Pag-aaruga sa Isang Batang Mahirap Supilin
“NAGING maayos ba ang araw mo?” tanong ni Susan sa kaniyang anak na si Jimmy pag-akyat nito sa kotse nang siya’y sunduin ni Susan sa paaralan. Nakasimangot, hindi niya pinansin si Susan. “Oh, tiyak na hindi mabuti ang araw mo,” may simpatiyang sabi ni Susan. “Gusto mo bang pag-usapan ito?”
“Huwag ninyo akong pakialaman,” nagmamaktol niyang sagot.
“Nag-aalala lamang ako sa iyo. Mukhang napakalungkot mo. Nais ko lang makatulong.”
“Hindi ko kailangan ang tulong ninyo!” sigaw niya. “Pabayaan ninyo ako! Galit ako sa inyo. Sana’y mamatay na ako!”
“Jimmy!” pangapus hiningang nasabi ni Susan, “huwag kang magsasalita sa akin nang ganiyan kung hindi’y—kung hindi’y papaluin kita! Sinisikap ko lamang maging mabait sa iyo. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa iyo. Wala akong sinabi o ginawa na nakalulugod sa iyo.”
Natataranta at naliligalig mula sa kaniyang maghapong trabaho, si Susan ay paliku-liko sa pag-iwas sa trapiko na nag-iisip kung paano siya nagkaroon ng gayong anak. Siya’y nalilito, walang-kaya, at galit, gayundin siya’y naghihinanakit sa anak niya mismo, at siya’y binabagabag ng pagkadama ng pagkakasala. Kinatatakutan ni Susan na iuwi siya sa bahay—ang kaniya mismong anak. Halos ayaw niyang malaman kung ano ang nangyari sa paaralan ngayon. Malamang na tatawagan na naman siya ng guro tungkol kay Jimmy. Kung minsan hindi na ito makaya ni Susan.
Sa gayon ang waring payak na mga pangyayari ay sumasabog tungo sa matinding kakila-kilabot na mga damdamin na lipos ng kabalisahan. Ang mga batang ADD/ADHD, o kung minsa’y inilalarawan bilang “mahirap supilin,” ay karaniwang kumikilos nang mapusok kapag napapaharap sa mga problema. Madali silang magalit, na iniiwan ang mga magulang na galit, nalilito, at sa wakas ay pagod na pagod.
Pagbibigay-halaga at Pamamagitan
Karaniwan na, ang mga batang ito ay matatalino, mapanlikha, at lubhang sensitibo. Mahalagang matanto na sila ay malulusog na bata na may di-karaniwang mga pangangailangan, samakatuwid ay nangangailangan ng pantanging pang-unawa. Ang sumusunod ay ilang simulain at mga idea na nasumpungang matagumpay ng mga magulang ng gayong mga bata.
Una, mahalagang matutuhang makilala ang mga kalagayan at mga bagay na nagpapangyaring mabalisa ang bata. (Ihambing ang Kawikaan 20:5.) Mahalaga para sa magulang na obserbahan ang mga tanda sa bata na nauuna sa emosyonal na kaligaligan at agad na mamagitan. Ang pangunahing tagapahiwatig ay ang mukha na nagpapahiwatig ng sumisidhing antas ng kabiguan at kawalang kakayahang pangasiwaan ang isang kalagayan. Ang pagbigkas ng magiliw na mga paalaala na kailangang supilin ng bata ang kaniyang sarili o, kung kinakailangan, ang pag-alis sa kaniya mula sa kalagayan ay maaaring makatulong. Ang mga time-out (paghinto muna sa mga gawain), halimbawa, ay mabisa, hindi bilang isang anyo ng parusa kundi bilang isang paraan upang bigyan kapuwa ang bata at ang magulang ng pagkakataong mapanauli ang kahinahunan at pagkatapos ay makatuwirang magpatuloy.
