Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 1/8 p. 7-10
  • “Burnout”—Paano Mo Mapagtatagumpayan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Burnout”—Paano Mo Mapagtatagumpayan?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Paraan sa Paggaling
  • Isang Umaalalay na Grupo Para sa Komunikasyon
  • Pagbabago ng Iyong Pangmalas
  • “Burnout”—Sino ang Nanganganib at Bakit?
    Gumising!—1995
  • “Burnout”—Ikaw ba ang Susunod?
    Gumising!—1995
  • Kung Paano Haharapin ang Burnout
    Gumising!—2014
  • Paano Ko Maiiwasang Ma-burnout?
    Tanong ng mga Kabataan
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 1/8 p. 7-10

“Burnout”​—Paano Mo Mapagtatagumpayan?

NABIBIGATAN ng kaigtingan dahil sa mga alalahanin at araw-araw na mga kabalisahan, sinisikap ng marami na lutasin ang kanilang mga kabiguan sa pamamagitan ng alak. Ang alak, ang pinakamalaganap na inaabusong droga sa ngayon, ang ginagamit ng marami sa pagsisikap na takasan ang mga problema. Ang iba naman ay umasa sa popular na inireresetang gamot upang pawiin ang mga kabalisahan. Gayunman ang iba ay bumabaling sa drogang bumabago ng isip, gaya ng marijuana, mga methamphetamine, at cocaine. Kahit na ang mga bata ay gumagamit ng mga droga upang takasan ang mga katotohanan ng buhay. Sinasabing 95 porsiyento ng mga kabataang Amerikano ay makagagamit ng isa o higit pang ipinagbabawal na gamot bago sila magtapos ng high school.

May mga nagsisikap na takasan ang pang-araw-araw na kaigtingan sa pamamagitan ng pagkakatuwaan na kasama ng kanilang mga kaibigan o pagkukunwang masaya samantalang nakadarama ng panlulumo. O dahil sa maling mga kadahilanan, sila’y naghahanap ng pagmamahal at pagkagiliw ng hindi kasekso. Subalit ang paggawa ng mga hakbang na ito upang takasan ang kaigtingan ay lalo lamang nakadaragdag sa pagkasiphayo. Kapag sinisikap ng mga tao na lunurin ang kaigtingan sa pamamagitan ng alak o ng iba pang bumabago ng isip na mga bagay sa halip na muling pagningasin ang kanilang lakas at sigla, pinabibilis nila ang pagkadama na parang nauupos na kandila. Ano, kung gayon, ang magagawa mo kapag nadarama mo na ang lakas, sigla at pangganyak sa loob mo ay unti-unting nauupos?

Ang Paraan sa Paggaling

Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng espesipikong mga terapi o paggamot. Gayunpaman, ito’y naghaharap ng ilang kapaki-pakinabang na mga mungkahi batay sa mga simulain ng Bibliya na makatutulong sa iyo na muling pagningasin ang namamatay na mga baga sa loob mo. Inirerekomenda ni Dr. Yutaka Ono, isang patnugot sa Keio University School of Medicine, ang “tatlong K” upang mapagtagumpayan ang pagkadama na parang nauupos na kandila. Sabi niya: “Ang ‘tatlong K’ ay kumakatawan sa kontrol, komunikasyon, at kabatiran.”

Upang mapagtagumpayan ang mga damdamin ng kawalang-kaya, dapat mong madama na kaya mong supilin ang iyong mga damdamin at paggawi. Kung ang kabiguan ang araw-araw na nangingibabaw sa iyong mga damdamin at ginugupo ang iyong kakayahang lumutas ng mga problema, madaling maniwala na hindi mo kayang supilin ang mga bagay. Gayunman, huwag basta maupo at isipin ang mga problema. Sikaping lutasin ang iyong problema nang isa-isa. (Tingnan ang kahon, pahina 8.) Huwag ipagpabukas ang mga bagay. Sa pamamagitan lamang ng pagpapasimula ng positibong mga pagkilos, mas bubuti ang pakiramdam mo at kaya mo ito.

