Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 11/8 p. 4-7
  • Mga UFO—Sinauna at Makabago

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga UFO—Sinauna at Makabago
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga UFO sa Makabagong Panahon
  • Sinisiyasat ng Gobyerno ng Estados Unidos
  • 1952​—Ang Taon ng mga UFO
  • Mga UFO—Makikilala ba kung Ano Ito?
    Gumising!—1990
  • “Unidentified Flying Objects”—Ano ba Ito?
    Gumising!—1990
  • Mga “UFO”—Mga Mensahero Mula sa Diyos?
    Gumising!—1996
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 11/8 p. 4-7

Mga UFO​—Sinauna at Makabago

Mula noong sinaunang panahon, ang mga tao ay iniulat na nakakita ng di kilalang mga bagay sa langit. Isang Faraon ang inaakalang nakakita ng maapoy na mga bilog sa langit, at ang mga Amerikanong Indyan ay may mga alamat ng lumilipad na mga bangka. Ang unang mga Romano ay iniulat na nakakita ng lumilipad na mga kalasag. Ayon sa ilang interpretasyon ng mga inukit ng Aztec, ang diyos na si Quetzalcoatl ay ipinalalagay na dumating sa lupa na suot ang isang hugis-tukáng helmet na pangkalawakan at sakay ng isang tulad-ahas na sasakyang panghimpapawid.

Noong 1561 at 1566, sang-ayon sa sinaunang mga ulat, “mga pulutong” ng maninirahan sa Basel, Switzerland, at Nuremberg, Alemanya, ang iniulat na nakakita ng di karaniwang mga tanawin sa langit. Gayunman, noong 1896 at 1897, isang kahanga-hangang bagay ang nangyari sa Estados Unidos. Iniulat ng mga tao sa buong bansa ang pagkakita ng isang sasakyang panghimpapawid na naglalakbay sa itaas. Sinasabing: “Kailanman ay hindi pa naranasan ng Amerika ang anumang gaya ng katuwaang dala ng mahiwagang sasakyang panghimpapawid.” Ang mga tanawing ito ay nangyari sa malalaking lungsod gayundin sa mga nayon sa ibayo ng Estados Unidos, simula sa California. Ang kawili-wiling bagay ay, sabi ng aklat na The Great Airship Mystery, na “ang kilalang kasaysayan ng paglipad ay walang sinasabi tungkol sa sarisaring sasakyang panghimpapawid sa Estados Unidos noong dakong huli ng 1890s.”

Ang isa sa detalyado at malawakang inilathalang kuwento ay mula sa isang maliit na bayan sa Kansas, E.U.A., noong 1897. Ang ulat ay nagsasabi kung paanong inilarawan ng isang mamamayan sa dakong iyon, si Alexander Hamilton, ang isang sasakyang panghimpapawid na bumaba sa kaniyang rantso. Nang sa wakas ay umalis ang sasakyan, kinuha ng mga tripulante ang isa sa mga dumalagang baka. Pagkatapos, mga lima o anim na kilometro sa daan, “nasumpungan ng isang kapitbahay ang balat, mga paa at ulo ng baka sa kaniyang bukid.” Gayunman, pagkalipas ng maraming taon, ang kuwento ay muling inilimbag at inilantad na isang panlilinlang.

Ang mga ulat na gaya ng nabanggit sa itaas, ito man ay imbento o ipinalalagay na tunay, ay muling inilimbag kamakailan sa mga aklat tungkol sa paksang ito. Marami sa mga ulat mula sa panahong iyon bago ang ika-20 siglo ay maaaring nakalimutan na sa maalikabok na salansan ng mga diyaryo maliban sa ilang kapansin-pansing kahawig na mga pangyayari na nagsimulang mangyari mahigit na 40 taon pagkatapos nito. Noon ito naalaala ng mga tao at sinaliksik ang naunang mga pangyayaring ito at napansin nila ang pagkakahawig.

Mga UFO sa Makabagong Panahon

Ang paksa ay muling naalaala sa makabagong panahon noong Digmaang Pandaigdig II nang ang mga pilotong nagdadala ng bomba ng Allied ay nag-ulat na sila’y nakakita ng “di kilalang mga bola ng liwanag at bilog na mga bagay [na] sumunod sa kanila habang sila’y lumilipad sa Alemanya at Hapón.” Tinawag ito ng mga pilotong Amerikano na foo-fighters, isang katagang hango sa salitang Pranses na feu, para sa “apoy.” Bagaman ang Digmaang Pandaigdig II (1939-45) ay nagwakas at pati na ang mga foo-fighters nito, ang mga kuwento tungkol sa di kilalang mga tanawin ay patuloy na ikinukuwento.

