Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 5/15 p. 28-31
  • Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal—Bahagi 3

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal—Bahagi 3
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglalaan ng Espirituwal na Pagkain
  • Bahagya Nang Nakatakas
  • Nakabilanggo Ngunit Malaya
  • Sinubok ang Aming mga Anak
  • Pagpapalawak ng Aming Pangmadlang Gawaing Pangangaral
  • Mga Pagbabago Habang Papalapít ang Kalayaan
  • Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal—Bahagi 2
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal—Bahagi 1
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Pinakilos ng Katapatan ng Aking Pamilya sa Diyos
    Gumising!—1998
  • Berlin—Isang Salamin ng Ating Daigdig?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 5/15 p. 28-31

Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal​—Bahagi 3

NOON ay Marso 14, 1990. Sa makasaysayang araw na iyan, isa ako sa mga naroon nang isang mataas na opisyal ng pamahalaan sa Ministri sa Kapakanang Relihiyoso sa Silangang Berlin ay mag-abot ng dokumentong nagbibigay ng legal na katayuan sa mga Saksi ni Jehova sa tinatawag noon na German Democratic Republic, o Silangang Alemanya. Sa mga pangyayari ng araw na iyon, muling bumalik ang alaala ko nang ako’y maging isang Saksi at binulay-bulay ko ang mahihirap na panahong aming naranasan.

Sa kalagitnaan ng dekada ng 1950, nang si Margarete, isang kamanggagawa na isang Saksi, ay unang magsalita sa akin tungkol sa kaniyang mga paniwalang nakasalig sa Bibliya, matindi ang pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Silangang Alemanya. Hindi nagtagal pagkatapos nito siya’y lumisan upang magtrabaho sa ibang lugar, at ako’y nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa ibang Saksi. Ako’y nabautismuhan noong 1956, at kami ni Margarete ay nakasal nang taon ding iyon. Kami’y kaugnay sa Lichtenberg Congregation sa Berlin. Ito’y may mga 60 mamamahayag ng Kaharian na nakikibahagi sa gawaing pangangaral.

Makalipas ang dalawang taon pagkatapos ng aking bautismo, mga opisyales ng pamahalaan ang pumaroon sa tahanan ng isang nangunguna sa aming kongregasyon. Layunin nila na arestuhin siya, ngunit nagtatrabaho siya noon sa Kanlurang Berlin. Napatalastasan siya ng kaniyang pamilya na manatili roon, at makalipas ang ilang buwan sila ay kasama na niya sa Kanluran. Bagaman ako noon ay 24 na taóng gulang lamang, ako’y binigyan na ng mabibigat na pananagutan sa kongregasyon. Nagpapasalamat ako na nagbigay si Jehova ng karunungan at lakas na kailangan upang mapangalagaan ang gayong mga gawain.​—2 Corinto 4:7.

Paglalaan ng Espirituwal na Pagkain

Nang itayo ang Pader ng Berlin noong Agosto 1961, ang mga Saksi ni Jehova sa Silangan ay biglang napahiwalay sa kanilang mga kapatid sa Kanluran. Kaya nagsimula ang panahon na kami’y gumawa ng mga kopya ng aming literatura, sa simula ay sa pamamagitan ng makinilya, pagkatapos ay ng sunud-sunod na mga makinang pangkopya. Pasimula noong 1963, gumugol ako ng dalawang taon sa pagtatayo ng isang taguan sa aming tahanan upang doon gawin ang paglilimbag na ito. Pagkatapos ng maghapong trabaho bilang isang manggagawa ng kagamitan, gumugugol ako ng mga gabi sa paggawa ng mga kopya ng Ang Bantayan sa tulong ng dalawa pang kapatid. Ang mga autoridad ay desidido na madiskubre ang pag-andar ng aming organisasyon sa paglilimbag, ngunit tinulungan kami ni Jehova upang ang aming pagkain, gaya ng tawag namin dito, ay mailabas nang nasa panahon.

