Ang Pangmalas ng Bibliya
Kapag ang Pagiging Walang Asawa ay Isang Kaloob
‘AKO’Y nalulungkot,’ himutok ng isang Kristiyanong babae na ilang taon nang nabiyuda. ‘Ako’y umaasang makasusumpong ng kabiyak. Ang pananatiling abala ay nakatutulong. Ang pagkakaroon ng mga kaibigan ay nakatutulong. Subalit nais kong mag-asawa.’
Kung taimtim mong ninanais na mag-asawa ngunit ang iyong paghahanap ng isang kabiyak ay hindi matagumpay, ang pagiging walang asawa ay tila hindi isang kaloob—para bang ikaw ay nahatulan sa isang bilangguan ng negatibong mga damdamin na nag-iiwan sa iyo na pagód at nanlulumo. O kung ikaw ay may pamilya na subalit ikaw ay walang asawa, maaaring ikaw ang tanging bumabalikat sa pananagutan ng paglalaan ng lahat ng mga pangangailangan ng iyong mga anak.
Kaya nga, maaaring hindi mo malasin ang iyong katayuan bilang walang asawa na isang kaloob. Gayunman, ang iba ay itinuturing ang pagiging walang asawa na isang bagay na mahalaga, at pinipili nilang mamuhay na mag-isa. Kaya ang pagiging walang asawa ba ay isang kaloob, at kung gayon nga, kailan at bakit? Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Hadlang sa Kaligayahan?
Ang pag-aasawa ay maaaring maging isang pinagmumulan ng malaking kasiyahan. (Kawikaan 5:18, 19) Ang ilan “ay kumbinsido na ang pag-aasawa ang tanging daan sa pagkakamit ng kaligayahan at kasiyahan,” komento ng Los Angeles Times. Ang lisensiya ba sa pag-aasawa ang tanging “tiket” sa kaligayahan?
Isang propesyonal may kinalaman sa kalusugang pangkaisipan, si Ruth Luban, ay nagsasabi, ayon sa Los Angeles Times: “Ang mga babae [at mga lalaki] ay magugulat kung gaanong kasiyahan ang masusumpungan nila kapag sila’y huminto na sa pamumuhay ng kasiya-siyang buhay sa pag-asang isang lalaki [o babae] ang sasagip sa kanila mula sa pagiging walang asawa.” Oo, ang pagiging walang asawa ay hindi isang bagay na humahadlang sa pagkakamit ng isang maligaya, kasiya-siyang buhay. Maraming diborsiyado ang magtatapat na ang pag-aasawa ay hindi awtomatikong daan patungo sa kaligayahan. Ang tunay na kaligayahan ay bunga ng isang mabuting kaugnayan sa Diyos. Kaya, ang isang Kristiyano ay maaaring maging maligaya kahit walang asawa o may asawa.—Awit 84:12; 119:1, 2.
Bukod sa pagbanggit sa sariling-himok na mga hadlang, sina Marie Edwards at Eleanor Hoover, sa kanilang aklat na The Challenge of Being Single, ay bumabanggit tungkol sa isa pang potensiyal na hadlang sa kaligayahan—panggigipit ng lipunan. Sabi nila ang “palagay na kung ikaw ay walang asawa ikaw ay dumaranas ng malalim, malungkot, na emosyonal na karamdaman. . . . Tiyak na may diperensiya ka.”
Kahit ang mga kaibigang may mabuting layon ay maaaring di-sinasadyang gipitin ang mga walang asawa sa paulit-ulit na pagtatanong, ‘Kailan ka mag-aasawa?’ o, ‘Bakit ang isang guwapong katulad mo ay hindi pa nakasusumpong ng isang asawa?’ Bagaman ang mga komentong gaya nito ay maaaring biro lamang, ang mga ito ay maaaring ‘makasakit na parang tabak,’ na nagbubunga ng nasaktang damdamin o pagkapahiya.—Kawikaan 12:18.
Kaloob sa Bawat Isa
Si apostol Pablo ay walang asawa noong panahong siya’y naglakbay bilang isang misyonero. Ito ba’y dahilan sa siya’y tutol sa pag-aasawa? Hindi naman. Si apostol Pablo ay walang asawa sapagkat pinili niyang manatiling walang asawa “alang-alang sa mabuting balita.”—1 Corinto 7:7; 9:23.
Si Pablo ay nagkaroon ng lakas na huwag mag-asawa, gayunman kinilala niya na hindi lahat ay maaaring maging katulad niya. Sabi niya: “Ang bawat isa ay mayroong kaniyang sariling kaloob mula sa Diyos, ang isa ay sa ganitong paraan, ang iba naman ay sa gayong paraan.”—1 Corinto 7:7.
