Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g91 1/8 p. 19-21
  • Dapat ba Akong Magtrabaho Samantalang Nag-aaral?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Dapat ba Akong Magtrabaho Samantalang Nag-aaral?
  • Gumising!—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Sila Nagtatrabaho
  • Pagtantiya sa Halaga
  • Pananatiling Timbang
  • Dapat ba Akong Magtrabaho Pagkatapos ng Klase?
    Gumising!—1990
  • Paano Ako Makapaghahanda Para sa Daigdig ng Trabaho?
    Gumising!—1991
  • Maging Handa sa Espirituwal sa Paaralan
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1987
  • Gawin Kaya Akong Maygulang ng Isang Trabaho Pagkatapos ng Klase?
    Gumising!—1990
Iba Pa
Gumising!—1991
g91 1/8 p. 19-21

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Dapat ba Akong Magtrabaho Samantalang Nag-aaral?

ANG mga araw ng eskuwela ay magawain para sa karamihan ng mga kabataan. Ang pagtuturo sa klase ang kumukuha ng malaking bahagi nito araw-araw. Ang mga araling-bahay at pag-aaral ay kumukuha rin ng maraming panahon sa gabi. At sa pagitan niyan ay napakaraming gawain sa bahay ang nangangailangan ng pansin.a

Sa mga bansa sa Kanluran ang mga kabataang nag-aaral ay karaniwang nananabik sa mga dulo ng sanlinggo bilang panahon ng katuwaan at pamamahinga. Subalit sa maraming bahagi ng daigdig, ang mga dulo ng sanlinggo ay hindi pamamahinga. Sa kabukiran ng Aprika, halimbawa, kadalasang ginugugol ng mga kabataan ang kanilang mga dulo ng sanlinggo sa pagtulong sa kanilang mga magulang sa bukid, pinagbabayaran ang panahong nawala noong linggo ng kanilang pag-aaral. At sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, ang mga kabataan ay may karagdagang pananagutan na pakikibahagi sa bahay-bahay na gawaing pangangaral at pagtungo sa mga pulong Kristiyano.​—Hebreo 10:23-25.

Kaya malamang na hindi na gugustuhin ng mga kabataang Aprikano na kumuha pa ng karagdagang pasanin ng isang sekular na trabaho. Subalit marami sa mga kabataang iyon ay nagtatrabaho at sa iba’t ibang paraan: nagsasaka ng kani-kanilang bukid at nagtitinda ng mga ani, naghahabi ng tela sa pamamagitan ng mga panghabing-kamay, o gumagawa ng mga basket upang ipagbili sa palengke. Ang iba pa ay nangingisda, nagtitinda ng diyaryo, at namimitas o nagtitinda ng prutas.

Kaya nga, bakit nagtatrabaho ang mga kabataang ito? Nangangahulugan ba ito na ikaw man ay dapat magtrabaho?

Kung Bakit Sila Nagtatrabaho

Ang ilang kabataan ay talagang napipilitang magtrabaho dahil sa mga kalagayang wala silang magagawa, gaya ng kamatayan ng isang magulang. (Ito’y maaaring mangahulugan na walang magpapaaral sa isang kabataan.) Sa kabilang dako, ang ibang kabataan ay nagtatrabaho upang magkaroon ng kalayaan mula sa kanilang mga magulang.

Kunin halimbawa si Kofi, isang binata sa Ghana. Samantalang nasa teknikal na paaralan, siya’y nagtatrabaho bilang isang katulong sa bukid dalawang oras araw-araw pagkatapos ng klase.b Sabi ni Kofi: “Ang aking mga magulang ang naglaan ng aking mga pangangailangan noong nag-aaral ako sa elementarya. Ngunit ayaw kong palaging umasa sa kanila sa bawat pangangailangan ko. Kaya nagsimula akong magtrabaho. Mas maligaya ako sapagkat ako’y nakabibili ng aking sariling mga kagamitan sa pagsulat at may naibabayad ako sa pasahe patungong paaralan.”