Ang paggawa ng sapat na mga kopya ng ating mga magasin ay nangangailangan ng maraming papel, at hindi madaling makakuha niyaon. Kung kami’y regular na bibili ng papel nang maramihan, makatatawag-pansin ito sa mga autoridad. Kaya indibiduwal na mga Saksi ang pinabibili namin ng pailan-ilang papel at ipinadadala iyon sa aming panggrupong pag-aaral ng Bibliya. Mula roon ay dinadala iyon sa aming pinaggagawaan ng mga magasin. Pagkatapos ay ibang mga Saksi naman ang namamahagi sa natapos na mga magasin.

Palibhasa’y naghinala ang mga opisyales na ako’y kasangkot sa pag-iimprenta ng literatura, ako’y kanilang minatyagan. Nang magtatapos na ang 1965, napansin ko na sinusundan nila ako nang mas madalas kaysa rati at nahalata ko na sila’y nagpaplano ng isang bagay. Biglang-bigla, sila’y maagang sumalakay isang umaga.

Bahagya Nang Nakatakas

Noon ay patungo ako sa trabaho nang umagang iyon ng taglamig. Iyon ay bago magbukang-liwayway, at humanda ako laban sa sobrang ginaw. Habang naglalakad, nakita ko ang apat na ulo sa itaas ng halamang-bakod. Ang mga lalaki ay lumiko sa kanto at sumunod sa landas na patungo sa direksiyon ko. Ang laki ng aking pangingilabot nang makilala ko sila na mga opisyales ng pamahalaan. Ano ang dapat kong gawin?

Makapal na yelo ang pinala upang mag-iwan ng isang makitid na landas. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Samantalang nakatungo ako, ang aking mga mata ay nakapirmi ang titig sa lupa. Dagling nanalangin ako. Ang mga lalaki ay palapít nang palapít. Nakilala kaya nila ako? Samantalang kami’y palapít nang palapít sa isa’t isa sa makitid na landas, halos hindi ko mapaniwalaan ang nangyayari. Pabilis nang pabilis ang aking lakad. “Hoy,” ang bulyaw ng isa sa kanila, “siya iyan. Huminto ka!”

Tumakbo ako nang buong bilis. Pagdating ko sa kanto, lumundag ako sa bakod ng aming kapitbahay at doon lumagpak sa aking sariling bakuran. Dali-dali akong nagtungo sa loob ng bahay, ikinandado ko at itinarangka ang pinto. “Gising kayo!” ang sigaw ko. “Sila’y narito upang hulihin ako.”

Si Margarete ay dali-daling bumaba at pumuwesto sa may pintuan. Sa isang iglap ay naroon na ako sa bodega sa silong at ginagatungan ang kalan. Sinunggaban ko ang lahat ng rekord ng kongregasyon na aking iniingatan at inihagis sa apoy.

“Magbukas ka!” ang bulyaw ng mga lalaki. “Buksan mo ang pinto! Ito ang pangmadlang tagausig.”

Hindi nagugulumihanan si Margarete habang sinusunog ko ang lahat-lahat hanggang sa maging abo. Pagkatapos ay lumapit ako kay Margarete at sinenyasan ko na buksan ang pinto. Ang mga lalaki’y nagdagsaan sa bahay.

“Bakit ka kumaripas ng takbo?” tanong nila.

Hindi nagtagal at dumating pa ang ibang mga opisyales ng pamahalaan, at ang buong bahay ay hinalughog. Ang bumagabag sa akin ay ang taguan na kinaroroonan ng aming makinang pang-imprenta at 40,000 pilyego ng papel. Subalit ang nakakubling pasukan ay hindi namatyagan. Bagaman ang mga pagtatanong ay patuloy sa loob ng ilang oras tinulungan ako ni Jehova na manatiling kalmado. Ang karanasang iyan ay lalong naglapít sa amin sa ating mapagmahal na Ama sa langit at pinalakas kami upang makapagtiis.