Sikapin mong bawasan ang mga pagkayamot na resulta ng mga damdamin ng kawalang pag-asa. Halimbawa, ang ilan ay waring nayayamot ng bawat mumunting bagay sa buhay. Iginigiit nila ang isang paraan ng paggawa ng mga bagay at naiinis sila kapag ang iba ay hindi sumusunod, o sila’y maaaring masiphayo sa kanila mismong mga pagkukulang. “Huwag kang lubhang magpakamatuwid,” sabi ng isang sinaunang pantas na tao, “ni magpakamangmang man. Bakit sisirain mo ang iyong sarili?” (Eclesiastes 7:16) Ang pangungunyapit sa mga pamantayan na napakataas anupat lagi mong nadarama na hindi mo naaabot ito ang tiyak na paraan upang makadama na parang nauupos na kandila.

Isa pang nakatutulong na payo mula sa Bibliya ay “maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos.” (Mikas 6:8) Ang maging mahinhin ay nangangahulugan ng kabatiran tungkol sa mga limitasyon ng isa o magkaroon ng “katamtamang pagtantiya sa mga kakayahan ng isa.” Ito’y maaaring mangahulugan ng hindi pagtanggap ng di-makatuwirang mga kahilingan sa dako ng trabaho.

Yaong mga may kabatiran sa kanilang mga limitasyon ay tumatanggap ng tulong. Isang babaing manedyer na nakaranas na para siyang nauupos na kandila ay nagsabi na ang susi upang maiwasan ito ay humingi ng tulong. Gayunman, gaya ng sabi niya, “maraming tao ang natatakot humingi ng tulong sapagkat maaaring akalain ng iba na hindi nila kaya ang kanilang trabaho.” Ito man ay gawain sa bahay, gawain sa paaralan, o sekular na trabaho​—anuman ang nagbabanta sa iyo na makadama na para kang nauupos na kandila—​kung maaari ay ipagawa mo sa iba ang trabaho. Magugulat ka na makita kung paanong ang mga bagay ay natatapos na hindi mo tuwirang pinangangasiwaan ang lahat ng bagay.​—Ihambing ang Exodo 18:13-27.

Baka kailanganin mong magpahinga. Ang pagbabakasyon sa trabaho ay maaaring maging kapaki-pakinabang para sa isang malamang na biktima ng burnout. Gayunman, kahit na kung ang iyong mga kalagayan ay hindi magpahintulot niyan, “kung marunong kang maging masayahin, malaki ang magagawa nito,” sabi ng mananaliksik na si Ann McGee-Cooper. Ang pagpapahinga upang baguhin ang takbo ng mga bagay ay maaari pa ngang magpasulong ng paggawa, pinasisigla ang iyong isip tungo sa mapanlikhang pag-iisip. Ang ipinayo ni Haring Solomon mga taon na ang nakalipas ay kapit pa rin: “Maigi ang isang dakot na pahinga kaysa dalawang dakot na pagpapagal at paghahabol sa hangin.”​—Eclesiastes 4:6.

Isang Umaalalay na Grupo Para sa Komunikasyon

Ang ikalawang “K” na binanggit ni Dr. Ono ay nagsasangkot ng komunikasyon. Kapansin-pansin na ang mga bombero ay bihirang makaranas na parang nauupos na kandila. Bukod sa itinuturing na mga bayani, ito’y maaaring dahilan sa sila’y nabubuklod ng isang matibay na tali ng pakikipagkaibigan. Ang pagkakaroon ng isang umaalalay na grupo na maaasahan mo, ang isa ay makahihingi ng tulong. Saan ka makasusumpong ng nakaaaliw na alalay sa ngayon? Inilalarawan ang mga paraan upang mapagtagumpayan ng mga manggagamot ang pagkadama na parang nauupos na kandila, ang aklat na Moetsukishokogun (Burnout Syndrome) ay nagsasabi: “Para sa mga doktor, ang kanilang pamilya, lalo na ang kanilang asawa, ang pinakamabisa at makatotohanang tagaalalay sa damdamin.” Ang lahat ay nangangailangan ng isa na mapagtatapatan ng personal na mga damdamin. May kinalaman sa komunikasyon, ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na payo. Hinihimok nito ang mga mag-asawa na panatilihin ang romantikong pagkagiliw sa isa’t isa at nagsasabi na ang lahat ay magkaroon ng mga kaibigan na makagagawa ng mahalaga at praktikal na mga mungkahi.​—Kawikaan 5:18, 19; 11:14.