Sa Kanlurang Europa at sa mga bansa sa Scandinavia, ang mga sasakyang walang pakpak na tinatawag na multong mga rocket ay iniulat na nakita. Ang mga ito ay karaniwang inilalarawan na mga buntot ng apoy sa langit. Bilang tugon sa mga ulat na ito, kahit na ang Estados Unidos ay “napilitang magpadala ng dalawang pinakamagaling na mga eksperto sa Sweden.” Ang mga kuwentong nabanggit sa itaas ay pasimula lamang. Ang pangyayaring tila nakagulat sa daigdig at siyang nagpasimula sa panahon ng flying saucer ay sinabi ni Kenneth Arnold, isang pribadong piloto at negosyante. Noong Hunyo 24, 1947, iniulat na nakita niya ang “isang sunud-sunod na siyam na kakaibang sasakyang panghimpapawid na papalapit sa Mt. Rainier [Estado ng Washington, E.U.A.].” Ito ay inilarawan na “tulad-platitong mga bagay” at “patag na parang pie pan at napakakintab anupa’t ipinababanaag nito ang araw na gaya ng isang salamin.” Iniulat na inorasan niya ang bilis nito “na halos 1,900 kilometro isang oras.” Ito’y mas mabilis pa sa lipad ng isang eruplanong jet noong panahong iyon.

Ang paggamit sa salitang “saucer” ay nakatawag-pansin sa imahinasyon ng press at ang resulta’y ang karaniwang termino ngayon na “flying saucer.” Pagkatapos mailathala ang ulat na ito sa buong daigdig, marami na nakakita ng di kilalang mga bagay sa langit ay nagsimulang magsabi ng kanilang sarisaring kuwento. Ito, pati na ang iba pang mga nakita, ay tumawag ng pansin ng mga autoridad sa militar.

Sinisiyasat ng Gobyerno ng Estados Unidos

Maliwanag sa rekomendasyon ng matataas na opisyal ng militar, ang mga UFO sa wakas ay tumanggap ng opisyal na pansin ng gobyerno ng E.U. Ang resulta ay ang pagtatatag ng Project Sign, na nagsimulang magtrabaho noong Enero 22, 1948. Ang pangkat na ito na magsisiyasat ay inatasang isagawa ang gawain sa ilalim ng direksiyon ng Air Technical Intelligence Command, na malapit sa Dayton, Ohio, E.U.A. Hindi pa nga nagsisimula ang proyekto nang maganap ang malungkot na pangyayari. Si Kapitan Thomas Mantell, isang pilotong militar, ay nasawi sa isang pagbagsak ng eruplano samantalang hinahabol ang noo’y isang di kilalang bagay. Maaaring siya’y nawalan ng malay samantalang siya’y lumilipad nang napakataas nang walang tulong ng pandagdag na oksiheno. Nang maglaon, napag-alaman na maaaring hinahabol niya ang isang Skyhook research balloon.

Gayunman, ang bagong nakita ng dalawang piloto ng Eastern Airlines, pati na ang kamatayan ng pilotong iyon ng Air Force, ay gumatong pa sa lumalagong pagkabahala sa mga UFO. Ayon sa report, isang eruplano ng Eastern Airlines ang umalis ng Houston, Texas, at patungo sa Atlanta, Georgia, nang walang anu-ano ang piloto ay napilitang umiwas upang huwag niyang tamaan ang isang “walang pakpak na B-29 na katawan ng eruplano” na dumaan sa gawing kanan niya. Isang pasahero at ilang nagmamasid sa ibaba ang waring nagpapatunay sa kredibilidad ng kuwento.