Nakabilanggo Ngunit Malaya

Noong dulo ng dekada ng 1960, ako’y tumanggap ng abiso na magreport para sa pagsisilbi sa hukbo. Yamang hindi maamin ng aking budhi na maglingkod doon, ako’y napilitang gumugol ng pitong buwan na nakapiit at nasa isang kampo sa trabaho. May 15 Saksi sa kampo sa Cottbus, timog-silangan ng Berlin. Lahat kami ay naroon dahilan sa aming Kristiyanong pagkawalang-pinapanigan. (Isaias 2:2-4; Juan 17:16) Ang mga araw ng aming pagtatrabaho ay mahaba at mahirap ang trabaho. Kami’y gumigising nang alas-4:15 n.u. at inilalabas sa kampo upang magtrabaho sa mga riles ng tren. Subalit, bagaman nakabilanggo ay nagkaroon kami ng pagkakataon na ibalita sa iba ang tungkol sa Kaharian ni Jehova.

Halimbawa, dalawang maghuhula ang kasama namin sa Cottbus. Isang araw nabalitaan ko na ang nakababata ay nagnanais na sa anumang paraan ay makipag-usap sa akin. Ano kaya ang ibig niya? Ibinuhos niya sa akin ang laman ng kaniyang puso. Ang kaniyang lola ay naging isang manghuhula rin, at nakamit niya ang katulad na paraan ng panghuhula pagkatapos mabasa ang kaniyang mga aklat. Bagaman ang lalaking ito ay gustung-gustong makalaya sa kapangyarihan na pumipigil sa kaniya, siya’y natatakot sa mga paghihiganti. Siya’y umiyak nang umiyak. Ngunit ano ba ang kinalaman nito sa akin?

Sa aming pag-uusap, kaniyang ipinaliwanag na ang kaniyang abilidad na humula tungkol sa hinaharap ay humihina pagka siya’y kasama ng mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag ko na may kapuwa masasamang espiritu, o mga demonyo, at mabubuting espiritu naman, o matuwid na mga anghel. Ginamit ko ang halimbawa ng mga naging Kristiyano sa sinaunang Efeso, na nagdiriin sa pangangailangan na sunugin ang lahat ng bagay na may kinalaman sa panghuhula o anumang espiritismo. (Gawa 19:17-20) “Kung gayon ay makipag-alam ka sa mga Saksi,” sabi ko sa kaniya. “May mga Saksi saanmang lugar.”

Ang lalaking iyon ay lumabas sa kampo mga ilang araw ang nakalipas, at hindi ko na nabalitaan ang tungkol sa kaniya. Subalit ang karanasan sa nangingilabot at hindi maaliw na lalaking iyon na naghahanap ng kalayaan ay nagpatindi ng aking pag-ibig kay Jehova. Kaming 15 Saksi ay nasa kampo dahilan sa aming pananampalataya, ngunit kami ay malaya sa espirituwal na paraan. Ang lalaking iyon ay pinalaya sa piitan, ngunit siya’y alipin pa rin ng isang “diyos” na kinatatakutan niya. (2 Corinto 4:4) Tayong mga Saksi ay dapat magmahal sa ating espirituwal na kalayaan!

Sinubok ang Aming mga Anak

Hindi lamang ang mga taong may gulang ang kailangang tumayong matatag ukol sa kanilang mga kombiksyon na nakasalig sa Bibliya kundi pati mga kabataan. Sila’y ginigipit upang makipagkompromiso sa paaralan at sa trabaho. Lahat ng aming apat na anak ay kinailangang manindigan sa kanilang mga paniniwala.

