Isang Masusing Pagmamasid sa Buwaya
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
ANG Amerikanong turista ay tuwang-tuwang kumukuha ng larawan ng mga hippopotamus sa Ilog ng Mara nang siya’y madulas sa batuhan at nahulog. Ito ang umagaw ng pansin ng isang makapal ang balat na hayop na nagbibilad sa araw nang panahong iyon, isang buwaya. Bagaman ang reptilyang ito ay karaniwang kumakain ng isda, ang pagkakita sa masarap na pagkaing ito ay napakahirap tanggihan. Dagli itong lumusong sa tubig upang magsuri. Mabuti na lamang, nakita ng turista ang buwaya na dumarating at umahon sa ilog—napakabilis na para bang siya’y naglalakad sa tubig!
Ang mga bumibisita sa mga ilog, lawa, at latian ng Aprika ay kalimitang nakakikita ng mga buwaya, bagaman para sa nabanggit na turistang natakot, marahil ang paghaharap na ito ay totoong napakalapit. Ang Kenya ay pugad ng buwayang Nilo. Sa lokal na wikang Swahili, ito’y kilala lamang na mamba. Umaabot ng 7 metro ang haba, ang mga buwaya ay mga reptilya, mabilis-kumilos kapuwa sa lupa at sa tubig. Sa tubig ang mga ito’y nakalalangoy nang napakabilis dahil sa pantay, tulad-sagwan na hugis ng buntot ng mga ito. Ang mga ito’y nakalalangoy sa bilis na umaabot ng 40 kilometro bawat oras! At pangkaraniwan lamang para sa mga ito na manatili sa ilalim ng tubig sa loob ng dalawang oras, tatlong oras pa nga. Sa lupa ang mga ito’y tumatakbo nang maikli, sa napakabilis na bunsod.
Hindi nga kataka-taka, kung gayon, na maliwanag na tukuyin ng Bibliya ang buwaya bilang isang halimbawa ng kamangha-manghang nilalang ng Diyos na tinatawag ng Leviatan. Ang Job 41:8, 10 ay nagsasabi: “Ipatong mo ang iyong kamay sa [Leviatan]. Alalahanin mo ang pagbabaka. Huwag mo nang gawin. . . . Walang malakas na makapangahas kumilos niyaon.” Napakatalinong babala nga! Ayon sa aklat na The Fascination of Reptiles, ni Maurice Richardson, ang mga buwaya ay kilala na sumasalakay sa outboard ng mga bangkang de motor! Angkop ang pagkakasabi ng Job 41:25: “Pagka siya’y tumitindig ay natatakot ang makapangyarihan; dahil sa pagkagulat ay nangalilito sila.”
Bakit ang mga tao ay nagtatakbuhan sa takot kapag nakita ang makaliskis na hayop na ito? Ipinaliliwanag ng talatang 14 ang isang dahilan: “Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kaniyang mukha? Sa palibot ng kaniyang ngipin ay kakilabutan.” Ang panga ng buwaya, kapuwa sa itaas at ibaba, ay may 24 na ngipin na may iba’t ibang laki, lahat ay patuloy na napapalitan habang ito’y nabubuhay. Kapuna-puna, ang ikaapat na ngipin ng buwaya sa ibabang panga ay umaakma sa panlabas na uka sa itaas na panga at madaling makita kapag ang mga panga ay nakatikom. Ito ang tumutulong upang makilala ang pagkakaiba nito sa pinsan nito, ang kayman. Ang problema ay, kapag ikaw ay lumapit nang husto upang suriing sandali ang mga ngipin, talagang masusumpungan mo ang iyong sarili na nasa loob ng bibig na nagsusuri sa lahat ng ngipin ng buwaya!
Iyan ang dahilan kung bakit mas pipiliin mo na masdang mabuti ang buwaya mula sa ligtas na lugar, at maraming lugar sa Kenya kung saan magagawa mo ito. Halimbawa, ang Nayon ng Mamba, ay isang lugar sa Mombasa kung saan ang mga buwaya ay pinalalaki na nakakulong.
