Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 1/8 p. 5-6
  • “Burnout”—Sino ang Nanganganib at Bakit?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Burnout”—Sino ang Nanganganib at Bakit?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malamang na mga Biktima ng Burnout
  • Kung Bakit ang mga Tao ay Nakadarama ng Burnout
  • “Burnout”—Paano Mo Mapagtatagumpayan?
    Gumising!—1995
  • “Burnout”—Ikaw ba ang Susunod?
    Gumising!—1995
  • Kung Paano Haharapin ang Burnout
    Gumising!—2014
  • Paano Ko Maiiwasang Ma-burnout?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 1/8 p. 5-6

“Burnout”​—Sino ang Nanganganib at Bakit?

GUNIGUNIHIN ang iyong sariling nag-oopisina’t may pamilya​—o marahil gayon ka nga. Nagtambakan ang mga papeles sa iyong mesa. Ang telepono ay walang tigil na tumutunog dahil sa mga parokyanong humihiling ng halos imposibleng mga bagay. Ang iyong superbisor ay hindi nasisiyahan dahil sa hindi mo nagagawa ang bahagi ng trabaho na inaasahan sa iyo. Ang anak mong lalaki ay gumawa ng kapilyuhan sa paaralan. Nais ng guro na makita ka agad. Ang iyong mga pagsamo sa iyong asawa na tulungan ka ay hindi iniintindi. Nang ang kalagayan ay waring hindi na makaya, ang kaigtingan ay nagiging kagipitan, na humahantong sa burnout.

Ang burnout ba ay dulot ng sobrang trabaho? Si Ann McGee-Cooper, isang mananaliksik sa utak, ay nagsabi na ang burnout ay “ang resulta ng pamumuhay nang di-timbang, lalo na sa paggugol ng higit at higit na panahon sa pagtatrabaho at paunti nang paunting panahon sa pagpapahingalay.” Ang sobrang trabaho ay hindi siyang tanging salik; sa ilalim ng gayunding mga kalagayan, ang ilan ay nakararanas nito samantalang ang iba ay hindi.

Malamang na mga Biktima ng Burnout

Kung paanong may mga tao na mas malamang mahawa ng isang sakit, may mga uri ng tao na mas malamang na makaranas ng burnout. “Upang ang isa ay makaranas ng burnout,” sabi ni Elliot Aronson, propesor ng social psychology sa University of California, “ikaw ay dapat na masiglang-masigla tungkol sa isang bagay.” Kaya yaong mga malamang na makaranas ng burnout ay yaong nag-aalab sa matataas na tunguhin at mga mithiin. Sinasabing sila ay kadalasang ang pinakamahusay na mga manggagawa ng isang kompaniya.

Binubuod ang mga katangian ng malamang na mga biktima ng burnout, si Propesor Fumiaki Inaoka ng Red Cross College of Nursing ng Hapón, ay sumulat sa aklat na, Moetsukishokogun (Burnout Syndrome): “Yaong malamang na makaranas nito ay may masisidhing hilig na maging madamayin, makatao, pihikan, puspusan sa paggawa, at idealistiko. Hindi sila mahilig sa makina kundi ‘mahilig sa tao,’ sabihin pa.”

Hiniling na gumawa ng isang pagsubok upang kilalanin yaong malamang na makaranas ng burnout, isang espesyalista ang nagsabi na ang pagsubok sa halip ay dapat na gamitin bilang isang pamantayan sa pagkuha ng mga empleado. “Ang kailangang gawin ng mga kompaniya,” sabi niya, “ay humanap ng mga tao na handang makaranas ng burnout . . . at saka kailangang magkaroon sila ng mga programa upang labanan ang burnout.”

Lalo nang madaling tablan yaong nasasangkot sa mga paglilingkod sa tao, gaya ng mga social worker, mga doktor, mga nars, at mga guro. Sinisikap nilang tulungan ang mga tao, itinatalaga ang kanilang mga sarili upang mapabuti ang mga buhay ng iba, at maaari silang makadama na para silang nauupos na kandila kapag natalos nila na hindi nila nakakamit ang kung minsan ay di-maabot na mga tunguhin na itinakda nila para sa kanilang mga sarili. Ang nagmamalasakit na mga ina ay maaari ring makaranas nito sa gayunding dahilan.