Isang seremonya sa pagsaludo sa bandila ang ginaganap sa paaralan tuwing Lunes. Ang mga bata ay hile-hilera sa harapan, umaawit, at sumasaludo ng tinatawag na saludong Thälmann habang itinataas ang bandila. Si Ernst Thälmann ay isang komunistang Aleman na pinatay ng mga Nazi SS noong 1944. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, si Thälmann ay ginawang bayani sa Silangang Alemanya. Dahilan sa aming kombiksyong nakasalig sa Bibliya na tanging sa Diyos na Jehova lamang dapat iukol ang banal na paglilingkod, ang aming mga anak ay tinuruan naming mag-asawa na magalang na tumayo kung ginaganap ang gayong mga seremonya nang hindi sila sumasali.

Ang mga batang nag-aaral ay tinuruan din ng mga awit ng Komunista. Kami ni Margarete ay naparoon sa paaralan ng aming mga anak at ipinaliwanag namin kung bakit sila’y hindi umaawit ng gayong makapulitikang mga awit. Ngunit, sinabi namin na sila’y handa namang mag-aral ng ibang uri ng mga awitin. Sa gayon, sa maagang edad, ang aming mga anak ay natutong manindigang matatag at maging naiiba sa kanilang mga kaedad.

Nang magtatapos na ang dekada ng 1970, ang aming panganay na babae ay ibig mag-aprendes sa isang opisina. Gayunman, bawat aprendes ay hinihilingan muna na dumaan sa 14 na araw ng premilitary training. Palibhasa’y hindi maamin ng konsiyensiya ni Renate na siya’y makibahagi rito, siya’y nanindigang matatag at sa wakas ay inalisan ng pananagutan na tumanggap ng gayong pagsasanay.

Nang siya’y nag-aaprendes, si Renate ay nag-aral sa isang klase na doo’y tinawagan siya na dumalo sa praktis ng pamamaril. “Renate, pupunta ka rin sa praktis ng pamamaril,” ang sabi ng guro. Ito’y nagwalang-bahala sa kaniyang pagtutol. “Hindi naman kailangang bumaril ka,” ang pangako nito. “Ikaw na lamang ang mag-asikaso sa mga pampalamig.”

Nang gabing iyon pinag-usapan namin ang mga bagay-bagay bilang isang pamilya. Kami’y naniwala na ang pagparoon ni Renate sa praktis sa pagbaril ay mali, kahit na hindi siya tuwirang sumali roon. Palibhasa’y pinalakas ng pakikipagtalakayan sa amin at ng panalangin, hindi niya pinayagang siya’y takutin. Anong laking pampatibay-loob sa amin na makitang ang aming bunsong dalaga ay naninindigan sa panig ng matuwid na mga simulain!

Pagpapalawak ng Aming Pangmadlang Gawaing Pangangaral

Nang magluwag noong may katapusan na ng dekada ng 1970 ang pananalansang sa aming gawain, maraming publikasyong Kristiyano namin ang nagsimulang manggaling sa Kanluran. Bagaman ito’y mapanganib na gawin, matatapang na mga kapatid ang nagkusang gumawa nito. Lubhang pinasasalamatan namin ang naragdagang mga suplay na ito ng literatura at ng pagsisikap ng mga taong tumulong upang ito’y maging posible. Nang mahigpit ang pag-uusig noong mga unang taon ng pagbabawal, ang pangangaral sa bahay-bahay ay tunay na isang hamon. Sa katunayan, ang takot na maparusahan ng mga autoridad ang umakay sa iba na umiwas dito. Subalit sumapit ang panahon na ang aming pangmadlang pangangaral ay malaki ang isinulong. Noong dekada ng 1960, mga 25 porsiyento lamang ng mga mamamahayag ng Kaharian ang nakikibahagi sa pagbabahay-bahay nang palagian. Subalit, ang bilang ng regular na sumasama sa bahaging iyan ng ministeryo ay tumaas nang hanggang 66 porsiyento noong may dulo ng dekada ng 1980! Noon ang mga autoridad ay hindi na gaanong pumapansin sa ating pangmadlang pangangaral.

