Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g94 9/22 p. 6-8
  • Mga Galamay ng Satanismo—Droga at Musikang Heavy-Metal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Galamay ng Satanismo—Droga at Musikang Heavy-Metal
  • Gumising!—1994
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Nakapipinsalang Katuwaan o Lason sa Isipan?
    Gumising!—1993
  • Mag-ingat Laban sa Hindi Mabuting Musika!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1995
  • Talaga bang Makapipinsala sa Akin ang Musika?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1994
g94 9/22 p. 6-8

Mga Galamay ng Satanismo​—Droga at Musikang Heavy-Metal

SI CARL A. RASCHKE, direktor ng University of Denver Institute of Humanities, ay sumulat: “Hindi nagkataon lamang na ang droga, [musikang] heavy-metal, kalupitan, at walang-pakundangang karahasan ay pawang naging mga bandilang wumawagayway sa ibabaw ng kalagiman ng tao habang tayo ay sumusulong tungo sa ikatlong dekada ng Panahon ni Satanas.” Sinabi rin niya: “Masasabi mong ang musikang heavy metal rock ay sa sariling-istilong Satanismo kung paanong ang musika ng ebanghelyo ay sa Kristiyanismo. Kakaunting tao ang nakukumberte sa Kristiyanismo sa pakikinig lamang sa musika ng ebanghelyo sa radyo. Subalit ang musikang heavy metal ay isang napakalakas na pangganyak. Sinasang-ayunan nito ang masasamang gawain na kinasasangkutan ng mga bata.”

Isa itong matinding pagsasakdal laban sa kung ano ang itinuturing ng napakaraming kabataan sa ngayon na normal na mga libangan mula sa mga kabalisahan ng buhay​—ang musikang heavy-metal at droga. Ang mga paratang bang ito ay mabibigyang-katuwiran? Maaari kayang ang droga at musikang heavy-metal ang posibleng mga sintoma ng Satanismo? Isaalang-alang ang mga komento niyaong nakaharap na ang karahasan ng satanikong mga mananamba at niyaong nagsiyasat sa mga ito.

“Hindi kataka-taka, ang mainit na mensahe ng musikang heavy-metal ay, ‘relihiyoso’​—sa diwa na ipinahahayag nito ang isang nakahihigit na kapangyarihan na nangangasiwa sa sansinukob. Gayunman, ang kapangyarihan ay hindi ang Diyos,” sulat ni Raschke, sa kaniyang aklat na Painted Black. “Ito ay . . . pinangyari ng Dakilang Demonyo mismo.” Isa pa, sabi niya: “Ang satanikong kapangyarihan at karahasan ay isang bagay na doon ang mga kabataang walang pag-asa, at may nasugpong budhi, ay maaaring madaling mahulog. . . . Ang bagabag at inabusong mga kabataan, sa pamamagitan ng natutuhan nila mula sa masamang karanasan maaga sa buhay, ay naniniwala na ang Nakatataas na Kapangyarihan ay ang masama. Pinatutunayan ng heavy metal ang ‘teolohiyang’ ito at isinasama ito sa musika.”

Sang-ayon kay Dr. Paul King ng University of Tennessee, na nagpahayag sa harap ng Senado ng Estados Unidos tungkol sa musikang heavy-metal, ang musikang pinipili ng maraming balisang kabataan ay yaong “di-karaniwang mga paksa ng karahasan, pagkapoot, paghihimagsik, bulgar na sekso, pag-abuso sa mga babae, at pagluwalhati kay Satanas. Kapag kabilang sa istilo-ng-buhay ng isang tin-edyer ang droga, malamang na mas magustuhan nila ito.” Niluluwalhati at pinupuring maigi ng musikang heavy-metal ang kapangyarihan ng masama, sabi ni King. Sa musikang heavy-metal, “ang masasamang gawa ay niluluwalhati tungo sa bagong katayugan sa panahon ng mga konsiyerto,” sabi niya.

Isaalang-alang ang mga bunga ng mensahe ng heavy-metal na nakaaapekto sa isip nang hindi namamalayan sa sumusunod na balita.

Noong nakaraang taon sa New Jersey, E.U.A., dalawang 15-anyos na mga batang lalaki ang brutal na pumatay sa isang alagang hayop ng pamilya na asong Labrador na nagngangalang Princess. “Ito’y isang hain para kay Satanas,” sabi nila. Kanilang ibinitin ang aso sa pamamagitan ng kaniyang kadena, sinipa ito hanggang mamatay, pinutol ang dila nito at ginamit ito sa isang satanikong ritwal. Ibinayubay nila ang putul-putol na katawan ng aso sa isang malaking metal na kawit at ibinitin ito sa isang bakuran ng kapitbahay. Ang mga satanikong sagisag ay nasumpungan sa ulo ng aso, at isang pentagram (isang limang-tulis na bituin sa loob ng isang bilog​—isang satanikong sagisag) ang nakaukit sa lupa sa ilalim ng bangkay ng aso. Noong gabi ng pagpatay, sila’y nakikinig sa Deicide (na nangangahulugang pagpatay sa Diyos), isang bandang rock na tumutugtog ng musikang heavy-metal, na ang nangungunang mang-aawit ay ipinagmamalaki ang pagpapahirap at pagpatay ng mga hayop.