‘Pero bakit nga ba,’ maitatanong mo, ‘gugustuhin ninuman na magparami ng buwaya?’ Una sa lahat, upang maingatan ang mga ito na huwag malipol. Sa iláng, ang mga buwaya ay 99-porsiyentong tinatayang mamamatay sa unang taon ng buhay nito. Waring ang mga gumagalang bayawak, marabou stork, at maging ang ilang tao ay natatakam sa mga itlog at napipisang mga itlog nito. Gayunman, ang bilang ng namamatay na buwaya na maingat na inaalagaan sa mga lugar na pinararami ang buwaya ay bumaba mula sa 10 porsiyento hanggang 2. Sa loob ng isang taon, ang batang mga buwaya ay umaabot sa haba na isa’t kalahating metro—totoong malaki-laki upang itaboy ang karamihan sa mga nagbabanta rito. Maaaring gumugol ng tatlong taon upang ang batang mga buwaya ay umabot sa katulad na laki ng mga nasa iláng.
Ang mga lugar na nagpaparami ng buwaya ay nag-aalaga rin para ipagbili ito. Sa internasyonal na pamilihan, masusumpungan mo ang mga sapatos, sinturon, bag, at iba pang usong mga gamit na gawa sa malambot na balat sa tiyan ng buwaya. Halos 2,000 balat ang iniluluwas taun-taon mula sa Nayon ng Mamba sa ibang bansa, gaya sa Italya at Pransiya, para kultihin. Ano ang nangyayari sa nalalabing hayop? Sa Kenya, ang karne ng buwaya ay ginagamit sa industriya ng turismo bilang isang pantanging pagkain.
Mula Oktubre hanggang Abril ang panahon ng pagpaparami ng buwaya. Sa iláng ang babaing buwaya ay mangingitlog saanman mula 20 hanggang 80 itlog. Sa panahong iyan, ang mga babaing nakakulong ay mangingitlog ng 36 na itlog sa mga lugar na pinararami ito sa palibot ng iba’t ibang lawa. Sa gayon ang mga itlog ay tinitipon at inililipat sa mga inkubador o pamisaan ng itlog para mapisa. Ito’y gumugugol ng hanggang tatlong buwan.
Inihaharap ng Nayon ng Mamba ang isang napakahusay na pagkakataon upang pagmasdan nang ligtas ang kamangha-manghang mga nilalang na ito. Ito’y matatagpuan sa 8 ektaryang tibagan na dinisenyo muli upang magsilbing paramihan ng buwaya, harding botanikal, marine aquarium, at lugar ng libangan. Mahigit na 10,000 sa mga reptilyang ito ang nakatira rito. Mangyari pa, hindi mo makikita ang lahat ng ito. Subalit sa dalawang lugar ng paramihan, makikita mo ang mahigit sa sandaang adultong mga buwaya, at sa ibang lugar, may daan-daang batang mga buwaya na nasa lahat ng yugto ng paglaki.
Sa panahon ng pagpapakain ang buwaya ay talagang nagpapalabas. Ang ilan ay tumatalon pa nga nang paahon sa tubig upang kunin ang karne na nakalawit sa lawa. Dito ay makikita mo ang nakasisindak na buwaya na tinaguriang Big Daddy na kinatatakutan ng mga tao sa lugar ng Ilog Tana, na pumatay ng di-kukulangin sa limang tao bago ito nahuli at nadala sa lugar ng paramihan. Kung nininerbiyos kang makakita ng buwaya nang harap-harapan, maaari mong pagmasdan nang mabuti ang mga ito sa teatro na nagpapalabas ng video.
Ang masusing pagmamasid mo sa buwaya ay maaaring makasiya o marahil makatakot sa iyo. Subalit higit mong mauunawaan kung bakit sinabi ng Bibliya sa buwaya ang ganito sa Job 41:34: “Siya’y hari sa lahat ng magigilas na mabangis na hayop.”
[Larawan sa pahina 17]
Kanan: Isang tanawin mula sa itaas ng Nayon ng Mamba
[Larawan sa pahina 17]
Dulong kanan: Isang buwaya sa panahon ng pagpapakain na tumatalon nang paahon mula sa tubig upang kunin ang karne