero. Ang larawang ito ng bagong sanlibutan, gaya ng inilarawan sa aklat ng Isaias sa Bibliya, ay nakalikha ng matinding impresyon sa akin.
Noong Disyembre 1947, ako’y pinalaya buhat sa piitang kampo. Pag-uwi ko sa Alemanya, ako’y nagpakasal kay Margit, na nakilala ko bago pa magdigmaan. Kami’y nanirahan sa Zittau, malapit sa mga hangganan ng Polandiya at Czechoslovakia. Sa loob lamang ng ilang mga araw, isa sa mga Saksi ni Jehova ay tumuktok sa aming pintuan. “Kung ito ang grupo ring iyon na nakilala ko sa Scotland,” sinabi ko sa aking maybahay, “kailangan na tayo’y sumali na sa kanila.” Nang linggo ring iyon, kami’y dumalo sa aming unang pakikipagpulong sa mga Saksi.
Buhat sa Bibliya, hindi nagtagal at napag-alaman namin ang pangangailangan ng palagiang pagdalo sa mga pulong Kristiyano at pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ang totoo, ang itinuro ng mga Saksi sa Bibliya ang di-nagtagal at naging pinakamahalagang bagay sa aming buhay. Dumating ang panahon na ako’y nagsimulang maging konduktor sa isang grupo ng pag-aaral sa Bibliya. Pagkatapos, noong Pebrero 1950, dalawang naglalakbay na mga tagapangasiwang Kristiyano ang nagtanong: “Nais mo bang pabautismo?” Nang hapon ding iyon ang aming pag-aalay sa Diyos ay sinagisagan namin ni Margit ng bautismo.
Pasimula ng mga Suliranin
Ang Zittau ay nasa sonang Sobyet ng Alemanya, at ang pagsisikap na manggulo sa mga Saksi ni Jehova ay nagsimula noong 1949. Pagkatapos lamang ng maraming hirap nakakuha ng mga pasilidad para sa isang munting asamblea sa Bautzen. Sa panahon ng tag-araw, biglang-biglang kinansela ang espesyal na mga tren para sa malaki-laking pandistritong kombensiyon sa Berlin. Gayumpaman, libu-libo ang dumalo.
Ang mga pulong ng kongregasyon ay ginulo rin. Mga manggugulo ang dumalo upang magsigawan lamang at magsutsutan. Minsan kami’y halos napuwersang pahintuin ang pahayag ng isang naglalakbay na tagapangasiwa. Kami’y tinawag ng mga pahayagan na mga propeta ng kapahamakan. Ang mga artikulo sa mga pahayagan ay nagsabi pa nga na kami raw ay nagtipon sa mga taluktok ng mga burol samantalang naghihintay na tangayin sa alapaap. Sumipi pa ang mga pahayagan sa ilang mga babae na nagsasabing sinubukan ng mga Saksi na magkasala sa kanila ng imoralidad. Ang paliwanag na ‘tatanggap ng buhay na walang-hanggan yaong mga gumagawa ng pag-aalay kay Jehova’ ay pinilipit upang sabihin na yaong mga nakikipagtalik sa mga Saksi ay magtatamo ng buhay na walang-hanggan.
Nang bandang huli kami ay inakusahan din ng pagiging mga taong paladigma. Ang aming sinabi tungkol sa digmaan ng Diyos ay binigyan ng maling kahulugan na kami’y nanghihikayat ng paglahok sa paligsahan para sa pagiging ulos kung tungkol sa mga armas nuklear at sa digmaan. Anong laking kabaligtaran! Gayumpaman, noong Agosto 1950, nang ako’y dumating para sa panggabing relyebo sa lokal na pahayagan na aking pinagtatrabahuhan bilang isang manlilimbag, ako’y sinita sa tarangkahan. “Ikaw ay sisante na,” ang sabi ng bantay na may kasamang mga pulis. “Kayong mga tao ay pabor sa digmaan.”
Sa aming tahanan, si Margit ay naginhawahan. “Wala nang pagtatrabaho sa gabi,” aniya. Kami’y hindi nabahala. Hindi nagtagal at nakatagpo ako ng ibang trabaho. Kami’y nagtiwala sa Diyos na siyang maglalaan sa amin, at gayon nga ang kaniyang ginawa.
Ipinagbawal ang Aming Gawain
Noong Agosto 31, 1950, ang mga gawain ng mga Saksi ni Jehova sa German Democratic Republic ay ipinagbawal. Kasunod nito ay ang maraming mga pag-aresto. Ang mga Saksi ay dumaan sa mga paglilitis, may iba na tumanggap ng sentensiyang panghabambuhay. Dalawa buhat sa Zittau, na nagdusa na sa mga concentration camp sa ilalim ng mga Nazi, ang ibinilanggo ng mga Komunista.
