Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 1/22 p. 24-27
  • Mag-ingat sa ‘mga Mata ng Ilog’!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mag-ingat sa ‘mga Mata ng Ilog’!
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakamamatay na ‘mga Mata ng Ilog’
  • Luho ang Nagsasapanganib ng Kanilang Pagkaligtas
  • Pinalis ang Ilang Matagal nang Mitolohiya
  • Hindi Naman Pawang Kalupitan at Karahasan
  • Isang Masusing Pagmamasid sa Buwaya
    Gumising!—1995
  • Ang Panga ng Buwaya
    Gumising!—2015
  • Mangingitian Mo ba ang Isang Buwaya?
    Gumising!—2005
  • Ang Tubig-alat na Buwaya—Hari sa Daigdig ng mga Reptilya
    Gumising!—1999
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 1/22 p. 24-27

Mag-ingat sa ‘mga Mata ng Ilog’!

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

ISANG abenturerong bakasyunista ang tahimik na nagsasagwan ng kaniyang bangka sa kahabaan ng sangang-ilog sa East Alligator River sa napakagandang latian ng Northern Territory ng Australia, ang Kakadu National Park. Walang anu-ano, ang inaakala niyang isang piraso lamang ng kahoy na lumulutang ang humampas sa kaniyang bangka. Ito ang kinatatakutang buwayang alat, at ang turista ay nagkataong nasa teritoryo nito sa pinakamapanganib na panahon ng taon.

Natataranta, nagsagwan siyang palayo patungo sa isang lipon ng mga puno. Nang maisampa niya ang kaniyang paa sa unang sanga, biglang lumitaw ang buwaya mula sa tubig, hinila siyang pababa, at pinagulong siya ng tatlong ulit. Bawat pagkakataon na iniiba ng buwaya ang sakmal nito, maiging pinagsisikapan ng babae na umakyat sa maputik na pampang ng ilog. Sa ikatlong pagtatangka, nakuha niyang makarating sa pampang, kinaladkad ang kaniyang sarili sa layong dalawang kilometro hanggang sa marinig ng isang ranger ang kaniyang paghingi ng saklolo. Sa kabila ng grabeng mga sugat, nakaligtas ang babae.

Ang halos trahedyang ito ay naganap noong 1985. Dalawang taon ang nakalipas isang Amerikanong turista ang sinawing-palad. Ipinagwalang-bahala niya ang mga babala mula sa mga kasamahan at nagpasiyang lumangoy sa punô ng buwaya na Prince Regent River, Western Australia. Siya’y sinunggaban at pinatay ng isang buwayang alat. Ang mga ulat na may mga batang buwaya sa tubig ay nagpapahiwatig na malamang na isang babaing buwaya ang nagbabantay sa kaniyang mga anak.

Nakamamatay na ‘mga Mata ng Ilog’

Ang pawang nakikita ng mangingisda sa wawa sa liwanag ng buwan ay alun-alon dahil sa paglapag ng insekto sa malakristal na tubig. Magkagayon man, ang mangingisda sa dulong hilaga ng Australia ay napakaingat sa di-nakikita​—ang ‘mga mata ng ilog.’ Kung paiilawan niya ang kaniyang lente, ang mga mata ng buwaya na unti-unting pumapaibabaw sa tubig ay mamula-mula. Siya’y isang nanghihimasok sa isang sinaunang teritoryo ng maninila.

Ang buwayang alat ng Australia, na masusumpungan din sa ibang dako, ay isa sa pinakamalaki at pinakamapanganib sa 12 uri ng buwaya sa daigdig. Maaari itong humaba ng hanggang 7 metro. Huli na nang makita ng walang kamalay-malay na biktima ang nagliliwanag na mga mata para makatakas sa daluhong nito at sa masamang paraan ng panlulunod nito na pinaiikut-ikot ang isa hanggang sa mamatay. Ang mga sinisila na kasinlaki ng kalabaw, baka, at mga kabayo ay dinaluhong habang pinapatid ng mga ito ang kanilang uhaw sa tabi ng tubig.

