Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 2/22 p. 7-10
  • Pagharap sa Hamon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagharap sa Hamon
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paglalaan ng Suporta
  • “Maupong Tahimik at Makinig!”
    Gumising!—1997
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1995
  • Pag-aaruga sa Isang Batang Mahirap Supilin
    Gumising!—1994
  • Kapag Higit Pa ang Kailangan
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 2/22 p. 7-10

Pagharap sa Hamon

SA NAKALIPAS na mga taon ay napakarami nang iminungkahing paraan ng paggamot sa ADHD. Ang ilan dito ay itinuon sa pagkain. Gayunman, ipinakikita ng ilang pagsusuri na ang mga nakukuha sa pagkain ay hindi naman karaniwang nagiging dahilan ng pagiging sobrang-likot at na ang mga tinimplang sustansiya ay madalas na walang epekto. Ang iba pang paraan ng paggamot sa ADHD ay ang medikasyon, pagbabago sa paggawi, at pagsasanay ng kaunawaan.a

Medikasyon. Yamang ang ADHD ay waring may kaugnayan sa maling paggana ng utak, ang medikasyon upang maibalik ang tamang pagkakatimbang ng kimiko ay napatunayang nakatulong sa marami.b Gayunman, ang medikasyon ay hindi kapalit ng pagkatuto. Tumutulong lamang ito sa bata upang maituon ang kaniyang pansin, anupat nagkakaroon siya ng pundasyon upang matuto ng mga bagong kasanayan.

Maraming adulto na may ADHD ang natulungan din ng medikasyon. Gayunman, kailangan ang pag-iingat​—sa mga kabataan at adulto​—yamang ang ilang nakapagpapasiglang medikasyon na ipinanggagamot sa ADHD ay nakapagpapasugapa.

Pagbabago ng paggawi. Ang ADHD ng isang bata ay hindi nag-aalis ng obligasyon ng mga magulang na dumisiplina. Bagaman maaaring may pantanging pangangailangan ang bata hinggil dito, ang Bibliya ay nagpapayo sa mga magulang: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” (Kawikaan 22:6) Sa kaniyang aklat na Your Hyperactive Child, sinabi ni Barbara Ingersoll: “Ang magulang na sumuko na at hinahayaan nang ‘magwala’ ang kaniyang sobrang-likot na anak ay walang naitutulong sa bata. Gaya rin ng ibang bata, ang batang sobrang-likot ay nangangailangan ng di-nagbabagong disiplina na may kalakip na paggalang sa bata bilang isang tao. Ito’y nangangahulugan ng malilinaw na limitasyon at angkop na mga gantimpala at parusa.”

Samakatuwid ay mahalaga para sa mga magulang na maglaan ng tiyak na kaayusan. Isa pa, dapat magkaroon ng isang mahigpit na rutin sa pang-araw-araw na gawain. Maaaring naisin ng mga magulang na bigyan ang bata ng kaunting kalayaan sa paggawa ng ganitong iskedyul, lakip na ang panahon para sa gawaing-bahay, pag-aaral, paliligo, at iba pa. Saka maging palagian sa pagsubaybay. Tiyaking nasusunod ang pang-araw-araw na rutin. Sabi ng Phi Delta Kappan: “Ang mga doktor, sikologo, opisyal ng paaralan, at mga guro ay may obligasyon sa bata at sa mga magulang ng bata na ipaliwanag na ang pagkakaroon ng ADD o ADHD ay hindi lisensiya upang magawa nila ang lahat ng magustuhan nila, kundi sa halip ay isang pagpapaliwanag na maaaring umakay sa angkop na tulong sa batang mayroon nito.”

Pagpapaunawa. Kalakip dito ang pagtulong sa bata na baguhin ang kaniyang pangmalas sa sarili at sa kaniyang karamdaman. “Ang mga taong may attention-deficit disorder ay nag-aakalang sila’y ‘pangit, mahina ang isip, at walang-kuwenta’ gayong sila nama’y kaakit-akit, matalino, at mabait,” sabi ni Dr. Ronald Goldberg. Samakatuwid, ang batang may ADD o ADHD ay dapat magkaroon ng tamang pangmalas sa kaniyang halaga, at kailangang malaman niyang magagawan pa ng paraan ang kaniyang problema sa pagtutuon ng atensiyon. Ito’y lalong mahalaga sa panahon ng pagiging tin-edyer. Sa pagsapit ng isang may ADHD sa pagiging tin-edyer, maaaring nakaranas na siya ng maraming pagpuna mula sa mga kasamahan, guro, kapatid, at marahil mula sa mga magulang pa nga. Kailangan na niya ngayong gumawa ng makatotohanang mga tunguhin at may-kainamang suriin ang kaniyang sarili sa halip na sa paraang nakasasakit.