Kung Bakit ang mga Tao ay Nakadarama ng Burnout

Sa surbey na isinagawa sa mga nars ay nagsisiwalat ng tatlong salik na humahantong sa burnout. Unang binanggit ang dami ng kabalisahan na pinagmumulan ng pagkasiphayo. Halimbawa, ang karamihan ng mga nars ay kailangang magpasan ng mabibigat na pananagutan, lumutas ng mga problema sa pakikitungo sa mga pasyente, makibagay sa bagong kagamitan, humarap sa dumaraming gastos, at magtiis sa isang pabagu-bagong istilo ng buhay. “Ang araw-araw na mga kabalisahang ito ang siyang bumubuo ng pinakamalaking impluwensiya tungo sa pagkadama nila ng burnout,” sabi ng aklat na Moetsukishokogun. Kapag ang mga problema ay hindi nalulutas, ang pagkasiphayo ay basta nagpapatung-patong at humahantong sa burnout.

Ang ikalawang salik na binanggit ay ang kawalan ng pagtanggap ng mental at emosyonal na tulong, wala kang mapagsabihan ng iyong niloloob. Kaya, ang isang ina na ibinubukod ang kaniyang sarili sa ibang ina ay malamang na dumanas ng burnout. Nasumpungan ng nabanggit na surbey na ang dalagang mga nars ay mas malamang na makadama nito kaysa roon sa mga may-asawa. Gayunpaman, ang pagiging may-asawa ay maaaring magdagdag ng araw-araw na mga kabalisahan kung walang prangkang pag-uusap sa pagitan ng mag-asawa. Kahit na kung ang lahat ay nasa bahay, maaaring masumpungan ng isa ang kaniyang sarili na nalulumbay sapagkat ang kaniyang pamilya ay buhos na buhos ang isip sa panonood ng telebisyon.

Ang ikatlong salik ay ang mga damdamin ng kawalang-kaya. Halimbawa, ang mga nars ay mas malamang na makaranas ng mga damdamin ng kawalang-kaya kaysa mga doktor sapagkat ang mga nars ay walang awtoridad na baguhin ang mga bagay-bagay. Yaong mga nasa tinatawag na middle management ay maaaring dumanas nito kapag inaakala nilang ang kanilang pinakamahusay na mga pagsisikap ay hindi nagbubunga ng ninanais na mga resulta o pag-asenso. Gaya ng sabi ng isang manedyer ng human resources, ang burnout ay dulot ng pagiging “bigo sa pagsisikap na gumawa ng isang mahalagang bagay at hindi ka pinakikinggan.”

Ang mga damdamin ng kawalang-kaya sa mga tao ay nagmumula sa isang kapaligiran ng di-mapagpahalagang mga saloobin at namumunga ng pagkadama ng burnout. Ang mga asawang babae ay parang nauupos na kandila kapag hindi kinikilala ng kanilang mga asawang lalaki ang dami ng gawaing nasasangkot sa pangangasiwa sa bahay at sa pangangalaga sa mga anak. Ang mga middle manager ay parang nauupos na kandila kapag binabale-wala ng isang amo ang trabahong mahusay ang pagkakagawa at kinagagalitan sila sa maliliit na pagkakamali. “Ang punto ay na tayong lahat ay nangangailangan na ang ating mga pagsisikap ay pahalagahan at kilalanin,” sabi ng magasing Parents, “at kung tayo’y nagtatrabaho sa isang dako kung saan ang ating mga pagsisikap ay hindi ginagantimpalaan​—ito man ay sa ating tahanan o sa ating opisina​—kung gayon tayo’y malamang na dumanas ng burnout.”

Kapansin-pansin, bagaman maraming nars ang dumaranas ng burnout, ang mga dalubhasa sa pagpapaanak ay hindi gaanong nakararanas ng burnout. Karaniwan na, ang gawain ng isang dalubhasa sa pagpapaanak ay nagsasangkot ng pagtulong sa pagsilang ng mga bagong sanggol sa mundo. Sila’y pinasasalamatan ng mga ina at mga ama sa kanilang gawain. Kapag pinahahalagahan, ang mga tao ay nakadarama na sila’y kapaki-pakinabang at nagaganyak.

Kapag nalalaman ng isa kung sino ang malamang na makadama ng burnout at bakit, mas madaling harapin ang problema. Ang sumusunod na artikulo ay makatutulong sa mga biktima ng burnout na magkaroon ng isang timbang na pangmalas sa buhay.

[Blurb sa pahina 6]

Ang burnout ay bunga ng paggugol ng higit at higit na panahon sa pagtatrabaho at paunti nang paunting panahon sa pagpapahingalay

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share