Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/8 p. 26-27
  • Isang Bagong Pangalan Para sa Lumang Ritwal

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Bagong Pangalan Para sa Lumang Ritwal
  • Gumising!—1995
  • Kaparehong Materyal
  • Liham Mula sa Isang 14-Anyos na Estudyante
    Gumising!—1988
  • Mga Kapistahan
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Pagngangà na Humahantong sa Paghihirap
    Gumising!—1996
  • Tsokolate—Mula sa Buto Tungo sa Iyo
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/8 p. 26-27

Isang Bagong Pangalan Para sa Lumang Ritwal

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA HAPÓN

SA BRITANYA, buong pananabik na binubuksan ng 15-taóng-gulang na si Ann ang isang sobre na kararating lamang buhat sa koreo. Inilabas niya ang isang kard. Ang harap nito ay nagagayakan ng mumunting mga puso. Ang loob ay naglalaman ng romantikong mensahe, at ito’y nilagdaan: “Mula sa isang tagahanga.” Taglay ang nangangarap na mga mata at namumulang pisngi, si Ann ay nagbuntunghininga. Maliwanag na siya’y labis-labis na naliligayahan, gayunma’y nalilito. ‘Sino kaya ang nagpadala sa akin ng valentine na ito?’ tanong ni Ann.

Sa Hapón, si Yuko ay kasisimula pa lamang magtrabaho sa isang opisina. Papalapit na ang Araw ng mga Puso. Ang mga tantiya ni Yuko ay nagpapakita na magkakahalaga ng 20,000 yen ($200, U.S.) upang bumili ng maliliit na kahon ng tsokolate para sa bawat kamanggagawa niyang lalaki. Ginugugol ni Yuko ang panahon ng pananghalian na kasama ng kaniyang mga kaibigang babae sa pamimili ng tinatawag nilang giri-choco​—sapilitang mga tsokolate.

Pebrero 14 ay ang araw na pinakahihintay ng balisang mga romantiko sa buong daigdig na masabihan, sa paano man ng, “Iniibig kita.” Si Ann o si Yuko ay wala man lamang idea kung paano nagsimula ang kapistahang ito. Maaaring magulat sila kung matuklasan nila.

Ang pinagmulan ng tinatawag ngayon na Araw ng mga Puso ay matutunton sa sinaunang Gresya, kung saan palasak ang pagsamba kay Pan. Ang makaalamat na kalahating-tao-kalahating-kambing na diyos na ito ng pag-aanak ay may mapusok, di-mahulaang kalikasan na kinatatakutan ng mga tao. Angkop lamang na ang salitang Ingles na “panic” ay literal na nangangahulugang “tungkol kay Pan.”

Si Pan ay dapat sanang nagbabantay sa mga kawan samantalang tumutugtog ng kaniyang tipano. Gayunman, madali siyang magambala. Si Pan ay maraming minahal na mga nimpa at mga diyosa. Ang isang eskultura ay nagpapakita kay Pan na nang-aakit kay Aphrodite, ang diyosa ng pag-ibig. Si Eros, ang diyos ng pag-ibig, ay aali-aligid sa itaas nila na ipinapayagpag ang kaniyang mga pakpak​—katulad na katulad ni Kupido na makikita sa mga valentine sa ngayon.a

Sa Roma marami ang sumasamba sa isang katulad na diyos na kilala bilang Faunus. Siya man ay inilalarawan bilang kalahating tao at kalahating kambing. Ang pagsamba kay Faunus ay bantog kung Lupercalia, isang magulong kapistahan na ipinagdiriwang taun-taon kung Pebrero 15. Sa panahon ng kapistahang ito ang mga lalaking bahagyang nadaramtan ay mabilis na tumatakbo sa palibot ng isang buról, nagwawasiwas ng mga pamalong yari sa balat ng kambing. Ang mga babaing nagnanais magkaanak ay tumatayong malapit sa landas ng mga tumatakbong ito. Ang mga Romano ay naniniwala, na ang paghampas sa isang babae ay tumitiyak sa kaniyang pagiging palaanakin.

Ayon sa The Catholic Encyclopedia, ang Lupercalia ay inalis ni Papa Gelasius I noong dakong huli ng ikalimang siglo C.E.b Gayunman, sa ngayon masusumpungan natin ang makabagong-panahong katumbas nito na palasak sa ilalim ng pangalang: “Saint Valentine’s Day.” May iba’t ibang teoriya tungkol sa pinagmulan ng pangalang ito na “ginawang-Kristiyano.” Ayon sa isang kuwento, pinagbawalan ng Romanong emperador Claudius II noong ikatlong siglo ang mga binata na mag-asawa. Si Valentine, isang pari, ang lihim na nagkasal sa may kabataang mga magsing-irog. Sinasabi ng ilan na siya ay binitay noong Pebrero 14, mga 269 C.E. Sa paano man, hindi maaaring ikubli ng isang titulong “santo” ang hindi magandang pinagmulan ng pagdiriwang na ito. Ang Valentine Day o Araw ng mga Puso ay nagmula sa paganong mga ritwal at samakatuwid ay hindi ipinagdiriwang ng tunay na mga Kristiyano. (2 Corinto 6:14-18) Ang mga kapahayagan ng tunay na pag-ibig sa buong taon ay mas mabuti kaysa lumilipas na mga kapritso ng isang sentimental na kapistahan.

[Mga talababa]

a Sinasabi ni Herodotus na ang pagsamba kay Pan ay naimpluwensiyahan ng mga Ehipsiyo, kung saan karaniwan ang pagsamba sa kambing. Ang katagang “hugis-kambing na mga demonyo” na masusumpungan sa Bibliya ay maaaring tumutukoy sa anyong ito ng paganong pagsamba.​—Levitico 17:7; 2 Cronica 11:15.

b Sinasabi ng ilan na pinalitan lamang ni Gelasius ang Lupercalia ng “Kapistahan ng Paglilinis.”

[Kahon sa pahina 27]

Kapag ang Pag-ibig ay Isang Malaking Negosyo

ANG papalapit na Araw ng mga Puso sa Hapón ay pumupukaw ng matitinding damdamin​—hindi lamang ng romansa kundi ng gawain ng malalaking negosyo. Sa loob ng mga dekada hinimok ng industriya ng tsokolate ang publiko na magbigay ng mga tsokolate bilang isang tanda ng pag-ibig kung Pebrero 14. Ang malawakang pag-aanunsiyo ay nagbunga ng pakinabang yamang ang mga benta ng tsokolate ay patuloy na lumalakas.

Di-tulad sa Kanluran, sa kaugaliang Hapones ang mga babae ang bumibili ng regalo para sa mga lalaki. Subalit ang negosyo ng Araw ng mga Puso ay hindi nagtatapos sa Pebrero 14. Pagkalipas ng isang buwan, sa Marso 14, ang mga lalaki ay dapat na tumugon​—sa pamamagitan ng puting tsokolate. Bakit? Ang Daily Yomiuri ay sumasagot: “Ang kahulugan ng puting mga regalo ay humahadlang sa sinumang kuripot o bantulot na lalaki na ibalik ang tsokolateng tinanggap nila mula sa mga babae at nakalimutang kainin.”

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Old-Fashioned Romantic Cuts/Dover

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share