Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat ba Akong Magtrabaho Pagkatapos ng Klase?
“Gumising!”: Ano ang nag-udyok sa iyo na magtrabaho pagkatapos ng klase?
Eric: Nakatira ako sa amin, at nais kong tulungan ang aking mga magulang sa pinansiyal na paraan.
Olga: Pagsasarili. Nais ko ng sarili kong pera.
Michelé: Tumatanggap na ako ng alawans, subalit nais kong magkaroon ng karanasan sa trabaho.
Duane: Hindi ako nagtatrabaho dahil sa salapi. Nagtatrabaho ako upang tulungan ang aking tiyo na ang negosyo ay pagpipinta, pagkakantero, at iba pa.
Anthony: Nagtrabaho ako sapagkat nais kong makabili ng mga damit.
“Gumising!”: Hindi ka ba binibilhan ng mga damit ng nanay mo?
Anthony: Hindi niyaong mga klase ng damit na gusto ko.
NAG-IISIP ka rin bang magtrabaho pagkatapos ng klase? Marahil nais mo lamang na magkaroon ng karagdagang pocket money, at ang trabaho ay waring siyang pinakamadaling paraan upang kamtin ito.
Ang isang trabaho ay may mga bentaha.a Maaaring turuan nito ang isang kabataan ng pananagutan. Maaari itong magbigay ng mahalagang karanasan at kapaki-pakinabang na mga kasanayan. Gayumpaman, hindi lahat ng mga aspekto ng pagtatrabaho ay kapaki-pakinabang, at bago kumuha ng isang trabaho, dapat na maingat mong tantiyahin ang halaga.—Ihambing ang Lucas 14:28; 1 Corinto 10:23.
Ano ang Gagawin Ko sa Pera?
Maraming kabataan ang nagtatrabaho upang paglaanan ang kanilang mga magulang ng kinakailangang pinansiyal na tulong. Gayunman, sabi ng guro sa high school na si David L. Manning na “ang pangunahing motibo sa pagkuha ng part-time na trabaho ay waring upang masunod ang layaw ng sarili.” Oo, karamihan ng kinikita ng mga tinedyer ay nakatalaga, hindi upang mag-impok o para sa mga gastusin ng pamilya, kundi para sa mga bagay na luho, mula sa kompletong sistema ng stereo at mga tiket sa konsiyerto hanggang sa mamahaling mga sneaker. Sa kalaunan, ang kinitang pera ay kadalasang nasayang na pera.
“Ano ang ginawa ko sa aking pera?” tugon ng kabataang si Michelé nang tanungin ng isang reporter ng Gumising! ang isang pangkat ng mga kabataan sa kung ano ang ginawa nila sa perang kanilang kinita sa kanilang trabaho. “Hindi ko alam,” sabi niya. “Wala akong naipon. Sa palagay ko nagastos ko ito sa paglabas-labas. Sine—nanonood ako tuwing dulo ng sanlinggo. At mga sapatos. Ang hilig ko ay sapatos. Nagbayad ako ng hanggang $250 para sa isang pares.” Gayundin ang sagot ng kabataang si Olga: “Sa palagay ko ay ginagasta ko ang lahat ng pera ko. Mientras mas marami kang kinikita, mas malakas kang gumasta. Pero hindi ko alam kung saan ito napunta.”
“Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat niyang pagpapagal na kaniyang ginagawa sa ilalim ng araw?” tanong ni Solomon. (Eclesiastes 1:3) At kung walang maliwanag na dahilan para sa pagtatrabaho, kung walang tiyak na plano sa kung paano mo gagamitin—o iipunin—ang perang iyong kinikita, ang iyong pagpapagal ay maaaring maging bigo, walang saysay.b ‘Ngunit ano ba ang masamâ sa basta paggasta sa mga bagay na gusto ko?’ maitatanong mo.
Isang bagay ang magtrabaho para sa tunay na mga pangangailangan. Subalit ang pagpapagal nang husto para sa walang halagang mga kagustuhan ay isang silo. Maaari itong lumikha ng masamang gana sa materyal na mga bagay. (Ihambing ang 1 Timoteo 6:8, 9.) Maaari nitong palakihin ang makasarili, maka-akong espiritu na salungat sa Kristiyanong espiritu ng pagbibigay. (Gawa 20:35) Kaya bago magtrabaho, hindi ba pinakamabuting alamin kung talaga bang kailangan ito?
