Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Gawin Kaya Akong Maygulang ng Isang Trabaho Pagkatapos ng Klase?
DALAWA sa tatlo—ganiyan karaming tinedyer sa Estados Unidos ang kasalukuya’y nagtatrabaho. At sila ay nakapagtala ng mula 16 hanggang 20 oras sa isang linggo sa paggawa ng gayon!a
Bakit napakaraming kabataan ang nagdadagsaan sa mga trabaho? Ganito ang sabi ng 16-anyos na si Brian: “Sa aking kalagayan kailangan kong [magtrabaho]. Ang aking ina at ama ay nagdiborsiyo, at kailangan kong tulungan si inay sa anumang paraang magagawa ko.” Maraming pamilya ang nangangailangan ng gayunding tulong sa kabuhayan. At kahit na kung ang isang kabataan ay hindi tuwirang nakatutulong sa mga gastusin sa bahay, kung siya na ang bumibili ng kaniyang sariling damit o iba pang personal na bagay, lubhang mababawasan ang ilang kagipitan sa buhay ng kaniyang mga magulang.
Totoo, maraming kabataan ang nagtatrabaho upang pagbigyan ang kanilang hilig sa mamahaling damit, sapatos, o pagkain. Subalit para sa ibang kabataan, ang isang trabaho ay pangunahin nang nangangahulugan ng isang malaking hakbang tungo sa pagkamaygulang. Ganito ang sulat ng 19-anyos na si Suzanne sa magasing Seventeen: “Ako’y nagtatrabaho sapagkat nasisiyahan ako’t nasasapatan ko ang aking sarili. Hindi ko na kailangang umasa sa aking mga magulang. . . . Maaaring bigyan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng pera, subalit hindi nila mabibigyan ang mga ito ng kasiyahan na nagmumula sa mga bagay na kinikita.” At marahil ganiyan din ang nadarama mo—na ang pagkakaroon ng isang trabaho ay magiging isang mabuting karanasan, na tutulong ito sa iyo na mas mabilis tumungo sa pagkamaygulang. Ngunit gayon nga ba?
Pagtatrabaho—Mga Pakinabang
Hinahatulan ng Bibliya ang katamaran. “Ang tamad ay nagnanasa, ngunit ang kaniyang kaluluwa ay walang anuman,” sabi ng Kawikaan 13:4. “Datapuwat, ang kaluluwa mismo ng masipag ay tataba.” Kaya kung talagang may kailangan ka na nagkakahalaga ng higit kaysa handa, o kayang bilhin ng iyong mga magulang, ang ideya ng pagtatrabahong masikap upang mabili mo ito ay maaaring may kabutihan.
Sabi pa ng marami na ang pagtatrabaho ay maaaring magturo sa isang kabataan tungkol sa buhay sa tunay na daigdig. Sina Ellen Greenberger at Laurence Steinberg ay gumawa ng malawakan at lubhang nailathalang pananaliksik tungkol sa paksa ng nagtatrabahong mga kabataan. Nasumpungan nila na ang mga kabataang iyon ay “natututo tungkol sa pagpapatakbo ng negosyo, pangangasiwa sa salapi, at pagtutuos.” Maaari ring ilantad ng trabaho ang isang kabataan hindi lamang sa karanasan ng pagtatrabahong kasama ng mga adulto kundi gayundin sa mga panggigipit at mga pananagutan ng adulto. Maaari niyang matutuhan kung papaano magtatrabaho sa ilalim ng isang amo na “mahirap pakitunguhan” o sumpungin, o kung papaano makikitungong may kabaitan sa nagagalit na mga parokyano—at mga katrabaho. (1 Pedro 2:18) “Ako ang pinakabata sa trabaho,” gunita ni Anthony, “kaya pinahirapan nila ako. Subalit natutuhan kong makibagay sa mga tao.”
Ang pagtatrabaho ay maaari ring magturo sa isang kabataan ng mga kasanayan at mga ugali sa pagtatrabaho, gaya ng pagiging nasa oras, na magiging kapaki-pakinabang sa dakong huli ng buhay. (Ihambing ang Kawikaan 22:29.) “Naging responsable ako,” sabi ng isang binatang nagngangalang Eric. “Ang pagtatrabaho sa aking tiyo ay nagturo sa akin kung papaano gagawa ng de kalidad na trabaho,” susog ni Duane. “Idiniin niya ang kaayusan, at kung may lumabas na hindi maganda, inuulit namin ito.” Ganito pa ang sabi ni Olga, na nagtrabaho bilang sekretarya samantalang nag-aaral: “Nagkaroon ako ng mahusay na karanasan sa trabaho. At palibhasa’y marami akong kinakausap sa telepono natutuhan ko ang paggamit ng mahusay na pananalita.”