Sa halimbawang ibinigay, labis ang naging reaksiyon ni Jimmy sa payak na mga tanong. Ito ang karaniwang araw-araw na paggawi ni Jimmy. Bagaman madali para sa isang magulang na akalain na ang galit at hinanakit na ito ay patungkol sa kaniya, mahalagang matanto na ang mga batang ito ay kadalasang nawawalan ng pangangatuwiran minsang marating nila ang punto kung saan hindi na nila makaya ang higit pang kaigtingan. Kaya nga, mahalagang kumilos na may matalinong unawa. (Kawikaan 19:11) Sa kaso ni Jimmy, maaaring pahinahunin ni Susan ang kalagayan sa pamamagitan ng pagtahimik at pagbibigay sa kaniyang anak ng panahon upang supilin ang kaniyang sarili, at marahil sa dakong huli ay mapag-uusapan nila ang mga pangyayari sa maghapon.
Mga Batang Maigting
Kailanman ay hindi pa nakaharap ng sambahayan ng tao ang gayong kalaking mga problema, panggigipit, at mga kabalisahan na gaya niyaong nagpapahirap sa makabagong daigdig. Iba na ang mga panahon, ang mga kahilingan ay mas matindi, at mas marami ang hinihiling sa mga bata. Tungkol sa isyung ito, ang aklat na Good Kids, Bad Behavior ay nagsasabi: “Marami sa mga problema na waring nararanasan ng mga bata ay maaaring pinangyari o naimpluwensiyahan ng nagbabagong mga inaasahang panlipunan.” Para sa mga batang ADD/ADHD, ang paaralan ay maaaring maging isang masamang panaginip. Habang sila’y nakikipagpunyagi upang mabata ang kanilang sariling mga kakulangan, sila’y napipilitang bumagay sa biglang paglitaw ng teknolohikal na mga pagsulong na mabilis at patuloy na nagbabago sa isang kapaligiran na maaaring tila kapuwa masama at mapanganib, na nakadaragdag pa sa kanilang kabalisahan. Sa emosyonal na paraan, ang mga bata ay napakamusmos pa upang lumutas ng lahat ng mga problemang ito. Kailangan nila ang tulong ng kanilang mga magulang.
Bawasan ang Sigalot
Upang magkaroon ng mas maligaya, mas malusog na mga anak, mahalagang maglaan ng isang maayos at matatag na kapaligiran. Ang isang mabisang plano para bawasan ang sigalot sa tahanan ay maaaring magsimula sa pamamagitan ng isang simpleng istilo ng buhay. Yamang ang mga batang ito’y mapusok, madaling maabala, at sobrang likot, mahalagang bawasan ang negatibong epekto ng labis na kasiglahan. Bawasan ang dami ng mga laruan na ipinahihintulot na laruin ng gayong mga bata sa isang panahon. Subukin ang isa lamang gawain o proyekto sa isang panahon hanggang sa ito’y matapos. Yamang ang mga batang ito’y kadalasang hindi maayos sa ganang sarili, ang pagiging maayos ay nakababawas ng kabiguan. Mientras mas kaunti at mas madaling kunin ang mga bagay na kailangan nilang pangasiwaan, mas madaling pangasiwaan kung ano ang mahalaga.
Ang isa pang mabisang paraan upang bawasan ang kaigtingan sa tahanan ay ipatupad ang isang isinaplano, hindi mahigpit, na rutina, na nagbibigay sa mga bata ng diwa ng katatagan. Ang oras ng iskedyul ay hindi kasinghalaga ng pagkakasunud-sunod, ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Ito ay maaaring matamo sa pagkakapit ng praktikal na mga mungkahi na gaya ng sumusunod. Maglaan ng wastong pagkain na may payak at timbang na mga pagkain at mga meryenda sa regular na mga oras. Gawin ang mga ritwal sa pagtulog na magiliw, maibigin, at nakagiginhawa. Ang mga pagpunta sa pamilihan ay maaaring labis na gumanyak sa napakalikot na mga bata, kaya magplano nang patiuna at sikaping huwag magtungo sa napakaraming tindahan. At kapag nagliliwaliw, ipaliwanag kung anong uri ng paggawi ang inaasahan mo. Ang tiyak na mga rutina ay tutulong sa bata na may pantanging mga pangangailangan na supilin ang kaniya mismong mapusok na paggawi. Isa pa, ito’y nakatutulong upang maitatag ang pagkamaaasahan ng magulang.
