Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/22 p. 5-7
  • “Maupong Tahimik at Makinig!”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Maupong Tahimik at Makinig!”
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ang Nagiging Dahilan ng ADHD?
  • Ang mga Kabataan at mga Adultong May ADHD
  • Pagharap sa Hamon
    Gumising!—1997
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1995
  • Pag-aaruga sa Isang Batang Mahirap Supilin
    Gumising!—1994
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/22 p. 5-7

“Maupong Tahimik at Makinig!”

Buhay ng May Attention Deficit Hyperactivity Disorder

“Matagal nang sinasabi ni Jim na si Cal ay laki lang sa layaw at na kapag kami​—sa totoo’y ako​—ay naghigpit sa kaniya, siya’y titino rin. Ngayon ay heto ang isang doktor na sinasabi sa amin na hindi ako, hindi kami, hindi ang guro ni Cal ang dapat sisihin: talaga lamang na may diperensiya ang aming anak.”

SI CAL ay may Attention Deficit Hyperactivity Disorder (ADHD), isang kalagayang nakikita sa pagiging madaling magambala, pabigla-bigla, at sobrang-likot. Ang apektado ng karamdamang ito ay tinatayang mula 3 hanggang 5 porsiyento ng lahat ng mga batang husto na sa edad para pumasok sa paaralan. “Ang kanilang isip ay parang TV na sira ang pihitan,” sabi ng espesyalista sa pagkatuto na si Priscilla L. Vail. “Pabagu-bago ang isip, walang kaayusan o disiplina.”

Maigsi nating isaalang-alang ang tatlong pangunahing sintoma ng ADHD.

Madaling Magambala: Ang batang may ADHD ay hindi marunong magsaisantabi ng mga detalyeng di-mahalaga at magbuhos ng isip sa isang bagay. Kaya nga, madali siyang magambala ng mga nakikita, naririnig, at naaamoy sa labas. Siya ay nakikinig naman, ngunit walang nag-iisang bagay sa paligid niya ang nakatatawag ng kaniyang pansin. Hindi niya matukoy kung alin doon ang dapat muna niyang harapin.

Pabigla-bigla: Ang batang may ADHD ay kumikilos muna bago mag-isip, anupat hindi isinasaalang-alang ang mga kalagayan. Nakikita sa kaniya ang kahinaan sa pagpaplano at pagpapasiya, at kung minsan ay mapanganib ang kaniyang mga paggawi. “Bigla siyang humahagibis sa daan, sa ibabaw ng pasamano, sa itaas ng puno,” ang sulat ni Dr. Paul Wender. “Bilang resulta, nagkakaroon siya ng mas maraming hiwa, pasa, galos, at palaging nasa doktor.”

Sobrang-Likot: Ang mga batang sobrang-likot ay malimit na di-mapakali. Hindi sila mapapaupo nang tahimik. “Kahit na magsilaki na sila,” isinulat ni Dr. Gordon Serfontein sa kaniyang aklat na The Hidden Handicap, “mapapansin pa rin mula sa matamang pagmamatyag ang ilang anyo ng walang tigil na pagkilos na ginagamitan ng mga binti, paa, bisig, kamay, labi o dila.”

Gayunman, may mga batang di-nakikinig at pabigla-bigla pero hindi naman sobrang-likot. Ang kanilang karamdaman ay kung minsan tinutukoy bilang simpleng Attention Deficit Disorder, o ADD. Ipinaliwanag ni Dr. Ronald Goldberg na ang ADD “ay maaaring lumitaw nang wala naman ang pagiging sobrang-likot. O maaari itong lumitaw taglay ang alinmang antas ng pagiging sobrang-likot​—mula sa halos hindi mapansin, tungo sa pagiging nakaiinis, hanggang sa ito’y nagiging sakit na.”

Ano ang Nagiging Dahilan ng ADHD?