Paaralan at Trabaho
Isa pang bagay na dapat isaalang-alang ay ang epekto ng pagtatrabaho sa iyong pag-aaral. “Sino man ay hindi makapaglilingkod sa dalawang panginoon,” sabi ni Jesus. (Mateo 6:24) Ang simulaing ito ay kumakapit sa maraming estudyante na nasusumpungan ang kanilang mga sarili na naiipit sa pagitan ng paaralan at trabaho.
Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga kabataang nagtatrabaho ay malamang na lumiban sa eskuwela kaysa roon sa mga hindi nagtatrabaho. At kapag sila’y naroroon, sila ay kadalasang hindi nag-iintindi. “Lumalabas ako ng klase sa tanghali at nagtatrabaho ako bilang sekretarya mula ala-una hanggang alas singko,” sabi ng kabataang si Olga. Ang epekto? “Ako’y pagod. Ang paaralan at trabaho ay nakapapagod.” Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang marka ng maraming estudyante ay bumababa pagkatapos nilang magsimulang magtrabaho. Ang iba pa nga ay bumabagsak.
“Kailangan kong pumasok sa summer school,” gunita ni Anthony, na bumagsak sa klase samantalang nagtatrabaho sa isang pabrika pagkatapos ng klase. Gayunman, patuloy pa rin sa pagtatrabaho si Anthony noong buong tag-araw. Ang resulta? “Bumagsak din ako sa summer school at kailangan kong ulitin ang isang grado.” Totoo, may ilang matatalinong estudyante na napananatili ang matataas na marka. Gunita ni Michelé: “Makikinig ako sa aking guro, uunawain ang sinabi niya, at ako’y nakakapasa. Hindi ko na kailangang mag-aral pa.” Gayunman, malaki ang kaibhan sa pagitan ng basta makapasa lamang sa eskuwela at ng buhos ang isip na talagang matuto.—Ihambing ang 1 Timoteo 4:15.
Kung nag-iisip kang magtrabaho, tanungin mo ang iyong sarili: ‘Mabibigyan ko kaya ng pansin ang aking araling-bahay? Magkaroon kaya ako ng sapat na pahinga at tulog?’ (Eclesiastes 4:6) Depende ito sa uri at iskedyul ng trabaho. Subalit kung ang trabaho ay nakahahadlang sa iyong pag-aaral, talaga bang sulit ito?
Trabaho at ang Iyong Pamilya
Isaalang-alang din ang epekto ng trabaho sa iyong kaugnayan sa mga miyembro ng pamilya. “Ipinakikita ng amin mismong mga pag-aaral . . . na ang mga tinedyer na nagtatrabaho ay gumugugol ng kaunting panahon sa mga gawain ng pamilya kaysa mga kaedad nila na hindi nagtatrabaho,” sabi ng mga mananaliksik na sina Laurence Steinberg at Ellen Greenberger. Halimbawa, “maraming kabataang nagtatrabaho ang nag-uulat na sila’y hindi madalas na nakakasalo ng kanilang pamilya sa hapunan (sa gayo’y naiwawala nila ang isa sa ilang panahon sa isang araw kung saan ang mga magulang at mga anak ay nagbabalitaan ng gawain ng isa’t isa).”
Ang mga oras ng pagkain ay mahalagang bahagi ng buhay pampamilya sa panahon ng Bibliya at patuloy na gayon sa gitna ng bayan ng Diyos ngayon. (Ihambing ang Kawikaan 15:17.) Sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, maraming pamilya ang nag-uusap-usap tungkol sa espirituwal na mga bagay sa panahon ng almusal o hapunan. Ang pagkakaroon ba ng trabaho pagkatapos ng klase ay hahadlang sa iyo upang makisali?
Ang mga kabataang nagtatrabaho ay maaari ring makadama na hindi na nila kailangang umasa pa sa kanilang mga magulang. Ang iba’y nangangatuwiran pa man din na yamang mayroon na silang sariling pera, hindi na nila kailangang pasakop pa sa kanilang mga magulang. Gayunman, ang pagkakaroon ng suweldo ay hindi nagbibigay-laya sa iyo mula sa iyong maka-Kasulatang obligasyon na ‘dinggin ang disiplina ng isang ama’ o sundin ang ‘kautusan ng iyong ina.’ (Kawikaan 1:8) Halimbawa, ang iyong mga magulang ay may lahat ng karapatan upang alamin kung magkano mula sa iyong pinaghirapang salapi ang dapat magtungo sa gastusin ng pamilya. Tutal, halos lahat ng kanilang pera ay doon nga napupunta.