Sa wakas ang pangkat ng Project Sign ay naglabas ng isang report na nakasira ng loob ng ilan. Nang dakong huli, ang ilang kawani na sang-ayon sa pangmalas na ang mga UFO ay tunay ay pinalitan, at isang titulo, “Project Grudge,” ang ipinangalan sa proyekto. Gayunman, noong panahong ito, ang paniniwala sa pag-iral ng mga UFO ay tumindi nang ang nagretirong komandante na si Donald E. Keyhoe ay sumulat ng isang artikulo na pinamagatang “The Flying Saucers Are Real.” Ang ulat ay inilathala sa labas noong Enero 1950 ng magasing True, at ang labas na ito ay nagkaroon ng malawak na sirkulasyon. Pagkatapos, upang idagdag pa sa malawak nang interes, inilathala ng True ang isa pang artikulo ng komandante ng Navy na si R. B. McLaughlin. Ang artikulong ito ay pinamagatang “How Scientists Tracked the Flying Saucers.” Ang kasiglahan ay panandalian lang​—ang iba pang magasin, ang Cosmopolitan at Time, ay naglathala ng mga artikulong inilalantad ang pagiging hindi totoo ng mga UFO. Dahil sa bagong mga artikulong ito at walang gaanong pagkakita ng mga ito, ang interes ay humupa. Saka dumating ang 1952, isang pambihirang taon sa kasaysayan ng UFO.

1952​—Ang Taon ng mga UFO

Ang pinakamaraming bilang ng mga nakitang UFO na tinanggap ng U.S. Air Technical Intelligence Command ay naitala noong 1952: 1,501. Dahil sa dumaming nakitang mga UFO, maaga noong Marso 1952 ang U.S. Air Force ay nagpasiyang lumikha ng bukod na organisasyon na tinawag na Project Blue Book. Noong taóng iyon ng masidhing gawain ng UFO, ang mga nakita ay sarisari at marami.

Ang isa sa sunud-sunod na kapansin-pansing mga nakita ay nagsimula sa Washington, D.C., noong mga hatinggabi ng Hulyo 19 at 20. Iniulat na “isang pangkat ng di kilalang lumilipad na bagay ang lumitaw sa dalawang radarscope na nasa Air Route Traffic Control Center sa Washington National Airport. Ang mga bagay ay marahang kumikilos sa pasimula . . . pagkatapos ay sisibat sa ‘di kapani-paniwalang bilis.’ ” Ang mga nakita ay kasuwato ng mga ulat ng radar. Iniulat pa na isang pagharang ang sinubok, subalit “ang mga bagay ay naglaho habang papalapit ang mga jet.

Noong 1966 si Gerald R. Ford, noo’y kinatawan mula sa Michigan, ay pinarangalan dahil sa pagtawag ng isa pang pederal na imbestigasyon sa mga UFO. Ito’y bilang pagtugon sa maraming nakikitang mga UFO sa kaniyang estado. Ang resulta ay na isa pang pag-aaral ay itinatag sa University of Colorado. Si Dr. Edward U. Condon, isang kilalang physicist, ang nangasiwa sa gawain. Noong 1969, sa pagtatapos ng pag-aaral, inilabas ang Condon Report. Kabilang sa ibang mga bagay, sinasabing “walang nangyari sa pag-aaral tungkol sa mga UFO sa nakalipas na 21 taon na nakaragdag sa siyentipikong kaalaman . . . anupa’t ang malawakang pag-aaral pa tungkol sa mga UFO ay malamang na hindi na bigyan-matuwid yamang inaasahang susulong sa gayong paraan ang siyensiya.”

Winakasan nito ang opisyal na pagkasangkot ng gobyerno ng E.U. sa pag-aaral tungkol sa mga UFO at, karagdagan pa, tila binawasan nito ang pag-uusyoso ng madla. Gayunman, hindi nito tinapos ang pagtatalo tungkol sa UFO, ni tinapos man nito ang pagkakita ng mga UFO. Sang-ayon sa isang report, “20 porsiyento sa siyamnapu’t-limang kaso na tinalakay sa dokumento ay nanatiling ‘hindi maipaliwanag.’ ”

Ang interes sa mga UFO ay waring tumitindi at humuhupa kasabay ng mga alon ng pagkakita. Katangi-tangi ang mga taon ng 1973 at 1974, nang maobserbahan ang mga UFO. Sa pagdating ng 1980’s, ang mga ulat ay napabalita na naman. Subalit ano ang nahinuha kamakailan ng mga siyentipiko at iba pang mga dalubhasa.?

[Larawan sa pahina 5]

Inaakala ng iba na ang diyos ng Aztec na si Quetzalcoatl ay dumating sakay ng isang tulad-ahas na sasakyang pangkalawakan

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share