Minsan isang kapatid na lalaki na kasama kong gumagawa sa ministeryo ang nagsama sa kaniyang batang anak na babae. Palibhasa’y pinasigla ng gayong pagsama ng bata, isang may edad nang babae na nakausap namin ang nag-anyaya sa amin sa kaniyang tahanan. Kaniyang pinasalamatan ang aming iniharap na paksa sa Kasulatan at pumayag na kami ay dumalaw-muli. Nang bandang huli ang dadalawing iyon ay ibinigay ko sa aking maybahay, na agad namang nagsimula sa babae ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Sa kabila ng katandaan at ng hindi mabuting kalusugan, ang ginang na ito ay naging kapatid natin at nagpapatuloy na aktibo sa paglilingkod kay Jehova.

Mga Pagbabago Habang Papalapít ang Kalayaan

Kami’y inihanda ni Jehova para sa panahon na tatamasahin namin ang lalong malaking kalayaan. Bilang halimbawa: Sandali lamang bago inalis ang pagbabawal, kami’y pinagsabihan na baguhin ang paraan ng pagtatawagan namin sa isa’t isa sa mga pulong. Sa mga kadahilanang tungkol sa seguridad, ang tawagan namin ay sa aming mga unang pangalan. Marami na magkakakilala na sa loob ng kung ilang mga taon ay walang alam sa apelyido ng mga kapatid. Gayunman, bilang paghahanda sa pagtanggap sa marami pang mga interesado sa ating mga pulong, kami ay hinimok na magtawagan sa apelyido ng kapuwa mananampalataya. Inakala ng iba na para bang sa ganitong tawagan ay malayo ang kaugnayan ng isa’t isa, subalit yaong mga sumunod sa payo ay mas lalong madaling nakibagay nang kami’y maging malaya na.

Kami’y hinimok din na pasimulan ang aming mga pulong ng isang awit. Sa ganito ay nahirati kami sa paraan na sinusunod ng mga kongregasyon saanman. Ang isa pang pagbabago ay sa laki ng aming mga grupo sa pag-aaral. Ang mga ito ay unti-unting naragdagan mula apat katao noong dekada ng 1950 at naging walo. Nang malaunan ito ay naragdagan hanggang 10 at sa wakas ay hanggang 12. Isa pa, sinuri ang kalagayan upang tiyakin na ang dakong pinagtitipunan ng bawat kongregasyon ay nakasentro para sa karamihan ng mga Saksi.

Kung minsan nakikita namin ang katalinuhan ng isang iminungkahing pagbabago pagkatapos lamang na iyon ay nagawa na. Anong dalas na ipinakikita ni Jehova na siya ay isang matalino at makonsiderasyong Ama! Unti-unti, kami’y kaniyang tinulungan na mapaayon sa natitirang bahagi ng kaniyang makalupang organisasyon, at aming patuloy na nadama na kami ay bahagi ng pandaigdig na pagkakapatiran ng kaniyang bayan. Tunay, ang Diyos na Jehova ay mapagmahal na nagsilbing proteskiyon sa kaniyang bayan sa loob nang halos 40 taon na sila’y gumawa ng bawal na gawain sa Silangang Alemanya. Anong laki ng aming kagalakan ngayon na kami’y kinikilalang legal na!

Sa ngayon, may 22,000 o higit pang mga Saksi ni Jehova sa dating Silangang Alemanya. Sila ay isang patotoo ng matalinong pag-akay at mapagmahal na pangangalaga ng Diyos na Jehova. Ang kaniyang pagtangkilik noong mga taon na kami’y ipinagbabawal ang nagpapakita na kaniyang makokontrol ang anumang kalagayan. Anumang armas ang gamitin laban sa kaniyang bayan, iyon ay hindi magtatagumpay. Laging inaalagaang mabuti ni Jehova ang mga nagtitiwala sa kaniya. (Isaias 54:17; Jeremias 17:7, 8)​—Ayon sa pagkalahad ni Horst Schleussner.

[Larawan sa pahina 31]

Sina Horst at Margarete Schleussner sa looban ng Samahan sa Silangang Berlin

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share