“Burnout”—Ikaw ba ang Susunod?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPON
“Ang mga serbidora sa Sweden, mga guro sa Hapón, mga manggagawa sa koreo sa Amerika, mga tsuper ng bus sa Europa at assembly line na mga manggagawa saanman ay pawang nagpapakita ng parami nang paraming palatandaan ng kaigtingan sa trabaho.”—MAINICHI DAILY NEWS.
SI Nobuaki ay pagod na pagod. Araw at gabi na nagtatrabaho, siya ay nagkalap ng 130 empleado sa loob ng apat na buwan. Siya ang sales manager para sa isang bagong sangay ng isang kawing ng malaking supermarket sa Hapón, at sa kaniyang mga pagsisikap sa ilalim ng panggigipit, naipasok niya sa trabaho ang mga tao na hindi nakatugon sa mga pamantayan na inaasahan niya. Sila’y nag-aaway-away at nagrereklamo tungkol sa kanilang kalagayan sa trabaho. Karagdagan pa riyan, itinanan ng isang empleadong lalaki ang isang empleada. Sumasakit ang ulo ni Nobuaki araw-araw. Di-nagtagal ay hindi na siya makapasok sa trabaho, at sa mga araw na pinipilit niya ang kaniyang sarili na pumasok, siya’y agad na umuuwi. Siya’y dumaranas ng tinatawag sa Ingles na burnout, parang nauupos na kandila.
Ang buong-panahong mga maybahay ay nakararanas din ng burnout. Pagkaraan ng dalawang taon na nasa bahay kasama ng kaniyang tatlong anak, si Sarah ay totoong nawalan ng pasensiya sa kanila. “Nadarama kong para bang ako’y gawa na lamang ng gawa para sa mga bata, subalit walang katapusan ang trabaho,” aniya. Kapag ang isang ina ay nagtatrabaho at nag-aaruga sa mga bata, mas malamang na makadama siya na para siyang nauupos na kandila. Nasumpungan ni Betty, mga edad 40, ang kaniyang sarili sa kalagayan na tinitimbang ang pagiging ina at ang karera, sinisikap na gampanan ang dalawang bahagi nang lubus-lubusan. Sinikap niyang palugdan ang lahat—ang kaniyang asawa, ang kaniyang mga anak, ang kaniyang amo, at ang kaniyang mga kasamahan. Tumaas ang presyon niya, at ang maliliit na bagay ay nakayayamot sa kaniya. Para siyang nauupos na kandila.
Apektado rin ng burnout ang mga taong hindi mo inaasahang makararanas nito. Si Shinzo, isang may kakayahang ministrong Kristiyano, ay punô ng lakas at mga mithiin. Tumulong siya sa isang lugar kung saan may malaking pangangailangan para sa mga gurong Kristiyano. Gayunman, sa loob ng ilang buwan, nadama niyang siya’y naubusan ng lakas, at siya’y nagkulong sa kuwarto nang buong maghapon. Nadarama niyang para bang siya’y nasa loob ng isang tunél na walang labasan. Nahihirapan siyang magpasiya, kahit na nga kung ano ang kaniyang kakainin sa tanghalian. Ayaw niyang gumawa ng anumang bagay. Ganap siyang nauupos na kandila.
Ano ba ang Burnout?
Ano kung gayon ang burnout? Sinimulang gamitin ni Herbert Freudenberger at ng iba pang mananaliksik ang katagang ito noong kalagitnaan ng dekada ng 1970, at ito’y naging salita na naglalarawan sa “isang labis na pagkapagod mula sa pagkasangkot sa mga tao sa matinding emosyonal na mga kalagayan.” Gayundin, ng “sobrang pagod ng katawan o damdamin, lalo na bunga ng matagal na kaigtingan o mapagmalabis na pamumuhay.” (American Heritage Dictionary) Gayunman, depende sa mananaliksik, may iba’t ibang kahulugan ang katagang ito.
Bagaman ang burnout ay walang tiyak na medikal na kahulugan, ang mga biktima ay kakikitaan ng mga sintoma na gaya ng sobrang pagod, kawalan ng sigla, kawalang-kaya, kawalang pag-asa, at kawalang kasiyahan. Ang biktima ay nakadarama ng sobrang pagod at naiinis sa maliliit na bagay. Walang makapagpapasigla sa kaniya na kumilos. Ang lahat ay waring nakalilipos, at maaaring humingi siya ng tulong sa kaninuman na masalubong niya. Ang lahat ng mga pagsisikap sa dako ng trabaho at sa bahay ay maaaring magtinging walang saysay. Umiiral ang diwa ng kawalang pag-asa. Kung taglay mo ang mga sintomang ito pati na ang kalungkutan, kawalang kasiyahan sa lahat ng bagay, maaaring nararanasan mo na para kang nauupos na kandila.
Ang burnout ay maaaring makaapekto sa trabaho at sa buhay pampamilya. Nais mong iwasan ito. Subalit paano? Upang malaman, atin munang alamin kung sino ang malamang na makaranas ng burnout at bakit.
[Kahon sa pahina 4]
Mga Sintoma ng Burnout
“Ang nauupos na kandila sa trabaho ay tumutukoy sa isang nakapagpapahinang kalagayan ng isip na dulot ng di-napaginhawang kaigtingan sa trabaho, na nagbubunga ng:
1. Nasaid na reserbang lakas
2. Mahinang resistensiya sa sakit
3. Sumidhing kawalan ng kasiyahan at kawalang pag-asa
4. Dumaming pagliban at kawalang kasanayan sa trabaho.
“Ang kalagayang ito ay nakapanghihina sapagkat ito ay may puwersa na magpahina, sumira pa nga, sa kabila ng pagiging malusog, masigla, at may-kakayahang mga indibiduwal. Ang pangunahing sanhi nito ay ang di-napaginhawang kaigtingan, ang uri ng kaigtingan na nagpapatuloy araw-araw, buwan-buwan, taun-taon.”—The Work/Stress Connection: How to Cope With Job Burnout, nina Robert L. Veninga at James P. Spradley.