Yaong isang nangangasiwa sa aming kongregasyon ay inaresto pati ang kaniyang maybahay. Ang dalawa nilang maliliit na anak ang iniwan lamang sa bahay ng mga umaresto sa kanila at hinayaang sila na ang bahala sa kanilang sarili. Ang mga nuno ang umampon sa mga bata, at sa ngayon ang dalawang batang babae ay masigasig sa pagbabalita sa iba ng tungkol sa Kaharian ng Diyos.
Mga mensahero buhat sa mga kongregasyon sa Silangang Alemanya ang nagparoo’t parito sa Berlin upang kumolekta ng mga literatura sa mga lugar na pinagkukunan nila niyaon sa malayang kanlurang bahagi. Mas marami sa malalakas ang loob na mga tagapaghatid na ito ang inaresto, nilitis sa hukuman, at sinentensiyahang mabilanggo.
Ang mga autoridad ay maagang dumating isang umaga upang maghalughog sa aming tahanan. Aming inaasahan na sila’y darating, kaya lahat ng mga rekord ng kongregasyon, na aking iniingatan, ay inilagay ko sa aming kamalig, malapit sa isang pugad ng putakti. Hindi ako kailanman ginambala ng mga insekto, ngunit nang ang mga lalaki’y magsimulang maghalughog doon, sila’y biglang inumog ng isang kawan ng mga putakti. Walang magawa ang mga lalaki kundi ang magtakbuhan para kumanlong!
Kami’y inihanda ni Jehova para sa pagbabawal sa gawain sa pamamagitan ng mga kombensiyon na ginanap noong 1949. Kami ay hinimok ng programa na pag-ibayuhin ang personal na pag-aaral, pagdalo sa mga pulong, at ang aming pangangaral, pati na rin ang pagdepende sa isa’t isa para sa suporta at pampatibay-loob. Ito’y tunay na tumulong sa amin na manatiling tapat. Sa gayon, kahit na malimit na kami’y pinipintasan at pinagwiwikaan ng mga tao, hindi namin hinayaang ito’y magpahina sa amin.
Pagdaraos ng mga Pulong sa Panahon ng Pagbabawal
Pagkatapos ipatalastas ang pagbabawal, ako’y nakipagpulong sa dalawang kasamahang mga Saksi upang pag-usapan kung papaano ipagpapatuloy ang mga pulong ng aming kongregasyon. Ang pagdalo ay mapanganib, sapagkat ang pagkaaresto samantalang dumadalo ay magbubunga ng sentensiyang pagkabilanggo. Kami’y dumalaw sa mga Saksi sa aming lugar. Ang iba sa kanila ay balisa, ngunit nakapagpapalakas-loob naman na bawat isa’y kumikilala na kailangang dumalo sa mga pulong.
Isang lalaking interesado na may kamalig ang nag-alok niyaon para gamitin bilang isang dakong pagtitipunan. Bagaman iyon ay nasa isang bukid, nakikita ng lahat, ang kamalig ay may pintuan sa likod na patungo sa isang landas na nakukublihan ng mabababang mga halaman. Kaya ang aming pagpunta roon at pag-alis ay hindi napapansin. Sa buong panahon ng taglamig ang matandang kamalig na iyon ang nagsilbing tagpuan namin sa mga pulong na tinanlawan ng liwanag ng kandila, na may mga 20 katao na dumadalo. Kami’y nagtitipon bawat linggo para sa aming pag-aaral sa magasing Bantayan at para sa Pulong sa Paglilingkod. Ang programa ay ibinagay sa aming kalagayan, idiniriin na kami’y kailangang manatiling gising sa espirituwal. Hindi nagtagal at ganiyan na lamang ang aming kagalakan na tanggapin ang interesadong taong iyon bilang aming bagong kapatid sa katotohanan.
Sa kalagitnaan ng dekada ng 1950, ang mga sentensiya ng hukuman ay naging hindi na gaanong mabagsik, at ang ibang mga kapatid ay pinalaya na buhat sa piitan. Marami ang itinapon sa Kanlurang Alemanya. Kung para sa akin, ang mga bagay ay nagbago nang di-inaasahan pagkatapos ng pagdalaw ng isang kapatid buhat sa Kanlurang Alemanya.