Kasama sa diwa ng pagpaplano, kapaki-pakinabang na gumawa ng isang sistema ng mga tuntunin at ilakip ang mga kahihinatnan sa paglabag sa mga tuntunin na hindi maaaring ikompromiso. Ipaliwanag ang mga tuntunin na hindi pabagu-bago, gayundin ay nakalulugod kapuwa sa ama at ina, magtakda ng mga hangganan ng kanais-nais na paggawi para sa mga bata—at turuan din sila ng pananagutan. Maglagay ng isang listahan ng mga tuntunin sa isang kitang-kitang lugar, kung kinakailangan (upang maalaala ng magulang, gayundin ng anak). Ang pagiging hindi pabagu-bago ang susi sa katiwasayan ng damdamin.
Ang pag-unawa sa mga nagugustuhan ng bata, ang kaniyang naiibigan at inaayawan, at pakikibagay rito ay malaki ang magagawa upang maibsan ang di-kinakailangang panggigipit sa tahanan. Sapagkat ang natatanging kalikasan ng mga batang ito ay kadalasan nang pabagu-bago at mapusok, ang kanilang pakikitungo sa ibang bata ay maaaring maging isang napakahirap na karanasan. Ang paggamit na magkasama, lalo na ng mga laruan, ay maaaring pagmumulan ng alitan sa ibang bata, kaya maaaring hayaan ng mga magulang ang gayong mga bata na pumili ng kanilang paboritong mga bagay na maaari nilang paglaruang magkasama. Isa pa, ang pag-aayos ng kanilang antas ng kasiglahan sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng isang maliit na grupo ng mga kalaro at paggawa ng mga gawain na hindi magpapangyari sa kanila na labis na matuwa ay makatutulong din upang masupil at huwag maganyak ang kanilang mapusok na paggawi.
Mahalaga para sa mga magulang na hayaang umunlad ang bawat bata sa kaniyang sariling paraan at iwasang pilitin o hubugin ang bata sa di-kinakailangang pagkakatulad. Kung kinayayamutan ng isang bata ang isang pagkain o pananamit, alisin ito. Ang mumunting tinik na ito ng galit ay hindi sulit na pag-awayan. Mahalaga, huwag sikaping supilin ang lahat ng bagay. Maging timbang, subalit kapag gumagawa ng mga pasiya sa kung ano ang kanais-nais sa isang sambahayang Kristiyano, manindigan sa mga ito.
Pakikitungo sa Paggawi
Ang mga batang di-mahulaan ang ugali ay waring humihiling ng mas mataas na antas ng pakikitungo. Bunga nito, maraming magulang ang pinahihirapan ng pagkadama ng pagkakasala kung kailangan nilang magdisiplina nang madalas. Gayunman, mahalagang maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng disiplina at pag-abuso. Ayon sa aklat na A Fine Line—When Discipline Becomes Child Abuse, iniulat na 21 porsiyento ng lahat ng pisikal na pag-abuso ay nangyayari kapag ang mga bata ay nagpapakita ng mapusok na paggawi. Kaya, ang pananaliksik ay naghihinuha na ang mga batang may ADD/ADHD ay “mas nanganganib na maabuso sa pisikal at mapabayaan.” Hindi maikakaila, ang pagpapalaki ng mga bata na may pantanging mga pangangailangan ay maaaring maging maigting, subalit ang pakikitungo sa kanila ay dapat na mabuti at timbang. Yamang ang mga batang ito ay karaniwan nang lubhang matatalino at totoong mapanlikha, sila’y isang hamon sa mga magulang na nakikitungo sa mga kalagayan na nangangailangan ng pangangatuwiran. Ang gayong mga bata ay kalimitang may paraan na mapalitaw ang mga pagkakamali sa pinakamatalinong pangangatuwiran ng isang magulang. Huwag hayaang gawin nila ito! Panatilihin ninyo ang awtoridad bilang magulang.