Ang pagtatrabaho ay maaari ring magturo sa iyo na ipagkapuri ang iyong nagawa. Sabi ng pantas na Haring Solomon: “Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang pagpapagal. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng tunay na Diyos.”—Eclesiastes 2:24.
Gaano Talaga ang Natututuhan ng Isa?
Gayumpaman, marami ang naniniwala na ang mga trabaho ngayon ay kaunti lamang ang nagagawa upang tulungan ang isang kabataan na maging maygulang. Noon, ang mga kabataang nagtatrabaho ay natututo ng isang hanapbuhay o sa paano man ay ng ilang kapaki-pakinabang na mga kasanayan sa trabaho. Gayunman, ngayon, maraming kabataan (lalo na sa Estados Unidos) ang nagtatrabaho sa fast-food na mga restauran o iba pang industriya ng paglilingkod kung saan ang trabaho ay binubuo ng mga atas na gaya ng paglalagay ng mga hamburger sa mga kahon o pagpapasok ng benta sa mga cash register. Kinukuwestiyon ng marami ang pangmatagalang halaga ng gayong trabaho. Sina Greenberger at Steinberg ay nagdadalamhati: “Ang katamtamang kabataan ay gumugugol ng wala pang 10 porsiyento ng kaniyang panahon sa trabaho—halos limang minuto ng bawat oras—sa mga gawain na gaya ng pagbabasa, pagsulat, at aritmetik. . . . Karamihan ng mga trabaho ay kakikitaan ng kaunting pagkakaiba, lubhang rutinang gawain, at patuloy na pag-uulit ng hindi kawili-wiling mga atas.”
Ganito ang sabi ng isang artikulo sa The Wall Street Journal: ‘Marami sa mga nagtatrabahong tinedyer ngayon ay walang gaanong natututuhang kapaki-pakinabang kundi basta magpakita. Ginawa sila ng teknolohiya na parang mga robot. Mga checkout scanner at modernong mga cash register ang tagatuos ng halaga at sukli para sa kanila. Sa mga kainang fast-food, ang automatik na mga lutuang may orasan ay nag-aalis ng huling posibilidad na ang isang tinedyer ay matuto ng mga kasanayan sa pagluluto.’ Ang mga trabahong iyon ay tiyak na maglalaan ng kinakailangan at mahalagang paglilingkod. Gayunman, maaaring makatulong ito nang kaunti upang sangkapan ang isang kabataan para sa adultong trabaho.
Subalit kumusta naman ang tungkol sa mga karanasan ng pagtatrabahong kasama ng mga maygulang? Sabi nina Greenberger at Steinberg: “Ang dako ng trabaho kung saan nagtatrabaho ang mga kabataan ay naging higit at higit na nababahagi-sa-edad. Sa halip na magtrabahong kasa-kasama ng mga maygulang, . . . ang mga kabataan ngayon ay malamang na magtrabahong kasama ng ibang kabataan.” Tinatawag na The Wall Street Journal ang gayong mga lugar ng trabaho na “adolescent ghettos.”
“Napakaagang Kasaganaan”
Maraming kabataan sa Estados Unidos ang kumikita ng mahigit $200 isang buwan sa kanilang mga trabaho. Hindi ba magiging isang mahalagang karanasan ang paghawak ng perang ito? Isaalang-alang ang surbey sa nagtatrabahong mga estudyante sa high school mula sa mahigit na isang libong iba’t ibang paaralan. Natuklasan na tatlong-kapat sa kanila ang walang ibinibigay para sa gastusin ng pamilya! Halos 60 porsiyento sa kanila ang walang itinatabing pera! Walang iniintinding babayarang upa sa bahay, seguro, at pagkain, ginagamit ng karamihan ang kanilang kita bilang pocket money—upang gastusin ayon sa gusto nila.