Ang Aking Unang Pangunahing Atas
Hans ang tawag ng kapatid sa kaniyang sarili. Pagkatapos ng aming pag-uusap, ako’y hinilingan na dumalaw sa isang tirahan sa Berlin. Nang makita ko ang kodigong pangalan sa kampanilya sa pinto, ako’y inanyayahan na pumasok. Dalawang katao ang tumanggap sa akin at kami’y nagkaroon ng isang kaaya-aya ngunit isang hindi detalyadong talakayan. Dumating ngayon sa punto ng kanilang nais sabihin: “Kung ikaw ay aalukin ng isang pantanging atas, tatanggapin mo ba iyon?”
“Siyempre pa,” ang sagot ko.
“Mabuti,” anila, “iyan lamang ang ibig naming malaman. Sana’y makauwi ka nang ligtas.”
Makalipas ang tatlong linggo hiniling sa akin na ako’y bumalik sa Berlin at muli na namang naroon ako sa kuwartong iyon. Pagkatapos na iabot sa akin ang isang mapa ng lugar sa palibot ng Zittau, ang mga kapatid ay dumating sa punto ng pinag-uusapan. “Kami’y walang anumang pakikipagtalastasan sa mga Saksi sa lugar na ito. Maaari mo bang isauli ang gayong pakikipagtalastasan para sa amin?”
“Siyempre gagawin ko iyan,” ang agad na tugon ko. Ang lugar ay malawak, mahigit na 100 kilometro ang haba, mula sa Riesa hanggang Zittau, at hanggang 50 kilometro ang luwang. At wala ako kundi isang bisikleta. Nang maitatag na ang pakikipagtalastasan sa indibiduwal na mga Saksi, ang bawat isa ay iniugnay-muli sa kaniyang sariling kongregasyon, na palagiang nagpapadala ng isang kinatawan sa Berlin upang doon kunin ang literatura at mga tagubilin. Ang ganitong paraan ng pagkilos ang nakahadlang sa panganganib ng ibang mga kongregasyon pagka pinag-uusig ng mga autoridad ang alinmang kongregasyon.
Tumiwala kay Jehova
Sa kabila ng pag-uusig, bilang pagsunod sa mga tagubilin ng Bibliya, hindi kami huminto ng pagbabahay-bahay dala ang mensahe namin tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14; 28:19, 20; Gawa 20:20) Kami’y dumalaw sa mga tirahan batay sa rekomendasyon buhat sa mga taong kilala na namin, at kami’y nagkaroon ng ilang kahanga-hangang mga karanasan. Kung minsan maging ang aming pagkakamali man ay nagiging mga pagpapala, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na karanasan.
Ako at ang aking maybahay ay binigyan ng isang tirahan na dadalawin, ngunit kami’y dumalaw sa maling bahay. Nang bumukas ang pinto, napansin namin na may isang uniporme ng pulis sa sabitan ng damit. Namutla si Margit; ang lakas ng kaba ng aking dibdib. Ito’y maaaring mangahulugan ng pagkabilanggo. May panahon lamang para sa isang dagliang panalangin.
“Sino ba kayo?” ang tuwirang pag-uusisa ng tao roon. Kami’y nanatiling mahinahon.
“Natitiyak kong nakilala ko na kayo sa isang lugar,” sabi ni Margit, “pero hindi ko maisip kung saan. Opo, kayo ay isang pulis. Tiyak na nakita ko kayo samantalang gumaganap ng inyong tungkulin.”
Ito ang nagpakalma sa isang maunos na karagatan, at siya’y nagtanong sa isang palakaibigang tono ng boses. “Kayo ba’y mga Jehova?”
“Opo,” ang sabat ko naman, “kami nga po iyon, at tiyak na aaminin ninyo na kailangan ang lakas ng loob upang kami’y makatuktok sa inyong pintuan. Kami’y personal na interesado sa inyo.”
Kami’y inanyayahan niya sa kaniyang tahanan. Dinalaw namin siya nang ilang beses at nagsimula kami ng isang pag-aaral sa Bibliya. Nang sumapit ang panahon ang taong ito ay naging aming kapatid na Kristiyano. Anong inam na karanasan iyon na nagpatibay ng aming pagtitiwala!
Ang mga kapatid na babae ay malimit na nagsisilbing mga mensahero, anupa’t nangangailangang sila’y maglagak ng malaking pagtitiwala kay Jehova. Ganiyan nga ang nangyari nang minsa’y magbiyahe si Margit patungo sa Berlin upang kunin doon ang literatura. May nangyaring higit pa sa inaasahan. Isang sampayan ng damit ang ginamit upang itali sa mabigat, punung-punong maleta. Mabuti naman ang takbo ng lahat hanggang sa makasakay na si Margit sa tren. Isang inspektor ang sá-darating.
“Kanino ba iyan, at ano ang laman niyan?” ang kaniyang tanong, na itinuturo ang maleta.
“Mga labahin ko po,” ang tugon ni Margit.