Ang pagiging walang asawa ay maaaring maging daan tungo sa kaligayahan, kahit na hindi ito ang daan na binabalak mong lakaran. Tiyak, ang pag-aasawa ay kabilang sa maraming kaloob na tinatanggap buhat kay Jehova. Subalit ipinakikita ng Bibliya na ang pagiging walang asawa ay maaari ring maging isang “kaloob”—kung magagawa mong “makapaglaan ng dako rito.” (Mateo 19:11, 12; 1 Corinto 7:36-39) Ano, kung gayon, ang ilang pakinabang ng pagiging walang asawa?
Sinabi ni Pablo na ang mga mag-asawa ay nababalisa kung paano makakamit “ang pagsang-ayon” ng kanilang mga kabiyak, samantalang ang mga walang asawa ay “nababalisa para sa mga bagay ng Panginoon.” Itinatampok nito ang isa sa pinakadakilang mga pakinabang ng pagiging walang asawa—ang pagkakataon na maglingkod kay Jehova “nang walang abala.”—1 Corinto 7:32-35.
Hindi sinasabi ng Bibliya na ang isang taong walang asawa ay lubusang nabubuhay nang walang abala. Gayunman, ang isang taong nag-iisa ay karaniwang may kaunting abala kaysa isa na nangangalaga sa isang pamilya, yamang ang sarili lamang niya ang isasaalang-alang niya kapag siya ay nagpapasiya. Halimbawa, nang utusan ng Diyos si Abraham na lisanin ang Haran at lumipat sa lupain ng Canaan, ang Bibliya ay nagsasabi: “Isinama ni Abram si Sarai na kaniyang asawa at si Lot na anak ng kaniyang kapatid at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga kaluluwang kanilang nakuha sa Haran, at sila’y nagsialis.” (Genesis 12:5) Bagaman ang kalagayan ng sambahayan ni Abraham ay hindi pumigil sa kaniya, tiyak na gumugol siya ng malaking panahon sa pag-oorganisa sa kaniyang sambahayan para sa gayong misyon.
Ihambing ang pagkilos ni Abraham sa pagkilos ni apostol Pablo. Samantalang sina Pablo at Silas ay nangaral ng mabuting balita sa lungsod ng Tesalonica, isang galít na pangkat ng mga mang-uumog ang tumindig laban sa kanila. Nang gabi ring iyon, agad na pinaalis ng mga kapatid kapuwa sina Pablo at Silas tungo sa Berea. Noong minsan, sa Troas, si Pablo ay tumanggap ng isang pangitain na “tumawid ka patungong Macedonia at tulungan mo [sila].” Ngayon nang sandaling makita niya ang pangitain, siya’y umalis patungong Macedonia. Maliwanag, ang pagiging walang asawa ni Pablo ay nagpahintulot ng higit na kalayaan ng pagkilos sa loob ng maikling yugto ng panahon, isang bagay na magiging mas mahirap gawin kung may pamilya.—Gawa 16:8-10; 17:1-15.
Ang isa pang pakinabang na ibinibigay ng pagiging walang asawa ay higit na kalayaan ng personal na pagpili. Kung ikaw ay namumuhay na mag-isa, karaniwan nang mas madaling magpasiya kung saan titira, kung ano at kailan kakain, o kung anong oras pa nga matutulog. Ang kalayaang ito ay sumasaklaw rin sa espirituwal na mga gawain. Higit na panahon ang magugugol mo sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos, pakikibahagi sa ministeryo sa madla, at sa paggamit ng mga pagkakataon upang tulungan ang ibang tao.
Kaya nga, kung baga ikaw ay walang asawa dahil sa iyan ang pinili mo o dahil sa mga kalagayan, maging desididong gamitin ang iyong panahon nang may katalinuhan. Ikaw ay magkakaroon ng mas maligayang buhay kung ang iyong pagiging walang asawa ay ginugugol sa pagtulong sa iba. (Gawa 20:35) Kung nais mong mag-asawa, huwag mong kulungin ang iyong sarili ng negatibong mga damdamin o mamuhay na para bang ikaw ay hindi kompleto sapagkat ang ‘hinahangad mong maging kabiyak’ ay hindi pa dumarating. Maging abala sa paglilingkod sa Panginoon, at gaya ng sabi ni Pablo, masusumpungan mong ang pagiging walang asawa ay maaaring maging isang kaloob.