Kung ikaw ay desididong magtrabaho, bakit hindi ipakita ang iyong pagkamaygulang at ang iyong interes sa kapakanan ng pamilya sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyong mga magulang kung magkano ang maaari mong iabuloy para sa gastusin ng pamilya?
Ang Iyong Trabaho at ang Iyong Espirituwalidad
Ang pinakamahalaga sa lahat na dapat isaalang-alang ay ang maaaring maging epekto ng pagtatrabaho sa iyong espirituwalidad. Iniulat nina Steinberg at Greenberger na ang pagkalantad sa lugar ng trabaho ay malimit nagbubunga sa paraang ang mga kabataan ay nagkakaroon ng ‘lihis na pag-uugali,’ gaya ng pagnanakaw sa trabaho o pagdaraya sa paaralan. Ang ilang kabataan ay napadadaig sa panggigipit ng mga kasama at nagbibigay ng ilegal na diskuwento sa—o nagnanakaw pa nga para sa—mga kaibigan. Ang panggigipit sa trabaho (at pagkakaroon ng handang salapi) ay nagtutulak sa mga kabataan tungo sa pag-aabuso sa alak at droga.
Totoo, dahil mayroon kang mga simulaing Kristiyano, hindi mo maiisip kailanman na gawin ang mga bagay na iyon. Gayunman, ang pagkakaroon ng trabaho ay maglalantad sa isang kabataan sa “masasamang kasama” nang gayon na lamang. (1 Corinto 15:33) Handa ka bang harapin ang gayong panggigipit? Samantalang nasa paaralan, ikaw ba’y ‘nakalakad na may karunungan sa mga nasa labas’ sa pamamagitan ng pag-iwas sa masasamang kasama? (Colosas 4:5) Kung ikaw ay kinakitaan na ng mga kahinaan may kinalaman dito, talaga bang handa ka nang harapin ang higit pang panggigipit sa lugar ng trabaho?
Ang isang mahirap na iskedyul sa trabaho ay magpapahirap din sa iyo na sundin ang rutinang Kristiyano ng mga pulong, personal na pag-aaral ng Bibliya, at pakikibahagi sa ministeryong Kristiyano. “Hindi ko nadadaluhan ang mga pulong sapagkat pagod na ako sa maghapong pag-aaral at pagtatrabaho,” sabi ni Michelé.
Sa gayon ang pagpapasiya kung magtatrabaho pagkatapos ng klase ay isang seryosong bagay. Kailangang bigyan ng maingat na pag-iisíp ang lahat ng mga salik na nasasangkot. Ipakipag-usap ang mga bagay-bagay sa iyong mga magulang o sa isang maygulang na Kristiyano. Kung talagang kailangang magtrabaho, magsikap na mabuti na maging timbang. Magsaayos ng isang iskedyul na magpapahintulot sa iyo na mabigyan ng sapat na atensiyon ang iyong pag-aaral at espirituwal na pagsulong. Kung iyon ay imposible, umisip ng ibang paraan upang kumita ng salapi. Marahil may mga pangunahing proyekto sa tahanan na maaaring ipagawa ng iyong mga magulang at bayaran ka. Ang ilang mga kabataan ay nagsisimula sa maliliit na mga trabaho, gaya ng paggugupit ng mga damo o pag-aalaga ng bata, na doo’y kumikita sila kung kailan sila maluwag.
Ngunit papaano naman ang mga kabataan sa mas mahihirap na lupain na walang mapagpipilian kundi ang magtrabaho? Ang isang artikulo sa hinaharap ay tatalakay sa kanilang kalagayan.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Gawin kaya Akong Maygulang ng Isang Trabaho Pagkatapos ng Klase?” sa aming naunang labas.
b Tingnan ang Disyembre 22, 1988, at Enero 22, 1989, na mga labas ng Gumising! para sa mga mungkahi sa pangangasiwa ng pera.
[Blurb sa pahina 16]
“Ang pangunahing motibo sa pagkuha ng part-time na trabaho ay waring upang masunod ang layaw ng sarili”
[Larawan sa pahina 15]
Ikaw ba’y naghahanapbuhay upang mabayaran ang mga matuwid na gastusin o upang matugunan ang pag-ibig sa materyal na mga bagay?