Kapag Higit Pa ang Kailangan
BAGAMAN marami sa mga mungkahi sa naunang mga artikulo ay maaaring totoong nakatutulong, kung minsan higit pang tulong ang kinakailangan sa espesipikong mga kalagayan. Halimbawa, kabilang sa mga case study ang mga ulat tungkol sa mga batang hindi lamang mapusok kundi lubhang mapanganib din naman. Ang mga batang ito, bagaman inaaruga ng maibiging mga pamilya, ay nagpapakita ng kanilang mapangwasak na paggawi sa pamamagitan ng pagbabasag ng mga bagay, pagsigaw sa mga tao, pagsisimula ng sunog, pagbaril at pagsaksak sa pamamagitan ng patalim (kung may makukuha), at pananakit sa mga hayop, sa ibang tao, o sa kanilang sarili, kailanma’t maisip nilang gawin ito. Sa diwa, inilalarawan nila ang kaguluhan.
Kung baga kukuha o hindi kukuha ng medikal na tulong, upang magkaroon ng pinakamabuting pangangalaga para sa kanilang anak, ay isang personal na pasiyang dapat gawin. Bawat pamilya ay dapat magpasiya kung paano haharapin ang pansariling indibiduwal na mga pangangailangan ng kanilang anak, isinasaisip ang nakaaaliw na katiyakang ibinigay sa mga magulang sa Kawikaan 22:6.
Ang isa sa pinakakontrobersiyal na paggamot, sa kasalukuyan, ay ang isyu tungkol sa paggamot. Ang pinakamadalas na iresetang gamot, ang Ritalin, ay nagkaroon ng halu-halong resulta. Maraming pamilya ang nasiyahan sa pagsulong ng kanilang anak samantalang umiinom ng Ritalin o ng iba pang gamot na nagpapakalma. Gayunman, nagpapatuloy ang kasalukuyang debate, hindi lamang tungkol sa pagiging kapaki-pakinabang ng mga gamot na ito kundi tungkol sa labis at madalas na pagrereseta ng gamot na ito. Sa katunayan, hinahamon ng ilang doktor ang bisa nito, binabanggit, halimbawa, na ang patuloy na paggamit ng Ritalin sa loob ng mahabang panahon ay maaaring magdulot ng maraming nakapipinsalang masamang mga epekto. Gayunman, dapat na muling idiin na maraming pamilya at doktor ang bumabanggit ng ilang epekto gaya ng pagbuti ng paggawi at pagsulong sa paaralan. Kapansin-pansin, maraming adulto na nasuri na may ADD at na kasalukuyan ay naggagamot din ay nasisiyahan sa mga resulta. Samakatuwid, ang paggamit ng gamot ay isang personal na pasiya batay sa maingat na pananaliksik at pagtatasa.
Para sa mga nagbalak na maggamot na may mahinang mga resulta, may mapagpipiliang mga paraan ng paggamot. Maraming pamilya ang nakabasa at nagtala ng mabubuting resulta ng bitamina at mga paggamot sa pamamagitan ng mga damong-gamot o ang kombinasyon ng dalawa. Gaya ng nasabi kanina, ang ADD/ADHD ay maaaring pinangyari ng ilang kalagayan sa pamamagitan ng di-timbang na biyokemika sa utak na inaakalang itinutuwid ng mga paggamot na ito.
Karagdagan pa, may iba pang mga salik na inaakala ng ilan ay pinagmumulan ng marami sa mga problemang nauugnay sa ADD/ADHD. Si Dr. Doris Rapp, sa kaniyang aklat na Is This Your Child?, ay nagsasabi na “ang ilang bata ay may pisikal na karamdaman at/o mga problema sa damdamin, paggawi, at pag-aaral na bahagya o pangunahin nang nauugnay sa mga alerdyi o pagkalantad sa isang bagay sa kapaligiran na pinagmumulan ng reaksiyon.” Gayundin, ang mga reaksiyon sa tina, asukal, at mga pampalasa ay maaaring aktuwal na tularan ang mga problemang ito na may mararahas na pag-aalboroto, mga sumpong, at insomnia o di mapagkatulog.
Natutuhan ng maraming pamilya kung paano kikilalanin ang paggawi ng kanilang mga anak, gayunman ang pag-aaral ng mga bata ay maaaring lumikha ng karagdagang mga problema. Para sa ilan, ang pantanging mga paglilingkod na gaya ng mga tutor, pagpapayo, mga support group, at mga special teacher ay maaaring makatulong. Sapagkat ang mga batang ito ay waring nakagagawa nang mas mahusay sa isahang kaayusan, ang ilang pamilya, sa mungkahi ng kanilang doktor, ay nag-ulat ng tagumpay sa edukasyon sa tahanan.
Kapansin-pansin din na maraming bagong mga proyektong pang-edukasyon, gaya ng Schools Attuned ni Dr. Mel Levine, na nagtatanghal ng pagiging natatangi ng indibiduwal at ng pagkakaiba-iba ng mga bata. Itinataguyod ng programa ni Dr. Levine ang pag-aangkop ng edukasyon upang matugunan ang mga pangangailangan ng bawat bata. Saanman isinagawa ang kakaibang pamamaraang ito sa pag-aaral sa Estados Unidos, ang mga resulta ay waring mahusay.
Ang Hinaharap
Ang pagpapalaki ng mga bata ay maaaring itulad sa pagbili ng isang bagong bahay. Ito kapuwa ay nangangailangan ng buong-buhay na pamumuhunan; gayunman, dahil sa mga kalagayan, ang mga bibili ay maaaring mapilitang makontento sa hindi gaanong maganda. Sa katulad na paraan, ang di-sakdal na mga magulang na nagpapalaki ng di-sakdal na mga anak sa sanlibutan ni Satanas ay napipilitang makontento sa hindi gaanong kanais-nais. Ang bagong biling bahay ay maaaring may di-karaniwan o di-kanais-nais na mga bahagi, subalit taglay ang paggawa at kaunting imahinasyon, maraming pangit na mga bahagi ang maaaring maalis. Kahit ang isang mahirap na bahagi ng arkitektura ay maaaring maging sentro ng pansin ng tahanan.
Sa gayunding paraan, kung ang mga magulang ay babagay sa indibiduwal na mga pangangailangan ng kanilang di-pangkaraniwang anak, siya ay maaaring maging isang magandang bahagi ng kanilang buhay. Ang bawat bata ay dapat na pahalagahan sa kaniyang sariling mga katangian. Kaya nga, ituon ang pansin sa positibo. Sa halip na sugpuin ang mga bata, himukin ang pagkamapanlikha ng bawat isa, at pahalagahan na siya ay isang marangal na taong karapat-dapat sa dangal at pag-ibig—isang mahalagang kaloob buhat sa Diyos na Jehova.—Awit 127:3-5.