Sa isang palakaibigang paraan, subalit may katatagan, gawing maikli ang mga paliwanag; sa ibang salita, huwag labis na magpaliwanag, at huwag ikompromiso ang hindi maaaring ikompromisong mga tuntunin. Hayaang ang iyong “oo” ay maging oo at ang iyong “hindi” ay hindi. (Ihambing ang Mateo 5:37.) Ang mga bata ay hindi mga diplomatiko; kaya naman, ang mga pakikipag-ayos sa kanila ay humahantong sa mga pagtatalo, galit, at kabiguan at maaari pa ngang lumala tungo sa pagsigaw at karahasan. (Efeso 4:31) Sa katulad na paraan, iwasan ang labis na pagbababala. Kung kinakailangan ang disiplina, ito ay dapat ibigay agad. Ang aklat na Raising Positive Kids in a Negative World ay nagpapayo: “Mahinahon, may tiwala, at matatag—iyan ang bumubuo sa awtoridad.” Higit pa riyan, pansinin ang mahusay na mga mungkahi sa The German Tribune: “Laging makipag-usap sa bata sa paraang nakukuha mo ang kaniyang pansin: gamitin mong madalas ang pangalan nito, panatilihin ang pagtitig sa mata at gumamit ng salitang nauunawaan ng bata.”
Ang pag-abuso ay nangyayari kapag ang mga magulang ay nawalan ng pagpipigil. Kung ang isang magulang ay sumisigaw, siya ay nawalan na ng pagpipigil. Ang Kawikaan kabanata 15 ay bumabanggit sa paksa tungkol sa pag-aaruga at pagdisiplina sa bata. Halimbawa, ang Kaw 15 talatang 4 ay nagsasabi: “Ang kahinahunan ng dila ay punungkahoy ng buhay, ngunit ang kalikuan niyaon ay kasiraan ng diwa”; Kaw 15 talatang 18: “Ang mainiting tao ay humihila ng pagtatalo, ngunit siyang mabagal sa galit ay pumapayapa ng kaalitan”; at, sa wakas, ang Kaw 15 talatang 28: “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot.” Kaya, mahalaga na makilala hindi lamang kung ano ang sinasabi natin kundi kung paano rin naman natin sinasabi ito.
Papuri, Hindi Paghatol
Dahil sa ang mga batang mahirap-palakihin ay gumagawa ng mga bagay na mapanlikha, kakatuwa, mapanganib pa nga, madali para sa mga magulang na mapilitang bumaling sa pamimintas, paglibak, pagsermon, at pagdusta sa galít na paraan. Gayunman, ayon sa Today’s English Version, ang Bibliya sa Efeso 6:4 ay nagtuturo sa mga magulang na palakihin ang mga anak sa “disiplina at turong Kristiyano.” Paano dinisiplina ni Jesus ang mga nagkakamali? Si Jesus ay gumamit ng nakapagtuturong disiplina na nagsanay at nagturo sa mga tao, nakikitungo sa kanila nang walang pagtatangi at matatag. Ang disiplina ay isang proseso, isang paraan ng pagtuturo, na, kapag nakikitungo sa mga bata, ay karaniwan nang kailangang ulit-ulitin.—Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya . . . ‘Ang Pamalong Disiplina’—Lipas Na Ba?,” sa Setyembre 8, 1992, Gumising!
Ang tamang disiplina ay lumilikha ng isang kapaligiran ng pagtitiwala, kasiglahan, at katatagan; samakatuwid, kung kinakailangan ang disiplina, ito’y dapat na isagawa na may kasamang mga paliwanag. Walang kagyat na mga lunas kapag nagsasanay sa mga bata, yamang ang mga bata ay unti-unting natututo, sa paglipas ng panahon. Nangangailangan ng saganang pangangalaga at pagmamahal, maraming panahon at pagpapagal, upang mapalaki nang wasto ang sinumang bata, lalo na ang batang mahirap-palakihin. Ang sumusunod na maikling kasabihan ay maaaring makabubuting tandaan: “Sabihin mo ang ibig mong sabihin, tuparin mo kung ano ang sinabi mo, at gawin mo kung ano ang sinabi mong gagawin mo.”