Palibhasa’y naghihinala, iniutos niya na buksan iyon. Unti-unti at kusa, inisa-isang kinalag ang mga buhol, sinimulan ni Margit na kalasin ang sampayan na nakatali sa buong maleta. Yamang dahil sa ang trabaho ng inspektor ay nangangailangan para sa kaniya na magbiyahe sa tren sa isang takdang distansiya lamang at pagkatapos ay bumaba na at sumakay sa ibang tren pagbibiyahe niya pabalik, siya’y nainip. Sa wakas, nang tatatlo na lamang ang buhol, hindi na siya nakapaghintay. “Umalis ka na nga, at dalhin mo ang mga labahin mo!” ang bulyaw niya.
Ang Personal na Pangangalaga ni Jehova
Kalimitan hindi hihigit sa apat na oras ang itinutulog ko sa gabi, yamang karaniwan nang ako ang nag-aasikaso ng mga bagay ng kongregasyon habang nakukulambungan pa ng kadiliman. Pagkatapos ng isang gabi ng gayong gawain na ang aming pintuan ay kinalampag ng mga opisyal isang umaga. Sila’y pumaroon upang maghalughog. Lubhang atrasado na upang itago ang ano pa man.
Ginugol ng mga opisyal ang buong umaga ng paghahalughog nang lubusan sa dakong iyon, binisita pati ang kasilyas sakaling may anumang nakatago roon. Walang isa man ang nag-isip na halughugin ang aking jacket na nakabitin sa sabitan. Ang mga dokumento ay mabilis na naisilid ko sa maraming bulsa niyaon. Matatambok ang bulsa dahilan sa nakasilid doong mga bagay na talagang pinaghahanap ng mga opisyal, ngunit sila’y umalis nang walang dalang anuman.
Sa isa pang okasyon, noong Agosto 1961, ako’y naroon sa Berlin. Lumabas na iyon ang aking katapus-tapusang pagkulekta ng literatura bago itinayo ang Pader ng Berlin. Ang istasyon ng tren sa Berlin ay nagpuputok sa dami ng mga tao samantalang naghahanda ako na bumalik sa Zittau. Ang tren ay dumating, at lahat doon ay nagmamadali ng pagsakay. Palibhasa’y nadala ako ng agos ng karamihan, biglang nasumpungan kong ako’y nasa isang bakanteng bahagi ng tren. Karakaraka pagkatapos na makasay ako ng tren ang mga pinto ay ikinandado ng guwardiya buhat sa labas. Ako lamang mag-isa ang natira sa isang seksiyon, samantalang ang ibang mga pasahero ay nagsisiksikan sa natitirang bahagi ng tren.
Kami’y tumulak na patungong Zittau. Sa loob ng kaunting panahon ako’y nag-iisa sa bagon. Nang magkagayon ay biglang huminto ang tren, at ang mga pintuan sa panig na kinaroroonan ko ay binuksan. Dose-dosenang mga sundalong Sobyet ang pumasok. Noon ko lamang natalos na ako’y nagbibiyahe sakay ng isang seksiyon na reserbado para sa mga sundalong Sobyet. Ang nais ko noon ay bumuka ang lupa at lamunin ako. Subalit, waring hindi napapansin ng mga sundalo na mayroong isang bagay roon na wala sa lugar.
Ipinagpatuloy namin ang pagbibiyahe patungong Zittau, na kung saan ang mga pintuan sa aming seksiyon ay biglang bumukas, at ang mga sundalo ay nagbabaan. Kanilang sinimulan ang paghahalughog sa lahat ng mga pasahero sa istasyon. Ako ang tanging umalis nang walang sagabal. Marami sa mga sundalo ang sumaludo pa sa akin, sa pag-aakala nila na ako’y isang mataas na opisyal.
Pagkatapos na lamang natalos namin kung gaano kahalaga ang literaturang iyon, sapagkat dahil sa pagtatayo ng Pader ng Berlin ay pansamantalang naabala ang aming ruta ng literatura. Gayunman, sapat ang literaturang iyon upang matustusan ang aming mga pangangailangan sa loob ng maraming buwan. Pansamantala, ang mga kaayusan upang makipagtalastasan sa amin ay magagawa.
Ang pagkatayo ng Pader ng Berlin noong 1961 ang nagdala ng mga pagbabago para sa amin sa Silangang Alemanya. Subalit si Jehova, sa tuwina, ay laging nauuna sa mga pangyayari. Siya’y nagpatuloy na nangalaga sa amin samantalang umiiral ang pagbabawal.—Inilahad ni Hermann Laube.
[Larawan sa pahina 27]
Kami’y nagdaos ng isang munting asamblea sa Bautzen