Si Jerald G. Bachman ng The Institute for Social Research ay nagsasabi na kapag “ang mga tinedyer ay maraming perang magagastos nila,” ito ay “napakaagang kasaganaan,” o kayamanan. Bakit gayon? Ganito ang paliwanag ni Bachman: “Maraming estudyante sa high school ang may mga badyet para sa maluluhong bagay na maaaring hindi nila kayang tustusan pagkalipas ng limang taon, kapag ang kanilang mga kita ay gagamitin upang bayaran ang hindi luhong mga bagay na gaya ng pagkain at upa sa bahay.” Oo, sa halip na turuan ang kabataan ng pananagutan sa pananalapi, ang pagkakaroon ng maraming pera ay kabaligtaran ang itinuturo. Maaari itong lumikha ng isang di-makatotohanang hilig sa luho at gawing mas mahirap ang pakikibagay sa tunay na daigdig ng pagkamaygulang.
Ipinakikita pa ng Bibliya na ang pagpapakapagod para sa kayamanan ay walang kabuluhang gawain. Sabi nito: “Huwag kang magpakahirap sa pagyaman. . . . Iyo bang itinitig ang iyong mga mata rito, nang ito’y wala? Sapagkat walang pagsalang ito’y nagkakapakpak na gaya ng agila at lumilipad patungong langit.”—Kawikaan 23:4, 5.
Kung baga ang isang trabaho ay magiging isang mahalagang karanasan sa ikatututo ay depende sa uri ng trabahong nasasangkot, ang uri ng mga taong kasama mo sa trabaho o pinagtatrabahuan, at kung paano mo ibinabagay ang iyong sarili sa trabaho. Ang iyong motibo sa pagtatrabaho at kung paano mo pinangangasiwaan ang perang iyong kinikita ay mahalaga rin sa kung baga ang pagtatrabaho ay nakatutulong o nakapipinsala sa iyo.
Subalit kung talagang interesado ka sa iyong pagsulong sa pagkamaygulang, pansinin ang hinuha nina Greenberger at Steinberg: ‘May makukuhang mga gawain na maaaring maging mas kapaki-pakinabang kaysa pagtatrabaho. Kabilang sa mga gawaing ito ang pagbabasa at pag-aaral sa labas ng klase at pagkakaroon ng pananagutan sa walang-bayad na gawaing pagbuboluntaryo o paglilingkod sa pamayanan.’ Si Nina, halimbawa, ay gumagawa ng pinakamahalagang paglilingkod sa pamayanan pagkatapos ng klase bilang isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Sabi niya: “Isinaayos ko ito sa aking guidance counselor na magkaroon ng maikling araw sa paaralan upang makalabas ako sa eskuwela bago magtanghali. Ako’y lumalabas sa gawaing pangangaral sa madla Lunes hanggang Miyerkules. Gustung-gusto kong gawin ito. Talagang naiibigan ko ito!” Ipinahihintulot ba ng iyong iskedyul at personal na kalagayan na gawin mo rin ang gayon? Ang pagkakaroon ng “maka-Diyos na debosyon” sa ganitong paraan ay tiyak na mas kapaki-pakinabang kaysa pagpasok sa trabaho!—1 Timoteo 4:8.
Subalit baka ang ilang kabataan ay maaaring magnais, o mangailangan, na magtrabaho sa pinansiyal na mga kadahilanan. Tatalakayin ng susunod na mga artikulo ang mga bentaha at disbentaha ng paggawa ng gayon.
[Talababa]
a Ang dumaraming bilang ng nagtatrabahong mga estudyante ay tinatawag na “isang palatandaang natatangi sa mga Amerikano.” (When Teenagers Work, ni Ellen Greenberger at Laurence Steinberg) Mas maraming akademikong pabigat ang inilalagay sa mga kabataan sa ibang bansa, at kadalasang mahirap makakita ng trabaho. Gayumpaman, ang artikulong ito ay tiyak na kawili-wili sa maraming kabataan sa mga bansa kung saan umiiral ang mga pagkakataon sa trabaho. Tatalakayin ng artikulo sa hinaharap ang kalagayan sa nagpapaunlad na mga bansa.
[Larawan sa pahina 26]
Maaaring turuan ng isang trabaho ang isang kabataan kung paano makitungo sa mga maypatrabaho at mga katrabaho sa maygulang na paraan