“Dapat tayong gumawa ng ating sariling sistema ng alalay ng matatalik na kaibigan at pamilya,” sabi ng USA Today. Saka isinusog nito: “Dapat na malaya rin nating magamit ang mga pamamaraan sa ating relihiyosong mga sentro at mga paglilingkod sa kalusugang pangkaisipan.” Tungkol sa kung paano gagamitin ang relihiyosong mga pamamaraan para sa pagtulong, ang kapatid sa ina ni Jesus na si Santiago ay sumulat: “Mayroon bang sinumang may-sakit sa inyo? Tawagin niya ang mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon sa kaniya, at ipanalangin nila siya, na nilalangisan siya ng langis sa pangalan ni Jehova.” (Santiago 5:14) Ang mga Kristiyanong may problema ay makasusumpong ng ginhawa sa pakikipag-usap sa matatanda sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Bagaman ang matatanda ay hindi mga espesyalista sa pakikitungo sa mga nakararanas ng burnout, ang espirituwal na tulong na ibinibigay nila ay napakahalaga.

Bagaman ang isang sistema ng mga taong aalalay sa iyo ay maaaring muling magpasigla sa atin para sa isa pang araw, maaaring hindi ito laging sapat. Sa panimula ng kaniyang aklat, ang Helplessness, tinukoy ni Martin E. P. Seligman ang walang-taros na diwa ng pagsasarili at pagtitiwala sa sarili na nakikita sa Kanluran bilang isang dahilan ng pagdami ng panlulumo sa ngayon, at ipinahayag niya ang pangangailangan na hanapin ang layunin sa buhay. Saka niya ipinakita na “ang isang mahalagang kondisyon upang masumpungan ang layunin sa buhay ay ang pagmamahal sa isa na nakahihigit sa iyo.” Bagaman maraming tao ngayon ay hindi seryoso sa kanilang kaugnayan sa Diyos, ang komunikasyon o pakikipag-usap sa Maylikha​—na tiyak na “nakahihigit sa iyo”—​ang makatutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang mga damdamin ng kawalang-kaya.

Si Haring David, na nakaharap ang maraming problema, ay nagpalakas-loob sa kaniyang mga sakop: “Magsitiwala kayo [sa Diyos] sa buong panahon, Oh bayan. Buksan ninyo ang inyong dibdib sa harap niya. Diyos ay kanlungan sa atin.” (Awit 62:8) Ang Diyos ay handang makinig, kahit na sa ating “mga pagdaing na di-mabigkas.” (Roma 8:26) Ang taimtim na paghiling sa Kaniya ay nagbubunga ng kapayapaan na maaaring “magbantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan” laban sa pagkadama na parang nauupos na kandila.​—Filipos 4:6, 7.

Pagbabago ng Iyong Pangmalas

Sa wakas, maaaring kailanganin ang isang pagbabago sa kung paano mo minamalas ang iyong kalagayan. Ang kabatiran, o pag-unawa, ang huling “K” na iminungkahi ni Dr. Ono bilang isang paraan upang mapagtagumpayan ang burnout. Kapag nasa ilalim ng matinding kaigtingan, tayo’y waring gumagawa ng negatibong mga tantiya tungkol sa lahat ng bagay at sinisilo natin ang ating mga sarili ng negatibong mga pangmalas. Gayunman, kailangang tayo’y maging makatotohanan. Suriin kung baga may saligan ba para sa gayong negatibong kaisipan. Ang resulta ba ay kasinsama ng pinangangambahan mo? Sikaping malasin ang mga bagay-bagay sa ibang punto de vista.

“Maaari kang magsimula sa pagpapalagay na kung ikaw ay nakaranas na parang nauupos na kandila, malamang na ito’y dahil sa ikaw ay ‘mabuti,’ hindi dahilan sa ikaw ay ‘masama,’ ” sabi ng magasing Parents. Tandaan: Ang mga uri ng tao na malamang makaranas na parang nauupos na kandila ay mayroong mas mataas na mga pamantayan at nagmamalasakit sa iba. Totoong nakatutulong sa isang biktima ng burnout ang salita ng pagpapahalaga. Mahalaga sa isang ina kung ang kaniyang asawa at mga anak ay magpapahayag at magpapakita ng pagpapahalaga sa lahat ng gawaing nasasangkot sa pangangasiwa sa isang sambahayan. Kung ang isang middle manager ay dumaranas ng burnout sa trabaho, ang isang mapagpahalagang komento at pagsang-ayon ay maaaring magbago sa kaniyang pangmalas sa ikabubuti.