Ang isa sa nakasisirang-loob na bahagi ng problema sa pakikitungo sa mga bata na may nakaliligalig na paggawi ay ang kanilang labis na paghahangad ng pansin. Kadalasan na ang pansin na kanilang natatanggap ay negatibo sa halip na positibo. Gayunman, maging mabilis sa pagpansin, pagpuri, o paggantimpala sa mabuting paggawi o sa isang gawaing mahusay ang pagkakagawa. Ito ay totoong nakapagpapatibay-loob sa isang bata. Sa simula ang iyong mga pagsisikap ay maaaring tila kalabisan, subalit ito’y sulit sa mga resulta. Kailangan ng mga bata ang maliliit subalit kagyat na mga gantimpala.
Karanasan ng Isang Ama kay Greg
“Ang aming anak na si Greg ay nasuri na may ADHD sa gulang na lima, nang siya’y nasa kindergarten. Nang panahong iyon ay nakipagkita kami sa isang pediatrician na nagdadalubhasa sa paglaki ng bata na nagpatunay na si Greg nga ay tiyak na may ADHD. Sinabi niya sa amin: ‘Hindi niya ito kasalanan, at hindi ninyo ito kasalanan. Wala siyang magagawa upang baguhin ang kalagayan, subalit may magagawa kayo.’
“Madalas naming pag-isipan ang mga salitang iyon, sapagkat ikinikintal nito sa amin na bilang mga magulang ay may malaking pananagutan kami na tulungan ang aming anak na maharap ang kaniyang ADHD. Nang araw na iyon ay pinauwi kami ng doktor taglay ang literatura upang basahin, at kami’y naniniwala na ang kaalaman na natamo namin sa nakalipas na tatlong taon ay naging napakahalaga sa pagtupad ng aming mga pananagutan bilang mga magulang kay Greg.
“Mahalaga sa pagpapalaki ng isang batang may ADHD na ikintal ang angkop na paggawi at magbigay ng mga babala at, kung kinakailangan, isang parusa para sa maling paggawi. Mientras mas maayos at hindi ka pabagu-bago, mas mabuting mga resulta ang makikita mo. Ang payak na mga pananalitang ito ay malamang na isang susing salik sa pagpapalaki sa isang batang may ADHD. Gayunman, sapagkat kailangan mong gawin ito nang maraming ulit sa isang araw, mas madali itong sabihin kaysa gawin.
“Isang paraan na nasumpungan naming pinakamabisa ay ang time-out. Kailanma’t ginagamit namin ang mga time-out upang baguhin ang isang maling paggawi, pinasisimulan din namin ang isang pampatibay na programa upang magpalakas-loob para sa higit pang positibong paggawi. Ang pampatibay na ito ay maaaring isang salita ng pagsang-ayon, isang yapos, o isang alaala o pribilehiyo. Kami’y nagtungo sa isang tindahan at bumili ng isang tsart na maaaring lagyan ng sticker. Isinulat namin sa itaas ang angkop na paggawi. Tuwing makikita namin si Greg sa wastong paggawi, binibigyan namin siya ng isang sticker upang ilagay sa kaniyang tsart. Kapag napuno na ang tsart, sabihin nang 20 sticker, tumatanggap siya ng gantimpala. Ito ay karaniwan nang isang bagay na talagang gusto niyang gawin, gaya ng pagpunta sa isang parke. Nakatutulong ito sapagkat ito’y gumaganyak sa kaniya na gumawa nang mahusay. Inilalagay niya ang mga sticker at nakikita niya kung ano na ang nagagawa niya at kung paanong malapit na siya sa isang gantimpala.
“Ang isa pang paraan na nasumpungan naming mabisa ay ang bigyan si Greg ng mapagpipilian. Sa halip na isang tuwirang utos, binibigyan namin siya ng mapagpipilian. Alin sa gawin niya ang angkop na paggawi o tanggapin niya ang makatuwirang resulta ng di-angkop na paggawi. Ito’y nagtuturo ng pananagutan at ang paggawa ng tamang mga pasiya. Kung ito’y isang patuloy na problema, gaya ng maling paggawi sa isang tindahan o sa isang restauran, maaari nating gamitin ang tsart na pinaglalagyan ng sticker kasama ang gantimpala. Sa gayo’y nakikita niya ang pakinabang ng tamang paggawi, at ipinakikita natin ang ating pagkilala sa kaniyang mga pagsulong.
