Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 11/8 p. 7-11
  • Mga UFO—Makikilala ba kung Ano Ito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga UFO—Makikilala ba kung Ano Ito?
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga UFO​—Ginagabayan ng mga Nilalang Mula sa Kalawakan?
  • Mga UFO​—Makikilala ba Natin ang mga Ito?
  • May Impluwensiya ba ng Okulto?
  • Mga UFO—Sinauna at Makabago
    Gumising!—1990
  • “Unidentified Flying Objects”—Ano ba Ito?
    Gumising!—1990
  • Mga “UFO”—Mga Mensahero Mula sa Diyos?
    Gumising!—1996
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 11/8 p. 7-11

Mga UFO​—Makikilala ba kung Ano Ito?

Paano ipinaliliwanag ng mga siyentipiko ang mga UFO? Ang yumaong si Dr. Donald H. Menzel, isang astronomo sa Harvard, at si Philip Klass, dating senior editor ng Aviation Week, ay kabilang sa mga nag-aral sa paksang may kaugnayan sa pagkakita ng mga UFO. Pinagtibay nila na ang mga UFO sa katunayan ay mga IFO (identified flying objects o nakikilalang lumilipad na bagay). Nang imbestigahan, ang mga UFO ay naging nakikilalang mga bagay o mga epekto, gaya ng weather balloons, mga eruplano at helikopter na nag-aanunsiyo sa gabi, mga bulalakaw, o sun dogs.a

Ipinaliwanag ni Philip Klass ang mga UFO bilang likas na mga kababalaghan o di-wastong mga pagkakilanlan. Bilang halimbawa, ayon sa kaniya, ang ilang UFO ay pinaghinalaang isang uri ng bolang kidlat, o isang plasma. Gayunman, ang kaniyang mga kritiko ay agad na nagsabing ang mga plasma, o lubhang ionize na mga gas, ay maaaring may napakaikling buhay at hindi sapat na ipinaliliwanag ang problema. Sabi niya na ang ilang UFO na nakita sa radar ay produkto ng mga palatandaan ng panahon. Gayunman, ayon sa ilang opereytor ng radar, ito ay hindi nagpapaliwanag sa waring intelihenteng paggawi na kung minsan ay naoobserbahan. Inaakala ni Klass na ang mga taong biglang nalantad sa isang maikli’t di-inaasahang pangyayari ay “maaaring maging lubhang di-wasto sa pagsisikap na ilarawan kung ano mismo ang kanilang nakita.”

Sa kaniyang aklat na Pseudoscience and the Paranormal, binanggit ni Terence Hines na ang “maingat na pagsisiyasat ay nagbunga ng tuwirang likas na mga paliwanag kahit na para sa lubhang kahanga-hangang mga ulat tungkol sa UFO. . . . Nililiwanag ng lahat ng kasong ito ang halos ganap na pagiging di-totoo ng mga ulat ng mga nakasaksi. Sa halos lahat ng kaso, ang mga ulat ng nakasaksi ay lubhang naiiba sa aktuwal na pampasigla, subalit sa iilang kaso lamang na ang mga saksi ay sadyang nagsisinungaling. Ang kanilang kaalaman tungkol sa mga UFO ay ‘mukhang’ nakaimpluwensiya sa kanilang mga ulat, pati na ang mga epekto ng nakikitang mga ilusyon.”

Mga UFO​—Ginagabayan ng mga Nilalang Mula sa Kalawakan?

Isang popular na teoriya ay na ang mga UFO ay maaaring nauugnay sa intelihenteng mga nilalang buhat sa malayong kalawakan. Ang yumaong si Dr. James McCampbell ay isang lider niyaong mga nakarating sa konklusyong ito. Babala niya: “Lilitaw na ang isang superintelihenteng tagaibang planeta ay talagang nagiging mas malapít na bahagi ng kapaligiran ng ating lupa.” Si Komandante Donald E. Keyhoe, “isang retiradong opisyal ng Marine Corps na naging indipendiyenteng manunulat . . . ang unang nagpatanyag sa mga UFO at sinasabing ang mga ito ay mga sasakyang panghimpapawid ng mga tagaibang planeta,” ayon kay Philip Klass, manunulat ng UFOs​—The Public Deceived. Itinaguyod din ni Keyhoe ang teoriya ng “mga nilalang mula sa kalawakan” at nagbabala: “Kung ang layunin ng mga tagaibang planeta ay ang pandarayuhan sa Lupa, lilikha ito ng daluyong ng takot at histirya.”