Ipinakikita ng Bibliya kung paanong ang isang may kakayahang asawang babae ay karapat-dapat sa papuri: “Nagsisibangon ang kaniyang mga anak at tinatawag siyang maligaya; gayundin ang kaniyang asawa, at kaniyang pinupuri siya. Maraming anak na babae na nagpakitang sila’y mahuhusay, subalit ikaw​—ikaw ay nakahihigit sa kanilang lahat.” (Kawikaan 31:10, 28, 29) Oo, “nakalulugod na mga salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”​—Kawikaan 16:24.

Si Shinzo, ang Kristiyanong matanda na nabanggit sa unang artikulo, ay gumaling nang lubusan mula sa naranasan niyang parang nauupos na kandila. Bagaman siya’y tumanggap ng propesyonal na tulong, ang nakatulong nang husto kay Shinzo ay ang kaniyang mga panalangin kay Jehova. Pagkatapos ng kaniyang taimtim na paghingi ng tulong sa panalangin, nakatagpo niya ang matanda na unang nakipag-aral sa kaniya ng Salita ng Diyos. Ang matandang iyon, gayundin ang kapuwa mga matanda, ay umalalay sa kaniya sa pamamagitan ng pakikinig sa kaniyang mga kabalisahan. Mula sa isang mas naunang labas ng babasahing binabasa mo ngayon, ang mga artikulo tungkol sa pagdaig sa negatibong mga damdamin ay binasa sa kaniya ng kaniyang asawa. (Oktubre 8, 1992) Unti-unti niyang natanto na sinisikap niyang gawin ang lahat ng bagay sa ganang sarili. Ang paraan ng pagtingin niya sa kung ano ang nangyayari sa paligid niya ay nagsimulang magbago. Bagaman sa simula ay nadama niya na siya ay para bang nasa isang walang-katapusang tunél ng pagkasiphayo, nakita niya ang liwanag sa kabilang dulo na unti-unting lumalaki hanggang sa wakas ay nakalabas siya sa kaniyang tunél.

Tulad ni Shinzo, mapagtatagumpayan mo rin ang pagkadama na parang nauupos na kandila at harapin muli ang buhay.

[Kahon sa pahina 8]

Labindalawang Mahahalagang Punto Upang Maiwasan ang Burnout

ANG sumusunod ay salig sa ilan lamang mungkahi na ibinigay ng isang clinical specialist na nangangalaga ng kalusugang pangkaisipan.

1. Dapat na nasusupil mo ang iyong mga kaisipan, damdamin, at gawi​—malaking tulong ang panalangin.

2. Kapag ikaw ay nagsimulang mabalisa, kusang baguhin tungo sa kapaki-pakinabang, tiyak na pag-iisip.

3. Kapag naiinis, huminga nang malalim at sikaping magpahingalay.

4. Sikaping tingnan ang mga kalagayan sa punto de vista ng ibang tao upang maunawaan kung paano nagkakaroon ng kaigtingan.

5. Ituon ang isip sa kung ano ang pinahahalagahan mo sa iba at papurihan sila. Sabihin hindi ang labis na papuri kundi ang karapat-dapat na papuri.

6. Kilalanin at sugpuin ang negatibo, mapangwasak na kaisipan.

7. Matutong tumanggi kung hindi mo ito kaya o hindi ito ipinahihintulot ng iyong iskedyul.

8. Mag-ehersisyo ng katawan araw-araw​—ang mabilis na paglalakad ay mabuti.

9. Pakitunguhan ang iba na may paggalang, sinisikap na ilabas ang pinakamabuti sa kanila.

10. Panatilihin ang ugaling mapagpatawa at isang masayahin at punô ng pag-asang saloobin.

11. Iwan ang iyong mga problema sa trabaho sa dako ng trabaho, huwag dalhin ito sa bahay.

12. Gawin ngayon kung ano ang dapat gawin​—huwag ipagpabukas.

(Iniangkop mula sa “Dealing With Feelings, Beating Burnout,” ni Ruth Dailey Grainger, American Journal of Nursing, Enero 1992.)

[Larawan sa pahina 8, 9]

Ang burnout ay kadalasang nangyayari sa walang-tigil, napakasiglang tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share