Ang kapatid na lalaki ni Kofi na si Moses ay nagtrabaho rin. Samantalang nasa paaralang sekondarya, si Moses ay pribadong nagtuturo sa mga batang mag-aaral. Samantalang ang kita ni Kofi ay sapat lamang para ipambayad ng kaniyang mga pangangailangan, ang ilan sa pera ni Moses ay nagtutungo sa gastusin ng kaniyang pamilya. Bakit? Galing sa isang pamilya ng walong anak, katuwiran niya: “Ang pagtatrabaho ko ng part-time ay nagdulot ng kaunting ginhawa sa aking mga magulang sa pangangalaga sa mga pangangailangan ng aking iba pang mga kapatid na lalaki at babae.” Inaamin din niya ang pagkadama ng kasiyahan dahil nabibili niya ang mga bagay para sa kaniyang sarili.

Ang pagtulong sa mga magulang sa pinansiyal na paraan kung saan may talagang pangangailangan ay maaaring maging isang paraan ng pagbibigay-galang sa kanila. (Efeso 6:1, 2) Gayunman, kasabay nito, wala namang masama sa pagtatrabaho upang magkaroon ng sariling pera na magagamit ng isa.

Maaaring malaki rin ang nagagawa ng pagtatrabaho upang makadama ng pananagutan ang isang kabataan. Maaari rin itong tumulong sa isang kabataan na magpakadalubhasa sa mga kasanayan na magagamit sa dakong huli sa pagsuporta ng pamilya. Si Jesu-Kristo mismo, halimbawa, ay maliwanag na natuto ng pagkakarpintero sa pagtrabahong kasama ng kaniyang kumukupkop na ama bilang isang kabataan. (Mateo 13:55; Marcos 6:3) Gayumpaman, “ang natitirang panahon ay pinaikli” para sa sanlibutang ito, at titiyakin ng matalinong kabataan na ang kaniyang panahon ay kapaki-pakinabang na ginagamit. (1 Corinto 7:29; Efeso 5:16) Kaya bago magtrabaho, dapat mong timbangin ang lahat ng mga salik na nasasangkot​—pati na ang iyong sariling mga motibo.

Pagtantiya sa Halaga

Ang ilang katanungan na maaari mong isaalang-alang ay: Talaga bang kailangan o gusto ng aking mga magulang ang pinansiyal na tulong? O handa ba nilang pagkasiyahin ang kaunting kita upang maasikaso ko ang aking gawain sa eskuwela at ang aking espirituwal na pagsulong? Talaga bang kailangan ko ng ekstrang pera, o ako ba’y tumutugon sa “pita ng laman at sa pita ng mata at sa mapasikat na pagtatanghal ng kabuhayan”?​—1 Juan 2:16.

Ang pantas na taong si Solomon ay nagsabi: “Nalaman ko rin kung bakit ang mga tao’y nagpapagal upang magtagumpay: ito’y dahilan sa naiinggit sila sa mga bagay na mayroon ang kanilang kapuwa. Ngunit ito’y walang kabuluhan. Tulad ito ng paghabol sa hangin. . . . Mas maiging magkaroon ng kaunti, na may kapayapaan ng isip, kaysa maging abala sa lahat ng panahon, sinisikap habulin ang hangin.”​—Eclesiastes 4:4-6, Today’s English Version.

Ang isa pang salik na dapat isaalang-alang ay ang maaaring maging epekto ng pagtatrabaho sa iyong pag-aaral. Ganito ang gunita ni Kofi, na nabanggit kanina: “Noong unang taon ko sa teknikal na paaralan nang ako’y walang sekular na trabaho, ang aking akademikong paggawa ay katangi-tangi. Pagkatapos dumating ang ikalawang taon nang magsimula akong magtrabaho, at ang mga marka ko ay nagsimulang bumaba. Nakakaya ko pa ring maging mataas sa kainaman, subalit nakapapagod.” Kapansin-pansin, nasumpungan ng isang pananaliksik na pag-aaral na isinagawa sa Estados Unidos na “ang pagtatrabaho ay umaakay sa paghina sa paggawa sa paaralan at binabawasan ang pagkasangkot ng adolesente sa paaralan.”

Naalaala mo ba ang kapatid ni Kofi na si Moses, na nagtatrabaho bilang pribadong guro? Sabi niya: “Malibang ang isa’y maging napakaingat, ang isa ay maaaring kumuha ng higit pang estudyante kaysa maaaring turuan sa loob ng limitadong panahon.” Si Mawuli, isa pang lalaking Aprikano, ay part-time na nagtatrabaho bilang isang mangingisda. Sabi niya: “May matinding tukso kapag may malaking huli sa dalampasigan. Ang udyok ay iwan ang mga aklat at umalis at kumita ng higit na salapi. Gayon ang ginawa ng maraming kabataang lalaki sa nayon at huminto sa pag-aaral.”