Ang isa pang ideya na nakapukaw ng interes ng ilang mga tagapagsiyasat ay na ang mga UFO ay mga superyor na nilalang na naninirahan sa isang “kahilerang uniberso.” Sang-ayon sa teoriyang ito, ang mga nilalang na ito ay maaaring “impluwensiyahan ang elektrikal na mga sirkito ng isip ng tao.” Taglay ang kakayahang ito, maaaring supilin nila ang mga gobyerno ng tao. Sinasabi ng ilan na maaaring sila’y may kaugnayan sa “mga talinong [nagsasangkot] sa nangungunang mga kilusan ng relihiyon ng daigdig, mga himala, mga anghel, multo, mga engkantada, maiingay na multo, at mga katulad nito.”​—UFO and The Limits of Science, ni Ronald D. Story.

Mga UFO​—Makikilala ba Natin ang mga Ito?

Gaya ng napansin natin, ang ilang mga tagapagsiyasat ay lubhang positibo na makikilala nila ang lahat ng UFO bilang likas na mga bagay o kilalang mga kababalaghan. Gayunman, ang iba, ay naghaharap ng kanilang sariling pantanging mga teoriya.

Ang Gumising! ay nag-ulat ng isang pagsisiyasat tungkol sa paksang ito pati na ang isang pagtalakay sa ilang mas kahindik-hindik na mga kaso samantalang ang Condon Report at ang paksa tungkol sa mga UFO ay pinagkakaabalahan pa ng publiko.b Narating ng Gumising! ang konklusyon na “ang karamihan ng lahat ng ulat [tungkol sa mga UFO] ay nagmula sa iyo’t iyon ding uri ng mga bagay na binanggit ng Project Blue Book [isang naunang pag-aaral na isinagawa ng gobyerno]: Mga planeta, eruplano, lobo, bulalakaw, malikmata.”

Ang artikulo ay nagpapatuloy: “Niliwanag ng mas masusing pagsisiyasat [na binuod sa Condon Report] ang bahaging ginampanan ng pisikal at sikolohikal na mga pagpilipit. Ipinaliwanag nito kung paanong ang ordinaryong mga bagay, na nakikita sa langit ng mga taong hindi nakikilala ang mga ito sa ilalim marahil ng pambihirang mga kalagayan, ay maaaring mapagkamalan ito, mapasobrahan sa pagsasabi, maragdagan pa sa mga pahayagan, at magwakas bilang mga sasakyang pangkalawakan na nagbababa ng mumunting berdeng tao buhat sa Mars.”

Ang opisyal na Condon Report at ang mga konklusyon gaya ng binabanggit sa itaas, pati na ang nabawasang mga report tungkol sa UFO, ay waring nagwakas sa bagay na ito para sa marami. Gayumpaman, dalawang dekada pagkatapos ay nasumpungan natin na ang mga UFO ay kumukuha pa rin ng pansin ng publiko. Gaya ng nabanggit sa aming naunang artikulo, isang manunulat para sa isang kilalang babasahin ang nakapansin na isang bagong elemento ang idinagdag. Tayo’y nabubuhay taglay ang “matindi at sukdulang takot” habang tayo ay papalapit sa taóng 2000.

Nagkaroon ng higit pang mga di-katiyakan mula sa mga pag-aangkin kamakailan na noon maaaring winalang-bahala o pinagtakpan ng Estados Unidos at maging ng iba pang gobyerno ang ilang katibayan ng mga UFO. Sinamantala ng autor ng isang publikasyon noong 1988 ang Freedom of Information Act, na itinatag noong 1966 sa Estados Unidos, pati na ang mga pinagmulan sa ibang bansa, upang magtipon ng impormasyon na ayon sa kaniya ay “walang alinlangang nagpapatunay na mayroon ngang napakalaking pagtatakip sa paksang may kaugnayan sa UFO.”​—Above Top Secret, ni Timothy Good.

Sa kaniyang aklat na Light Years, si Gary Kinder ay nagtatanong kung anong patotoo ang kailangan upang makumbinse ang mga autoridad sa pag-iral ng mga UFO. Binanggit niya na isang nagmamasid ang nagtatanong: “Anong patotoo mayroon [tungkol sa mga UFO]? Kailangan bang lumapag ang isang UFO sa River Entrance sa Pentagon, malapit sa mga Tanggapan ng Joint Chiefs of Staff? O ito ba’y patotoo kapag namatyagan ng isang radar sa lupa ang isang UFO, nagpadala ng isang jet upang harangin ito, nakita ito ng piloto ng jet, at harangin ito sa pamamagitan ng kaniyang radar, upang masumpungan lamang na ang UFO ay humagibis na ng alis sa di kapani-paniwalang bilis?”

