Nawawalang mga Bata—Gaano Kalaganap ang Trahedya?
‘NAWAWALA ANG ANAK KO!’
Wala nang mas nakababalisa pa para sa karamihan ng mga magulang kaysa pagbigkas ng mga salitang iyon. Bagaman walang eksaktong pangglobong bilang ang masasabi para sa bilang ng mga batang nawawala sa kanilang mga tahanan, malalaman natin kung gaano kalaganap ang trahedyang ito sa pamamagitan ng nailathalang mga ulat sa maraming bansa.
SA Estados Unidos, mula sa 500,000 hanggang sa mahigit na 1,000,000 bata, depende sa kung paano sila inuuri, ang nakatala na nawawala sa kanilang mga tahanan taun-taon. Ang mga ito ay maaaring nawawala sa loob ng maikling panahon o nawawala na nang tuluyan. Ang Inglatera ay nag-uulat na halos 100,000 bata ang nawawala taun-taon, bagaman sinasabi ng ilan na ang bilang ay mas marami pa. Binanggit ng dating Unyong Sobyet ang tungkol sa sampu-sampung libong bata na nawawala. Sa Timog Aprika ang bilang ay sinasabing mahigit na 10,000. At sa Latin Amerika, nakakaharap ng milyun-milyong bata ang trahedyang ito.
Isang tagapagsalita para sa Ministring Panloob ng Italya ang nagpahiwatig sa lawak ng problema roon nang siya’y sumulat sa L’Indipendente: “Sila’y umaalis ng bahay na katulad ng anumang karaniwang araw. Sila’y nagtutungo sa paaralan o naglalaro, subalit hindi na sila bumabalik. Sila’y nawawala, naglalaho. Ang mga miyembro ng pamilya ay alalang-alala sa paghahanap sa kanila, subalit may malabong mga palatandaan lamang, di-sapat na mga himaton, iilan—at di-tiyak—na mga nakasaksi mismo.”
Isinisiwalat ng isang pagsusuri kamakailan sa Estados Unidos ang tungkol sa lawak ng problemang ito na kabilang sa pamagat na “nawawalang mga bata,” sa katunayan, ang ilang kategoriya. Ang isang kategoriya ay mga batang dinukot ng mga di-kilalang tao. Ang isa pa ay mga batang dinukot ng isang magulang, gaya sa mga kaso ng mga magulang na nagtatalo sa kung sino ang may legal na karapatang mangalaga sa mga anak. At nariyan ang mga pinalayas, mga batang inaayawan ng mga magulang o ng mga tagapag-alaga. Nariyan din ang mga naglayas, isa pang malaking kategoriya. At nariyan pa ang mga naligaw o nahiwalay sa kanilang pamilya sa loob lamang ng ilang oras o sa loob ng isa o ilang araw—karamihan ay mga batang nasa labas ng bahay nang higit sa oras na pinagkasunduan o mga batang ang mga magulang ay hindi naunawaan ang kanilang mga layon. Kaunting-kaunti lamang sa mga ito ang permanenteng nawawala.
Gayunman, ano ang nangyayari sa nawawalang mga bata sa mas malubhang mga kategoriya? Bakit nangyayari ang trahedyang ito? Sinusuri ng labas na ito ng Gumising! ang iba’t ibang aspekto ng trahedya at sinasagot ang tanong na, Kailan ito magwawakas?