Luho ang Nagsasapanganib ng Kanilang Pagkaligtas

Ang sinaunang mitolohiya na nagsasabing ang buwaya ay lumuluha nang paimbabaw dahil sa panimdim sa biktima nito ay nakapasok sa makabagong kultura sa pamamagitan ng kasabihang “crocodile tears” (luhang buwaya o paimbabaw na luha). Subalit bihirang iyakan ang buwaya. Sa halip, ang reptilyang ito na mahilig sa tubig ay walang-awang pinapatay dahil sa napakamahal na balat nito.

Maraming balat ng buwaya ang may pagmamalaking iminomodelo sa anyo ng pinaglulunggatiang balat na mga damit, dahil sa ang balat ng buwayang alat ay ipinalalagay ng ilan na siyang pinakamagandang balat sa daigdig​—ang pinakamalambot at pinakatumatagal na makukuhang balat. Kamakailan isang bag na pambabae sa London na ipinagbibili ang nagkahalaga ng $15,000. Ang balat ng buwaya ay nananatiling isang tanda ng prestihiyo sa maraming bahagi ng daigdig.

Ang pang-akit ng malalaking kita ang nagsasapanganib ng pagkaligtas ng buwayang alat sa Australia. Sa pagitan ng 1945 at 1971, halos 113,000 sa mga reptilyang ito ang napatay sa Northern Territory lamang. Ang panghuhuli ng buwaya ay nilimitahan noong pasimula ng dekada ng 1970 upang maiwasan ang kanilang pagkalipol, at ang resulta ay na noong 1986, ang bilang ng mga ito sa iláng ay nabawi. Kaya ang buwaya ay hindi na nanganganib malipol na hayop sa Australia, bagaman pinagtatalunan ng ilan na ang tirahan ng mga ito ang siyang nanganganib.

Sa loob ng mga dantaon naingatan ng mga Aborigine sa Australia ang bilang ng mga buwaya batid man nila ito o hindi. Bagaman ang ilang tribo ay bihasang mga manghuhuli ng buwaya, ipinagbawal ng ibang tribo ang paghuli sa mga ito dahil sa mga relihiyosong kadahilanan.

Sa nakalipas na mga taon ang pagpaparami ng mga buwaya lakip ang pagdiriin sa kaalaman ang nakatulong sa pangangalaga sa mga buwaya. Dumadagsa ngayon ang mga turista sa mga alagaan ng buwaya, tinitiyak ang pagkita nito ng salapi, samantalang pinahihintulutan ng mga programa sa pagpaparami ang pagpoproseso ng balat at karne ng buwaya nang hindi naaapektuhan ang dami nito.

Isang kilalang Australianong nag-aalaga ng buwaya ang naniniwala na iniingatan lamang ng mga tao ang mga bagay na mahal nila, nauunawaan, at naglalaan sa mga ito ng lugar at panahon. Ganito ang komento niya: “Kaya ang mga buwaya ay hindi gaanong pinapansin. Subalit ang ekolohikal na kahalagahan nito ay katumbas ng anumang nauusong kasuutan.”

Ang pagdalaw sa isang alagaan ng buwaya ay nakatutuwa habang pinagmamasdan ng isa ang kulay latian na tila balat na mga reptilya sa malapitan​—subalit nasa likuran naman ang bakod na alambre para sa seguridad. Di-alintana ng mga nag-aalaga ang takot at lumalapit sa mga buwaya, hinihikayat ang mga ito na magpalabas at gagantimpalaan ang mga ito ng hilaw na mga manok at iba pang karne. Gayunman, isang nag-aalaga ang kamakailan ay natuto sa masaklap na paraan na hindi dapat ipagwalang-bahala ang buwaya. Sa di-inaasahan, biglang sumunggab ang reptilya sa kaniya at lubusang kinain ang kaniyang kaliwang braso!

Sa kabilang dako naman, ang pagkarga sa 12-buwang-gulang na buwaya ay totoong nakasisiya at talagang nakapagtuturo. Ang balat sa tiyan nito ay talagang napakalambot, samantalang ang mabutong suson sa likod nito na tinatawag na osteoderms ay bumubuo ng malakas na panlaban sa tubig. Ngayon ay nauunawaan kung bakit ang balat ng mga ito ay napakamahal. Subalit mag-ingat sa “paslit” na ito. Maging ang 12-buwang-gulang na buwaya na saradung-sarado ang mga panga nito ay malakas para sa laki nito.