Sa kabilang dako, si Propesor Hines ay tumututol na ang 997 pahina ng mga dokumentong inilabas, na sumasaklaw sa yugto na mula 1949 hanggang 1979, ay hindi nagsisiwalat ng isang pagsisikap sa pagtatakip ng gobyerno. Sabi niya: “Isinisiwalat ng isang pagsusuri ng sekretong mga papeles ng CIA at mga dokumento tungkol sa mga UFO na isang ahensiya ang medyo interesado sa kababalaghan subalit nag-aalinlangan sa teoriya tungkol sa mga tagaibang planeta. Sinasalungat din ng mga dokumentong ito . . . ang madalas-maulit na mga pag-aangkin tungkol sa isang pagtatakip ng gobyerno sa ‘katotohanan’ tungkol sa mga UFO.”

Isa sa pangunahing dahilan ng kakulangan ng katibayan ay na walang UFO ang kailanma’y naipakita sa publiko, ni may opisyal na nagpresenta man kayang tagaibang planeta para makilala ng madla. Isa pa, sabi ni Propesor Hines, “walang larawan ng UFO na maituturing na tunay na nagpapakita ng anumang bagay maliban sa malabong mga hugis o mga kutitap ng liwanag.” Muli’t muli, kinilala ng mga eksperto ang mga UFO bilang maling pagpapakahulugan ng mga nakikita sa Venus o ibang pang makalangit na mga bagay. Maliwanag na walang lunas sa suliranin tungkol sa UFO ang kasiya-siya sa lahat.

Nang mapabalita ang Condon Report, isang nagbibigay ng artikulo sa Gumising! ay nakipag-usap nang personal sa isa sa kasamang siyentipikong nagtatrabaho sa Boulder, Colorado tungkol sa ilang mga resulta. Wari bang iniisip ng siyentipiko na sa di-maipaliwanag na mga kaso, ang mga karanasan may kaugnayan sa UFO ay nagsasangkot sa ilang uri ng “mental na mga pang-unawa.” Kaya naman, bagaman maraming nakikitang UFO ay maaaring ipaliwanag sa siyentipikong paraan bilang pisikal na mga bagay o maling mga pagkakakilanlan, ang ilan ay maaaring kasangkutan ng mental o sikolohikal na mga karanasan o pagkaunawa.

May Impluwensiya ba ng Okulto?

Nang nirerepaso ang mental at sikolohikal na mga karanasan ng ilan na nag-ulat tungkol sa mga pakikipagkita sa mga UFO, posible rin na makilala ang mga pagkakahawig sa espiritista o iba pang paranormal na palatandaan. Isang halimbawa nito ang patotoo ni John H. Andrews sa kaniyang aklat na The Extraterrestrials and Their Reality. Sa kaniyang pagpapasalamat sa tulong na tinanggap niya sa paggawa ng aklat, sabi niya: “Malaki ang pasasalamat ko sa apat na mga tao sa kalawakan [“mga ET sa pisikal na katawan ng tao na hindi napapansing nakihalubilo sa gitna natin”] na nagsabi sa akin ng kanilang mga kuwento at na nagnanais manatiling di-kilala, sa maraming psychic at sa mga espiritistang medium na tumulong sa akin sa aking maraming eksperimento, sa mga extraterrestrial dahil sa kanilang maraming impormatibong mga mensahe.” Tungkol sa “mga tao sa kalawan” na ito, sabi niya: “Sila’y pawang lubhang intelihente; lahat ay mga medium para sa di nakikitang mga nilalang.”​—Ihambing ang 1 Samuel 28:​7, 8; Efeso 6:12.

Sinasabi rin ni Andrew na siya’y tumanggap ng mga mensahe mula sa mga extraterrestrial. Itinala niya ang ilan sa mga ito na: “Walang kamatayan. . . . Walang mabuti o masama. [Ihambing ang Genesis 3:​3, 4.] . . . Ang paglalang, ebolusyon, at reinkarnasyon ay tunay na mga proseso na gumagana sa Uniberso. . . . Kami (ang mga ET) ay hindi naririto upang supilin o pamahalaan kayo, kundi upang patnubayan kayo. . . . Ang Lupa ay malapit nang dumanas ng napakalaki, marahas na pagbabago. Kapag nangyari na ang mga pagbabagong ito, wala pang 1/1,000 ng kasalukuyang populasyon ang buháy pa!”

Ang Bibliya ay bumabanggit din tungkol sa mga extraterrestrial, mga espiritung nilalang, gaya ng masunuring mga anghel at ng masuwayin, mapaghimagsik na mga anghel na naging mga demonyo. Sa buong kasaysayan ng Bibliya, ginamit ng Diyos ang tapat na mga anghel sa maraming pagkakataon upang makipagtalastasan sa mga tao. (Genesis 22:​9-18; Isaias 6:​1-7) Ginagamit pa rin ni Satanas ang kaniyang mga tagasunod na demonyo upang iligaw ang sangkatauhan sa pamamagitan ng lahat ng uri ng pilosopya, kausuhan, mensahe, komunikasyon, at mga kulto na nakakagulo sa mensahe na ang Kaharian ng Diyos, ang kaniyang makalangit na gobyerno, ay malapit nang mamahala sa ipinanumbalik na lupa.​—Ihambing ang Lucas 4:​33, 34; Santiago 2:19; Apocalipsis 12:9; 21:​1-4.