“Hindi nalalaman ng karamihan na ang ADHD ay nakaaapekto sa kakayahan ng bata na ayusin ang kaniyang paggawi at mga pagtugon. Maraming tao ang naniniwala na masusupil ng mga batang ito ang lawak ng kanilang atensiyon at ang kanilang paggawi kung sisikapin nilang mabuti, at kung sila’y mabigo, ang mga magulang ang sinisisi.
“Imposible sa pisikal na paraan para sa isang batang may ADHD na maupong tahimik sa loob ng dalawang oras sa isang pulong ng kongregasyon sa Kingdom Hall. Hinding-hindi namin malilimot kung paanong si Greg sa gulang na limang taon lamang ay umiiyak bago ang bawat pulong at nagtatanong sa amin, ‘Ito ba’y isang mahabang pulong o isang maikling pulong?’ Iiyak siya nang husto kung ito’y dalawang-oras na pulong sapagkat alam niya na hindi siya makauupo nang tahimik sa buong pulong. Kailangang magbigay kami ng mga palugit para sa karamdaman at sa mga limitasyon na dulot nito. Batid namin na nauunawaan ni Jehova ang karamdaman nang higit kanino man, at iyan ay isang pinagmumulan ng kaaliwan. Sa kasalukuyan si Greg ay hindi naggagamot at ayos naman siya bilang isang estudyante sa kaniyang antas ng edad.
“Nakatulong sa amin na gawin si Jehova na aming pag-asa at panatilihin ang aming mga mata na nakatutok sa bagong sanlibutan. Ang aming pag-asa ay malaking bagay na kay Greg. Talagang tuwang-tuwa siya, naluluha pa nga, kapag naiisip niya kung paano aalisin ni Jehova ang ADHD sa lupang Paraiso.”
[Kahon sa pahina 9]
Posibleng mga gantimpala para sa mabuting paggawi:
1. PAPURI—bibigang papuri para sa isang gawaing mabuti ang pagkakagawa; ipahayag ang pagpapahalaga sa mabuting paggawi, na may pag-ibig, mga yapos, at nababakas na sigla sa mukha.
2. SISTEMA NG TSART—kitang-kitang nakadispley, na may kaakit-akit na mga sticker o mga bituin upang himukin ang mabuting paggawi.
3. TALAAN NG MABUBUTING BAGAY—ng kanais-nais at kapuri-puring nagawa. Tuwing ang bata ay nakagagawa nang mahusay, gaano man kaliit ito sa simula, isulat ito, at basahin ito sa isang miyembro ng pamilya.
4. TAGAPAHIWATIG NG PAGGAWI—depende sa edad ng bata, ang pagdaragdag ng balatong o jelly beans sa isang garapon kapag ang bata ay nakagawa ng isang bagay na mahusay (isang bagay na nakikita upang ipakita na ang kaniyang mabuting paggawi ay pinahahalagahan). Ang tunguhin ay maitatag ang isang sistema ng pagkakamit ng mga puntos para pagkalooban ng gantimpala na maaaring isang bagay na talagang gagawin ng pamilya, gaya ng panonood ng sine, skating, o pagkain sa isang restauran. Sa halip na idiin sa bata: “Kung hindi ka kikilos nang maayos, hindi tayo aalis,” subukin ang: “Kung kikilos ka nang maayos, aalis tayo.” Ang susi ay baguhin ang negatibong pag-iisip tungo sa positibong pag-iisip, samantalang pinahihintulutan ang makatuwirang panahon para mangyari ang pagbabago.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga pag-uusap kung minsan ay maaaring magpasiklab ng damdamin
[Larawan sa pahina 8]
Kapag gumagawa ng mga pasiya, ipaliwanag ang mga ito, at manindigan sa mga ito
[Larawan sa pahina 10]
May pagmamalaking idinadagdag niya ang isang bagong sticker sa kaniyang tsart