Ang hindi pa napipisang maliliit na buwaya ay nagdudulot ng katuwaan sa mga manonood habang ang mga ito ay tila tumatahol sa loob ng kanilang itlog at biglang lalabas sa tulong ng pansamantalang ngipin sa dulo ng kanilang maliit na nguso. Sumasang-ayon ang karamihan na ito marahil ang tanging panahon kapag ang buwaya ay totoong nakatutuwang tingnan!

Pinalis ang Ilang Matagal nang Mitolohiya

Ang malapitang pagsusuri sa pag-uugali ng nakatatakot na mga reptilyang ito habang ang mga ito ay lumalaki sa ilalim ng pangangalaga sa mga alagaan ng buwaya ang tumulong upang mapalis ang ilang matatagal nang mitolohiya. Sa loob ng mga taon inakala na matiyagang sinusubaybayan ng buwaya ang sisilain nito sa loob ng mga araw, o mga linggo pa nga, bago ito susunggab nang di-inaasahan na parang kidlat sa bilis. Gayunman, isiniwalat ng pagsusuri sa kasalukuyan na ang mga buwaya ay basta agresibo sa lugar nito sa panahong nagpaparami ito, ang monsoon. Kung pumasok ang biktima nito sa panahong ito, may karahasang tutugisin ito ng buwaya, samantalang sa ibang panahon ng taon, maaaring panoorin lamang ng buwaya ang hayop ding iyon nang walang kagana-gana mula sa malayo.

Kapag namataan ngayon sa mga lugar ng libangan, ang mga buwaya ay inaalis at iniiba ng lugar ng mga dalubhasang nanghuhuli ng buwaya. Ang bahagi ng kanilang pamamaraan ay kawitan ang pinakadugtungan ng ibabang panga, itaas ito, at mabilis na itali ang itaas at ibabang panga nang magkasama. Ginagawa nitong totoong walang lakas ang panga ng buwaya, bagaman ang ibabang mga kalamnang nagsasara sa panga nito ay ubod lakas, ang nagbubukas na mga kalamnan ay mahina. Gayunman, kung ang nanghuhuli ay hindi maingat madali siyang maitumba ng napakalakas na buntot ng buwaya.

Hindi Naman Pawang Kalupitan at Karahasan

Ang mga panga ring iyon na nagdudulot ng malubhang pinsala ang may kakayahan din na gumawa nang may kabihasahan. Kung ang di pa naisisilang na mga buwaya ay papatay-patay sa paglabas mula sa mga itlog nito, dahan-dahang pagugulungin ng inang buwaya ang kaniyang mga itlog, pinasisigla ang mga maliliit na buwaya na kumilos.

Ang mga ngipin ng buwaya ay nilayon na sumakmal sa halip na pumutol. Kung maliit-liit, ang nasila ay nilululon nang buo. Kung hindi naman, pinagpipira-piraso ito at unti-unting kinakain. Isiniwalat ng mga autopsiya ng patay na mga reptilya ang mga bato sa mga tiyan nito. Kinain man ito nang sadya o hindi, ang mga bato ay ipinalalagay na nagsisilbing pinakatulakbahala.

Kalimitang nakikita ng mga bisita ang mga buwaya sa mga pampang ng ilog na bukang-buka ang mga panga nito. Malamang na ipalalagay ng karamihan na ang puwestong ito ay nagbabadya ng pagsalakay. Sa kabaligtaran, ang kalagayang nakabuka ang panga ay nagpapangyari rito na makibagay sa temperatura sa labas. Gaya ng lahat ng reptilya, ang mga buwaya ay patuloy na nagbabago ng temperatura ng kanilang katawan.

Talaga namang nakapagtataka, bagaman ito’y isang reptilya, ang buwaya ay may puso na may apat na chamber (apat na bahagi ng puso na dinadaluyan ng dugo), gaya ng isang mamal. Gayunman, kapag sumisisid ang isang buwaya, may pagbabagong nagaganap, at gumagana ang puso na gaya ng isa na may tatlong chamber.