Ang Kristiyanong apostol Pablo ay nagbigay ng angkop na babala tungkol sa impluwensiya ng mga demonyo sa mga huling araw nang kaniyang isulat: “Ang kinasihang pananalita ay nagsasabing tiyakan na sa mga huling yugto ng panahon ay may mga iba na hihiwalay sa pananampalataya, na makikinig sa magdarayang kinasihang mga pananalita at sa aral ng mga demonyo.”​—1 Timoteo 4:1.

Iniingatan sa isipan kung gaano kalapit na tayo sa sukdulang mga araw na ito, hindi makatuwiran para sa mga Kristiyano na gugulin ang kanilang mahalagang panahon sa pagsisiyasat nang husto sa ganitong uri ng mga bagay. Bagkus, dapat tayong maging abala sa mas mahalagang hamon ngayon, yaon ay, ang pagsunod sa utos ng extraterrestrial na banal na anghel na nagsabi: “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-kaluwalhatian sa kaniya, sapagkat dumating na ang oras ng kaniyang paghuhukom, at sumamba nga kayo sa Isa na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”​—Apocalipsis 14:​6, 7.

[Mga talababa]

a Ang isang sun dog, o parhelion, ay isang maliwanag na dako na lumilitaw sa magkabilang panig ng araw, kilala rin sa tawag na huwad na araw.

b Tingnan ang Gumising!, Pebrero 8, 1970, pahina 5-9.

[Kahon sa pahina 10]

Mga UFO​—Ang Siyentipikong Pangmalas

“Ang astronomiya at ang mga UFO ay magkaugnay: kung mas maraming nalalaman ang mga tao tungkol sa astronomiya, mas kaunti ang makikitang UFO.”​—Astronomy, Disyembre 1988.

“Ang Venus ang pinakamaliwanag sa lahat ng planeta sa langit kung gabi at siyang dahilan ng maraming ulat tungkol sa UFO kaysa anumang iba pang bagay. . . .

“Kusang kinikilala ngayon ng modernong mga radar sa paliparan ang lahat ng sasakyang panghimpapawid sa kanilang dako . . . Habang ang mga radar ay nagiging mas masalimuot at nagiging mas wasto sa pagkilala sa mga sasakyang panghimpapawid at sa pag-aalis sa mga pinagmumulan ng kamalian, ang bilang ng mga report ng radar tungkol sa UFO ay bumaba halos tungo sa sero. Mangyari pa, kung tunay ang mga UFO, maaasahan ng isa . . . na paramihin ng modernong radar ang bilang ng nakikitang mga UFO sa radar. . . .

“Sa loob halos ng apatnapung taon ng imbestigasyon, wala ni isang kapani-paniwalang larawan ng UFO ang nakuha at wala ni isang piraso ng tunay na mga labí o iba pang pisikal na katibayan ang nasumpungan. Ang kahanga-hangang-tunog na mga pagkakita ay iniuulat sa taun-taon at, sa taun-taon, kapag maingat na sinuri, ang mga ito ay naglalaho sa gitna ng maling pagkaunawa, maling pagkakilala, at mga panlilinlang.”​—Pseudoscience and the Paranormal, ni Terence Hines.

“Karamihan ng problema ay nagmumula sa bagay na ang langit ay nagtatanghal ng halos walang-katapusang pagkasarisari ng di karaniwang mga tanawin at mga bagay, na ilan lamang ang naeengkuwentro ng isang tao sa kaniyang buong buhay. At kapag nangyari ito, baka siya mailigaw sa pag-aakalang nakakita siya ng isang bagay na pambihira​—sa halip na di karaniwang bagay lamang. . . .

“Bihirang ang anumang paksa ay punung-puno ng dayà, histirya, panloloko, relihiyosong pagkahibang, kawalang-kaya, at higit sa lahat ng hindi mabuting mga katangian ng tao.”​—The Promise of Space, ni Arthur C. Clarke.

“Nais kong makitang nakasulat ang malalim na mga pananalitang ito sa pintuan ng lahat ng templo ng siyensiya: ‘Malaking kasiraan ng isip na maniwala sa isang bagay dahil lamang sa nais maniwala ng isa.’”​—Louis Pasteur, ika-19 siglong siyentipikong Pranses.

[Larawan sa pahina 8]

Depende sa anggulo ng pagkakita, ang mga lobo na nag-aanunsyo sa gabi, mga eruplano, at mga helikopter ay maaaring maling makita bilang mga UFO

[Credit Line]

Nite Sign, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share