Sa California, dalawang magkasintahang tin-edyer, na, ayon sa mga kaibigan, ay lulong sa pagsamba kay Satanas, ang may kabangisang pumatay sa ina ng babae sa pamamagitan ng mga pagsaksak sa kaniya at paghampas sa kaniya ng liyabe-tubo. Sa dako ring iyon, isa pang kabataan ang naghandog ng isang panalangin kay Satanas at saka binaril ang kaniyang ama sa kamatayan. Ang pulis na nag-iimbestiga sa krimen ay kumbinsido na ang musikang heavy-metal ang dapat sisihin. “Karaniwan na, ang musika ay nagtuturo na hindi mo kailangang makinig sa iyong mga magulang, at na dapat kang mamuhay sa paraang ibig mo,” sabi ng isang awtoridad ng pulisya.

Sa Inglatera ang mga biktima na sunud-sunod na hinahalay ng isang gang ay nag-ulat sa pulisya na isa sa mga nanghalay ay may tatu ng sagisag ng isang banda ng tumutugtog ng musikang heavy-metal na ang mga liriko ay naglalaman ng mga mensahe tungkol sa panghahalay at karahasan.

Sa Arkansas, E.U.A., isang tin-edyer sa lalawigan ay nagtangkang patayin ang kaniyang mga magulang sa pamamagitan ng paghampas sa kanila ng isang pambambó at pagkatapos ay hiwain sila sa pamamagitan ng kampit na gamit ng magkakarne. Nasumpungan ng mga pulis sa kaniyang audiocassette player ang isang tape na nakaset sa isang heavy-metal na awit ng banda, ang “Altar of Sacrifice,” kung saan ang mga liriko ay humihiyaw ng: “Ang mataas na saserdote ay naghihintay, punyal sa kamay, ibinubuhos ang dugo ng dalagang dalisay. Pagpatay ni Satanas, seremonyal na kamatayan, sundin ang bawat utos niya. Pumasok ka sa daigdig ni Satanas . . . Alamin mo ang sagradong mga salita ng papuri, ‘Mabuhay Satanas.’”

Kung tungkol sa mga liriko ng iba pang mga awit na inaawit ng sumisigaw na mga miyembro ng heavy-metal na mga banda​—kadalasang magulong sinasabayan ng kanilang mga tagahanga sa mga konsiyerto, o pinakikinggan sa mga audiocassette tape sa loob ng maraming oras​—mayroong anong impluwensiya ang gayong mga mensahe sa madaling maimpluwensiyahang mga kabataan? Isaalang-alang, halimbawa, ang mga lirikong ito: “Si Satanas na aming panginoon sa masamang karahasan ang pumapatnubay sa amin sa bawat unang hakbang,” at “Ibubo mo ang iyong dugo, padaluyin mo ito sa akin. Hawakan mo ang kamay ko at pakawalan mo ang iyong buhay . . . Naibubo mo ang dugo. Taglay ko ang iyong kaluluwa.”

“Kung tinatanggap natin na ang pornograpya ay maaaring gumanyak sa isang nang-aabuso ng bata,” sulat ni Carl Raschke, “bakit hindi isaalang-alang ang idea na ang mga lirikong sumisigaw ng patayin, putulin, baldahin, pahirapan, pawiin ay maaaring aktuwal na mag-udyok sa isa na walang bait na gawin mismo ang mga gawang iyon?”

Opinyon ng mga mananaliksik saanman na ang pag-abuso sa droga at ang Satanismo ay magkaugnay. Ang dating bise detektib na si David Toma ay naghihinagpis na siya “ay hinding-hindi pa nakakatagpo ng isang mananamba kay Satanas na hindi nagdodroga.” Ang paggamit ng droga, ulat ng magasing ’Teen, ang nagpapalubha pa sa mga bagay para sa mga tin-edyer “na bumabaling sa pagsamba sa diyablo, ginagawa nitong pahirap nang pahirap na makilala kung ano talaga ang totoo at kung ano ang tila totoo kapag minamalas sa kalituhan ng droga at alkohol.”

“Ang heavy metal ay nauugnay sa malakas na paggamit ng droga kung paanong ang mga loterya ay nauugnay sa pusakal na mga sugarol,” sabi ni Raschke. “Ang kabataang sugapa sa droga ay sumusunod sa istilo ng buhay ng kahambugan, kabagsikan, pagnanakaw at kalabisan sa sekso​—na pawang pinagtitibay ng paghiyaw at pagpalahaw ng mga pangkat ng heavy-metal.”

Walang alinlangan, ang isang kabataan ay nagiging madaling biktima ng impluwensiya ni Satanas kapag ang katinuan ay inaalis sa kaniyang utak at ang mga kaisipan ng kasamaan at karahasan ay humahalili rito.

[Blurb sa pahina 8]

Ang isa ay madaling biktima ng impluwensiya ni Satanas kapag ang katinuan ay inaalis sa utak at ang kasamaan at karahasan ang dumaragsa rito

[Larawan sa pahina 7]

Ano ang inilalagay ninyo sa inyong isip?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share