Ang buwayang alat ay napapaiba mula sa isang kayman (alligator) dahil sa mas makitid na nguso at sa mga ngipin sa ibabang panga na nakikita kapag ang mga panga nito ay nakasara. Ang tunay na mga buwaya ay matatagpuan sa Aprika, kung saan nakatira ang mga dwarf crocodile, sa ibayo ng India, at pababa sa Asia tungo sa Papua New Guinea. Ang mga ito ay naninirahan sa kasinlayo sa katimugan ng Australia at mas ginugusto ng mga ito ang bakawan sa kahabaan ng baybayin at tropikal na latian, sapagkat ginagawa ng mga ito ang kanilang pinamumugaran na malapit sa tabi ng tubig. Ang likas na disbentaha nito ay na kalimitang nalulunod sa baha ang napakaraming bilig ng buwaya. Dahil may mga maninila, gaya ng adultong buwaya, isdang barramundi, at ang ibong nankeen, 50 porsiyento lamang ng mga kapipisa pa lamang na buwaya ang nakaliligtas sa unang taon.

Nakapagtataka naman, ang mga buwaya ay isinisilang na may sariling panustos na pagkain. Ang mga ito’y tinutustusan ng yolk sac sa loob ng kanilang mga katawan sa unang mga linggo ng buhay nito. Gayunman, sa sandaling maingat na kagatin ng ina ng mga ito at dalhin ang mga ito sa tabi ng tubig, sinisimulang ikilos ng mga ito ang mga nguso nito, sinasakmal ang anumang maabot nito.

Bakit angkop ang katagang ‘mga mata ng ilog’? Sapagkat kahit kapipisa pa lamang, ang maliliit na mata nito ay nagniningning na pula kapag nilente sa gabi. Ang mga suson ng kristal sa likuran ng retina ang nagpapatalas sa paningin kung gabi at nagpapangyari sa pulang liwanag.

Oo, ang buwaya ay tunay na nakapagtatakang reptilya​—subalit dapat na medyo layuan natin ang mga ito. At gaya ng alam ng sinumang mangingisda, walang kabuluhan ang pagpapaamo sa buwaya.

Ang tula ni Job ay angkop na naglalarawan sa buwaya bilang “Leviathan”: “Mahuhuli mo ba ang Leviathan ng isang bingwit, o mailalabas mo ang kaniyang dila ng isang panali? Makapaglalagay ka ba ng tali sa kaniyang ilong, o makabubutas sa kaniyang panga ng isang taga ng bingwit? Mamamanhik ba siya ng marami sa iyo, o magsasalita ba siya ng mga malumanay na salita sa iyo? Makikipagtipan ba siya sa iyo, upang ariin mo siyang alipin magpakailanman? Makikipaglaro ka ba sa kaniya na gaya ng isang ibon, o iyong tatalian ba siya para sa iyong mga dalaga? Makakalakal ba siya? Mababahagi ba siya nila sa mga mangangalakal? Mahihiwa mo ba ang kaniyang balat ng sundang na bakal, o ang kaniyang ulo ng panaksak ng isda? Ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya. Alalahanin mo ang pagbabaka. Huwag mo nang gawin itong muli.”​—Job 41:1-8.

Mga pantas na salita para sa pag-iingat, hinihimok ang mga walang-malay at mausisa: Mag-ingat sa ‘mga mata ng ilog’​—ang malakas, nakatatakot na buwaya!

[Picture Credit Line sa pahina 24]

Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations

[Larawan sa pahina 25]

Kapag inilawan ang tubig sa gabi, ang ‘mga mata ng ilog’ ng buwaya ay nagbabagang pula

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Koorana Crocodile Farm, Rockhampton, Queensland, Australia

[Mga larawan sa pahina 26]

Kaliwa: Isang maliit pang buwaya na biglang lumabas mula sa itlog

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Koorana Crocodile Farm, Rockhampton, Queensland, Australia

Nakasingit: Isang hustong gulang na buwaya na nagpapaaraw sa maputik na bambang ng Ilog Mary

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Relations

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share