Ang nabanggit na mga paraan sa paggamot ay maaari ring gawin ng mga adultong may ADHD. “Ang pagbabago ay kailangan batay sa edad,” ayon sa isinulat ni Dr. Goldberg, “ngunit ang saligan ng paggamot​—medikasyon saanman angkop, pagbabago ng paggawi, at pagpapaunawa​—ay nananatiling mabibisang paraan sa buong siklo ng buhay.”

Paglalaan ng Suporta

Ganito ang sabi ni John, ang ama ng isang tin-edyer na may ADHD, sa mga magulang na may katulad na kalagayan: “Alamin ang lahat ng maaaring pag-aralan hinggil sa problemang ito. Magpasiya ayon sa pinag-aralan. Higit sa lahat, mahalin mo ang iyong anak, patatagin mo siya. Ang kakulangan ng pagpapahalaga sa sarili ay pumapatay.”

Upang magkaroon ng hustong suporta ang isang batang may ADHD, dapat makipagtulungan ang parehong magulang. Isinulat ni Dr. Gordon Serfontein na kailangan ng isang batang may ADHD na “malamang siya’y mahal sa loob ng tahanan at na ang pagmamahal ay nagmumula sa pagmamahal na umuugit kapuwa sa pagitan ng mga magulang.” (Amin ang italiko.) Nakalulungkot sabihin, ang pagmamahal na iyan ay hindi palaging naipadarama. Nagpatuloy si Dr. Serfontein: “Matagal nang napatunayan na sa pamilyang may [anak na may ADHD], halos makaitlong beses na mas mataas ang bilang ng sigalot at pagguho ng mag-asawa kaysa sa normal na pamilya.” Upang maiwasan ang gayong sigalot, kailangang gampanan ng ama ang isang mahalagang papel sa pagpapalaki sa anak na may ADHD. Hindi dapat na sa ina lamang iatang ang responsibilidad.​—Efeso 6:4; 1 Pedro 3:7.

Ang matatalik na kaibigan, bagaman hindi bahagi ng pamilya, ay maaaring maging napakalaking suporta. Paano? “Maging mabait,” sabi ni John, na binanggit kanina. “Huwag lamang panlabas ang iyong tingnan.” Kilalanin mong mabuti ang bata. Kausapin din ang mga magulang. Kumusta na sila? Ano ang kanilang pinaghihirapan sa araw-araw?”​—Kawikaan 17:17.

Ang mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon ay may malaking magagawa upang sumuporta kapuwa sa batang may ADHD at sa mga magulang. Paano? Sa pamamagitan ng pagiging makatuwiran sa kanilang mga inaasahan. (Filipos 4:5) Kung minsan, ang batang may ADHD ay magulo. Sa halip na buong-tigas na sabihing, “Hindi mo ba kayang sawayin ang iyong anak?” o “Bakit hindi mo siya madisiplina?” mapagtatanto ng isang nakauunawang kapananampalataya na ang mga magulang marahil ay sagad na rin sa araw-araw na hirap sa pagpapalaki sa isang batang may ADHD. Mangyari pa, kailangang gawin ng mga magulang ang kanilang magagawa upang malimitahan ang panggugulo ng bata. Magkagayunman, sa halip na mambulyaw dahil sa inis, yaong mga kapatid sa pananampalataya ay dapat magsikap na ipakita ang “damdaming pakikipagkapuwa” at ‘maggawad ng pagpapala.’ (1 Pedro 3:8, 9) Oo, madalas na sa pamamagitan ng madamaying kapananampalataya na ang Diyos ay “umaaliw doon sa mga ibinaba.”​—2 Corinto 7:5-7.

Nauunawaan ng lahat ng mga estudyante ng Bibliya na lahat ng di-kasakdalan ng tao, lakip na ang ADHD, ay namana mula sa unang tao, si Adan. (Roma 5:12) Alam din nila na ang Maylalang, si Jehova, ay tutupad sa kaniyang pangako na gagawa ng isang matuwid na bagong sanlibutan na doo’y wala nang nagpapahirap na mga sakit. (Isaias 33:24; Apocalipsis 21:1-4) Ang katiyakang ito ay isang maaasahang suporta para sa mga apektado ng gayong mga karamdaman na gaya ng ADHD. “Ang edad, pagsasanay, at karanasan ay tumutulong sa aming anak na maunawaan at mapangasiwaan ang kaniyang karamdaman,” sabi ni John. “Ngunit siya’y hindi lubusang gagaling sa sistemang ito ng mga bagay. Ang aming kaaliwan sa araw-araw ay na sa bagong sanlibutan, gagamutin ni Jehova ang karamdaman ng aming anak at matatamasa niya ang buhay hanggang sa kasukdulan nito.”