Sa nakalipas na mga taon, ang mga problema hinggil sa atensiyon ay isinisi sa lahat ng bagay mula sa maling paraan ng mga magulang sa pagpapasunod hanggang sa ilaw na fluorescent. Sa ngayon ay ipinalalagay na ang ADHD ay kaugnay ng mga problema sa ilang gamit ng utak. Noong 1990 sinuri ng National Institute of Mental Health ang 25 adulto na may mga sintoma ng ADHD at natuklasan na ang glukosa ay dumadaan sa metabolismo nang mas mabagal sa mismong lugar sa utak na kumokontrol sa pagkilos at sa pagtutuon ng atensiyon. Sa mga 40 porsiyento ng mga kaso ng ADHD, ang henetikong kayarian ng indibiduwal ay waring may ginagampanang papel. Sang-ayon sa The Hyperactive Child Book, ang iba pang salik na maaaring iugnay sa ADHD ay ang paggamit ng alkohol o droga ng ina sa panahon ng pagdadalang-tao, pagkalason sa tingga, at, sa ilang kaso, ang pagkain.

Ang mga Kabataan at mga Adultong May ADHD

Nitong nakalipas na mga taon natuklasan ng mga doktor na ang ADHD ay hindi lamang para sa mga bata. “Pinagkaugalian na,” sabi ni Dr. Larry Silver, “na ipinagagamot ng mga magulang ang kanilang anak at sinasabi, ‘Ganiyan din ako noong bata pa ako.’ Pagkatapos ay aaminin nilang hindi pa rin sila makapaghintay sa pila, makatagal sa pag-upo sa mga pulong, makatapos ng mga bagay-bagay.” Sa ngayon ay pinaniniwalaang dala pa rin kahit paano ng halos kalahati ng lahat ng mga batang may ADHD ang ilang sintoma nito hanggang sa pagiging tin-edyer at adulto.

Sa panahon ng pagiging tin-edyer, yaong mga may ADHD ay baka magbago mula sa pagkakaroon ng peligrosong paggawi tungo sa pagiging delingkuwente. “Lagi akong nababahala noon na baka hindi siya makapagkolehiyo,” sabi ng ina ng isang tin-edyer na may ADHD. “Ngayon ang panalangin ko lang ay huwag sana siyang mabilanggo.” Ipinakikita na maaaring magkatotoo ang pangambang ito sa pamamagitan ng isang pagsusuri na pinaghahambing ang 103 kabataang sobrang-likot at ang isang kontroladong grupo ng 100 bata na walang ganitong karamdaman. “Pagsapit nila ng mga edad 20,” ulat ng Newsweek, “ang mga bata mula sa grupo ng mga sobrang-likot ay dalawang ulit na malamang na maaresto, limang ulit na malamang na mahatulan dahil sa krimen at siyam na ulit na malamang na mabilanggo.”

Para sa isang adulto, ang ADHD ay naghaharap ng isang bukod-tanging bunton ng problema. Sabi ni Dr. Edna Copeland: “Ang isang batang sobrang-likot ay maaaring lumaki tungo sa isang adulto na palipat-lipat ng trabaho, laging natatanggal sa trabaho, di-mapakali sa buong maghapon at walang-katigil-tigil.” Kapag hindi naunawaan ang dahilan, ang mga sintomang ito ay makasisira sa pagsasama ng mag-asawa. “Sa mga simpleng pag-uusap,” sabi ng asawa ng isang lalaking may ADHD, “hindi man lamang niya naririnig ang lahat ng aking sinasabi. Parang wala akong kausap.”

Mangyari pa, ang mga ugaling ito ay karaniwan sa maraming tao​—sa isang antas sa paano man. “Dapat mong itanong kung noon pa’y mayroon na ng mga sintomang ito,” sabi ni Dr. George Dorry. Halimbawa, sinabi niya na kung ang isang lalaki ay naging malilimutin mula lamang nang mawalan siya ng trabaho o nang manganak ang kaniyang asawa, hindi iyan isang sakit.

Isa pa, kung talagang ang isa’y may ADHD, ang mga sintoma ay laganap​—alalaong baga’y, naaapektuhan nito ang halos lahat ng pitak ng buhay ng taong iyon. Ganiyan ang naging kaso ng 38-taóng-gulang na si Gary, isang matalino, masigasig na lalaki na waring di-makatapus-tapos ng isang trabaho nang hindi naaabala. Nakahawak na siya ng mahigit na 120 trabaho. “Natanggap ko na ang katotohanang hindi talaga ako magtatagumpay,” sabi niya. Subalit si Gary at ang maraming iba pa​—mga bata, tin-edyer, at adulto​—ay natulungan upang mapaglabanan ang ADHD. Paano?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share