Maaari ring ubusin ng paaralan at trabaho ang lakas ng kabataan hanggang sa punto na lubhang maapektuhan siya sa espirituwal. Baka mahirapan siyang dumalo sa mga pulong Kristiyano o magtuon ng isip samantalang naroroon. Ang personal na pag-aaral ng Bibliya at salig-Bibliya mga publikasyon ay maaaring mapabayaan.

Pananatiling Timbang

Gayumpaman, pagkatapos timbangin ang lahat ng mga salik, ikaw at ang iyong mga magulang ay maaaring magpasiya na ang iyong pagpasok sa isang uri ng trabaho ay magiging kapaki-pakinabang. Paano mo magagawa ang pinakamahusay ayon sa kalagayan?

Ang disiplina-sa-sarili ay mahalaga. Binabanggit ni apostol Pablo ang tungkol sa kaniya mismong mga pagsisikap, na ang sabi: “Hinahampas ko ang aking katawan at aking sinusupil.” (1 Corinto 9:27) Mangangailangan ng disiplina-sa-sarili para sa iyo na mag-impok​—at huwag lustayin​—ang perang iyong kinita. Mangangailangan din ng disiplina-sa-sarili upang magamit mo ang iyong nalalabing panahon nang wasto. Mangyari pa, ang pamamahinga at sapat na pahinga ay may kani-kaniyang dako at maaaring pagbutihin ang produktibong paggawa. Subalit mag-ingat na ang mga libangan at aliwan ay hindi inaagaw ang panahon para sa araling-bahay at pati sa espirituwal na mga bagay.

Kakailanganin mo kung gayon na gumawa ng isang makatotohanang iskedyul ng mga panahon ng pag-aaral​—at sundin ito. Halimbawa, makabubuting simulan ang iyong araling-bahay pagdating na pagdating mo galing sa trabaho, huwag patagalin pagkatapos ng hapunan kapag ikaw ay inaantok na. Pinipili naman ng iba na matulog nang maaga at mag-aral pagkagising sa umaga. Anuman ang kalagayan, gawing mabunga hangga’t maaari ang iyong mga panahon ng pag-aaral. Iwasang magpatugtog ng musika o mapasangkot sa iba pang umaagaw ng pansin. Ang iyong araling-bahay ay maaari ring maging madali kung bibigyan mo ng pansin ang iyong pakikinig sa klase, kumukuha ng nota tungkol sa mahahalagang punto at umaalalay na mga detalye.​—Ihambing ang Lucas 8:18.

Gayunman, ang pinakamahalaga sa lahat ay ang iyong espirituwal na mga pangangailangan. (Mateo 5:3) Upang ang mga ito’y matugunan, dapat ka rin maglaan ng panahon para sa personal na pag-aaral ng Bibliya, para sa mga pulong Kristiyano, at sa pakikibahagi sa ministeryo sa madla. Oo, ang pagtatrabaho at pag-aaral ay humihiling ng maingat na pansin. Subalit kung kailangang gawin mo ito kapuwa, unahin mo ang espirituwal na mga bagay. Manalangin nang walang patid sa Diyos na Jehova na tulungan kang mapanatili ang iyong espirituwal na pagkakatimbang. Kung isang trabaho, karagdagan sa pag-aaral, ang napagpasiyahan, mapatitibay ka niya na manindigan sa mga panggigipit ng kalagayan.​—Isaias 40:29-31.

[Mga talababa]

a Ang artikulong ito ay pangunahin nang tumatalakay sa kalagayang nakakaharap ng mga kabataan sa nagpapaunlad na mga bansa. Gayumpaman, ang mga mungkahing ibinibigay rito ay batay sa mga simulain ng Bibliya at sa gayo’y makatutulong sa mga kabataan sa buong daigdig.

b Sa ibang bansa, pagkatapos ng pag-aaral sa primarya ang isang kabataan ay makapipili kung siya ay papasok sa paaralang sekondarya, o high school (na nagtuturo ng maraming asignatura) o sa isang teknikal na paaralan.

[Larawan sa pahina 21]

Ang ibang kabataang Aprikano na nagtatrabaho pagkatapos ng klase. Subalit ano ang mga bentaha at disbentaha sa paggawa nito?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share