[Mga talababa]

a Walang sinusuportahan ang Gumising! ng partikular na paggamot. Dapat ingatan ng mga Kristiyano na ang anumang paggamot na kanilang gawin ay hindi salungat sa mga prinsipyo ng Bibliya.

b Ang ilan ay nakararanas ng di-kanais-nais na mga epekto dahil sa medikasyon, lakip na ang pagkabalisa at iba pang problema sa emosyon. Isa pa, ang nagpapasiglang medikasyon ay lalong nagpapadalas ng pagkibot sa mga pasyenteng may sakit na pagkibot ng kalamnan at gulunggulungan na gaya ng Tourette syndrome. Kung gayon ay dapat subaybayan ang medikasyon sa ilalim ng pangangasiwa ng isang doktor.

[Kahon sa pahina 8]

Isang Paalaala sa mga Magulang

LAHAT ng bata kung minsan ay talagang di-nakikinig, pabigla-bigla, at napakalilikot. Ang pagkakaroon ng ganitong kaugalian ay hindi naman laging nagpapahiwatig ng ADHD. Sa kaniyang aklat na Before It’s Too Late, ganito ang sabi ni Dr. Stanton E. Samenow: “Nakita ko ang di-mabilang na mga kaso na ang batang ayaw gumawa ng anuman ay hinahayaan na lamang sapagkat inaakalang ito’y may kapansanan o kalagayang hindi naman niya kasalanan.”

Nakikita rin ni Dr. Richard Bromfield ang pangangailangang mag-ingat. “Tunay, ang ilang taong may ADHD ay may neurolohikal na kapinsalaan at nangangailangan ng medikasyon,” ang sulat niya. “Ngunit ibinunton din ang sisi sa sakit na ito na inaakalang dahilan ng lahat ng uri ng mga pang-aabuso, pagkukunwari, pagpapabaya at iba pang sakit ng lipunan na karaniwan nang wala namang kinalaman sa ADHD. Sa katunayan, ang kawalan ng simulain sa modernong pamumuhay​—di-isinaplanong karahasan, pag-abuso sa droga at, di-gaanong nakasisindak na mga bagay, na gaya ng mga tahanang walang disiplina at magugulo​—ay mas malamang na magpalubha pa sa tulad-ADHD na kabalisahan kaysa sa anumang neurolohikal na kapinsalaan.”

Kaya nga may magandang dahilan si Dr. Ronald Goldberg na magbabala sa paggamit ng ADHD bilang “buntunan ng paninisi.” Ang payo niya ay “tiyaking mabuti na nasuri ang lahat ng dapat suriin.” Ang mga sintoma na nakakatulad ng ADHD ay maaaring magpahiwatig ng alinman sa maraming pisikal o emosyonal na mga problema. Ang tulong ng makaranasang doktor kung gayon ay napakahalaga sa paggawa ng tamang diyagnosis.

Kahit may diyagnosis na, makabubuti pa rin para sa mga magulang na pagtimbang-timbangin ang mga kabutihan at kasamaan ng medikasyon. Ang Ritalin ay makapag-aalis ng masasamang sintoma, ngunit maaari rin naman itong magdulot ng di-kanais-nais na mga epekto, gaya ng insomniya, labis na pagkabalisa, at nerbiyos. Kaya nga, nagbababala si Dr. Richard Bromfield na huwag magpadalus-dalos sa pagbibigay sa isang bata ng medikasyon upang maalis lamang ang kaniyang mga sintoma. “Napakaraming bata, at parami nang paraming adulto, ang binibigyan ng Ritalin sa maling paraan,” aniya. “Sa aking karanasan, ang paggamit ng Ritalin ay depende higit sa lahat sa kakayahan ng mga magulang at guro na mapagtiisan ang paggawi ng mga bata. May kilala akong mga bata na binibigyan nito upang sila’y mapatahimik sa halip na masapatan ang kanilang mga pangangailangan.”

Hindi dapat kung gayon na sabihin agad ng mga magulang na ang kanilang mga anak ay may ADHD o may kapansanan sa pagkatuto. Sa halip, dapat na buong-ingat nilang pagtimbang-timbangin ang mga ebidensiya, sa tulong ng isang bihasang propesyonal. Kung mapatunayang may kapansanan o may ADHD sa pagkatuto ang isang bata, dapat na magsikap ang mga magulang na magkaroon ng lubos na kabatiran hinggil sa problema upang magawa nila ang pinakamabuti para sa kanilang mga anak.

[Larawan sa pahina 9]

Ang batang may ADHD ay nangangailangan ng mabait ngunit di-nagbabagong disiplina

[Larawan sa pahina 10]

Malaki ang nagagawa ng komendasyon ng mga magulang

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share