Mula sa Aming mga Mambabasa
Relihiyon at Digmaan Ibig kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa Oktubre 22, 1994, ang serye ng “Kapag ang Relihiyon ay Pumapanig sa Digmaan.” Bagaman naranasan ko ang panahon ng pagpaslang ng mga Serb sa Croatia, napakabata ko pa para matandaan iyon. Ang masalimuot at kalunus-lunos na kalagayang ito ang sumapuso ko. Pinahalagahan ko ang paraan ng pagpapaliwanag ninyo sa bahaging ginagampanan ng relihiyon at ang walang-taros na pagsisikap nito na palalain ang pagkakabaha-bahagi at pagkakapootan sa gitna ng mga bansang ito.
M. K., Estados Unidos
Naantig ako ng artikulong “Hindi Namin Itinaguyod ang Digmaan ni Hitler.” Napakaganda ng pagkakasulat nito anupat halos napaiyak ako. Ako’y 15 taóng gulang, at napatibay-loob ako na malaman na gaano man kaliit ang pag-uusig na makakaharap ko sa paaralan o sa gawaing pangangaral, mapagtatagumpayan ko ito.
A. M., Estados Unidos
Hindi ko mapigilan na mapaluha sa mga pagsubok na kinaharap ng pamilyang Wohlfahrt. Pinangyari ng mga pagsubok sa kanila na waring di-mahalaga ang maliliit na bagay na nakasisira ng loob ko. Pinatibay-loob ako ng artikulo na patuloy na magtiis, sa pagkaalam na bilang mga Kristiyano, maaari rin nating makaharap ang gayunding pagsalansang habang ang sistemang ito ay papalapit sa katapusan nito.
M. S., Estados Unidos
Mga Tulong Ako’y nabahala sa mga Saksi ni Jehova sa Rwanda. Dahil sa nabasa ko ang artikulong “Pangangalaga sa mga Biktima ng Trahedya sa Rwanda” (Disyembre 22, 1994), batid ko na ngayon ang bagay na kanilang nararanasan. Sinabi ng artikulo na marami ang namatay. Ang nakatulong sa akin na makadama ng kaunting kagaangan ng loob hinggil dito ay ang pagkakaroon ng pag-asa na makita sila sa Paraiso. Samantala, ipananalangin ko ang mga kapananampalataya ko sa Rwanda.
J. D., Hapón
Ang Mailap na Lobo Salamat sa maraming nakapagtuturo at kalimitang nakaaaliw na mga artikulong inilalathala ninyo tungkol sa paglalang ni Jehova. Ang artikulo na “Isang Mailap na Nilikha—Kinapopootan at Kinagigiliwan” tungkol sa Canis lupus (Setyembre 8, 1994) ay talagang kawili-wili. Subalit sa larawan sa unang pahina ng artikulo, ang hayop ay waring napakaliit para maging isang lobo.
S. W., Alemanya
Pinahahalagahan namin ang obserbasyon ng matalas ang mata na mambabasang ito. Lumalabas na ang nakalarawang anyo ay aktuwal na nakasalig sa larawan ng isang coyote, hindi isang lobo. Humihingi kami ng paumanhin dahil sa pagkakamali.—ED.
Satanismo Nasumpungan ko na ang popular na kaisipan at pangkalahatang idea tungkol sa musikang heavy-metal sa buong serye ninyo ng “Ang Pang-akit ng Satanismo” (Setyembre 22, 1994) ay nakatatakot. Bagaman totoo na may mga banda na umaakma sa karaniwang paglalarawan, nakaligtaang banggitin ng inyong artikulo ang ibang positibong mga mensahe ng musikang heavy-metal.
C. C., Estados Unidos
Maaaring totoo na hindi lahat ng musikang heavy-metal ay tuwirang nagpapalaganap ng Satanismo. Gayunman, ang masamang hitsura at paggawi maging ng nangungunang mga banda ng heavy-metal ay kilalang-kilala. Gayundin ang matagal nang kaugnayan ng uri ng musikang ito sa droga at karahasan. Dahil sa mga katotohanang ito, nakadama kami ng pananagutan na babalaan ang mga mambabasa tungkol sa pagkasangkot sa anumang anyo ng musikang ito.—ED.
Ang lahat ng inyong isinulat ay tama. Ang panganay naming anak na babae ay pinalaking isang Kristiyano. Subalit tumindi ang pagiging rebelde niya. Natuklasan namin na siya’y nakikisama sa mga batang nakikinig ng musikang heavy-metal. Itinatago niya ang mga tape ng heavy-metal at nakikinig sa mga awit kung gabi sa pamamagitan ng headphone. Ang ilang liriko ay satanikong pag-usal! Natuklasan namin sa dakong huli ang satanikong mga sagisag na nakatago sa kaniyang silid. Sa wakas siya’y naglayas at patuloy na naging patay sa espirituwal. Ang lahat ng ito ay nagpasimula sa musikang heavy-metal.
D. B., Estados Unidos